Chapter 11

1778 Words
NAKAUPO si Summer sa manipis na buhangin sa tabing-dagat habang kausap si Winter sa cell phone. Presko kasi ang hangin do’n at do’n lang siya sa nakahanap ng signal. May kalaliman na ang gabi, pero hindi niya magawang bumalik sa beach house dahil wala siyang mukhang maiharap kay Spring pagkatapos siya nitong tanggihan. Pero hindi pa siya sumusuko. Kumbaga ba sa baterya, nag-re-recharge lang siya. “Bakit hindi ka pa nagpapahinga?” tanong ni Winter. Nahimigan niya ang pag-aalala sa boses nito. Kunsabagay, alas-onse na ng gabi. Bumuntong-hininga lang siya. “Hindi pa ko makatulog. Kumusta si Autumn? Nagalit ba siya?” “Oo.” Nakonsensiya siya at nasaktan para sa kaibigan, lalo na’t siya ang may gawa niyon. “Nagwala ba siya? Sumigaw? Umiyak?” Hindi sumagot si Winter. Alam niyang may itinatago ito sa kanya. “Winter.” Narinig niya itong bumuga ng hangin. “Sinampal niya ko.” Napasinghap siya. Nag-alala siya para kay Winter dahil ang ayaw nito sa lahat ay sinasaktan. “Hindi mo naman siguro sinungitan si Autumn dahil lang nasaktan ka niya, 'di ba?” paniniguro niya. Gano’n kasi ito kapag nasasaktan ng pisikal. “Of course not,” mabilis na kontra nito. “Hindi ko magagawa 'yon sa kaibigan ko.” Nakahinga siya ng maluwag, pero lalo siyang nakonsensiya. “Winter, sorry, ha? Dahil sa’kin, nadamay ka. Nagalit pa tuloy si Autumn sa’yo.” “Hindi mo magagawa 'to kung hindi kita kinunsinti. I’m as guilty as you are.” Natawa siya ng mahina. “Hanggang ngayon, partners in crime pa rin tayo.” Napabuntong-hininga siya. Ngayong napaalala na niya sa sarili niya kung gaano kalaki ang sinakripisyo ni Winter para sa kapritsuhan niya, na-recharge na uli ang determinasyon niyang makumbinsi si Spring sa gusto niyang mangyari. “Bunso, gabi na masyado. Magpahinga ka na. Saka kung namamaga pa rin ang pisngi mo, lagyan mo ng cold compress. Huwag ka rin magpupuya –” He hanged up on her. Natawa na lang siya nang marinig niya ang busy tone sa kabilang linya. Ang dali talagang mapikon ni Winter kapag tinatawag niya itong ‘bunso’. Pero iyon naman ang paraan niya ng paglalambing dito. Tumayo na siya bitbit ang sandals niya. Mas masarap kasing maglakad sa buhangin ng nakaapak. Pero natigilan siya nang makita si Spring na nakasandal sa puno ng niyog na tila ba hinihintay siya. “Spring…” Ngumiti ito ng tipid. Tiningnan siya nito ng diretso sa mga mata. “Bakit, Summer? Bakit gusto mong magpanggap tayo na tayo sa loob ng isang araw?” “Dahil ayoko nang magsisi na mabilis kitang binitawan noon.” “Hindi ko maintindihan.” “Naalala mo 'yong sinabi mo no’ng maghiwalay tayo?” Ibinuka niya ang mga kamay niya. “Ang sabi mo, sampung minuto lang ang tinagal ng pag-uusap natin bago tayo magdesisyon na tapusin na ang relasyon natin.” Marahang tumango ito. “Sa pagkakatanda ko, pareho nating desisyon ang paghihiwalay.” Tumango siya. “Tama ka.” Bumaba ang mga kamay niya sa magkabilang-gilid niya. “Pero pagkatapos no’n, pinagsisihan ko agad 'yong naging desisyon ko. Hindi kita dapat pinakawalan agad. At ngayon, iniisip ko kung ano ang nangyari kung hindi ako pumayag makipaghiwalay sa’yo.” Dumaan ang sakit sa mukha nito na para bang nahihirapan itong makita siyang nagkakagano’n. “You haven’t moved on yet.” “Hindi ako sigurado. Okay naman ako no’ng wala ka. Pero nang makita ko kayo ni Autumn na ginagawa ang mga hindi natin nagawa noon, naiinis at naiinggit ako. Ang daming kulang sa relasyon natin noon.” Matagal bago ito sumagot. “Marami ba kong naging pagkukulang sa’yo?” Natawa siya ng mahina. “Oo.” “Kung mababawi ko 'yon sa loob ng isang araw, sapat na 'yon sa’yo, hindi ba?” Napasinghap siya. “Kung gano’n...” “Isang araw lang, Summer. Pero pagkatapos nito, hindi ko alam kung ano’ng mangyayari sa pagkakaibigan natin,” seryosong sabi nito. Matagal na siyang naging handa sa maaaring epekto niyon sa pagkakaibigan nila. Pero sa ngayon, isa lang ang mahalaga sa kanya. “Alam ko, Spring. Alam ko.” NAGISING si Summer sa malakas na pag-iingay ng cell phone niya. Napaungol siya nang makitang nag-alarm iyon gayong mag-a-ala singko pa lang ng umaga. Hindi niya matandaang s-i-n-et niya iyon para mag-alarm, pero natatandaan niyang hiniram ni Spring ang cell phone niya kagabi bago sila matulog sa magkahiwalay na kuwarto. Napabalikwas siya ng bangon. “Spring...” Walang Spring na sumalubong sa kanya, pero may isang tangkay naman ng pulang rosas sa bedside table niya na may kasama pang note. Bumilis ang t***k ng puso niya dala ng matinding pagkasabik. Nanginginig ang amg kamay niya habang binabasa ang sulat na kalakip ng bulaklak. “Let’s watch the sunrise together, Summer.” Napangiti siya. Aaminin niya, kinilig siya kahit pa sabihing simple at cliche ang ginawang sorpresa na iyon ni Spring. Kung gano’n ang bubungad sa kanya araw-araw, hindi na siguro siya mahihirapang gumising. Naghilamos muna siya at sinigurong maayos at mabango na siya bago lumabas. Sinusuot niya ang jacket niya dahil malamig pa nang matanaw na niya sa hindi kalayuan si Spring. Nakatalikod ito mula sa kanya habang nakaupo sa manipis na kumot. Ang harap ng beach house na tinutuluyan nila ay ang tabing-dagat na. May mga puno ng niyog sa paligid pero hindi naman niyon natatakpan ang view, kaya nakita niya agad ang binata. Nilingon siya ni Spring nang marahil ay maramdaman nito ang presensiya niya. Ngumiti ito, kahit hindi iyon umabot sa mga mata nito. “Good morning, Summer.” Tinapik nito ang espasyo sa tabi nito. “Join me. Mayamaya lang, sisikat na ang araw.’ Ngumiti siya at umupo sa tabi nito. Pero kahit katabi na niya ito, hindi pa rin nabawasan ang lamig sa paligid. “Ang aga mong gumising, ha?” Nagkibit-balikat ito. “I have to, para mapanood natin ang sunrise.” May kinuha ito mula sa gilid nito. Inabot nito sa kanya ang isang mug ng kape. “Here. Para hindi ka lamigin.” Tinanggap niya ang kape. Tahimik na hinintay nila ang pagsikat ng araw. Pero ang tahimik na paghihintay na iyon ay hindi komportable. “Spring, naaalala mo pa ba no’ng inaya kitang manood ng sunset, pero nakalimutan mo 'yon dahil nag-basketball ka kasama ng mga kabarkada mo?” pagbasag niya sa katahimikan. Ngumiti ito ng alanganin. “Hindi na masyado.” Medyo nasaktan siya ro’n, pero hindi niya iyon pinahalata. Humigop muna siya ng kape bago muling nagsalita. “Ang totoo niyan, umiyak ako no’n dahil nakalimutan mo ang date natin. Pero hindi kita sinita, at hindi ko pinakita sa’yo na nagalit ako.” “Bakit?” kunot-noong tanong ni Spring. “You should have at least punched me. Hindi mo dapat pinalagpas iyon.” Tumango siya. “Tama ka. Hindi ko dapat pinalagpas 'yon. Pero kasi, natakot ako na baka kapag inaway kita, gawin mo 'yong dahilan para tapusin ang relasyon natin. Medyo rocky na ang relasyon natin no’n, at ramdam kong malapit ka nang bumitiw, kaya ayokong bigyan ka ng dahilan para gawin 'yon.” “Kaya pinagtiisan mo ang lahat ng pagkukulang ko?” Ngumiti siya ng malungkot. “Akala ko, nililigtas ko ang relasyon natin. Ang hindi ko alam, tino-torture ko lang ang sarili ko, at tinutulak kita palayo sa’kin.” “I have taken you for granted,” nagsisising sabi ni Spring. Hindi na siya sumagot dahil unti-unti nang sumisikat ang araw. At habang nagliliwanag ang kapaligiran, kasabay ng pagkislap ng dagat sa pagtama ng sinag ng araw do’n, isa-isa ring naging malinaw sa kanya ang naging dahilan ng paghihiwalay nila ni Spring noon. Nakakahinayang. “Na-disappoint mo na ba si Autumn?” tanong niya. Narinig niyang ngumisi si Spring. Nang lingunin niya ito, nakita niya itong nakangiti habang nakatingin sa kalangitan. Siguro, nakikita nito ang mukha ni Autumn sa mga ulap kaya gano’n na lang kaganda ang ngiti nito. “Oo,” sagot ni Spring. “No’ng nasa Paris kami, nakalimutan ko ang first date namin dahil dina-dramahan ako ni Mommy sa phone no’n at kinukumbinsing umuwi na. Naalala ko lang 'yon pag-uwi ko ng bahay at wala pa siya. Tumakbo agad ako papunta sa restaurant kung saan dapat kami magkikita. Nando’n pa rin siya, pero mahigit apat na oras na kong late no’n.” Labag man sa kalooban niya, naging interesado siya sa kuwento nito. “Ano’ng ginawa ni Autumn nang makita ka niya?” “Wala. Tiningnan niya lang ako,” tila naaaliw na pagpapatuloy ni Spring. “At buong biyahe pauwi, hindi niya ko kinausap. I didn’t hear a word from her. Nabaliw ako sa sobrang katahimikan niya, kaya ginawa ko ang lahat para pagsalitain siya. Inaway ko siya, kinulit at sinumbatan. Pero hindi pa rin siya natinag. Then, at that moment, I realized I couldn’t stand her not talking to me. Kaya ang ginawa ko, lumuhod ako sa harap niya at nangako na kahit kailan, hinding-hindi na ko ma-le-late sa kahit anong usapan namin.” May kung ano’ng kumurot sa puso niya. Si Spring na napakatayog ng pride, lumuhod sa harap ni Autumn? Kung hindi pa iyon pagmamahal, hindi na niya alam kung ano 'yon. “Pinatawad ka ba ni Autumn no’n?” “Hindi.” Kumunot ang noo niya. “Kung gano’n, ano’ng ginawa mo?” Tumawa ito ng mahina, pero puno naman ng buhay. “Dinala ko siya sa Eiffel Tower...” Unti-unti itong natigilan at nilingon siya. Bakas ang pagsisisi sa mukha nito na para bang no’n lang nito naisip ang ginagawa nito. “I’m sorry, Summer. Hindi ko sinasadyang mapakuwento tungkol sa relasyon namin ni Autu –” Itinaas niya ang isang kamay niya para patigilin ito sa pagsasalita. “Okay lang, Spring. Ako naman ang nagtanong.” Bumuntong-hininga ito, saka umiling-iling. “Let’s just talk about you. Kumusta ang trabaho mo ngayon? I heard from Winter na malapit ka na raw ma-promote.” Tumango siya at nagkuwento kay Spring tungkol sa career niya. Pero wala na sa usapang iyon ang isip at puso niya. No’n niya naisip na hinanapan pala niya ng panibagong sakit sa puso ang sarili niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD