DAHIL nakitang panatag na ang tulog ng paslit, nagdesisyon siyang lumabas upang makibalita sa paligid. Mataman siyang nag-isip. Pinag-aaralang maigi ang mga pangyayari.
Sa tagal nang pamamalagi niya sa lungsod, halos lahat na ng uri ng manggogoyo, manggagantso, kawatan, mandarambong, adik, tulak, puta, walanghiya, abusado at mapagsamantalang tao ay nakasalamuha na niya. Kabisado na niya ang likaw ng mga bituka ng mga kagaya niyang biktima ng kahirapan at kawalang katarungan.
Mga taong kumakapit sa patalim malamnan lang ang sikmura. Mga taong pumapayag magpagamit sa mga makapangyarihan para makasabay sa anod ng malansa at nabubulok na sistema ng lipunan. Ngipin sa ngipin, patalim sa patalim. Pumatay bago pa mapatay. Magpasarap bago lamunin ng lupa ang katawang basta na lamang tinatabunan sa kung saan kapag wala ng silbi at pakinabang.
Patuloy na yumayaman ang mayayaman habang ang mahihirap ay parami nang parami at lalong naghihirap. Hindi niya masisisi ang ilan kung kumapal na ang sikmura at sa bandang huli ay nasisiyahan na sa mga likong gawa. Nakasanayan na ang mali para sa madaliang pera, hanggang sa akalaing iyon ang tama. Huminto na sa pangangarap na makita at tahakin ang matuwid na landas at ninamnam na lamang ang sarap ng panandaliang kaginhawaan.
Imbis na umahon ay hinayaan na lamang malublob sa kumunoy ng kawalangyaan at kasakiman. At kung naisin man ang umahon ay huli na dahil nakabaon na ang buong katawan.
Pagkatapos ay maghahanap ng masisisi, ng maidadamay sa kasawian. Maghahanap ng idadahilan sa mapait na sinapit at naging kapalaran. Kaya nadadamay ang walang kinalaman, ang inosente at walang kasalanan. Kaya walang kapayapaan, walang katapusan ang kaguluhan. Hindi mo alam kung sino ang paniniwalaan at lalong hindi mo tiyak kung kanino magtitiwala.
Kinuha niya ang gomang sapatos na napulot sa isang basurahan at ipinagpag. Matagal na niyang gustong magkaroon ng ganoon. Magaang isuot at kahit umuulan ay hindi masisira mabasa man. Buo pa iyon maliban sa mga kayod ng ngipin. Siguro'y nginatngat ng aso kaya itinapon na lang ng dating may-ari. Medyo malaki kaya nagsuot pa siya ng medyas kahit hindi magkapaa. Lumamukos siya ng papel at isinuksok sa kaloob-looban upang lumapat sa paa.
Higit iyong mainam kaysa sa tsinelas niyang pudpod na ang sakong at halos nakasayad na ang talampakan sa lupa dahil sa sobrang nipis. Nanghihinayang siya sa singkwenta pesos na pambili ng bago, kailangan niyang makaipon para makapagpadala ng pera sa probinsiya. Lumalaki na ang gastos ng mga kapatid niya dahil apat na ang nag-aaral. May edad na ang mga ito ngunit nasa elementarya pa rin.
Alam naman niyang ganoon lang ang maaabot ng lahat ngunit maigi na iyon. Matuto man lang magbasa, magsulat at magbilang ay ayos na. Ang importante hindi na basta-basta maloloko..., sa kanila. Sa probinsiya man lang ay hindi mapagsamantalahan ang mga ito dahil sa kamang-mangan. Dahil hindi niya hahayaang magtungo sa Maynila isa man sa mga kapatid. Tama nang siya na lang, siya na lang ang magpapanggap na okey ang lahat dito sa masukal na gubat na pinamumugaran ng mababangis na hayop na nakasuot ng damit.
Sinulyapan niyang muli ang paslit na natutulog sa nasasapnang sahig. Tantiya niya ay nasa pito hanggang siyam na taon ang edad nito. Naisip tuloy niya, may benepisyo rin pala ang pagiging kapus-palad. Walang kayamanang nagiging mitsa ng buhay. Walang perang pag-iingatang manakaw.
Kung pagbabasehan ang mga putik at paltos sa talampakan ng bata ay natitiyak niyang malayo ang lugar na pinanggalingan nito. Wala siyang nakikitang bata na ganoon ang itsura sa mga napupuntahang baranggay. Lalo naman sa mga kapitbahay niya. Pulos tagni-tagni ang bahay na nakapaligid sa tambakan. Bahay nga ba? E, mas maganda pa ang kulungan ng mga aso sa naglalakihang bahay na nadadaanan niya. Pero para sa mga tulad nila, basta may dingding kahit sako, basta may bubong kahit butas-butas na yerong pinatungan ng tarpaulin na dinekwat, ay bahay na ngang maituturing. At ang bundok ng mga basura ang biyayang napagkukunan nila ng grasya.
Mapait na ngiti ang sumungaw sa kanyang mga labi. Isinuot ang long sleeve na isang linggo bago malabhan at lumang sumbrero na kahit sira-sira ay original naman at saka lumabas. Dahan-dahan niyang ibinalik ang yerong pantabing sa pintuan at saka tuluyang naglakad palayo. Makikibalita siya, makikibasa. Magbabakasakaling may makuhang impormasyon tungkol sa batang natagpuan sa kariton niyang si Mercedes.
WALA siyang mapanooran ng balita kaya naisip niyang tumingin sa mga naka-display na dyaryo sa tindahan. Isang headline ang nakaagaw sa kanyang pansin. Larawan ng isang pamilya ang naroon. Mag-asawa at tatlong anak. Kumabog ang dibdib niya kaya agad niyang inalis sa pagkakasampay ang dyaryo at binayaran. Ngunit imbis na basahin ay tiniklop iyon at iniipit sa kili-kili. Nagmamadali siyang bumalik sa barung-barong. Gusto niyang matiyak ang isang bagay.
Nangangatog ang mga kamay, nanunuyo ang lalamunan nang muli niyang buklatin ang pahayagan pagdating sa bahay. Tinignan niya ang nasa larawan, ang mukha ng nakangiting bata na nasa pagitan ng nakangiting dalaga at binata. Maingat siyang lumuhod palapit sa batang natutulog. Bahagyang inilapit ang dyaryo sa mukha nito. Nagpalipat-lipat ang kanyang tingin..., sa dyaryo at sa mukha ng batang natutulog sa bahay niya.
"Diyos ko!" Tutop ang bibig, dali-dali siyang lumabas. Sumagap ng hangin dahil sa kilabot na nararamdaman. Mabaho man at puno ng polusyon ay suminghot siya nang suminghot upang paluwagin ang naninikip na paghinga.
Naupo siya sa gilid ng kariton at binasa ang kabuuan ng balita. Tumulo ang luha niya sa nabasa. Hindi tao ang may kakayanang gumawa ng ganoong uri ng kasamaan. Ayon sa balita, nawawala ang bunsong anak ng Hukom. Sinasabi sa balita na maaaring buhay ito at nakatakas kaya hindi natagpuan ang bangkay.
"A-ano ang g-gagawin ko? P-paano--" Sabay hilamos ng dalawang kamay sa mukha. Napakalaking problema ang napasukan niya. Mabigat na pasanin ang dala ng batang natagpuan.
"Isang malaking sindikato ang may kagagawan nito. Bigtime ang mga pinatay, natural, bigtime rin ang mga pumatay. Napasok ang isang subdibisyon na may mga gwardiyang nagbabantay. Nabalewala ang mga CCTV sa lugar. Napanhik ang bahay nang walang nakapansin. Napatay ang personal na gwardiya, isang buong pamilya at mga katulong sa loob ng hindi nakilalang mga salarin. Walang kahit anong ebidensiyang naiwan. Sino ang huhulihin ng mga pulis?" naguguluhan niyang sabi. Napatayo na siya at nagpabalik-balik sa paglakad.
"Paano kung totoo ang sinasabi sa balita? Paano kung hinahanap na ngayon ng mga kriminal ang bata para patayin din?" sa naisip ay agad siyang luminga sa paligid. Kailangan niyang kumilos kaagad bago pa tuluyang madamay sa gulo ng pamilyang hindi niya naman kaanu-ano at kilala.
"Kailangang malaman ng mga pulis na buhay ang bunsong anak ni Judge. Baka maituro niya kung sino ang gumawa ng karumal-dumal na pagpatay sa kanyang pamilya. Siguradong nakita niya ang mga nangyari kaya naglakad siya nang naglakad para makatakas. Hindi siya makapagsalita dahil sa sobrang takot. Pupunta ako sa presinto, ipapalam ko sa kanila na nandito sa bahay ang bunso ng pamilyang napatay. Hindi siya ligtas sa poder ko. Ang mga pulis, alam nila ang gagawin upang mapangalagaan ang bata!"
Muli niyang sinilip ang paslit. Matapos ilagay ang yero'y tinabingan pa niya ng mga sako. Tila sa pamamagitan ng ginawa ay hindi na ito maano sa loob. Na hindi na mapapasok ng mga taong gustong pumatay.
Lalong bumilis ang lakad niya nang makita ang himpilan ng pulisya. Ilang alagad ng batas ang natanaw niya sa labas. Lumunok siya ng ilang ulit at saka buo ang loob na lumapit. Hangga't maaga pa ay ililipat na niya sa mga kinauukulan ang survivor ng pamilyang na-m******e.
"Kailangang tayo ang unang makakita sa target. Malaking halaga ang mapapasaatin kapag nalinis natin ang kalat. Siguradong nakita ng bubwit ang mukha nila. Umandar kasi ang kamanyakan ng mga kupal at hindi muna sinigurong naubos ang mga dagang dingding. Kunsabagay wala na tayong masyadong problema, patay na ang leon at tigre. Magsagawa man ng imbestigasyon ay mauuwi lang sa wala. Sa dami ng nasagasaan, hindi basta-basta matutukoy kung sino ang utak. Puro ispekulasyon lang at hinala ang magagawa ng media. Matatabunan lang uli ang kaso. Mag-iingay lang pero walang madamdampot ni isa."
Natigilan siya sa narinig. May kung anong malaking bagay ang sumalpok sa kanyang dibdib. Nanlamig ang mga palad niya at nanigas ang panga. Ang mabilis na paghakbang ay bumagal..., bumagal nang bumagal hanggang sa tuluyang huminto. Patalikod na siya upang tumalilis. Hindi ang lugar na iyon ang dapat niyang pinuntahan. Hindi niya sigurado kung ang kaso ng pamilyang pinatay ang pinag-uusapan ng mga pulis. Pero malinaw ang mensaheng nasagap ng utak niya, mali ang mga taong lalapitan sana at inisip na makakatulong sa batang nasa kanyang pagkalinga. Hindi kaligtasan ang mahihita nito sa mga kampon ni satanas na alagad kuno ng batas.
"Hoy!"
Dumagundong sa pandinig niya ang baritonong tinig ng tumawag. Pumihit siya, "Hindi ito ang oras para matakot, Bibeng. Gamitin mo ngayon ang galing mo sa pag-aartista. Para saan ang pagiging syota ni John Loyd Cruz kung hindi mo malulusutan ang mga buwayang may sungay." Hamon niya sa sarili.
"Lapit dito!"
Nangangalog man ang tuhod ay humakbang siya palapit.
"Bakit iikot-ikot ka dito? May katarantaduhan kang pinaplano ano?"
"Naku! Wala, Tata." Maagap niyang sagot na sinabayan ng pagkamot sa batok. "A-ano kasi..., ire-report ko sana ang gulo sa kanto ng Dilag. May nag-aamok na naman kasi--"
"Tangina! Wala talagang kasawa-sawa sa kulata ang mga tarantadong nagsisiga-sigaan sa baranggay na 'yan. " Galit na sabi ng unipormadong lalaki.
Pinagkrus niya ang magkabilang hinlalato at hintuturong mga daliri habang sa loob ng utak ay piping nagdadasal.
"Pabayaan na nating magpatayan ang mga tarantado para mabawasan ang mga kriminal. Hayaan nating silang magrambulan. Kung ikukulong pa ang mga putang-inang 'yan ay dagdag palamunin lang ng pamahalaan." Sagot ng isa.
Pinigilan niya ang mapatalon sa tuwa. Sa wakas, may nagawang igi ang katamaran ng mga ito. May naitulong sa kanya ang pasyang walang gawin sa isinusumbong niya kunwari.
"O, ano pang itinatayo-tayo mo diyan? Kapag may bumulugta, paglamayan. Sige, alis na!"
Hindi na siya naghintay pang matapos ang sasabihin ng pulis. Nagmamadali siyang naglakad at umalis.
Habang pabalik sa barung-barong na tinitirhan ay bumubuo na siya ng pasya. Katangahan na kung katangahan. Sarili na nga lang ay hindi pa niya maiayos ang buhay. Suson-suson ang problemang nagpapasakit sa kanyang ulo at hangga ngayo'y hinahanapan ng solusyon. Pero hindi kaya ng kunsensiya niyang ipagwalang bahala ang sitwasyong napasukan. Hindi siya matatahimik kung may mangyayaring masama sa bata. Hindi pa nito kayang lumaban, hindi pa alam kung sino ang totoong kakampi at kalaban.
Makakain? Madali na 'yan hanapin. Magsipag lang sa pagkalahig ay may ilalaman na sila sa bituka. Ano na lang ba naman ang kayang ubusin ng maliit pang bata. Maraming karinderya, sabaw na lang ang uulamin niya.
Idadamit? Hindi naman kailangan ng bago. Maraming ukay-ukay sa palengke.
Matitirhan? Madumi man at nangngamoy basurahan, ligtas naman sila sa barung-barong niya. Walang kakanti sa kanila. Siya si Bibeng, ang siga sa tambakan. Sa maliit niyang kakayanan ay magagawa niyang pangalagaan ang batang nasa panganib ang buhay. Wala siyang maaring pagkatiwalaan, walang pwedeng paniwalaan. Sarili lang niya ang natitiyak niyang may tunay na malasakit sa batang dumating sa kanyang buhay.
Dahil nang sumakay ito sa kariton, nang buhatin niya at ipasok sa loob ng barung-barong, noon pa lang ay kasali na siya sa laban nito. Damay na siya sa ayaw niya't sa gusto. Bahala na. Tutal, sanay naman siya sa ganoong paraan. Basta makaraos ngayong araw, pagkagising na lang uli problemahin ang bukas. Ang mahalaga, mapanatili niya itong humihinga.
Nang makauwi'y nagsamsam siya ng mga maruruming damit pati na ang isa pang kumot na ilang buwan nang 'di nasasayaran ng sabon at tubig. Maingat niyang inilabas ang batya at galon ng tubig. Kinusutan niya ang mga labahin. Hindi baleng may mantsa pa ng libag ang importante mabawasan ang dumi at mag-amoy sabon.
Ang pinagbanlawan ay ipinanglinis niya ng inidoro. Buti na lang kahit masukal sa dami ng kung anu-anong kalat ang loob ng barung-barong niya ay palagi namang malinis ang kakapiraso niyang kubeta. Dating bahay na tinibag ang napwestuhan niya, sa gawing iyon niya piniling maglagay ng dingding at bubong kahit may kalayuan sa tambakan dahil sa kubetang 'yon.
Pagkatapos ay naglinis siya ng bahay, isinalansang maayos ang mga nakatambak-tambak upang magmukhang malinis at may magalawan. Pinunasan rin niya ang plastik na aparador at doon inilagay ang iba pang damit na nakabalumbon sa isang plastik. Hindi na siya mag-isa ngayon. Kailangang kahit paano'y malinis ang loob ng tirahan nila. Hindi niya alam kung bakit sa kabila ng takot ay nakakadama siya ng kasiyahan. Eksayted na 'di mawari. Nilingon niya ang natutulog pa ring paslit. Sa loob ng mahabang panahon ng pag-iisa, ngayon lang siya may makakasama. Ngayon na lang uli siya may matatawag na pamilya.
"Simula ngayon, ikaw na si Bubot at ang Bibeng na ito ang Mamay mo. Tatakasan natin ang katotohanan at ipagpapatuloy ang buhay."
Sumisipol niyang itinuloy ang ginagawa. Gusto niyang sorpresahin ang anak sa malinis na lugar na magigisnan.