"Anong ginagawa ko rito?" tanong ng babaeng naiwan ni Matthew pagkahawak nito sa magkabilang pisngi nito. "Bakit basa pisngi ko?" Umiling ito tapos tumayo saka naglakad na palayo.
Napabuntong hininga na lang ako habang pinagmamasdan ang paglayo ng babae. Mukha itong gulong-gulo sa kinalalagyan niya dahil paulit-ulit ang paglinga nito habang yakap-yakap ang sarili. "Isang malaking kawalan na naman." Binitawan ko ang karet ko at hinayaan na lang na lamunin ito ng dilim. Tumalikod ako at bumalik na sa mundong kinabibilangan ko.
Nang makabalik na ako, dumiretso kaagad ako sa kwartong binuo ko. Nang buksan ko ang pinto, sakto namang sumindi ng sunod-sunod ang mga bungo na pinagtitirikan ng mga kandila- kandila na nagrerepresenta kung gaano pa katagal o kahaba ang buhay ng isang tao; ng tao na kukuhanin ko bilang estudyante ko.
Naupo ako sa harap ng lamesa bago binuklat ang libro na naglalaman ng impormasyon ng mga kasalukuyang estudyante ko pati na rin ang ng mga naging estudyante ko. Kinuha ko ang karit na lumulutang sa gilid ko saka ito pinaliit. Hinanap ko ang pangalan ni Matthew. Nang mahanap ko na ito, gamit ang karit ko, binura ko ang pangalan ni Matthew.
"Ang duwag mo kasi," Napangisi ako habang inaalala ang mga ginawa niya habang nabubuhay pa siya. "Nagpalamon ka sa takot mo."
Isa si Matthew sa mga kinatutuwaan kong estudyante pero hindi rin pala siya iba sa mga nagdaang estudyante ko dahil isa rin siyang duwag; takot siya dahil sa batas na sinabi ko – batas na hindi naman totoo.
Oo, gawa-gawa ko lang ang batas na iyon para matakot sila. Humahanap kasi ako ng isang tao na ipaglalaban ang nararamdaman niya; isisigaw ang nararamdaman niya kahit pa alam niya na kapalit ng pagmamahal at pag-amin niya ay kamatayan niya.
At mukhang tama nga ang hinala ko: Pare-parehas lang ang tao na takot maparusahan. Mga duwag sila pagdating sa aspeto ng pagmamahal.
Ang ikinaiba lang ni Matthew, puro siya kung magmahal.
Kinuha ko siya bilang estudyante hindi dahil sa mahilig siyang pumatay. Kinuha ko siya dahil isa siya sa mga tangang tao sa mundo na hindi maamin sa sarili na nagmamahal na pala sila. Alam ko na may nararamdaman na siya para sa kaibigan niya pero hindi niya man lang maamin ito sa sarili niya. Kaya kahit maraming pagpipilian, siya ang kaagad na pinili ko.
Ipinakita ko rin sa kaniya ang parusa na ginagawa sa mga estudyanteng gaya nila. Gaya nga ng sinabi ko kanina, wala naman talagang batas na bawal umibig sa isang mortal ang mga tulad nila. Ang nasaksihan niyang eksena noon ay parusa sa estudyante dahil hindi ito sumusunod sa mga utos ng guro niya; parusa dahil hindi matanggap ng estudyante na patay na ito at binuhay lang muli ng isa sa mga kasama ko para gawing estudyante.
Oo, alam kong hindi kapani-paniwala na ang tulad ko, na isa sa mga Kamatayan, ay nag-aala kupido para sa isang tao. Ang mga ginagawa kong ito ay patago– walang nakakaalam sa mundo ko na nag-aala kupido ako dahil kapag nalaman ng mga nasa itaas ang ginagawa ko, maparurusahan ako.
Tumayo ako mula sa pagkakaupo saka nilapitan iyong isang bungo na wala nang nakatirik na kandila dahil tunaw na ito. Kinuha ko iyon saka inilapag sa lamesa ko. Binasa ko iyong nakasulat sa noo ng bungo – sulat na ginamit ang dugo ng estudyante ko. "Matthew De Vera,"
Ang hawak kong bungo ngayon ay ang pinaglagyan ko ng kandila ni Matthew. Nanghihinayang ako sa pagkawala niya pero natutuwa rin dahil kahit huli na, nilabanan niya ang takot niya at binigyang boses ang kaniyang nararamdaman. Kahit papaano, hindi niya ako binigo.
Masyadong interesanteng tao ang batang iyon kaya napakalaking kawalan niya talaga sa akin. Isasabak ko pa naman siya sa isang palaro rito sa mundo ko para irepresenta ang pangalan ko ngunit wala na siya.
Nangalumbaba ako saka inikot-ikot ang bungo sa lamesa habang nakatitig rito.
Hahayaan ko na lang ba na dito na lang matapos ang pangangaral ko kay Matthew? Parang hindi ko yata gusto iyon dahil kakaiba siya, hindi siya tulad ng ibang mortal. Tanga man, alam ko na may ibubuga siya kaya napakalaking kasayangan lang kung mawawala na talaga siya ng tuluyan nang ganuon-ganuon na lang.
"Oh." Napangisi ako dahil sa isang bagay na bigla na lang pumasok sa isip ko. "Mukhang masaya ito, ha?"
Kinuha ko iyong karet ko saka binarag ang bungo na pinagtatayuan ng kandila ni Matthew. Gamit ang abilidad ko, bumuo ako ng isang kandila at tinunaw ko ang pira-piraso ng mga kandila ni Matthew pagkatapos ko iyon pagsama-samahin. At gamit ang tunaw na kandila pati na ang binuo ko, bumuo ako ng isa pang kandila at ipinatong ito sa isang bungo na binuo ko.
Lalabag na naman ako sa batas.
Isinara ko muna ang libro na naglalaman ng mga pangalan ng estudyante ko saka ko pinainit ang dulo ng talim ng karit ko saka inukitan ng pangalan ang bungo na hawak ko. "Hindi ako papayag na basta-basta ka na lang mawawala dahil hindi pa ako tapos sa iyo, Matthew. Maghintay ka lang dahil bubuhayin ulit kita." Ngumisi ako saka binasa ang naukit kong pangalan sa bungo. "Dane."