Aoi
"Prend, kumapit ka sa akin, ha? Kahit ‘yung kapit na pang mag-jowa, keri na ‘yon! Alam mo naman, ‘di ba? Nakuwento ko na sa ‘yo na desester ‘tong sasakyan ni Kuya!” salita ni Maureen.
Siya ang nag-iisang matalik na kaibigan ko rito sa lugar namin. Magda-dalawang taon na kaming magkakilala, pero hindi ito nagbabago.
Funny pa rin.
Nakilala ko siya sa covered court, na hindi nalalayo sa bahay kung saan kami nakatira. Nagkatabi kami no’n sa isang pila nang magbigay ang barangay namin ng grocery para sa mga residente ng St. Kalikasan dito sa Makati, matapos ang dumaang bagyo na ikinalungkot nang marami. Halos lahat kasi sa lugar na ito ay nilipad ang mga bubong, ang iba naman ay hindi na talaga kinaya kaya nagiba na. Pasalamat na lang kami ni Reen, dahil hindi nabilang ang aming tinitirhan doon. Pero syempre, nakipila na rin kami no’n. Sayang din kasi ang grasya.
Likas sa kanya ang pagiging madaldal. Masaya siyang kasama at kausap. Halos buong storya yata nang buhay nito ay nakuwento na niya sa akin, dahilan, kaya hindi ako nakaramdam ng pagkabagot kahit na inabot kami ng hapon sa pila no’n.
Simula noon ay lagi na kaming nagbabatian sa tuwing nagkikita sa daan. In-add niya rin ako sa sss saka siya nag-chat. Buti na lang ay nakilala ko siya agad, kahit na naka-wacky pa ito sa kanyang profile picture.
Nakakatawa talaga siya. Para bang hindi ito nagkakaroon ng problema, kahit na minsan ay napapansin ko mula sa kanyang mga mata ang kalungkutan.
Alam ko, na mahirap ang maging mahirap.
“Huy, Prend!”
Napabalik ako sa kasalukuyan nang kumaway ito sa ‘king harapan.
“Bakit ka natutulala diyan? Na-shockings ka ba sa sinabi kong desester ‘tong e-bike ni Kuya?” salita niya sa akin.
Napaawang ang mga labi ko.
"A-ano bang desester ang pinagsasabi mo?" mahinahon kong tanong.
"Uhm, ‘yung kapag ano . . . ‘pag— basta! Baka kasi mapahamak ka, eh!” Napalunok ako dahil sa kanyang sinabi.
"D-disaster ba?" tanong ko nang ma-gets ang sinabi niya.
Sandali siyang nag-isip saka tumalikod sa akin, sumakay siya sa e-bike bago muling nagsalita.
"Iyon nga, tama! Ang galing mo diyan, Prend. Iba talaga kapag nakatuntong ng calends, ‘no? Anyways, sakay ka na. Baka ma-late tayo!” Nangunot ang noo ko habang paupo sa likod nito.
Tama ba ako ng dinig?
Tumikhim ako, umayos muna ako ng upo saka nagsalita, "Friend, ano naman ‘yung calends na sinasabi mo?" hikpa kong tanong sa kanya.
"Ano ka ba, Prend? Hindi mo 'yon alam? Shockings! Nag-aral ka kaya sa calends!" tugon niya habang pinaaandar ang e-bike na sinasakyan namin.
“You mean— college?"
Kahit gets ko siya ay dinadaan ko na lang sa pagtatanong kapag meron itong sinasabi na alam kong mali. ‘Yun lang kasi ang alam kong paraan para maitama siya. Ayoko na ma-offend ang kaibigan ko.
"Oo— yata? C-college ba ‘yon?” nag-aalangan niyang sagot, "Kaloka naman pala! Bakit parang ang daming mali? Eh, halos magkakatunog lang naman ‘yon!”
Napangiti na lang ako at napailing sa sinabi nito.
"Siya nga pala, Reen.” Tumikhim ako.
“Yezzy?” sagot niya sa akin.
“Sa— tingin mo ba, matatanggap ako sa shop ng Tita mo?" pag-iiba ko sa usapan.
Napansin ko na bigla niyang binagalan ang pagpapatakbo sa sinasakyan namin.
"Ou naman, ‘no!” tugon niya, "Natanggap ka nga ro’n sa Carpio's band café, eh! Tama na ba 'ko, Prend?" napatigil ito nang magtanong sa akin. Madalas kasi nitong hindi nababanggit nang tama ang pangalan ng coffee shop na pinapasukan ko.
“Yes,” tipid kong sagot.
“Pak! Ang galing ko, ‘di ba?” masaya niyang sabi. “Don’t worry, Prend. Kung si Tita Ara ang inaalala mo, mabait ‘yon. Isa pa, naghahanap talaga siya ng papalit sa kanya pansamantagal! Este, pansamantala. Tulad nga nang sabi ko sa 'yo sa text, 'di ba? Ilang buwan kasi yatang mawawala ‘yon si Tita, dahil may tinatayong business sa— saan nga ba 'yon? Nakalimutan ko na tuloy. Basta! Sa ibang bansa. Dalawa lang kasi kami lagi niyon sa shop kapag umaga, ang problema lang ay ‘yung anak niyang matapobreng mukhang kinulang sa aruga!"
Napakurap-kurap ako dahil sa sunud-sunod niyang salita, pero hindi nakatakas sa aking isipan ang huli nitong sinabi.
"Anong ibig mong sabihin?" nagtataka kong tanong.
"You will known, Prend. Basta! Him name is Zairel.”
Muling napaawang ang aking mga labi dahil sa sinabi nito.
"Uhm, may lalaki ka pa lang pinsan?" kunot noo kong tanong sa kanya.
"Ha? May sinabi ba akong lalaki? Babae 'yon, Prend. Ano ka ba!" sabi nito.
"Sabi mo kasi— him?" Sandali akong napakamot sa aking ulo.
"Nakikinig ka ba sa 'kin, Prend?" Narinig ko ang pagbuntong hininga niya, pagkatapos ay nagpatuloy ito sa pagsasalita. "Ang hirap mo naman kausap, eh! Basta mag-iingat ka sa impakta na 'yon kapag pinakilala ka ni Tita sa babaeng ‘yon!”
Napaisip ako sa sinabi nito at bahagyang kinabahan.
"We almost hair," hindi ko na pinansin ang sinabi ng kaibigan ko dahil mas natuon ang atensyon ko sa isang shop na hinintuan namin.
Nandito kami sa harapan mismo nang isang malaking eskuwelahan na lagi kong pinagmamasdan sa tuwing napadadaan dito. Hindi kasi talaga kalayuan ang Carpio's band café na pinapasukan ko rito, dahilan, kaya hindi na ako nag-atubiling tanggapin agad ang alok sa akin ni Reen.
Nang maiparada niya ang e-bike sa gilid ng shop na tinigilan namin ay agad akong niyaya nito na pumasok sa loob.
Nang makapasok ay sumalubong sa akin ang ngiti nang isang magandang babae na kung hindi ako nagkakamali ay Tita ni Reen.
"Good morning po," bati ko.
"Good morning, Tita. This my Prend, Aoi,” sabi ng kaibigan ko.
Tipid akong ngumiti nang makita kong napahawak sa sintido ang Tita nito bago nagsalita.
"Okay na, Reen. Okay na. Ako nang bahala sa kanya kumausap, salamat."
Pagkasabi niyon ay tumango si Reen saka pumasok sa loob, siguro ay magsisimula na siya sa kanyang trabaho.
Muling ngumiti sa akin ang babaeng nasa harapan ko kaya ginantihan ko rin ‘yon ng isang ngiti, pagkatapos ay nagpakilala ito sa akin at inanyayahan sa bakanteng upuan malapit kung nasaan ang counter.
"So, Aoi Delavega. Tama ba?" bungad na tanong niya sa akin nang makaupo kaming dalawa.
"Y-yes po," kinakabahan kong sagot habang tumatango.
Ngumiti siya ulit sa akin saka muling nagsalita, "Relax lang, 'wag kang kabahan. Ako lang 'to."
Pagkasabi niyon ay tumawa ito, na ikinangiti ko dahil kahit papaano ay naibsan ang kaba na nararamdaman ko.
"Alam mo,” diretso akong tumingin sa kanya. “Kasing ganda mo ang pangalan mo. Ilang taon ka na nga?”
"Uhm, nineteen years old po," mabilis kong tugon.
"Ohh— I thought you were only sixteen. Are you a working student?" agad akong umiling.
"Hindi po,” sagot ko.
"Kung gano'n, bakit bilang na oras lang ang gusto mong pasukin dito? Okay lang ba sa 'yo ang apat na oras? Tatanggapin naman kita kung gusto mo mag-full-time rito.”
Matamis akong ngumiti sa kanya, "Uhm, isang karangalan po sa akin ang makapagtrabaho rito— sakali man po na matanggap ako. Lalo na, kung buong araw pa po. Pero kasi— ang totoo po ay may trabaho po talaga ako, at malapit lang po rito sa shop niyo,” sandali kong inalis ang mga mata ko sa kanya, pagkaraa’y ibinalik ko rin. “Gusto ko lang po kasi talaga makapag part-time rito. Sayang po kasi. K-kailangan lang po talaga, dahil may sakit ang nanay ko.”
Sandali siyang natigilan habang nakatingin sa akin. Maya-maya ay nagsalita ito.
"Nakakahanga ka naman. Bilang lang ang kabataan na responsable, tulad mo. Pero— nabanggit mo na nagtatrabaho ka malapit dito? Saan? Puwede ko bang malaman?”
Mahina akong tumikhim, “Diyan po sa Carpio's band café." Tumuro ako sa kanang gawi.
Alam ko na kilala ang coffee shop na ‘yon dito kaya nagbakasakali ako kahit hindi ko sigurado, kung pati siya ay mayroong alam patungkol do’n.
"Jesus Christ! Really? Sa paglagpas nang school na katapat namin?”
Bahagyang nangunot ang noo ko dahil sa naging reaksyon niya.
“Alam mo ba na maraming nangangarap na makapagtrabaho sa nag-iisang CBC? You know, that coffee shop is a new concept café in town with an explosion of colour and art. Ang ambience ay buhay na buhay at talagang nakaka-good vibes. Isa pa, ang mga disenyo ay talagang nakahahanga. As in. Oh God! Kilalang-kilala sila dahil unique ang café na ‘yon. Idagdag mo pa ang sobrang g’wapo at mukhang masarap na may-ari ng shop na iyon! Hay, Jusmiyo!”
Hindi ko alam ang mararamdaman ko sa mga sinabi nito, pigil ang aking ngiti dahil bukod sa nakikita ko sa kanya ang Toyang Jera ay alam ko na ngayon kung saan nagmana nang kakengkuyan ang kaibigan ko na si Reen.
"Lalo tuloy akong humanga sa ‘yo, ano ba ‘yan! K'wento ka naman kung paano ka nakapasok sa kanila, matagal ka na ba ro’n?" aniya.
Tipid akong ngumiti saka siya sinagot, "Mag a-anim na buwan pa lang po ako ro’n. Hindi ko rin po alam kung paano, pero ang natatandaan ko lang po ay pinakanta nila ako no’ng nag-apply ako sa kanila dahil habang ini-interview po ako ay hindi ko naiwasan ang mapatingin sa banda na naroon. Napakagaling po kasi nila. ‘Yun po, pagtapos ko po kumanta no’n ay may sumigaw na po na tanggap na ako."
"Ha? Gano'n lang kadali?” tanong niya.
Nakatingin lang ako sa kanya dahil sa pagtataka, base kasi sa reaksyon nito ay para bang kilalang-kilala niya ang may-ari nang coffee shop kung saan ako nagtatrabaho.
"Yes po, Tita. Hindi ko rin po alam kung paano, eh. Pero sigurado po ako na— blessing na rin po iyon para sa 'kin."
Matamis itong ngumiti.
"Yes. At siguro ay dahil sa magaling ka kumanta?" sabi niya. Ewan ko, pero bigla na lang akong nakaramdam ng hiya.
"Uhm, hindi naman po," sagot ko sa kanya, pagkatapos ay bahagya akong yumuko.
Bata pa lang ako ay nahilig na 'ko sa music, pero hindi ko inaangkin na magaling ako sa pag-awit dahil bukod kay Toyang at sa kaibigan kong si Maureen ay wala nang nakaa-appreciate sa akin. Kaya siguro hindi ako nasanay na mayroong ibang pumupuri sa akin.
Huminga ako nang malalim saka humawak sa aking bag. Hindi pa sana matatapos ang pag-uusap namin ng Tita ni Reen kung hindi tumunog ang alarm nang phone ko, tanda na dapat na akong pumasok sa trabaho kung kaya kinailangan ko nang magpaalam sa kanya dahil hindi ako p'wedeng lumiban.
"Alright, see you tomorrow.”
Ngumiti ako at nagpasalamat sa kanya nang sabihin niya iyon. Sa wakas ay madadagdagan na rin ang kikitain ko. Mas matutulungan ko si Toyang sa gastusin sa bahay, pati na rin sa mga gamot na kailangang inumin ni nanay sa araw-araw.
Salamat kay Tita Ara— iyon ang sinabi niya na itawag ko sa kanya. Totoo nga ang nabanggit ni Reen tungkol sa Tita niya, mabait ito. Sobra. Idagdag pa ang pagkakaroon nito nang malasakit sa kapwa at pagiging masayahin. Pero ewan ko, kung anong binait ni Tita Ara ay siyang kinamaldita naman ng anak niya. Bigla na lang kasi ‘yun umirap nang ipakilala ako sa kanya ng mommy niya. Mabuti na lang ay sanay na ako sa mga gano'ng trato, kaya kaysa patulan ay ginantihan ko na lang iyon ng isang matamis na ngiti.
Napakaraming sinabi sa akin ni Tita Ara. Mula sa mga dapat kong gawin sa araw-araw tuwing papasok sa shop, hanggang sa napunta na lang ang usapan namin kung paano niya napatayo at napalago ang mga negosyo niya. Hindi na nga yata naging interview ang nangyari? Parang chikahan na lang kasi. Well, it's a great day indeed.