FINAL CHAPTER - Bagong Simula

3474 Words
KINABUKASAN... Inihanda na nina Puyo at Tiklo ang mga pasalubong para sa mga kapitbahay. Katulong nila ang mga kabataang scholar ng Caballero Foundation at ng mga magulang at kapatid ng mga ito. Masaya at masigla nilang ibinalot sa magandang bag ang mga tsokolate, sabon at de latang pasalubong ng mag-ama at saka tulong-tulong na nagbahay-bahay upang ihatid sa lahat ng mga kapitbahay. Si Bubot naman nang mga oras na 'yon ay nasa tambakan. Malugod niyang pinagmamasdan ang barung-barong ng Mamay niya. Pinaayos niya iyon sa mga Angkol niya upang matirhan ng pamilya ni Totoy- ang batang naghatid sa tatay niya sa dulong tambakan kung saan naroon ang tatlong adik na pumatay sa Mamay niya. Ang batang naging tagapagbantay noon sa bahay nila. Masinop ang paligid. May mga halaman pa sa gilid at may maliit na tindahang ikinabubuhay ng ina sa halip na mamasukang labandera. Natataranta siyang pinakiharapan nito at mga anak na pinag-aaral din ng Foundation niya. Nasa eskwelahan pa si Totoy at ang isa pang kapatid, at mamayang tanghali pa ang uwi. Ibinigay niya ang malaking bag na naglalaman ng espesyal na pasalubong sa mag-iina. Dahil sa mga ito, nabuhay ang Bibeng at maraming Bubot sa loob ng dating tirahan nila ng Mamay niya. Nagpaalam na siya pagkaraan ng ilang sandali at nagtuloy na sa tambakan. . Pinagmasdan niya ang bundok ng basura. Hindi alintana ang nakasusulasok na amoy ng sari-saring kalat na tinitipon doon at sinisilaban. Nakakadiri at nakakasira ng gana para sa iba. Pero para sa kaniya, iyon ang lugar na nagtataglay ng napakaraming magagandang alaala; alaala nilang dalawa ng Mamay niya. At sa dulo ng tambakan... tatlong basura ang niligpit niya. Wala na, hindi na makapagkakalat pa at wala nang mapipinsalang iba. Mabahong basura na lamang ang naroon sa tambakan, ang nabubulok na kaluluwa ng mga hayok ay nalusaw na. Sigawan ng ilang mangangahalig ang nakapagpaigtad sa kaniya. Agad niyang pinahid ang namumuong luha sa sulok ng mga mata. Sa isang iglap ay naglabasan na sa kani-kanilang barung-barong ang mga naninirahan doon at nagtakbuhan palapit sa kaniya. Naglakad siya upang salubungin ang mga ito. Ipinaaayos na ng Tita Kai niya sa abogado ang lupang kinatitirikan ng mga barung-barong na naroon. Oras na magkabilihan, magpapagawa siya ng maayos na tirahan para sa mga ito. Maliit na tahanang hindi mainit kapag tag-araw at hindi tumutulo kapag tag-ulan. Masaya niyang kinausap ang mga magulang ng mga batang pinag-aaral. Buong pusong nagpasalamat ang mga ito sa lahat ng tulong na ibinibigay niya. Kung tutuusi'y siya ang napakaraming dapat ipagpasalamat. Ang pagkamatay ng mga magulang niya't kapatid ay nagkaroon ng saysay. Napakarami niyang nalaman, napakarami niyang natutunan at ang sagot sa kaniyang mga katanungan, sa mga ito niya natagpuan. Ano ang buhay? Bakit siya nabubuhay? Bakit pa siya nabuhay? Napakasarap matulog nang mahimbing. Napakasarap pagmasdan ang matamis na ngiti sa labi ng mga taong ang hinihintay na pagkakataon ay hindi pinagkait. Namatay na siya, nabuhay; namatay at muling nabuhay. Pagdating sa hangganan, lahat ay maiiwan. Wala ni isang sentimong madadala sa patutunguhan. DOON, daratnan niya ang magarang tahanan. Naroon ang kayamanang hindi nasisira, hindi kinakalawang, hindi nananakaw, sa piling ng higit na DAKILA. Mayamaya pa ay dumating na si Puyo. Ang mga pasalubong nila ng tatay niya ay ipinamahala nito kay Basya- ang bagong tigasin sa tambakan. First year college na ngayon ang dalagang isa sa kanila. Masikap at matalino, matiyaga at mababang loob. Ito ang magiging ehemplo sa mga batang kalahig. At pagdating ng araw, sa grupo ng mga ito magmumula ang magagaling na guro, inhinyero, arkitekto, doktor, siyentipiko, narses, abogado, hukom, mabuting pulitiko, alagad ng batas at marami pang iba. Ang tinulungan ay siyang tutulong naman. Magkaroon man ng panibagong Rafael dela Rosa, sisibol pa rin ang mas maraming Bubot na anak nina Bibeng at Digong, darating pa rin ang maraming Ashley Joy na anak nina Attorney Gwen at Judge Wilfredo Caballero. Muling nagpasalamat ang mga mangangalahig. Nagluluha ang mga mata sa munting pasalubong mula sa kanila. Magalang siyang nagpaalam at nangakong babalik sa ibang araw. Nangiti siya nang makita ang dalawang traysikel na nakaparada sa gilid ng kalsada. Nakasakay na ang Tatay Digong niya sa isa at ang Angkol Tiklo naman niya'y sumakay na sa likod ng drayber nang makita sila. Sumakay na rin siya sa bakanteng traysikel kung saan ang Angkol Puyo niya'y sa likuran naupo. May pupuntahan sila. Ang lugar kung saan sila magsisimula. . SANDALI lang ay naroon na sila. Sa tapat ng lumang pabrikang binili niya at ipinasalin ang buong karapatan sa tatay niya at sa dalawang kaibigan; sa dati nilang hide out. Pagkababa sa traysikel ay tumayo siya sa kaliwang bahagi niyon. Bakante ang loteng iyon, noon. Binasa niya ang karatula sa itaas ng kulay lumot na bubong na nasa ilalim naman ng terrace ng dalawang palapag na bahay. Pinturado ng matingkad na tsokolate na may kumbinasyong kulay puti ang kabuuan niyon. TONI'S SARI-SARI STORE and LUTONG ULAM ang nabasa niya. Nasisiyahan niyang hinagod ng tingin ang tindahang presentable at puno ng paninda. May apat na baitang at malapad ang harapang bukas sa mga mamimili. May nakausling makapal na lonang bulaklakin ngunit hindi sagabal sa mga sasakyang nagdaraan. May pahabang mesa sa harapan na nababalutan ng bulaklakin ring mantel. Naisip niyang marahil ay doon inilalagay ang mga kalderong may iba't ibang putahe dahil sa mga ukang pabilog na tila pinasadya sa gumawa. Lumabas sa tindahan ang Kuya Toni niya at nakangiting tumabi sa kaniya. "Salamat Bubot. Napakalaking bagay ang ginawa mong ito para sa amin ni Bubbles." Niyakap niya ito. Hindi naman nagtagal at tumabi sa kanila si Bubbles. Yumakap ito sa baywang ni Toni na anim na buwang buntis. "Salamat sa tulong mo ha, Bubot. Kundi dahil sa'yo, hindi pa namin malalaman nitong Kuya Toni mo na mahal pala namin ang isa't isa. Kaya pala palaging mainit ang ulo sa akin, may pagnanasa pala. Alam mo naman ang beauty ko, kabigha-bighani." Biro ni Bubbles sabay himas sa tiyan ng natatawang asawa. "Ano ba 'yan? Wala na bang katapusan ang pasasalamat na 'yan? Kulang pa ang lahat ng iyan sa lahat ng ginawa niyo para sa akin. Kung mayroong dapat magpasalamat, ako 'yon Ate Bubbles, Kuya Toni. Kaya paglabas ni Baby, ako ang ninang!" Ganting biro niya. Sabay-sabay silang nagtawanan nang makitang pare-pareho pala silang umiiyak. Hinimas niya ang nakausling tiyan ni Toni- ang babaeng kung kumilos ay lalake. Yumakap din sa kanila si Bubbles- ang lalakeng kung kumilos ay babae. "Pumasok na kayo at nakakaistorbo na kayo sa mga sasakyang nagdadaan!" Sigaw ni Labo na ang tunay na pangalan ay Lailani. Binansagan lamang itong labo dahil malabo ang mga mata. Si Bubbles naman ay Reynaldo at si Toni ay Maritoni ang mga tunay na pangalan. Renato ang tunay na pangalan ng Angkol Tiklo niya at kaya 'tiklo' ang naging bansag, palagi raw itong nahuhuli ng pulis noon kapag nandurukot. Mauricio ang pangalan ng Angkol Puyo niya at kaya 'puyo' ay sa dahilang maraming puyo sa ulo. Ang Tatay Digong niya'y Rodrigo ang tunay na pangalan, at siya... Aj para sa iba pero Bubot sa bago niyang pamilya. Magkakasabay na nga silang pumasok sa lumang pabrika kung saan ngayon ay BOSING AND ANGKOL'S JUNK SHOP na. Si Labo ang tumatayong sekretarya at namamahala sa kaha kung saan ang nobyo na nitong si Tiklo ang biyahero ng mga kalakal na ibinebenta ng mga nangangalahig sa tambakan. Si Puyo naman ang namamahala sa mga pumapasok at lumalabas na kalakal sa shop nila. Katuwang nito ang dalawang kapatid ng Mamay Bibeng niya. Pinasundo niya ang mga ito sa kaniyang Tita Kai. Ang gusto sana niya'y buong pamilya ng Mamay niya ang kunin para makasama. Ngunit tumanggi ang mga magulang nito. Hindi na raw maiiwanan ang lugar na kinalakhan. Isa pa'y may pamilya na ang ibang anak at ang mga kamag-anak ay pawang naroon sa probinsiya. Sapat na raw ang pagpapa-aral niya ng libre sa dalawang nakababatang anak. Pumayag siya ngunit sa isang kundisyon. Na hindi tatanggihan ang ilang bagay na gusto niyang gawin at ibigay. Ayaw pa sana ng mga ito dahil nahihiya at ayaw lumabas na mapang-abuso at mapagsamantala, subalit hindi siya pumayag. Ang katigasan ng ulo ay pinairal niya. Itinuturing niyang mga tiyuhin at tiyahin ang mga kapatid ng Mamay niya, pinsan ang mga pamangkin nito at lola't lolo ang mga magulang. Ipinagpatayo niya ng maayos, presentable at komportableng tahanan ang dalawang matandang ang mga anak at apo ay kapisan. Ibinili ng limang kalabaw kung saan kayamanan na kung ituring sa probinsiya. Binili niya ang bukid na katabi ng sinasaka ng mga ito. Binigyan ng pambili ng mga punla, ng kakailanganin sa pasasaka at binayaran ang lahat ng pagkakautang. Sa isang iglap, ang mahirap na pamilya ng Mamay Bibeng niya ay naging maginhawa. Sa anihan ay sama-sama silang uuwi ng mga kapatid ng Mamay niya. Doon sila magpapalipas ng ilang linggo. Nagkaroon siya ng malaking pamilya dahil sa mga ito. Sa tabi ng bahay ng mag-asawang Toni at Bubbles, nakatirik naman ang isa pang up ang down na bahay. Pinipinturahan na iyon at ilang linggo na lang ay matatapos na. Doon naman titira ang kaniyang Angkol Tiklo at magiging Tita Labo na malapit nang magpakasal. Ang nalalabing puwesto sa loteng iyon ang ginawang garahe ng isang maliit na truck at pulang L300 na gamit sa junk shop. Malapit na ring matapos ang may kalakihang bahay na pinagagawa niya sa kanang bahagi ng dating pabrika. Doon naman sila titira ng mga Tatay niya, Angkol Puyo at dalawang kapatid ng Mamay niya. Kung sakaling lalagay na sa tahimik ang Angkol Puyo niya, dudugtong lang sa bahay ng Angkol Tiklo niya. Ang bahay sa Kalye Banat ay pauupahan na lamang nila habang hindi pa natatapos ang usapin sa may-ari. Gagawan niya ng paraang mabili ang lupang iyon upang hindi na mapaalis ang mga naninirahan doon. Ang Tatay Digong niya ang pamamahalain niya sa samahan ng magkakapitbahay sa looban. Unti-unting huhulugan nga mga tagaroon ang loteng tinitirikan ng kani-kanilang bahay upang may matatawag na pag-aari na ipamamana sa mga anak. Hindi na tatawaging squatter's area ang Kalye Banat pagdating ng araw. Mag-aabot siya ng kamay sa mga nais baguhin ang pamumuhay. Naniniwala siyang kung bibigyan lamang ng pagkakataon, ang mga kapitbahay nila'y maghahangad din ang tahimik at disenteng buhay kung saan ang Tatay Digong niya at mga Angkol ang magiging huwaran. . Masaya silang nagsalo-salo sa pananghalian habang masiglang nagpapalitan ng mga kuwentong hindi mauubos lumipas man ang napakaraming araw sa kanilang buhay. Ang tuksuhan, biruan at malulutong na tawanan ay umeeko sa loob ng pabrikang naging praktisan niya noon at naging saksi sa muntik nang pagkamatay ng tatay at angkol niya. Ngunit ngayo'y pinagkukunan na ng kabuhayan sampu ng mga mangangalahig, magbobote at bumibili ng mga second hand na materyales na sa mga angkol niya dumadayo. Ang dating mga sigang patapon at walang direksiyon ay mga legal na negosyante na ngayon. . HAPON. Tinungo nilang mag-ama ang may kalakihan at magarang museleo sa isang sementeryong ang halaga ng kakapirasong lupa ay mabibili lamang ng maraming pera. Isang malapad na lapida sa pagitan ng dalawang maliit ang mga nakadikit sa animo dinding kung saan nakaukit ang mga pangalang may iisang apelyido; ang mga Caballero. Maganda ang pagkakagawa sa puntod na naroon. Pina-cremate ang bangkay ng pamilya ni Bubot at magkakasamang inilagak sa malaking puntod. Sa kaliwa ay pangalan ng Senyor at Senyora at sa kanan naman, pangalan ni Bibeng ang nakaukit. Ipinalipat ng dalaga ang mga labi ng ina-inahan sa libingan ng mga magulang at lolo't lola matapos pahintulutan ng mga magulang nito sa probinsiya. Ang kirot ay muling naramdaman nina Bubot at Digong. Naghari ang katahimikan sa loob ng kinaroroonan nila habang umuusal ng taimtim na panalangin. Mayamaya pa'y binasag na ni Bubot ang katahimikan. "Mamay, alam kong masaya ka na ngayon. Kasama mo sina Daddy at Mommy pati sina Ate at Kuya. Ako? Masaya na rin ako. Magsisimula ako ng bagong buhay kasama nila tatay. Huwag ka nang mag-alala sa akin. Huwag ka na ring mag-alala sa mga lola at lolo at sa mga kapatid mo at pamangkin. Hindi ko sila pababayaan. Tutuparin ko ang mga pangarap mo para sa kanila. Hindi na sumama sina Duduy at Meme kasi kagagaling lang daw nila sa'yo. Baka raw masermunan mo pa sila kung magpapabalik-balik. Ayaw mo raw kasi silang papuntahin dito sa Maynila. Huwag mo na silang pagalitan. Ako ang nakiusap sa kanila para may kasama kami nila tatay. Para may mga kapatid ako. Dati ako ang bunso, ngayon... ako na ang ate. Masarap pala. Tatlo na kaming anak ni Tatay. Tatlo na kaming mangungulit kay Angkol Puyo. Kaya huwag ka nang magalit, ha. Diyan naman, sina Ate at Kuya ang aalagaan mo kaya hindi ka malulungkot. Makulit din sila gaya ko. Saka si Mommy, madaldal 'yan kaya 'di ka maiinip. I love you, Mamay. Maraming-maraming salamat sa lahat ng ginawa mo para sa akin. Saka nga pala, hindi ka ba magseselos kung manligaw sa iba si Tatay?" "B-bubot!" "Tay, hindi magagalit si Mamay. 'Di ba, Mamay?" "Huwag kang maniwala sa batang 'to, Bibeng. Hindi kita ipagpapalit kahit kaninong babae. May kalokohan talaga itong anak mo. Pero huwag kang maniniwala, ha?" "Naku, Mamay. Noong nasa Australia kami panay ang tingin niya sa therapist niya." "Huwag kang maniwala, Bibeng. Napapatingin lang ako pero walang ibig sabihin 'yon." Humagikgik si Bubot sa nakikitang reaksiyon ng ama. Patuloy itong nagpapaliwanag sa puntod ng Mamay niya. Namumula pa ang magkabilang pisngi habang hinahaplos ang lapidang may pangalang nakaukit. Hindi niya tuloy naiwasang masabi na, kung hindi rin lang kagaya ng Tatay Digong niya ang lalake, hindi na siya mag-aasawa. ISANG ARAW... Habang pauwi si Bubot lulan ng minamanehong kotse, may container van na nagmaniobra na naging sanhi ng traffic sa kalsada. Ipinagkibit balikat niya lang ang bagay na 'yon. "Kahit saang panig ng mundo, mayroon talagang taong walang disiplina at walang pakiaalam kung makakaperwisyo sa kapwa tao." Isinandal niya ang likod sa upuan habang tinatanaw ang mga sasakyan sa unahan. Umagaw sa kaniyang pansin ang isang batang babaeng nagtutulak ng kariton kung saan lulan ang isang mas batang lalake. Humahanga niyang sinundan ng tingin ang nahihinuha niyang magkapatid. Nakalampas na ang mga ito sa kaniya kaya hindi na nagawang tawagin. Ang balak niya'y hintuan na lamang ang mga ito kapag umarangkada na ang mga sasakyan sa unahan. Nagkasalubong ang kilay niya at ang ngiti sa mga labi ay nabura nang isang lalake ang galit na bumaba sa kotseng nakahanay sa gilid ng kalsada. Napansin niyang nahintakutan ang dalawang bata. Batay sa nakikita, pinagagalitan ng lalake ang mga ito. Habang nagsasalita ang lalake ay itinuturo ang tagiliran ng sasakyan. Nagpanting agad ang tainga niya at ang dugong nanunulay sa mga ugat ay biglang kumulo nang batukan nito ang batang lalakeng marahil ay nangangatwiran. Agad niyang binuksan ang pinto ng kotse at dali-daling lumabas. Ang mabilis na paghakbang at halos hindi sumasayad na paa sa kalsada ay naging dahan-dahan nang makita ang isang lalakeng nakalapit agad sa mga batang pigil na pigil ang pag-iyak. Mabilis nitong hinawakan ang pulsuhan ng nakakotse nang muling akmaan ang batang nakasakay sa kariton. "Boss... teka lang. Ano ba ang problema? Ano ang kasalanan ng mga bata?" Ipiniksi ng nakakotse ang kamay at saka galit na nagsalita. "Itong mga putang-inang palaboy na 'to, ginasgasan ang kotse ko!" "H-hindi naman po namin sinasadya, Kuya. At saka..." paliwanag ng batang babae sa lalakeng tagapagtanggol. "Nangangatwiran ka pa, tangina ka! Kung hindi kayo pakalat-kalat sa daan wala sana kayong napeperwisyong iba! Nasaan ba ang mga magulang niyo at hinahayaan kayong lumalaboy sa daan?" "Ah, e ... teka lang boss. Nasaan ba kamo 'yong gasgas?" Tanong ng lalakeng lumapit at tumingin sa gilid ng kotseng nagasgasan daw. "Wala naman, boss. Putik ang nakadikit dito." Dugtong nito habang pinupunasan ang tagiliran ng kotse gamit ang mahabang manggas ng suot na puting kamisa chino. Lumapit naman ang may-ari ng kotse at tinignan ang sinasabi ng lalake. "E-e... kahit na! Paano kung nagasgas 'yan ng kariton nila? Mababayaran ba nila?" Asik pa rin nito sa halip na aminin ang pagkakamali at humingi ng paumanhin. "Siyempre hindi nila kayang bayaran ang kotse mo, boss. Unless papayag kang i-swap ang wheels nila sa wheels mo." "Aba't..." "Boss, walang gagas ang kotse mo pero ang ulo nitong batang kinaltukan mo baka nagkabukol. Paano ngayon 'yan?" "S-sino ka ba? Kaano-ano mo ba sila at nakikialam ka?" "Ako? Ako si Roberto, isang taon mula ngayon pulis na ko at tatandaan ko ang pagmumukha mo para kapag nagkita uli tayo... matik na!" Maangas nitong sagot. Nagtatagis pa ang mga bagang at ang kamao ay nakatikom. Nakangising luminga sa mga sasakyang nagsisimula nang umusad sa kalsada ang may-ari ng kotse at saka dumukot sa bulsa. Iniaabot ang isandaang piso sa mga bata. "O hayan." Mataas ang tono nitong sabi. Umiling naman ang mga ito. "Hindi na po. Wag na po," sagot ng magkapatid. "Kung ayaw niyo, huwag!" singhal ng nakakotse. Sumakay na ito sa loob ng sasakyan at saka pinaharurot. Naiiling na lang ang lalakeng naiwan. "Huwag niyo nang intindihin 'yong mama. Palagay ko kumukulo na ang tiyan niya kaya mainit ang ulo. Hindi niyo ba naamoy 'yong utot... ang bantot!" Natawa ang dalawang bata sa itsura nito. Lumapit ito sa batang lalake at hinimas ang ulo. Pagkaraa'y, "Tagasaan ba kayo at saan ang punta niyo?" "Taga Roxas po kami at sa tambakan po kami pupunta. Mamumulot po kami ng pwedeng maibenta para po may pambaon kami bukas." "Ang galing niyo pala! May junk shop nga pala malapit dun. Doon niyo na lang ibenta ang mapupulot niyo para 'di na kayo mahirapan at saka mas mataas ang ibabayad nila sa inyo. Mababait kasi ang may-ari nun." "Opo, Kuya! Salamat po, ha?" "Sus! Wala 'yun. Sige, ingat kayo." Sinundan niya ng tingin ang lalakeng sumakay sa motorsiklo. Pagkaraa'y binalikan niya ang kotse at pinaandar. Huminto siya sa tapat ng mga bata. Bumaba siya at kinausap ang mga ito. Hindi na nagtuloy sa tambakan ang magkapatid na ulila. Iniikot na ng mga ito ang kariton pabalik sa inuuwian upang ibalita sa nakatatandang kapatid na makapag-aaral na sila nang walang poproblemahin sa mga baon at gamit. Aayain lang nila ang ate na magtungo sa Toni's Sari-sari Store para makausap ang nagngangalang Tatay Digong. . NAPAKUNOT ang noo niya nang mapansin ang pamilyar na helmet at motorsiklong nakaparada sa gilid ng shop ng mga tatay niya. Ipinarada niya ang kotse sa tapat ng tindahan ng mag-asawang Toni at Bubbles. Papasok pa lang siya sa loob ng shop ay naririnig na niya ang malakas na pagtawa ng Tatay niya, ng mga Angkol niya, at ng isa pang boses. "O Bubot, nariyan ka na pala?" Bati ni Puyo. Sabay-sabay lumingon sa kaniya ang mga nag-uusap. Kasama ang lalakeng nakita niya kanina sa kalsada. Tumayo agad ito at bahagyang yumukod. Yumukod din siya bilang tugon. "Bubot, natatandaan mo pa ba si Berting?" Nangunot uli ang noo niya sa tanong na iyon ng tatay niya. "Siya 'yung kasama ng mga Tita Kai mo at Tito Nanding nung... Yung anak ni Ka Rody at Ka Ingkay sa may tulay," sabi naman ng Angkol Tiklo niya. "Haguy Bubot, si Berting, 'yung..." "N-naaalala ko na po Angkol Puyo. K-kamusta ka, Berting?" Nahihiya niyang sabi. "Siya ang binatilyong palaging nagdadala ng nilagang mais at sariwang sabaw ng buko sa bahay-bakasyunan bago kami mangibang bansa ng tatay. Siya ang kumumpuni ng treehouse ko at nagregalo ng mga dapo na pinatubo niya sa sangang malapit sa bintana niyon. Siya rin ang matiyagang pumapanhik sa punong mangga upang ipitas ako ng mapipintog at manibalang na bunga. Paano ko naman siya makakalimutan? Kaya lang, hindi ko siya agad nakilala. Kaylaki nang nagbago sa itsura niya. Manipis lang ang katawan niya noon, ngayon ay malapad na ang dibdib niya at maalsa ang kalamnan. Pumuti rin siya, lalong tumangkad at ang maigsing tabas ng buhok ay bumagay sa hugis ng kaniyang mga panga at matangos na ilong. Pero ang mga mata niya, ang pilik at kilay... 'yon pa rin. Yung karisma, iyon pa rin." "M-mabuti naman, Bubot." Napakamot pa si Berting sa batok nang sumagot. "Lalo siyang gumanda. Simple pa rin at napakabuti ng kalooban. Mayaman pero mababang loob at may puso sa mahihirap. Napakapalad ng lalakeng iibigin niya." "K-kamusta sina Ka Rody at Ka Ingkay?" tanong uli niya. "Isang taon na lang pala pulis na siya. Matalino siya at maprinsipyo sa buhay. Marami siyang matutulungan. Alam kong ikararangal siya ng mga magulang niya at kapatid. Bakit kaya siya nagpunta rito? Malapit lang kaya ang inuuwian niya sa amin?" "M-maayos naman ang kalagayan nila. Pinahahatid nila ang pangungumusta sa'yo at kay Mang Digong," tugon ng binata. "Payagan kaya ako ni Mang Digong kung magpapaalam akong babalik dito?" Lihim namang nangingiti ang magkakaibigang Digong, Puyo at Tiklo. Iniwanan na nila ang dalaga na sa unang pagkakataon... narinig nilang nautal sa harapan ng isang binata at ang magkabilang pisngi ay namumula. To GOD be the Glory WAKAS
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD