ILANG gabi pa ang lumipas ngunit walang Santa Klaws na dumating. Wala ng plastik na nagisnan si Bibeng. Magkaganun pa man, nanatiling alerto ang dalaga. Hindi isinasantabi ang posibilidad na muling susulpot ang misteryosong pilantropong nais makilala kung sino. Hanggang sa ang dalawang linggong pataan para makuha ang pinagawang mga pekeng dokumento ni Bubot ay sumapit na. Matapos madala sa junk shop ang mga nabili at napulot nang hapong 'yon, nagtuloy na silang mag-ina sa Kalye Banat. Nag-aalala man na baka makabanggaang muli ang grupo ni Digong at mapasubo sa inuman, wala namang ibang pagpipilian ang tigasin ng tambakan kundi ang tumuloy. Naisip nitong kung sakali, pagbibigyan na lang uli ang ilang tagay na iaabot ng grupo at saka mag-aambag ng maiinom o mapupulutan bago magpaalam. Gagam

