Chapter 3

1601 Words
Aoi MAIMIS na kapaligiran, sariwang hangin, puro, at maayos na mga tao ang sa aki’y nakapalibot. Ibang-iba, kaysa sa atmospera na mayroon sa loob ng aming tahanan, iyon ang aking pakiramdam kapag narito sa lugar na itinuturing kong pangalawang tahanan. Dito, sa Carpio’s band café. Nakatayo ako at nakatingin sa kawalan habang dinadama ang preskong hangin malapit sa entrance ng CBC. Maya-maya lang ay bahagya akong napaigtad, nang biglang may tumawag sa akin. Agad ko ‘yong nilingon, sapagkat mabilis kong nakilala ang pinanggalingan ng tinig na iyon. Maging kung paano ako nito tawagin sa aking pangalan. "Ms. Awie, pasensya na,” sabi niya habang papalapit sa akin. “Nakaiistorbo ba ako sa ‘yo?” tanong niya. Mahina akong tumikhim saka diretsong tumingin sa kanya.  “Hindi naman,” tipid ko siyang nginitian. “May kailangan ka ba?” dagdag ko. Ngumiti siya sa akin. “Wala, Ms. Awie. Sasabihin ko lang sana na hinahanap ka sa akin ni Ma'am Van, baka kasi may kailangan sa 'yo,” mahinahon niyang imporma sa akin. “Ang sabi ko ay naka-break ka, puntahan mo na lang siya,” dagdag pa niya. "Gano'n ba— okay sige, salamat,” muli ko siyang nginitian matapos kong sabihin iyon, pagkatapos ay tumango siya sa akin saka tumalikod para bumalik sa loob. Siya si Calvin. Nauna ito sa ‘kin na magtrabaho rito sa CBC. Hindi ko lang sigurado kung gaano na siya katagal dito, dahil hindi kami nakapag-uusap nang matagal. Maliban kay Kuya Axel na mas nauna sa amin ay siya lamang ang lalaki na nakikita kong nagdu-duty o nagtatrabaho rito. Hindi ko alam kung bakit, pero tila may lihim yata na pagkamuhi si Ma’am Vansha sa mga lalaki? Bahagya kong ipinilig ang aking ulo dahil sa ‘king naiisip. Sige, Aoi. Husga pa more . . .  Makapasok na nga lang. Huminga ako nang malalim saka inihakbang ang aking mga paa. Hindi na 'ko magtatagal dito sa labas, dahil thirty minutes naman na akong narito. Ewan ko ba, pero simula nang payagan kami ni Ma'am Van sa area na ito ay dito ko na nakasanayang magpalipas ng oras sa tuwing magbi-break time ako. Ang presko kasi ng hangin at tunay na napakaganda nang tanawin, nakagagaang sa pakiramdam at kahit na mag-isa lang ako ay hindi ako nakararamdam nang pagkainip. Nang makapasok ako sa loob ay agad na bumungad sa akin ang mabangong aroma na dala ng iba't ibang uri ng kape. Simula nang magtrabaho ako rito ay hindi pa rin nagbabago ang nadatnan kong halimuyak sa lugar na ito. Sobrang consistent at nakaka-relax. "Skinny Mocha for Mr. D!" anunsyo nang baristang si Kuya Axel na mula sa counter.  Nagmadali ako sa aking pagkilos nang mapansin ko na tila walang iba na lumalapit sa kanya, para kunin ang tray kung saan nakalagay ang order ng isang customer.  Papalapit na sana ako sa counter, nang bigla kong naramdaman na tila may mainit na lunaw na bumuhos sa aking braso at dibdib na lubos kong ikinagulat dahil sa pagbangga ng isang magandang babae na hindi pamilyar sa akin. "Awie!” rinig kong sigaw ni Kuya Axel.  Gustuhin ko man na lumingon sa kanya ay hindi ko magawa, sapagkat hindi ko maialis ang tingin ko sa babaeng nasa harapan ko dahil sa hindi maipintang mukha nito. "Ano ba ‘yan, tatanga-tanga ka naman!” hiyaw niya sa akin, kasabay nang pagtikwas ng isang kilay nito. Nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi niya. Gulat na gulat at takang-taka ako dahil ako na ang binangga niya, pero kung umasta siya ay para bang kasalanan ko pa ang nangyari.  Bahagya akong yumuko nang makaramdam ako ng hapdi mula sa ‘king braso, na dulot ng mainit na kape na bumuhos sa akin. Pagkatapos ay napatingin ako sa puting uniporme ko na ngayon ay parang basahan na sa dumi. Maluha-luha akong nag-angat nang mukha upang muling tingnan ang babaeng nasa harapan ko, ngunit mas natuon ang atensyon ko nang makita kong humahangos si Calvin, habang papalapit ito sa akin. Hindi ko alam kung nagkakamali lang ba ako, pero napansin ko na bigla itong inunahan ni Ma'am Vansha na makalapit sa akin. "Let me handle this,” aniya. “Calvin, pakikuha na lang ako ng tissue, please,” utos niya. Hindi ako makagalaw nang maayos habang tinitingnan ang pagtango ni Calvin kay Ma’am Vansha. Hanggang sa makaalis ito sa ‘ming harapan. "Oh God! Okay ka lang ba?" mahinang tanong ni Ma’am sa akin.  Kitang-kita ko ang pag-aalala nito, nang tumingin ako sa kanyang mukha. Hindi ko alam kung ganito lang ba talaga siya sa lahat ng empleyado rito, pero iba. Tila nag-iinit ang aking puso dahil sa malasakit na ipinakikita at ibinibigay nito sa akin. Dalawang beses akong tumango sa kanya. Pilit na tango. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko dahil ramdam ko, na gusto nang pumatak at mag unahang lumandas ng mga luha mula sa ‘king mga mata, dahil sa bigat na nararamdaman ko at sa kahihiyan na nangyayari ngayon.  Alam ko na maraming nakatingin sa amin, kahit hindi ko iikot ang aking paningin sa paligid.  "Ma'am Vansha, sorry po. P-pasensya na po. Hindi ko po siya nakita— hindi ko po gusto ang nangyari," tumingin ako sa babaeng nakabangga sa akin. "Pasensiya na po, Ma'am.” Kahit na alam kong wala akong kasalanan ay nanghingi pa rin ako nang paumanhin. Hindi ko alam, pero kumikirot ang aking dibdib sa nangyayaring ito dahil hindi ko maiwasan na makaramdam ng takot. Takot na baka matanggal ako sa trabaho at maghanap sila ng ipapalit sa akin dahil sa abalang nagawa ko ngayong gabi. Ayoko. "Dapat lang na mag-sorry ka!” galit na galit na sabi ng babae. “Alam mo ba na isang araw na sahod mo ang presyo nang kape na tinapon mo!" duro niya sa akin. Yumuko ako at nanatiling tahimik. Hindi ako sumagot, hindi ko na ipinagtanggol pa ang sarili ko dahil alam ko na kahit siya ang may kasalanan ay ito pa rin ang magiging tama. Dahil mahirap lang ako, at mayaman siya. Alam ko, na hindi ako mananalo. "Excuse me, Miss. I don’t know you personally. All I know is you're a regular customer here, but that doesn't mean you have the right to insult any of my employees here.” Napaawang ang mga labi ko dahil sa gulat, nang sagutin ni Ma'am Vansha nang gano’n ang babaeng dumuro sa akin. Kalmado lang ito, pero tila naging rason iyon upang lalong mag-init sa galit ang babaeng nasa harapan namin.  Napatingin ako kay Ma’am Vansha matapos kong makita na umirap ang babae sa kanya.  “Wala kayong k’wenta!” pagkasabi n’yon ay tumingin siya sa akin, “Slut!” nangunot ang aking noo, lalo nang bigla siyang tumalikod saka padabog na naglakad palabas nang café na ito. Hindi ko alam kung bakit parang ang init-init ng dugo niya sa ‘kin. Isa lang ang nasisiguro ko, ngayon ko lang siya nakaharap. At hindi ko siya kilala. "Ang dami talagang walang modo sa mundo. Minsan talaga, kung sino pang mukhang may pinag-aralan ay siya pa 'tong mahirap pakisamahan at intindihin.” Umiiling-iling na salita ni Ma'am Vansha. “Anyway, may pang-palit ka ba?" tanong niya sa akin. Diretso akong tumingin sa kanya. "Y-yes po, Ma'am," tugon ko. Yumuko ako dahil bigla akong nakaramdam ng hiya. "Gusto mo ba na dalhin kita sa clinic?" muli niyang tanong. Agad akong nag-angat ng tingin sa kanya. "Nako, Ma’am. H-hindi na po. Hindi naman po ito masyadong masakit. Okay lang po ako.” "Sigurado ka ba?" may pag-aalala niyang tanong.  Tumango ako sa kanya. “Opo, Ma’am.”  Pinakiramdaman ko siya. Ang totoo ay naghihintay ako kung pagagalitan niya ba ako dahil sa nangyaring ito, pero nagmistulan siyang isang anghel na ngumiti sa akin bago muling nagsalita. "Just go home, okay? Don't worry about the salary, it won’t be deducted."  Hindi ko alam kung nagkakamali lang ba ako ng pagkakarinig o pagkakaintindi sa sinabi niya, kaya agad ko siyang tinanong para makasigurado. "Ma'am, h-hindi po ba kayo galit sa 'kin? I mean, hindi niyo po ba ako sisisantihin?"  Bahagyang nagsalubong ang mga kilay niya matapos ko iyon itanong, maya-maya ay tipid siyang ngumiti sa akin. "Why would I do that?" Napalunok ako dahil sa kanyang sinabi. “Uhm, k-kasi po—” "Walang dahilan para tanggalin ka,” mabilis niyang sambit. Napansin ko ang mga mata niya na tila may tinanaw sa kaliwang gawi ko, pagkatapos ay agad din nitong ibinalik sa akin ang paningin niya.  "Nakita ko ang lahat nang nangyari kanina,” muli siyang ngumiti sa akin. "Alam ko na wala kang kasalanan. Hayaan mo, hindi na ito mauulit.” Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko, pero alam ko na masaya ako sa sinabi niya sa akin. Ibig sabihin nito'y kahit hindi ko ipagtanggol ang aking sarili ay alam kong hindi ako talo. "Maraming-maraming salamat po, Ma'am Vansha,” naluluha kong sabi. "Walang problema,” aniya. “Teka, sigurado ka bang okay ka lang?"  "Yes po, Ma'am,” magalang kong tugon. "Alright, mauna na ako sa ‘yo. Magpalit ka na, pagkatapos ay puwede ka nang umuwi. Mag-iingat ka.” Ngumiti ako at tumango sa kanya. Maingat niya kong tinapik sa ‘king braso, bago ito naglakad paalis. Mabuti na lang talaga ay mabait ang anak nang may-ari nitong café. Meron mang pangit na nangyari sa akin ngayong gabi, agad naman ‘yong napalitan ng kagalakan dahil kay Ma'am Vansha. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD