Alas-onse ng gabi na ako nakauwi sa bahay. Nag-alala si Daddy dahil panay ang text. Sabi ko nga na huwag siyang mag-alala kasi kaya ko na ang sarili ko. Binata na ako. Masyado akong bini-baby ni Daddy. Minsan, naiinis din ako. Ganoon din si Mommy. Panay ang bilin. Magpulbos daw ako sa likod ko para 'di ako pagpawisan. Uminom daw ako ng milk bago matulog. Tapos, huwag daw akong magpupuyat lagi para 'di tigyawatin. Sus! Para naman akong bata talaga. Alam ko naman ang gagawin ko. Minsan, nasosobrahan naman sila ng paalala. Nakakarindi na sa tainga.
Ang maganda ko lang na narinig kanina kay Mommy ay ang sinabi niyang napraning si Dindee sa pag-alis ko nang walang paalam. Pumunta raw kasi sa bahay nina Lolo at Lola. Mangiyak-ngiyak daw na nakikipag-usap kay Mommy.
Nakakataba ng puso! Iniiyakan ako kahit hindi pa kami. Kaso, mas gusto kong maging syota si Riz. 'Di baleng ako ang umiyak sa babae, huwag lamang akong makapagpaiyak ng babae. Kaya, hindi ko siya paaasahin o liligawan kung si Riz pa ang nilalaman ng puso ko. Kung dumating man sa point na hindi ako tanggapin ni Riz, siguro doon ko lamang siya liligawan. Ayoko kasing maging two-timer.