Chapter 10

784 Words
“BUKAS ng gabi pa sila susunod dito? Bakit, Summer?” kunot-noong tanong ni Spring. Sinundan siya nito sa veranda. Itinago ni Summer ang nanginginig niyang mga kamay sa mga likuran niya. Presko ang hangin na nagmumula sa dagat, pero pakiramdam niya, yelo iyon na humihiwa sa balat niya ng mga sandaling iyon. Sa kawalan ng mga bituin sa madilim na kalangitan, para bang nagbabadya iyon na mali ang gagawin niya. Sa totoo lang, hindi niya alam kung paano niya sasabihin kay Spring ang lahat, pero kailangan niyang gawin iyon. Malaki na ang sinakripisyo ni Winter kaya hindi puwedeng ngayon pa siya umatras. “Dahil nakiusap ako kay Winter na i-delay ng isang araw ang pagdadala niya kay Autumn dito,” pag-amin niya. Gumuhit ang matinding gulat sa mukha ni Spring pero hindi ito nagsalita kaya nagpatuloy siya. “May time machine na nagbalik sa’tin sa panahon kung kailan tayo pa.” Kumunot ang noo ni Spring. “Hindi ko maintindihan.” “Kahit isang araw lang, gusto ko uli maranasan na maging tayo.” Mula sa labi na pagkagulat ay gumuhit naman ang pagkalito sa mukha ni Spring. “Summer... do you still feel something for me?” “Hindi ko alam,” pag-amin niya. “Pero nasasaktan ako kapag magkasama kayo ni Autumn. Hindi ko alam kung dahil ba 'yon sa mahal pa kita o dahil naiinggit lang ako.” “Naiinggit?” Tumango siya. “Autumn has you at your best, Spring. I had you at your worst. Kapag nakikita kong ginagawa mo kay Autumn 'yong mga bagay na hindi natin nagawa, nasasaktan at naiinggit ako. Kapag nakikita ko kung gaano kalaki na ang pinagbago mo mula sa Spring na isip-bata at insensitive, nanghihinayang ako. Hindi ko maiwasang isipin na paano kaya kung 'yong Spring na naging akin ay 'yong Spring ngayon?” Nag-iwas ito ng tingin sa kanya. Namaywang ito at bumuga ng hangin. “Summer. Ayokong makita kang nagkakaganyan. It’s so unlike you to act that way.” Umiling siya. Sumakit ang lalamunan niya sa pagpipigil umiyak. “Pakiramdam ko, nadaya ako dahil hindi ko naranasan 'yong pagmamahal na pinaparanas mo kay Autumn ngayon. Pakiramdam ko, ginawa mo lang stepping stone ang relasyon natin noon at lahat ng natutunan mo sa pagkakamali natin, ginagamit mong guideline ngayon para maging maayos kayo ni Autumn. Hindi ko matanggap 'yon.” Hinarap siya ni Spring. Puno na ng frustration ang mukha nito. “Hindi rin patas na ikompara mo ang sarili mo kay Autumn, o ang naging relasyon natin sa relasyon namin ngayon.” Nasaktan siya dahil sa sinabi nito. Mapait na ngumiti siya. “Sabagay, tama ka. I wasn’t able to bring the best out of you because I’m not her. Because I wasn’t enough to make you happy then.” Nilapitan siya ni Spring at hinawakan sa magkabilang-balikat. Puno ng pag-alala ang mukha nito. “Hindi totoo 'yan, Summer. I was happy with you then.” “Bakit hindi ko naramdaman 'yon?” tanong niya sa basag na boses. “Kapag inaalala ko 'yong nakaraan natin, wala akong ibang nakikita kundi 'yong malungkot mong mukha. And it kept me wondering... napasaya ba talaga kita?” “Summe –” “Isang araw lang, Spring,” pakiusap niya rito sa desperadang boses. “Ayokong dumating 'yong araw na pareho tayong may pagsisihan sa naging relasyon natin. Gusto ko, ngayon pa lang, bago kayo maikasal ni Autumn, mawala na ang lahat ng panghihinayang ko.” Matamang pinagmasdan siya ni Spring na tila ba sinusuri ang mukha niya. There was a pained look in his eyes as he did so. “I was hurting you all along. Ang akala ko, pareho na tayong naka-move on. Kung alam ko lang na may nararamdaman ka para sa’kin, hindi na sana kita nilapitan at hiningan ng tulong. I’m sorry, Summer.” Umiling siya. “'Yan ang huling bagay na gusto kong marinig mula sa’yo, Spring.” Bumuntong-hininga si Spring na tila ba nahihirapan na sa sitwasyon nila. Then, with one last pained look, he silently walked away from her. Tuluyan nang bumigay ang mga tuhod niya. Napaupo siya sa sahig dahil sa bigat ng kalooban niya. She just probably ruined her friendship with Spring. Mali yata si Winter nang sabihin nito na hindi “pinagpipilian” ang pag-ibig at pagkakaibigan kundi “pina-prioritize” lang, dahil kahit sabihin mong uunahin mo lang isang pagpipilian, hindi pa rin mababago niyon na mawawala sa’yo ang isa. Inuna nga niya ang nararamdaman niya para kay Spring, pero binitawan din niya ang pagkakaibigan nila. At ngayon, parehong nawala sa kanya ang dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD