Five years after
NAKANGITI si Summer habang nakatingin kay Winter na nakahalukipkip at nakasandal sa kitchen counter ng kusina niya. Ikiniling nito ang ulo sa kanan at tinaasan siya ng kilay.
“What?” untag ni Winter sa kanya.
Umiling siya. “Masaya lang ako dahil pumayag ka sa plano ko.”
“Sigurado ka ba rito?”
Tumayo siya at ipinalupot ang braso niya sa baywang nito. “Minsan lang 'to. Pagbigyan mo na ko,” paglalambing niya rito.
Inakbayan siya nito. “May sinabi ba kong tumututol ako?”
Nakangising umiling siya. “Salamat, bunso.”
“Summer, buwan lang ang tanda niyo sa’kin,” paghihimutok ni Winter.
Tiningala niya ito. Nakasimangot ito. Simula noon ay ayaw na ayaw na nito kapag tinatawag nila itong “bunso” nina Spring at Autumn. Pero hindi nila maiwasan iyon. Mas matanda sila rito. Si Spring ang pinakamatanda sa kanila na ipinanganak ng January, May naman siya, August si Autumn, at si Winter ay December.
“Mas matanda ako sa’yo ng pitong buwan,” pang-aasar niya kay Winter. “Kapag ni-round off mo, isang taon na 'yon. Bunso pa rin kita.”
Lalo itong sumimangot. “Hindi na ko bata, Summer.”
Tinitigan niya si Winter. Tama ito. Hindi na ito bata. Noon pa man ay matangkad na ito, pero ngayon ay lalo itong humaba at naging mas solido ang katawan. He was probably way over six feet, with a lean and well-built body worth displaying in billboards along Edsa. Don’t even start with his face, because she would probably be short with adjectives to describe how handsome he was, and how gorgeous his dark eyes were.
Pero ang pinakahinahangaan niya kay Winter ay ang pagma-mature nito sa nakalipas na limang taon. Kahit hindi ito nagsasalita ng lagpas sa sampung salita sa isang sentence, hindi naman ito nawala sa tabi niya kahit minsan. Hindi iyon kaya ng isang bata.
“Mali ako,” pag-amin niya. “Hindi ka na bata. You’re now a grown-up man. I’m so proud of you. I love you, Winter.”
“Yeah, yeah. I love you, too,” naiiling na sagot nito.
Ngumiti lang siya. “Darating pa kaya sina Spring at Autumn?” Pinaalam nila sa dalawa ang tungkol sa “kasal” nila ni Winter sa pamamagitan ng email. “Ang sabi nila, uuwi sila ngayon. Pero ang tagal nila.”
“Sana.”
Natahimik siya. Sa limang taon na lumipas, madalas pa rin naman silang apat na nagkakausap-usap. Minsan o dalawang beses sa isang taon ay nagkikita-kita sila at nagbabakasyon ng ilang araw ng magkakasama. Bumalik sa Pilipinas sina Spring at Tita Sophia dalawang taon na ang nakakalipas.
Pero nitong nakaraang taon, bigla na lang silang nawalan ni Winter ng komunikasyon kina Spring at Autumn. Ang huling balita niya sa mga ito ay ang pag-alis ng dalawa papuntang Parispara makasama sina Tita Aurora at Tito Ricky. Marahil ay hiniling ngayon ng kanya-kanyang magulang nina Spring at Autumn ang makasama ang mga ito.
“Hindi pa rin tama na hindi tayo binalitaan nina Spring at Autumn,” naiinis na reklamo niya. “I mean, no’ng unang tatlong buwan, tumatawag pa sila sa’tin to assure that everything’s fine. But then, bigla na lang hindi natin sila ma-contact. I miss them so much.”
Bumuntong-hininga si Winter, pagkatapos ay kinulong ang mukha niya sa mga kamay nito gaya ng madalas nitong gawin. Wala itong sinabi pero sapat na ang ginawa nito para kumalma siya. That was his magic.
“Woah. Are you two really getting married?”
Marahas na nilingon ni Summer ang pinanggalingan ng pamilyar na boses na iyon na hindi niya maipagkakamali sa ibang tao. Napangiti siya nang makita ang guwapong lalaki na nakatayo sa tabi ng pinto. “Spring!”
At napakagandang sorpresa nang mula sa likuran ni Spring ay sumilip naman ang maganda at maamong mukha ni Autumn. “Congratulations to you, Summer and Winter.”
Napahikbi na siya sa sobrang saya na makita ang dalawang kaibigan. Na-miss niya ang mga ito. “Autumn. Mabuti naman at nagpakita na kayo sa wakas!”
“Hindi naman palalagpasin ang kasal niyo ni Winter 'no?” sagot ni Autumn.
Natawa siya. Hinawakan niya sa braso si Winter at hinila ito habang palapit sila kina Autumn at Spring. Pero unti-unting nawala ang ngiti niya nang akbayan ni Spring si Autumn. Hindi pa naging gano’n ka-touchy si Spring kay Autumn kaya kinutuban agad siya ng masama.
“It’s good that you end up together. Mag-double wedding na tayo,” nakangising sabi ni Spring, saka hinalikan sa sentido si Autumn. “'Di ba, Autumn?”
Tuluyan nang nawala ang ngiti niya, kasabay ng panlalamig ng buong katawan niya na dahilan ng paninigas niya. In an instant, Winter was behind her, holding her shoulders tightly na para bang naramdaman nito ang pagiging balisa niya.
