CHAPTER 3 - Kanlungan ng isang Anghel

2126 Words
ANG BUNSO ng mga Caballero, patuloy lang sa paglalakad. Hindi nakakaramdam ng ginaw. Hindi nakakaramdam ng pananakit ng mga binti at paa. Animo nasaid ang luha at wala ng maitulo pa. Sari-sari ang laman ng isipan at isa na ang kagustuhang makalayo at makatakas. Hindi siya dapat makita ng mga monsters na pumatay sa mga magulang, sa kuya at ate niya. Gaya ng mga movies na napapanood nila, lalayo muna siya para magpalakas. Sa malayung-malayo siya pupunta. Gaya ng mga bida sa mga palabas, babalik siya para hanapin ang mga monsters kapag kaya na niya. Papatayin niya ang mga iyon paglaki niya. Gaya ng mga bidang inaapi ng mga kontrabida, ng mga good guys na pinahihirapan ng mga bad guys. Magsasanay siya upang magiging malakas. Siya ang bida sa kasaysayan ng kanyang buhay. Gaya ng mga napanood niyang anime. Gaya ng mga compact disc na pinanonood ng kuya niya, ng mga books na binabasa ng ate niya. Magiging super hero siya, ipagtatanggol niya ang mga naaapi, ang mga weak. Magkakaroon siya ng super power, lalabanan niya ang masasama. Naramdaman na niya ang lamig, basang-basa na ang damit niya at short. Hindi siya dapat magkasakit, hindi siya dapat mamatay. Luminga siya sa paligid. Napangiti siya nang makakita ng mapagtataguan. Doon madalas magtago ang mga bidang may dugo sa katawan, ang hinahabol ng mga goons o ng mga bad men in uniform. Hindi siya makikita ng mga may gustong manakit sa kanya kapag sumakay siya doon. Tama! Doon siya magtatago. Muli siyang tumingin sa paligid, madilim. Madalang na ang mga sasakyang dumadaan. Wala ring mga taong naglalakaran. Gaya sa mga napanood niyang horror movies, mag-isa lang siya sa gitna ng dilim. Inilang hakbang lang niya ang pagtataguan at maingat na sumakay. Nakaramdam siya ng kapanatagan. Ligtas na siya. Nakangiti niyang ipinikit ang mga mata, hanggang sa wala na siyang naririnig kahit ang patak ng ulan. Kinabukasan... Pupungas-pungas na bumangon si Bibeng, dinampot niya ang isang boteng plastik na naglalaman ng malinis na tubig. Idinikit sa bunganga at tumungga ng kaunti upang ipangmumog. Naghanap siya ng mapagbubugahan ng laman ng bibig, sa nakatambak na mga bote niya iniluwa ang tubig. Pagkatapos ay binasa ng kaunti ang mga daliri at ipinantanggal ng muta sa magkabilang mata at pinangpalis ng bahid ng natuyong laway sa sulok ng bibig. Kinuha niya ang lumang thermos na nangungutim at coffee mug na nagsisilbing kapihan sa umaga, lalagyan naman ng inumin kapag kumakain at lalagyan ng mainit na sopas na madalas gawing ulam sa kanin. Mula sa mga nakatambak na plastik at kung anu-anong abubot, kinuha niya ang isang sachet ng instant coffee, isinalin ang laman at saka nilagyang ng mainit na tubig. Muli na naman siyang naghagilap sa loob ng plastik at nang makuha ang kutsarang nandoon ay ipinanghalo na sa kape. Itinaktak lang iyon pagkatapos gamitin at muling ibinalik sa loob ng plastik. Hawak ang tasa ng kape na dahan-dahang sinisimsim ang laman ay naglakad siya palapit sa pintuang barung-barong. Inalis ang kapirasong yerong nagsisilbing harang at saka sumungaw sa labas. "Mabuti naman at tumila na ang ulan. Ayos na ayos ang delihensiya ngayong araw. Tiyak na maraming basura mamaya sa tambakan," nangingiti niyang sabi. Muntik na siyang masamid nang makitang gumalaw ang karitong ginagamit sa pamumulot ng kung anu-anong pakikinabangan mula sa mga basura. Madilim pa at tanging ang liwanag mula sa ilaw ng poste sa 'di kalayuan ang tanging liwanag na tumatanglaw sa bahaging iyon ng kanyang tirahan. Nasa likuran ng tambakan ang barung-barong niya at ng iba pang walang matirhan. Mga pamilyang naglagay ng ilang pirasong kahoy at pinagtagni-tagning lumang yero at lona na napupulot mula sa mga basura ng nakagiginhawa sa buhay. Ibinaba niya ang tasa at mabilis na dinampot ang mahabang tubo na palagi niyang kasama upang pangalagaan ang sarili. Siya si Vivian alyas Bibeng. Beinte uno anyos sa kasalukuyan. Isang probinsyanang naglakas loob magtungo sa Maynila upang guminhawa ang buhay ng pamilyang iniwanan. Nene pa siya noon. Sa tulong ng isang ginang na nakilala ng kaibigan ay nakarating siya sa lugar na pinapangarap marating ng mga taga probinsiyang gaya niya. Tatlo silang magkakaibigan kaya lumakas ang kanyang loob. Naingganyong nasa Maynila ang magandang kinabukasan at pag-asang umasenso. Ngunit ang maganda niyang pangarap ay nauwi sa bangungot nang mangamuhan sa malulupit at walang pusong pamilya. Mistulang hayop kung ituring siya ng mga ito. Sinasaktan kung magkakamali at hindi pinakakain bilang kaparusahan. Hindi rin siya sinuswelduhan dahil pambayad utang lang daw siya ng ginang na nagpasok sa kanya. Hanggang sa aksidenteng mabanlian ng kumukulong mantika ang kanyang hita at binti nang pilit pa ring pagtrabahuhin sa kabila ng mataas na lagnat. Imbis na ipagamot ay galit na galit siyang pinagtabuyan ng among babae matapos abutan ng limandaang pisong pambili daw ng gamot. Mabuti na lamang at may nagmagandang loob na tumulong sa kanya. Kinasuhan pa ang mga amo niya. Ngunit pagkaraan ng ilang buwan ay wala na. Pinapirma na lang siya ng abogadong nagpalakas ng loob niyang ipaglaban ang karapatan. Kinausap siya nito at sinabihang tanggapin na lang ang sweldo sa mga buwan ng pinanilbihan niya at kapirasong halagang magagamit pambili ng pamahid sa patuyo na raw niyang sugat. Sinabihan pa siyang bumalik na lamang sa probinsya at magsimula uli ng bagong buhay. Tinanggap niya ang pera. Ang kabayaran sa karapatan na sinasabi ng abogadong alam niyang nasuhulan at nabayaran. Ipinadala niya sa mga magulang ang karamihan at ang natira ay ginamit para mabuhay. Dito sa Maynila, kung saan siya nadapa. Dito rin niya isinumpang babangon. Iniikot niya ang tila takip sa dulo ng tubo at iniangat. Matulis na ice pick ang hinugot niya mula sa pagkakasuksok. Inilagay sa gawing tagiliran ang kamay upang ikubli ang armas at saka maingat at dahan-dahang nilapitan ang kariton. "Sino ka? Balak mong mang-nenok ano? Pati ako tataluhin mo pa. Bibilang ako ng tatlo, kapag hindi ka lumantad kakanain kita at ibabaon sa tambakan," pagbabanta niya. Nang walang lumabas ay sinimulan na niya ang pagbilang habang inihahanda ang sarili. "Isa.." ''Dalawa..'' Wala pa ring lumalabas kaya humanda siya pag-atake. Kasabay ng ikatlong bilang ay inangat niya ang malapad na kahoy na nakatakip sa kariton. "Put--" hindi na niya naituloy ang pagsasalita nang makita ang isang batang babaeng tila hipon na isinalang sa mainit na kawali. Nakabaluktot ang katawan nito at nanginginig. Hindi na kailangan pang hipuin upang malamang inaapoy ito ng lagnat. Wala nang isip-isip pa, ibinaba niya ang hawak sa loob ng kariton at saka nagmamadaling iniahon ang katawang nasa loob. Pagkatapos ay ipinasok sa loob ng barung-barong. "Huwag naman sana, huwag naman sana." Paulit-ulit niyang sabi habang binibihisan ang bata. Kinakabahan niyang tinignan ang maselang bahagi ng katawan nito matapos masuri ang buong katawan. "Praise the Lord, Amen... Amen.." aniya nang walang makitang bakas na hinalay ang paslit. Itinakip niya ang lumang kumot sa katawan ng batang napulot habang naghahanap ng damit na maisusuot dito. Isang t-shirt na nangungutim ang nadampot niya, "Pagtiyagaan mo na lang 'to, be. Wala e, diyan ka kasi sumakay sa 'Mercedes' ko. Pero hindi bale, mabait naman ako kaya safe ka dito sa 'mansyon' ko." Pinunasan niya ang katawan ng bata upang mabawasan ang init na isinisingaw ng katawan nito, "Konting tiis na lang, be. Maya-maya lang ay may mabibilhan na tayo ng biogesic. Sabi ng ex kong si John Loyd, safe 'yun kahit walang laman ang tiyan mo." Nang bahagyang sumilip ang liwanag ay lumabas na siya at tinakbo ang pinakamalapit na tindahan. Tatlong tabletas agad ang binili niya, pagkaraa'y sa lugawan naman siya dumiretso. Isang order ng lugaw at isang nilagang itlog ang in-order niya. "Putsa Bibeng, mukhang nakadale ka ng mahilab-hilab kahapon, a. May lugaw na, may itlog pa." Biro ng tindera. "Paminsan-minsan man lang, Aling Nena. Ito lang ang tanging luhong maibibigay ko sa sarili. Bukod sa mura na at may dagdag, aba e, ubod pa ng sarap. Walang makakapantay. Ang timpla niyo ang dinadayo at hinahanap-hanap ng mga drayber. Maganda at mabait pa ang tindera." Pambobola niya sa ale. Kunsabagay ay masarap naman talaga ang lugaw nito, sinobrahan lang niya ang papuri upang sobrahan din ng tindera ang sandok sa tinatakal na lugaw. At hindi nga siya nagkamali. Halos dalawang order ang inilagay nito sa plastik. Dinagdagan pa ng ilang pirasong lasog na laman ng baboy. "Hus, binola pa ako nito. Siya sige na, kumain kang mabuti at nang makarami sa pagkalahig." Nakangiting sabi ng ale. Nagpasalamat siya at saka nagmamadaling lakad-takbo uli ang ginawa. Nang makauwi ay agad niyang isinalin ang lugaw. Binabalatan na niya ang itlog nang maramdamang tila may nakatingin sa kanya. Luminga siya at muntik nang mabitawan ang hawak nang makitang titig na titig sa kanya ang batang nakatagilid sa pagkakahiga. Ngumiti ito sa kanya, isang ngiting nakakalusaw ng puso. Inosenteng ngiti ng isang Anghel na sa poder niya napiling magkanlong. Nilapitan niya ito at maingat na sinalat sa noo, "Medyo bumaba na ang lagnat mo. Kaya mo ba bumangon?" Nang tumango ang bata ay maingat niya itong inalalayang makaupo, "Kumain ka muna. Kailangang malamnan ang bituka mo para hindi ka sikmurain. Nababad ka sa lamig kagabi at hindi malayong sipunin ka at ubu--." "Hatsing... hatsing!" sunud-sunod na pagbahing ng bata na nasundan ng pagsinghot. Natigilan ito at napatingin sa kanya, halatang pinipigilan ang isa na namang pagbahing ngunit hindi rin napigil at nabahing uli. Nagkatinginan sila at magkasabay na nagkatawanan. Kinuha niya ang isang damit matapos amuyin kung hindi pa niya naisusuot. Nang maamoy sabon ay iniabot iyon upang masingahan at magamit nitong pamunas. Kinuha naman ng bata at walang sabi-sabing siningahan. Nag-aalala itong sumulyap sa kanya. Ngumiti siya katumbas ng pagsasabing, 'okey lang'. Inilapit niya ang tasa ng lugaw matapos itambog ang nilagang itlog. Napansin niya ang pangingimi nito ngunit nang ngumiti siya at bahagya pa uling ilapit ang tasa ay sinimulan na nito ang pagkain. Sinusulyapan niya ito habang naghahawan ng kalat sa paligid. "Matangos ang ilong, malantik ang mga pilik sa bilugang mga mata. Manipis ang mapupulang labi, pantay-pantay ang mapuputi at makintab na ngipin. Mamula-mula ang makinis na kutis at malambot ang mahabang buhok. Anak ng nakakariwasa ang batang ito. Hindi kaya kinidnap ito at nakatakas lang? Baka madamay ako, baka pinaghahanap na ito ng mga magulang niya at ng mga pulis. Ano kaya ang mainam kong gawin? Dalhin ko kaya sa presinto? Malay mo may malaking reward pala sa makakapagturo sa kinaroroonan niya. Jackpot ako 'pag nagkataon!" sa loob-loob niya. Nag-angat ng paningin ang bata, nagtamang muli ang paningin nila. Natigilan siya nang makita ang namumuong luha sa mga mata nito. Tila nagmamakaawa, nagsusumamong huwag niyang pababayaan. Nakaramdam siya ng awa, ng simpatya. Hindi niya alam kung saan sila nagkakahawig, kung ang mapait na sinapit niya noon ay siya ring pinagdadaanan nito ngayon. Hindi niya maipaliwanag ngunit nakita niya ang sarili sa katauhan ng batang nagsisimula na ngayong tumulo ang luha. Kusang gumalaw ang katawan niya, palapit sa paslit. Umangat ang mga bisig at ipinangkulong sa maliit nitong katawan. Hinayaan niyang mabasa ng luha at sipon ang damit sa tapat ng kanyang dibdib. Hindi namamalayang tumutulo na rin ang luha niya. Nakikipagsabayan na sa pagtaas-baba ng balikat at paghikbi ng paslit na nakayakap sa kanya. "Shhh... Huwag kang mag-alala, hindi kita pababayaan. Ang Nanay Bibeng ang bahala." anas niya sa ulunan nito. Muli niyang pinahiga ang batang napulot matapos painumin ng gamot. Mabait ito at sumusunod sa mga sinasabi niya. Hindi na siya lumabas upang mangalkal sa tambakan. Binantayan niya na lamang ang paslit habang pinag-iisipan ang gagawin. Hindi ito nagsasalita, tango at iling lang ang isinasagot sa mga tanong niya. Naisip niyang siguro ay pipi ito mabuti na lang at nakakarinig. Nang itanong niya ang pangalan ay tumingin lang sa kanya, tila nag-iisip. Pagkatapos ay sunud-sunod na pag-iling ang ginawa. Muli na namang nagluha ang mga mata kaya hindi na siya nag-urirat pa. Naisip niyang marahil ay wala itong maalala. May amnesia, gaya sa mga teleseryeng napapanood niya kapag tumatambay sa karinderya. "Ano kaya ang gagawin ko sa batang ito? Mabuti siguro ay makiramdam muna ako. Makikipanood ako ng balita sa t.v. o kaya ay magbabasa muna ako ng bagong dyaryo. Baka nasa peligro ang buhay niya. Ganun sa mga pelikulang napapanood ko. Baka nag-asawa uli ang nanay niya tapos pinapatay ng amain niya. Para masolo ang kayamanan nila, ang gusto ng dimonyong 'yon ay patayin na rin siya. Tangina! Ang liit-liit pa, papatayin na? Hindi ako papayag. Kaya siya sumakay kay Mercedes ay para magtago. Para makatakas sa humahabol sa kanya. Tama! Ganun nga siguro. Pwes, ako ang magiging tagapagligtas niya. Hindi ko gagayahin ang tarantadong abogagong tutulong daw sa akin pero pinagkaperahan lang ako, ginawa akong negosyo. Wala man akong pinag-aralan ay mayroon naman akong prinsipyo at paninindigan. Hindi nila ko masusuhulan!'' Mariin niyang sabi habang pinagmamasdan ang nakapikit na paslit. Pinaniwalaan na ang hinalang nabuo sa isip.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD