Chapter 02

1867 Words
Hindi ako dapat maging apektado dahil nalaman kong mamaya ang dating niya dito sa isla. Pero hindi ko mapigilang mainis. Sa loob ng tatlong buwan, habang walang tulong medikal ay marami ang naghihikahos dito. May mga sakit na idinudulog na lang sa mga albularyo ngunit hindi masusugpo ng mga albularyong iyon ang mga malulubha. Tulad na lang noong Hunyo, may isang epileptic na hindi na makontrol ang seizures, panay ang contact ng pamunuan sa assistance nila pero sa tagal ng hindi nila pagresponde, namatay na lamang ang nakakaawang pasyente. Padabog kong binagsak ang walis tingting sa gilid ng dingding matapos damuhan ang mahawan nang bakuran. Naglikha iyon ng ingay kung kaya't napatingin si Diana na ngayon ay abala sa pagdidilig. "Ate, anong problema mo?" Nginitian ko ang walong taong gulang kong kapatid saka umiling. Nagpatuloy siya sa ginagawa samantalang ako ay napagdesisyunan nang pumasok sa tahanan. Abala naman sa pag aalis ng agiw si Nanay nang abutan ko siya sa loob, si Tatay naman ay prenteng nakaupo habang umiinom ng kape, kaharap niya ang lamesitang may mga pera, notebook, at lapis. Sinusuma na siguro niya 'yong kinita nila sa pangingisda. Halos kauuwi niya lang rin kasi mula sa fishport upang ibenta 'yong mga nahuli. Maya-maya darating na rito 'yong mga kasama niyang nangisda sa laot at paghahati-hatian ang kita. Pangingisda talaga ang numero unong pinagmumulan ng kabuhayan dito. Minsan hindi iyon sapat kaya suma-sideline si Nanay sa paggawa ng palamuti na siya namang ilalako sa palengke. "Nasaan po si Kuya?" tanong ko kay Nanay nang mapansing wala si Kuya Kaloy. Bahagya kong pinikit ang mga mata dahil nagsisilaglagan ang mga alikabok at agiw na biglang iwinasiwas. "Kasama ni Alet, tutulong at sasalubong daw sa pagdating ni Doc Gal," sagot niya at tumingin nang maayos sa akin. "Siya nga pala, magbihis ka na at baka dumating na sila dito. Magbabahay-bahay kasi si Doc para hindi dumugin ng tao sa center." Tumango ako ngunit nang makapasok sa kwarto ay ubod-taray kong inikot ang aking mga mata. Humanda talaga sakin ang doktor na iyon, raratsadahan ko ng mga tanong kung bakit ganon na lamang ang dalang ng pagbisita rito. Hindi sa gusto kong pumabor sa akin ang pinupunto ko, ang gusto ko lang naman kasi malaman ay bakit ganito? Napakaraming naghihirap dahil hindi manlang maagapan ang sakit na tanging propesyunal ang nakakagamot, bukod pa r'on, medyo palpak ang bangkang de motor ng gobyerno upang makarating sa pagkalayo layong kabihasnan, naubusan ba naman kasi ng gasolina at sira-sira na ang lumang piyesa. Swerte na lang kung hindi pa pumalaot ang mga sasakyang pandagat dahil may maghahatid pa sa kanila, pero paano kung walang magagawa? Tulad ng iniutos sa akin ay mabilis akong naligo, nagpalit ng simpleng gray na t-shirt at square pants na kabibili lang noong isang linggo. Nagsusuklay pa lamang ako ng basang buhok nang sugurin ako ni Diana dito sa kwarto. Nagsimula nang mag ingay ang tahulan ng mga aso. "Ate! 'yong doktor nandito na!" Inalis ko ang tingin sa salamin at inilipat kay Diana na ngayon ay parang pusa kung magningning ang mga mata. Halatang sabik na makakita ng nakapag-med dahil pangarap niya rin balang araw ang maging doktor. Well, hindi ko masisisi. Tulad ko ay malaking factor 'yong nakikita niyang naghihikahos sa tulong medikal ang Agunaya, bagay na pangarap niya ring matapos na. "Talaga?" sagot ko at tumayo. Bilang pagtatapos ay pinupog ko ng pulbos ang mukha at pikit-matang kinalat iyon sa pisngi. "Oo ate, sakay siya ng motor at kasabay niyang dumating sila Kuya Kaloy at Kuya Alet." Sabay kaming lumabas ng kwarto at tumungo sa bintana na nasa sala. Mula dito ay tanaw na tanaw ko ang