Pilit na tumawa siya. Hindi puwedeng totoo ang lahat ng iyon. “Hindi niyo kami maloloko. Alam naming April Fool’s Day ngayon.”
Kumunot ang noo ni Spring, pagkatapos ay umungol ito. “Damn! Pinauwi niyo lang pala kami, kung gano’n?”
Hindi siya nakasagot. Hinihintay niyang sumigaw na lang ng “Happy April Fool’s” sina Spring at Autumn, pero hindi nangyari 'yon. Unti-unti nang nanikip ang dibdib niya.
“Are you two really together now?” tanong naman ni Winter kina Spring at Autumn.
Sabay na nakangiting tumango sina Spring at Autumn. “Yes.”
IN-ORGANISA ni Summer ang prank na iyon para sa April Fool’s Day kahit hindi naman iyon masyadong sine-celebrate sa Pilipinas dahil gusto niyang makasama sina Spring at Autumn. Naisip kasi niya na tiyak na uuwi ang dalawang huli kung malalaman ng mga ito na “ikakasal” na sila ni Winter. Pero hindi niya inasahan na ang mga ito ang sosorpresa sa kanya.
“Kailan pa naging kayo?” wala sa sariling tanong niya habang nagpapalipat-lipat ng tingin kina Spring at Autumn.
Naroon sila ngayon sa sala ng bahay ng mga magulang niya, samantalang lumabas muna si Winter dahil alam nitong kailangan nilang mag-usap tatlo nina Spring at Autumn.
“Just six months ago,” sagot ni Spring. “Nagsimula ang lahat ng magbakasyon kami sa Paris para makasama ang kanya-kanya naming magulang.”
Naikuyom niya ang mga kamay niya. “Hindi niyo man lang sinabi sa’min ni Winter na nagkakaigihan na pala kayo.”
“I’m sorry, Summer,” sabi naman ni Autumn.
Dumako ang tingin niya kay Autumn. Mataman itong nakatingin sa kanya. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman ngayong boyfriend na ng best friend niya ang dati niyang nobyo. It felt wrong, it felt maddening. Gayunman, hindi niya magawang magalit dahil may pagkakaibigan siyang gustong protekatahan, sa kabila ng pagtataksil na ipinaparamdam sa kanya ngayon nina Autumn at Spring.
Sa mga mata ni Autumn, nakikita niyang marami rin itong gustong sabihin sa kanya, pero mukhang pinipigilan nito ang sarili nito. Ramdam niya, kailangan nilang mag-usap nang silang dalawa lang. Pero hindi pa ngayon. Hindi pa niya kaya.
Hinawakan ni Spring ang kamay ni Autumn. “Pasensiya na kayo ni Winter kung hindi namin sinabi sa inyo ang pagkakamabutihan namin ni Autumn. Gusto kasi naming ilihim muna ang relasyon namin.”
Inalis niya ang tingin niya sa magkahawak na kamay ng mga ito. “Bakit naman?”
“Kay Autumn binubuhos ni Mommy ang galit niya sa ginawa ni Tita Aurora,” frustrated na sabi ni Spring. “Kapag nalaman niya ang tungkol sa relasyon namin ni Autumn, tiyak na magwawala siya.”
“Kaya ba pinutol niyo muna ang komunikasyon niyo sa’min ni Winter? That’s unfair,” sumbat niya sa mga ito.
Gumuhit ang guilt sa mukha ng dalawa. Ngayon tuloy, siya naman ang nakonsensiya. Nirendahan niya ang damdamin niya para kumalma siya.
“I’m sorry,” bawi niya. “Hindi ko lang nagustuhan ang paglilihim niyo sa’min ni Winter. Wala ba kayong tiwala sa’min?”
“Of course not,” sabay na tanggi nina Autumn at Spring sa akusasyon niya.
“Look, Summer. Balak naman talaga naming sabihin sa inyo ni Winter ang tungkol sa’min ni Spring. Humahanap lang kami ng tiyempo,” paliwanag ni Autumn. There was the look on her face again that told her they needed to talk privately.
Nag-iwas siya ng tingin kay Autumn. Binalingan niya si Spring. “May balak naman kayong sabihin kay Tita Sophia ang tungkol sa inyo, hindi ba?”
Tumango si Spring. “Pero sa ngayon, puwede bang ilihim niyo muna ang tungkol dito? Gusto kong sa’min unang marinig ni Mommy ang tungkol sa relasyon namin ni Autumn.”
“You know you’re going to hurt Tita Sophia, right?” kunot-noong tanong niya rito.
Bumuga ng hangin si Spring, saka ito dahan-dahang tumango. Mula sa paghawak sa kamay ni Autumn ay inakbayan nito ang dalaga na agad namang humilig sa dibdib nito. “Yes, I know that. But Autumn and I love each other.”
Nilingon ni Autumn si Spring. Kahit hindi nagsasalita ang dalawa, nakikita niyang nagpapalitan na ng “I love you” ang mga ito sa paraan pa lang ng tinginan ng mga ito.
May kung anong pumiga sa puso niya. Mahal ni Spring si Autumn at kahit magalit ang ina nito, handa nitong ipaglaban ang pagmamahal na iyon. May umusbong na matinding negatibong damdamin sa puso niya. Masakit 'yon.