NAKAUPO si Summer sa kama niya. Yakap niya ang mga binti niya habang nakatingin sa litrato niya kasama sina Winter, Autumn at Spring. Tinakpan niya ng kamay niya ang mga mukha nila ni Winter sa picture at sina Autumn at Spring na lang ang natira.
Pakiramdam niya, pinagtaksilan siya nina Autumn at Spring. Kahit ano’ng suksok niya sa kukote niya na matagal na silang tapos ni Spring at parehong desisyon naman nila ang paghihiwalay noon, hindi pa rin niya maiwasang masaktan at maramdamang hindi siya nirespeto ng mga ito.
Spring was still her ex-boyfriend and Autumn was her best friend. Pero ngayon, ang dalawa na ang magkarelasyon. Hindi niya matanggap iyon.
Naramdaman na lang niyang umiiyak na pala siya nang pumatak ang mga luha niya sa litrato. She flipped the page, at lalo lang siyang naiyak sa sumalubong sa kanya. Larawan nila iyon ni Spring habang magkayakap. Pareho silang nakangiti sa picture. Pareho silang masaya sa isa’t isa... noong sila pa.
Hindi niya alam kung bakit nagkakagano’n siya ngayon. Sa lumipas na limang taon naman ay nakuntento siya sa pagkakaibigan nila ni Spring, kaya hindi niya maintindihan kung ano ang iniiyak-iyak niya ngayon.
Narinig niyang bumukas ang pinto ng kuwarto niya. Hindi na niya kailangang manghula o lingunin kung sino iyon dahil iisang tao lang naman ang nag-i-invade ng privacy niya nang hindi kumakatok o nagpapasabi man lang.
“Umiiyak ka na naman.”
“Hindi kaya,” kaila niya.
Mayamaya lang ay naramdaman na niya ang malalamig na kamay ni Winter sa mga pisngi niya. Napilitan tuloy siyang mag-angat ng tingin dito. Marahang pinipi nito ang mga pisngi niya sanhin ng pamimilog ng nguso niya.
“Ang pangit mo.”
Hindi siya sumagot. Wala siya sa mood makipag-asaran kay Winter. Mukhang napansin nito iyon kaya binitawan na siya nito. Kinuha nito ang supot na hindi niya namalayang pinatong pala nito sa bed side table niya.
“Binilhan kita ng ice cream.”
“Salamat,” wala sa sariling sabi niya.
Tahimik na kinuha niya ang inabot nitong galon ng ice cream at plastic spoon. Niyakap niya iyon habang tahimik iyong nilalantakan. Samantalang si Winter naman, hinila ang mga binti niya para makahiga ito sa mga hita niya habang naglalaro ito ng Temple Run sa cell phone nito. Pati ang katawan nito ay gumagalaw sa kasabay ng pag-ikot-ikot nito ng phone nito.
Sa tulong ng cookies and cream ice cream na comfort food niya at ng presensiya ni Winter, unti-unti siyang kumalma.
Tinusok-tusok niya ng plastic spoon ang buo-buong piraso ng cookies sa ice cream niya. “Nagkuwento sina Spring at Autumn sa’kin kanina. Nagtapat daw si Spring kay Autumn sa tapat ng Eiffel Tower. Ang sweet, 'di ba? Nakakainggit.”
“I can bring you to Paris for your birthday,” kaswal na sabi nito habang patuloy pa rin sa paglalaro sa cell phone nito.
Bumuga siya ng hangin. “Hindi naman 'yon ang ibig kong sabihin, Spring. Naiinggit ako dahil hindi naging gano’n ka-sweet ang proposal sa’kin ni Spring noon. Tinanong niya lang ako noon kung kami na ba dahil lang sinabi ng mga magulang namin na bagay kami.”
No’n nag-angat ng tingin si Winter sa kanya. “You sound bitter. It’s so unlike you.”
Napahiya siya dahil sa sinabi nito, gayunman ay hindi siya nagalit dahil totoo namang hindi siya gano’n. “Hindi ko alam, Winter. Nang sabihin nila kanina na sila na, biglang sumama 'yong pakiramdam ko. I feel betrayed. Naging kami ni Spring noon, at alam ni Autumn 'yon. She’s my best girl friend. It makes me feel sick seeing them together now.”
Bumangon si Winter at tinitigan siya. “Mahal mo pa ba si Spring?”
Biglang dumaan sa isip niya ang eksena kanina kung saan tinitingnan ni Spring si Autumn na may kalakip na pagmamahal. Kung ang kahulugan ng matinding sakit sa puso niya ang katotohanang mahal pa niya si Spring, hindi niya sigurado.
Pinagdikit niya ang mga binti niya at pinatong niya sa mga tuhod niya ang galon ng ice cream. “Okay naman ako pagkatapos ng paghihiwalay namin ni Spring. We even remained friends, right? Akala ko naka-move on na ko sa kanya. Pero kanina, no’ng makita ko sila ni Autumn, biglang sumama 'yong pakiramdam ko. Ang sakit. Sobra.”
Hindi nagsalita si Winter. Nagpatuloy na lang siya.
Niyukyok niya ang noo niya sa cup ng ice cream. “And that makes me feel bad about myself. I’m the bitter ex-girlfriend in the story. I’m a very horrible person, am I not?”
“You’re not, Summer.”
Umiling-iling siya. “I don’t want this, Winter. Gusto kong maging masaya para sa kanila. For the sake of our friendship... even at the expense of my own happiness. But how can I do it if everytime I see Spring smile at Autumn, I get hurt?”
“Makinig ka sa’kin, Summer. Magiging maayos din ang lahat.”
Nilingon niya si Winter. Bihira lang itong magpakita ng emosyon kaya nagulat siya sa nakita niyang determinasyon sa mga mata nito. “Paano kapag hindi naging okay ang lahat?”
Hinila uli nito ang mga binti niya para makahiga ito sa mga hita niya. Naglaro na uli ito ng cell phone nito kaya hindi niya nakita ang emosyon sa mukha nito. “Whatever goes wrong, I will fix it for you.”
Napangiti siya. Everytime Winter said everything’s gonna be alright, she believed him because she knew he would really make everything okay.