PROLOGO
“Teka, sandali, marami na namang costumer,” Mula sa pagkakaupo sa mataas na stool ay tumayo si Kristin sa gitna ng pakikipagkulitan sa mga barkadang lalaki.
“Ano ka ba! Hayaan mo na ang mga ‘yan! Kami ang costumer mo ngayon oh!” itinaas ng kaibigan ang telepono at habang naka-on ang flashlight ay iwinagayway iyon habang nakatutok sa babae ang ilaw na para bang nasa loob sila ng isang club.
Magaling kasi sumayaw si Kristin. At knowing na tumatagay ang mga ito habang nagkakaraoke sila sa tapat lang ng bahay ng dalaga ay panay kantyaw ng mga ito sa babae na sumayaw naman sa saliw ng tugtuging nanggagaling lang sa isang maliit na speaker na nakakabit sa isa pang telepono.
Pabirong iginiling ni Kristin ang katawan sa harapan ng tatlo nitong mga kaibigan. Isa-isa nitong pinapadaan pa ang mga kamay sa balikat ng mga ito na tila ba isang certified entertainer. Pagkatapos ay nagtatawa itong huminto at kapagkuwan ay ikinumpas ang isang kamay sa harapan na tila ba sinasabing tigilan na ang pangtitrip ng mga ito dito. Pumasok ito sa loob ng tindahan na siyang family business nito at tinulungan ang ate at Nanay nito sa pag-aasikaso sa mga mamimili.
“Dito ka na kasi, huwag ka nang bumalik pa sa Amerika, mas masaya kaya dito,” anas ng isang kaibigang lalaki.
“Oo nga naman, Tin! Dito ka na lang mag-aral at magtrabaho,” sang-ayon naman ng isa.
“Ano ba kayo mga ‘tol, huwag nyo nga akong itulad sa inyo na puro tambay lang ang alam sa buhay! May pangarap kaya ako!” sagot nito pagkabalik sa inuupuan kanina. Dumampot rin ito ng pulutan at isinubo.
“Hoy, mahiya ka naman! May mga trabaho kaya kami!” pagyayabang pa ng isa.
“Weh? O sige nga, sabihin n’yo sa akin! Ano mga trabaho n’yo? Isa-isa ha!” hamon naman ni Kristin sa tatlo.
“Oi, mekaniko ako noh! Ano kayo!” ani Nathan na itinungga ang nangangalahating baso ng alak.
“Langya yan! Mekaniko? Eh assistant ka lang ni Mang Karding sa vulcanizing shop niyo ah!”
“Hoy, paminsan minsan nag-aayos na rin ako ng sasakyan noh!”
“Oo, sasakyang laruan ng pamankin mo!”
Natatawang ipinukol naman ni Kristin ang tingin sa sunod na lalaking mismong nasa harapan. “Oh, ikaw?”
“Oh, company driver ito! Panis kayo!” pagbabangka naman ni Basti sa usapan.
“‘Tangna mo! Nagdi-deliver ka lang ng tubig sa water refill station n’yo! Anong company driver yang pinagsasabi mo?” Tumaas ang kilay ni Nathan noong sabihin iyon.
“Parehas na rin ‘yun. Ano ba kayo!” Paliwanag pa nito. “Syempre business namin yun, eh walang makuhang driver ng sidecar, so ako na lang!”
Napapailing si Kristin sa kakatawa sa pangalawang kaibigan. Nang ibaling nito ang pansin sa pangatlo na nakaupo sa katapat na upuan ay hindi na rin ito nagpatalo pa.
“Ako? Messenger ‘to ‘tol!” pagbibida naman sa sarili ni Matt.
“Messenger? Kelan ka pa naging messenger eh barker ka lang ng mga jeep n’yo dyan sa labasan!” pagkokorek ng isa.
“Eh ano bang trabaho ng barker? Taga-hatid ng mensahe sa mga pasahero kung puno na o kung saan pupunta ang jeep, di ba?”
Naghalakpakan ang lahat sa kakatawa. Puro kalokohan talaga ang mga ito kapag magsama-sama. Isang bagay na sobrang na-miss ni Kristin sa mga kababata.
“Damn! Ang gaganda pala ng mga trabaho nyo!” naihawak niya ang kamay sa tyan habang humahalakhak.
“Syempre noh! Nagmana lang kami sa iyo!” galing iyon kay Nathan.
Hagalpakan na naman ulit ang mga ito sa katatawa. May punto rin naman kasi ang kaibigan. Naturingan nga itong nasa Amerika pero isa lang rin itong tagalinis ng kubeta ng isang fast food chain doon. It was two years ago noong kinuha ito ng sariling ama para mag-migrate doon at doon na rin makapagtapos ng pag-aaral. Noon, parehas rin ang mindset nito sa mga kaibigang lalaki. Kuntento na si Kristin na manatili sa bahay at tumulong sa grocery store ng pamilya. Pero ang pagpunta nito sa Amerika ang nagbigay ng napakaraming realization dito.
“Hindi nga mga ‘tol! Seriously speaking, pinag-aaral naman kayo ng mga magulang ninyo. Bakit hindi nyo seryosohin? Sayang ang oras, mga lalaki pa naman kayo. Balang araw kayo ang magtataguyod ng pamilya ninyo,” sabi nito sa mga kainuman noong panahong iyon.
Ang payo nito ang tumatak sa isipan ng tatlo lalo na noong maakasidente ito at mamatay noong papunta na ito sa airport, pabalik na sana sa Amerika. Inararo ang sinasakyang taxi nito ng isang truck na ayon sa imbestisgador na humahawak ng kaso ay nawalan daw ng preno.
Sa harapan ng puntod ni Kristin, ang nag-iisang babae sa barkada, ay ipinangako ng tatlo na babalik ulit ang mga ito sa pag-aaral at magtatapos.