propesyunal na imahe ng doktor na ngayon ay casual ang suot. May bitbit itong itim na bag sa kanang kamay habang si Alet na nasa likuran niya ay may buhat na karton. Tumingin sa banda ko si Doc Galileo, dahilan kung bakit umiwas ako at umupo sa bangkong dito sa sala. Bumilis ang t***k ng puso ko dahil sa kaba. Lintek, bakit ganoon siya kung makatingin? Tiningnan ko ang kondisyon ng sala. Wala na ang mga bagay na nakapatong kanina sa lamesita. May nakahanda na roong tinapay at may isang pitsel pa ng orange juice. Lalo akong kinabahan nang marinig mula sa labas ang boses nila Nanay at Tatay. "Magandang umaga dok," ani Nanay. Mataman kong pinakinggan ang usapang mabubuo. "Mabuti't napabisita ka ulit dok," singit naman ni Tatay. Sa hindi malamang dahilan, may parte sa akin na nais makarinig ng boses niya. Ang hindi ko maintindihan, bakit ako affected? May mga tao naman akong kinaiinisan noon pero hindi dumadating sa puntong timitibok nang mabilis ang puso. Wala rin naman akong dahilan para kabahan. "Good morning." Sa wakas, dinig ko mula sa kanya, at sa pagtatapos ng linyang iyon, tuluyan nang nakapasok ang mga tao sa sala, kasama siya. "Uy Ada," bati sa akin ni Arlet nang mapansin kong ikalawa siya sa pumasok at inilapag sa sahig ang kahon. Tiningnan ko iyon. Ano kayang laman no'n? Matipid akong ngumiti bilang sukli ngunit agad iyong naglaho nang mapansing nakatayo sa tabi ng pinto si Doc Galileo at nakatingin sa akin. Napalunok ako at ibinalik ang tingin kay Arlet. Pinagpag niya ang damit sa gawi niyang dibdib dahil nabahiran iyon ng alikabok mula sa kahon. "Maupo ho kayo doc," mahinahong winika ni Nanay nang siya naman ang nakapasok at napansing nakatayo lang sa gilid ng pinto ang sinasamba nilang doktor. Lihim akong umirap at tinanong si Arlet bilang pagbabalewala sa presensya ng kinaiinisan kong may propesyon. Umupo si Arlet sa tabi ko matapos kumuha ng dalawang tinapay, 'yong isa ay inabot niya sa akin na mabilis ko namang ipinagpasalamat. Inalok ni Nanay ng upuan si Doc at bukas-palad namang tinanggap. Subalit namutawi ang pagkailang sa akin dahil mismong katapat pa namin siya. Huling pumasok si Tatay at sa tabi ni Doc Gal umupo. "Si Kuya?" tanong ko kay Arlet na abala sa pagnguya. Inubos niya muna ang nginangata saka sumagot. "Bibisitahin ang naka-angklang bangka ni Ka Tonying, napag-utusan yata." Tumango ako at pasimpleng tiningnan kung sino ang aming katapat. Nang mapansin kong muli na sa akin nakapukol ang kanyang mata, agad kong binalik kay Arlet ang atensyon. Kating-kati na ako ipatong ang kamay sa tapat ng puso ko upang maibsan ang bilis ng t***k, naiinis ako! "Ah eh bakit ikaw nandito?" Tinaas-baba ni Arlet ang kanyang kilay, bagay na sanay na sanay na sakin dahil ito kuno ang signature move niya. Baliw. "Magpapatingin ako ng BP at cholesterol content sa dugo," sagot niya. Ang dami namang may abnormal na blood pressure dito. Sabagay, abnormal na nga rin yata ang t***k ng puso ko. Sandaling tumahimik ang side namin ni Arlet nang ilabas isa-isa ng doktor ang dala niyang aparato mula sa binuksang kahon. Unang nagpatingin ng BP si Tatay at kinuhanan rin siya ng blood sample para i-test sa glucometer ang sugar content nito. Laking ginhawa ni Tatay nang makitang normal ang bilang nito. "Gumabon, Arlet Deano," tawag niya nang tumayo si Tatay, nagpasalamat at lumabas. Tiningnan ko si Arlet at sinenyasang tumayo at lumapit doon dahil siya na ang tinawag. Nakaidlip kasi. Sigurado akong puyat ito dahil tatlong araw silang nasa laot at buwis-buhay kung kumayod doon. "S-salamat," tugon niya sa akin at mabilis na lumipat ng pwesto. "Sensya na dok, patitingin lang sana ako ng BP at kung hyperlipidemic ako." Tahimik na kumilos ang doktor at ginawa ang nararapat gawin upang malaman ang blood pressure at cholesterol count nitong si Arlet. Ilang minuto rin akong naghintay nang sabihing okay naman daw ang kondisyon na pinapatingin ni Arlet. Ngayon ay oras ko na. Tumayo si Arlet at nagpaalam na lumabas upang sundan si Kuya. Tumingin ako sa paligid kung may natitira pa rito, at nang mapansing wala sila Nanay at Diana dahil baka nasa kusina ay saka ako tumayo at lumapit sa kanya. Pinagmasdan ko nang mabuti ang mukha niya habang ako ay lumalapit. Tulad noon ay madaling makita sa malapitan ang maliit niyang nunal sa leeg, kahit hindi man sinagan ng araw ang kanyang mga mata, nababanaag kong kasing kulay ito ng kape. Bahagya ring tumubo ang balbas at kanyang bigote. Napaisip tuloy ako kung ano ang pinagkaabalahan niya sa tatlong buwang lumipas. Uupo na sana ako sa kanyang tabi nang bigla niya akong pigilan at malamig na nagsalita. "I never called your name since it's not indicated here in my masterlist," sabi niya matapos tingnan ang listahan na hawak niya. Kumunot ang noo ko at hinablot ang papel na iyon. Isa-isa kong binasa ang mga pangalang naroon ngunit hindi ko makita ang lintek na Laroque, Adalyn na siyang pangalan ko. Ibinalik ko ang papel sa kanya at hindi hinayaang matalo sa lamig ng kanyang ekspresyon. Pasinghal akong ngumiti at ipinukol ang mga nanggigigil na mga mata sa malamig niyang imahe. "Okay sige, sabihin na nating lumapit ako rito hindi para magpatingin sa'yo," panimula ko na siya yatang ikinagulat niya dahil tuloy-tuloy iyon at mabilis. "At sabihin nating lumapit ako para sabihin sa kagaya mo na bulok ang sistema niyo. Kasi bakit ganon? Hindi ko maintindihan! Nagkakamatayan na sa sakit ang mga tao rito sa sitio pero wala man lang kayong aksyong ginagawa. Para lang kaming mga tangang naghihintay sa wala! Kaya nakapagtatakang hindi man lang gigil ang mga magulang ko sa'yo, sinasamba ka pa." Tila ba namangha siya dahil nakatingin lang siya sa akin sa mga sugundong nagsasalita ako. At sa paghinto ko, ineksamen ko ang kanyang eskpresyon ngunit naroon pa rin ang lamig. Aba, parang dinadaig pa niya ang taray ko! Ipinagpatuloy ko ang pagsasalita, "Ang ipinaglalaban ko lang naman kasi ay 'yong sistema. Ang gulo-gulo. Habang tumatagal ay nawawalan ako ng tiwala dahil hindi ko na alam kung kailan pa ang balik niyo—" "So you want me to stay?" Natigilan ako sa kanyang sinabi. Sa pagkakataong ito ay nagdalawang isip ako kung tatango ba ako o iiling. Ang gulo! "Si-sino ba naman kasing may gustong mawalan ng doktor dito sa Agunaya?" "Hmm, is it all about the doctor? Or just me?" Nanlaki na ang mga mata ko sa kanyang tinuran. Nakanang tuta, ang kapal ha? Hindi na ako nakapagsalita nang unahan niya akong magsalita. "We, the doctors are just doing what the department assigned us. So don't throw all the shits 'cause you don't know our story." Natameme ako at napahinga nang malalim. Doon ko rin napagtanto ang lahat. Kahit limitado ang kanyang mga salita, naroon ang lalim ng saksak nito sa akin. Okay. Ako na ang mali. Tulad ng ibang mga empleyado ay sumusunod lamang pala sila, at 'yon ang parteng hindi ko naisip nitong nagdaan. Nakakainis! Dahan-dahan akong tumalikod ngunit singbilis ng kidlat nang muling mapalingon dahil mayroon siyang sinabi na umagaw nang lubos sa aking atensyon. "Don't worry." Pinagdikit niya ang kanyang labi at bahagyang inangat ang dulo nito. “From now on, I'll never leave.” Napatulala ako, tila tuod na hindi malagalaw sa kinatatayuan. Namataan ko ang pagtaas-baba ng kanyang balikat at kalmadong humawak sa dulo ng suot niyang stethoscope. “Come here and I'll check your heart, Laroque."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD