Chapter 4

1606 Words
HUMINTO si Summer sa pagsunod kay Winter nang dumating na sila sa mansiyon ng pamilya ni Spring. Tumingala siya sa malaking bakal na gate at parang pelikula na nag-flash sa isipan niya ang mga ala-ala niya noong bata pa sila. Madalas kasi ay sa bahay nila Spring sila naglalaro nina Winter at Autumn dahil sa malaking pool ng mga ito. Noon, sabik na sabik siya kapag pupunta siya sa bahay nila Spring dahil bukod sa makakapaglaro sila, makikita pa niya ito. Pero ngayon, natatakot na siyang humakbang papasok dahil natatakot siyang masaktan sa mga makikita niya. “Ano’ng problema, Summer?” Bumaba ang tingin niya kay Winter na ilang hakbang ang layo sa kanya. Their ‘bunso’ looked good on his black suit. Imbis na sagutin ang tanong nito ay siya ang nagtanong dito nang bagay na bumabagabag sa kanya pagkatapos nilang mag-usap ni Autumn kanina. “Bakit gano’n, Winter? Kapag pag-ibig at pagkakaibigan ang pamimilian, laging 'yong pag-ibig ang pinipili ng mga tao kaysa sa pagkakaibigan?” Matagal bago ito nagsalita. “You don’t really choose between love and friendship, Summer. You simply learn what to prioritize first.” Kumunot ang noo niya. “Hindi ko maintindihan.” “True love will only come to you once, so you have to grab it the moment it knocks on your door. So naturally, nagiging priority ang pag-ibig kaysa sa pagkakaibigan.” “Ang daya. Masyadong dehado ang pagkakaibigan kapag usaping pag-ibig na.” “Tama ka. When love fails, friendship still comes and saves the day. Pero iyon naman ang batas ng mundo. The strong protects the weak.” Natawa siya ng mahina. “Sinasabi mo bang mahina ang pag-ibig kaysa pagkakaibigan?” Tumango ito. “The strongest foundation of any relationship is friendship. Love without friendship crumbles easily.” Napangiti siya. “Ang daldal mo ngayon, Winter.” Nilahad nito ang kamay sa kanya. “You made me talk a lot. Masaya ka na?” Natatawang inabot niya ang kamay niya rito. “Nawala na 'yong kaba ko.” Nakaabistre siya kay Winter nang pumasok sila sa loob ng mansiyon. Sa hardin pa lang ay puno na ng mga bisita. Ang malaking pool ay napapaligiran ngayon ng iba’t ibang makukulay na floating candle at talulot ng mga rosas. Nagpa-cater ang pamilya kaya may mga waiter na umaasikaso sa mga naroon. Nakita nila ang mga magulang ni Winter na kausap ang mga magulang niya. Binati nila ni Winter ang kanya-kanya nilang mga magulang. Nakaramdam siya ng kalungkutan. Kapag may ganoong okasyon noon ay naroon din ang mga magulang nina Spring at Autumn. Pero hindi dumalo ngayon si Tito Teodoro. “Winter! Summer!” Sabay silang napalingon ni Winter kay Tita Sophia na sopistikadang tingnan sa suot nitong bestida. Kumpara sa estado nito limang taon na ang nakararaan simula nang iwan ito ni Tito Ricky, mukhang masaya na ito. Humalik si Winter sa pisngi ni Tita Sophia bilang pagbati, at gano’n din siya. “I missed you so much, hija,” masayang bulalas ni Tita Sophia habang hinahaplos ang pisngi niya. “Come with me. May gusto sana akong sabihin sa’yo.” Nilingon niya ang mga magulang niya at ang mga magulang ni Winter at nagpaalam siya sa mga ito. Dinala siya ni Tita Sophia sa bar counter sa loob ng mansiyon kung saan kakaunti lang ang bisita. “Tita, nasaan ho si Spring?” nagtatakang tanong niya habang sinasalinan siya ng alak sa baso ni Tita Sophia. Para kay Spring ang welcome party na iyon pero hindi niya nakikita ang binata. “Umalis siya kanina, ang sabi niya ay babalik din agad siya.” Iwinasiwas nito ang kamay nito. “Anyway, hija. May gusto sana akong itanong sa’yo.” “Ano ho 'yon?” “May namamagitan ba sa inyo ni Winter?” Napangiti siya. “Wala ho, Tita. Bakit niyo naman naitanong?” “Napansin ko kasi na naging mas malapit kayo ni Winter sa isa’t isa nitong lumipas na mga taon. Alam kong mabuting bata 'yang si Winter... but I don’t want him for you.” Kumunot ang noo niya. “Hindi ko maintindihan, Tita.” “I’ll be honest, Summer.” Hinawakan nito ang kamay niya. “Gusto kong magkabalikan kayo ng anak ko.” Nanlaki ang mga mata niya. “Pero Tita...” “Summer, hindi naman imposibleng mangyari 'yon, hindi ba? Dati kayong magkasintahan ng anak ko. Ngayong mapipirmi na uli si Spring sa Pilipinas, malaki ang chance na magkakasama kayo ng madalas. It won’t be impossible for you to fall in love with each other again,” pangungumbinsi nito sa kanya. Naguguluhan siya sa nangyayari. Alam niyang noon pa man ay malapit na ang loob ni Tita Sophia sa kanya, pero ngayon lang ito nanghimasok sa personal niyang buhay. “Bakit niyo ho sinasabi sa’kin 'to, Tita?” Naging seryoso ito. “I know Spring’s only twenty five. Pero sa tingin ko, dapat na niyang seryosohin ang pakikipagrelasyon niya sa mga babae. At hindi ako papayag na kung sino lang ang maging girlfriend ng anak ko. I want you for my son, Summer. Magaang ang loob ko sa’yo at parang anak na ang turing ko sa’yo.” Halo-halo ang nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. Masaya siya sa mga sinasabi ni Tita Sophia, pero sa kabilang banda ay kinakabahan siya para kina Spring at Autumn. May pakiramdam siya na alam na ni Tita Sophia ang tungkol sa relasyon ng dalawa. “Kay Autumn binubuhos ni Mommy ang galit niya sa ginawa ni Tita Aurora. Kapag nalaman niya ang tungkol sa relasyon namin ni Autumn, tiyak na magwawala siya.” Naalala niya ang sinabing iyon ni Spring no’ng nakaraan. Napansin naman niyang pagkatapos ng ginawa nina Tita Aurora at Tito Ricky, nawalan na ng amor si Tita Sophia kay Autumn. Marahil ay dahil anak si Autumn nang babaeng umagaw sa asawa ng ginang. At kung malalaman ni Tita Sophia ngayon ang tungkol sa relasyon nina Spring at Autumn, siguradong magkakagulo. “Mommy, nandito ka pala.” Nakahinga siya ng maluwag nang marinig ang boses ni Spring. At least, makakatakas na siya sa pang-iintriga ni Tita Sophia. Pero hindi rin pala gano’n kaganda ang sitwasyon dahil kasama ni Spring si Autumn. “Good evening, Tita Sophia,” magalang na bati ni Autumn sa ginang. Tinanggap ni Tita Sophia ang pakikipag-beso-beso ni Autumn pero mahahalata naman sa mukha ng una na hindi ito masaya. Dumako ang tingin ng ginang sa anak nito. “Spring, sinundo mo ba si Autumn kaya ka umalis sa party mo?” Kumunot ang noo ni Spring, halatang hindi nagustuhan ang lantarang hindi pagpansin ng ina nito kay Autumn. “Well, yes. Apparently, you forgot to invite Autumn to my welcome party, Mommy.” “Wala akong nakalimutan. Inimbita ko lang ang mga gusto kong nandito sa party mo,” malamig na sabi ni Tita Sophia. “This is my party,” halatang galit nang sabi ni Spring. “Hindi naman siguro masama kung dadalhin ko rito kung sino ang gusto kong nandito. And Autumn will stay. Alam mo naman na, 'di ba, Mommy? Autumn and I love each other.” Hinawakan ni Autumn sa braso si Spring para marahil kalmahin ang huli. “Spring.” Si Summer naman ay marahang hinagod sa likod si Tita Sophia na halatang nagulat dahil sa pagsagot ni Spring dito. “Tita, tama na po.” “No!” sigaw ni Tita Sophia. “Hindi ko matatanggap ang pakikipagrelasyon mo sa babaeng 'yan! Ano bang naiisip mo, Spring? Anak siya ng babaeng umagaw sa daddy mo!” “Mommy,” saway ni Spring dito. “Gaya ko, hindi ginusto ni Autumn ang nangyari. 'Wag mo sa kanya ibuntong ang galit niyo para kay Tita Aurora!” “'Wag na 'wag mo kong pagtataasan ng boses, Spring! I’m still your mother!” Nawalan ng imik si Spring. Halatang marami pa itong gustong sabihin pero nang yumakap dito si Autumn habang umiiyak ay tumigil na ito at inalo na lang ang dalaga. Si Tita Sophia naman ay habol na ang hininga, halatang masamang-masama ang loob. Hindi na alam ni Summer ang gagawin niya. Mabuti na lang at dumating na rin sina Tita Teresa na ina ni Winter at ang Mommy Susie niya. “Tama na 'yan, Sophia,” saway ni Tita Teresa rito. “Naririnig ka ng mga bisita. 'Wag ka nang mag-eskandalo.” Nilingon si Summer ng mommy niya. “Sige na, mga bata. Pauwiin niyo na ang mga bisita. I guess the party is over.” “Yes, Tita,” wala sa loob na sagot ni Spring. Inakay nina Tita Teresa at ng mommy niya si Tita Sophia paakyat sa ikalawang palapag, papunta marahil sa silid ng huli. Dumating na rin si Tito Willy na ama ni Winter. Tumulong ito sa paghingi nila ng pasensiya sa mga bisita at sa pagpapauwi sa mga ito. Samantalang si Spring ay hindi na humiwalay kay Autumn. Nakayakap si Autumn kay Spring habang umiiyak. Pakiramdam ni Summer ay umiikot ang paningin niya. Ang bilis ng mga pangyayari. Masama ang pakiramdam niya habang pinapanood si Spring na asikasuhin si Autumn. Ngayon niya lang nakita ang binata na mag-alala ng gano’n. He was never like that with her. “Summer, ano’ng problema?” Hindi siya sumagot. Hindi niya alam kung paano sasabihin kay Winter na hindi niya nagawang labanan ang anumang negatibong damdamin na kumakain sa kanya ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD