MAY NARARAMDAMAN si Summer na malamig na bagay sa noo niya. Nababawasan niyon ang sama ng pakiramdam niya. Something cool and gentle touched her face, and it seemed to quench the fire burning up inside her.
Unti-unti na niyang minulat ang mga mata niya. Isang tumbok ng itim na itim na buhok ang sumalubong sa kanya. Sigurado siyang hindi si Spring iyon.
Winter.
Dumating na siguro ito at si Autumn kagabi pagkatapos niyang mawalan ng malay. Nawalan siya ng malay pagkatapos niyang halikan si Spring...
Napabalikwas siya ng bangon. Pero may pumigil sa iba pa niyang pagkilos. No’n niya lang napansin na hawak pala ni Winter ang kamay niya. Ng mahigpit. Niyugyog niya ang balikat nito gamit ang libre niyang kamay.
“Winter, gising na,” sabi niya rito.
Mabilis itong tumingala sa kanya. Mukhang nakahinga ito ng maluwag nang makita siyang gising na. “How are you feeling, Summer?”
“Okay na.”
Sinalat nito ang noo niya. “Wala ka nang lagnat. Mabuti naman.”
“Ano’ng nangyari?”
Mula sa maliit na silya na inuupuan nito ay lumipat ito sa gilid ng kama, sa tabi niya. “Inaapoy ka ng lagnat kagabi. Nang dumating kami ni Autumn sa resort, nakita ka naming buhat-buhat ni Spring. He said you fained due to high fever. Dadalhin ka na sana namin sa ospital, pero bumaba naman ang lagnat mo.”
Hinintay niyang may idugtong pa si Winter sa sinabi nito, pero nanatili na itong tahimik. Kung gano’n pala ay walang nabanggit si Spring sa ginawa niyang paghalik sa huli. Hindi rin niya alam kung bakit nagawa niya ang bagay na iyon.
Maluwag naman na sa dibdib niya ang pagpapalaya kay Spring, kaya hindi niya maintindihan kung bakit niya ito hinalikan. Dahil ba sa lagnat niya kaya pansamantala siyang nawala sa tamang pag-iisip?
Bumaba ang tingin niya sa nakahawak pa ring kamay ni Winter sa kamay niya. “W-wala bang nasabi si Spring sa nangyari kagabi?”
“May dapat ba kaming malaman?” nagdududang tanong ni Winter. Kahit kailan talaga, ang talas nito.
Nilingon niya si Winter. Imbis na sagutin ay may napansin siya rito. He looked wasted. May itim sa ilalim ng mga mata nito, magulo ang buhok nito at mukhang pagod ito. Kumunot ang noo niya. “Binantayan mo ba ko buong magdamag bago ka nakaidlip?”
Tumango ito. “Baka kasi bigla uli tumaas ang lagnat mo.”
Bumuga siya ng hangin. Knowing Winter, siguradong hindi na ito umalis sa tabi niya simula nang dumating ito. Umusod siya at tinapik ang espasyo sa tabi niya. “Matulog ka rito para mabawi mo ang lakas mo.”
Umiling ito. “Ikaw ang kailangan magpahinga. Babantayan kita.”
She was touched. Ngayon niya lang napapansin na masyado na siyang nagiging spoiled kay Winter dahil bine-baby siya nito. Pero na-miss niya ang pag-aasikaso nito sa kanya. Niyakap niya ito ng mahigpit. “I missed you, Winter.”
Marahan nitong hinagod ang likod niya. “Masama ba ang trato sa’yo ni Spring?”
Umiling siya. Naging mabuti naman si Spring sa kanya sa kabila ng pagiging makasarili niya, pero puro si Autumn pa rin ang nasa isip nito. Hindi gaya ni Winter na ni minsan ay hindi pinaramdam sa kanya na pangalawa lang siya sa kung sino. Pero inalis niya agad iyon sa isip niya. Ni hindi niya alam kung bakit pinagkokompara niya sina Spring at Winter.
“Winter, tinapos ko na ang lahat.”
Naramdaman niyang mas humigpit ang pagkakayakap nito sa kanya. “Talaga?”
Tumango siya. “Ubos na ang lahat ng “thank you”, “sorry” at “good-bye” ko sa relasyon namin. Tuluyan na kong makakapag-move on.”
“Then, that’s good.”
Kumalas siya sa pagyakap dito para makita niya ang mukha nito. “Hindi ko alam kung paano sila haharapin.”
Kinulong nito ang mukha niya sa mga kamay nito at gaya ng madalas nitong gawin, pinipi nito ang mga pisngi niya hanggang tumulis ang nguso niya. Hindi ito ngumiti pero nangislap naman ang mga mata nito. “Magiging maayos din ang lahat, Summer.”
Napangiti siya kahit mahirap iyon dahil sa ginagawa nito sa mukha niya. Si Winter lang ang puwedeng magsabi sa kanya na “magiging maayos din ang lahat” na paniniwalaan niya ng buong puso. May kung ano kasi sa mga mata nito na nangangako sa kanya na walang masamang mangyayari sa kanya.