CHAPTER 2

1608 Words
Sa gitna ng masikip at maingay na eskinita sa Maynila, doon matatagpuan ang tahanan nina Kaylyn. Ang Maynila, para sa kanya, ay hindi lungsod ng mga pangarap—ito ay lungsod ng pakikipagsapalaran. Simula nang mawala ang kanilang ama sa isang trahikong car accident noong mga bata pa sila, ang buhay nila ay naging isang malaking "paano." Paano kakain? Paano mag-aaral? Paano mabubuhay? Si Kaylyn ang sumagot sa lahat ng 'paano' na iyon. Sa edad na tatlumpu, makikita sa kanyang pisikal na anyo ang isang babaeng hindi nagpapabaya sa kabila ng hirap. Siya ay may katabaan, sukat XXL, ngunit ang kanyang hubog ay parang gitara—buhay na buhay ang kanyang mga kurba. May taas siyang 5'2, maputi ang balat, at may mukhang kahit pagod ay hindi maikakaila ang ganda. Madaling araw pa lang ay gising na si Kaylyn. Kahit masakit pa ang kanyang dibdib mula sa nangyari kagabi, pinili niyang bumangon. Sa pamilyang ito, bawal ang mahina. Bawal ang matagal na pagmumukmok dahil ang bawat minutong nakahiga siya ay katumbas ng perang mawawala sa kanila. Habang nagluluto ng sinangag at pritong itlog, pinilit niyang isuot ang kanyang pinakamasiglang mukha. Ayaw niyang mag-alala ang kanyang ina na may sakit sa puso. Ang kaunting stress nito ay pwedeng maging dahilan ng buhay nito, kaya lahat ng pout ay kinikimkim ni Kaylyn sa loob ng kanyang XXL na dibdib. "Oh, gising na pala ang mga paborito kong kapatid!" masayang bati ni Kaylyn nang makitang pumasok sa kusina sina Jaxon at Geneva. "Maupo na kayo, mainit pa itong sinangag. Jaxon, kumuha ka na ng kape. Geneva, ubusin mo itong itlog, kailangan mo ng protina para sa school." Nagkatinginan ang dalawang kapatid. Bakas sa kanilang mga mata ang pagtataka kung bakit tila okay na si Kaylyn, pero alam nilang ito ang paraan ng kanilang ate para protektahan sila. Sumunod na rin ang kanilang ina na dahan-dahang naupo sa hapag. "Ate, alas-diyes pa ang pasok mo sa factory, 'di ba?" tanong ni Jaxon habang kumukuha ng kanin. "Sana tinuloy mo na yung tulog mo, kami na sana rito." "Ano ka ba, Jaxon. Masarap sa pakiramdam yung nakikita ko kayong kumakain bago ako umalis," sagot ni Kaylyn sabay kindat. "Tsaka, graduating ka na next year, 'di ba? Dapat focused ka lang sa pag-aaral. Kumusta ba ang thesis niyo? May kailangan ka bang bilhin na gamit? Sabihin mo lang sa akin para mapag-ipunan natin." Napangiti si Jaxon, bagama't may bahid ng hiya. "Okay naman, Ate. Malapit na kaming matapos sa research. Konting tiis na lang talaga, magiging Engineer na ang kapatid mo. Ako naman ang magtatrabaho para sa’yo. Pagka-graduate ko, hinding-hindi ka na maglalaba ng damit ng ibang tao." Tumawa nang mahina si Kaylyn, isang tawang totoo at nanggagaling sa puso. "Naku, asahan ko 'yan ha! Gusto ko pag Engineer ka na, may sarili na akong kwarto na may aircon para hindi na ako pawisan nang ganito." "Ako rin, Ate!" singit ni Geneva. "Second year high school na ako, at consistent honor student pa rin. Sabi ni Teacher, baka makuha akong scholar para sa senior high." "Talaga, Geneva?" Nanlaki ang mga mata ni Kaylyn sa tuwa. Hinawakan niya ang kamay ng bunsong kapatid. "Napakagandang balita niyan! ‘Yan ang gusto ko sa inyo. Huwag kayong mag-alala sa pera, hangga’t kaya ko, itataguyod ko kayo. Basta mangako kayo sa akin, walang susuko, ha?" "Pangako, Ate," sabay na sagot ng dalawa. Ang kanilang ina ay tahimik lang na nakatingin, may ngiti sa mga labi pero may luha sa mga mata. "Kaylyn, anak... napakasuwerte namin sa'yo. Salamat dahil hindi ka napapagod na intindihin kami." "Ma, wala 'yun. Pamilya tayo, 'di ba?" sagot ni Kaylyn habang nilalagyan ng pagkain ang plato ng ina. "Kaya niyo ba 'yan? Ubusin niyo 'yan ha. Mamayang gabi, baka malate ako ng uwi dahil may overtime sa restaurant, pero mag-iiwan ako ng pambili ng ulam niyo sa hapunan." Sa buong oras ng almusal, walang bumanggit sa pangalan ni Zinnia. Para silang nagkasundong lahat na ang sugat na iniwan nito ay kailangang takpan muna ng mga tawa at pangarap. Alam ni Kaylyn na sa likod ng masiglang usapan, nandoon pa rin ang sakit, pero pinili niyang maging liwanag para sa mga kapatid niya. Pagkatapos kumain, isa-isang nag-ayos ang mga kapatid niya. Habang nagliligpit ng pinagkainan si Kaylyn, tumingin siya sa salamin na nakasabit sa dingding. Pawis na siya, may mga eye bags dahil sa puyat, pero ngumiti siya sa sarili niya. "Kaya mo 'to, Kaylyn. Para sa kanila, kakayanin mo lahat," bulong niya sa sarili. --- Matapos ang almusal at ang sandaling pakikipag-bonding sa pamilya, sumabak na muli si Kaylyn sa kalsada. Ang kanyang unang destinasyon: ang factory ng mga mamahaling pabango. Dito, ang bawat galaw ay dapat mabilis. Habang ang kanyang mga kamay ay sanay na sanay na sa paglalagay ng mga bote ng pabango sa kani-kanilang mga box, ang kanyang bibig naman ay hindi rin tumitigil sa pakikipag-kwentuhan sa mga katrabahong sina Emberly at Eloise. "Hoy, narinig niyo ba ang chismis?" panimula ni Emberly habang mabilis na tinatapalan ng tape ang isang malaking balikbayan box. "Kaya pala ang higpit ng quality control natin ngayon kasi bibisita daw yung may-ari. At ang balita, hindi lang basta Pinoy, half-American, half-Filipino raw!" Nanlaki ang mga mata ni Eloise. "Hala, talaga ba? Siguradong matangkad 'yun at matangos ang ilong. Ano kayang pangalan?" "Ewan ko, basta ang alam ko, business partner sila ng mga Callantes-De Villa," sagot ni Eloise. "Alam niyo naman ang pamilyang 'yun, parang sila na ang may-ari ng kalahati ng Pilipinas. Lahat ng pasukin nilang negosyo, nagiging ginto. At itong factory natin, isa lang 'to sa mga maliit nilang investment." Napabuntong-hininga si Kaylyn habang maingat na isinisilid ang isang gintong bote ng pabango. Ang bango nito ay amoy-mayaman—isang amoy na hinding-hindi niya kayang bilhin para sa sarili niya. "Hay naku, girl," singit ni Kaylyn sabay tawa. "Kung ganyan kagwapo at kayaman ang may-ari, naku, Afam na Afam na talaga ako! Lord, baka naman pwedeng kahit isang Afam lang ang ibigay mo sa akin para naman makaahon na kami sa hirap. Kahit super daks pa 'yan, okay lang! Sabi nga nila, 'di bale nang daks, abot naman sa langit ang sarap!" Naghalakhakan ang dalawa niyang kaibigan kaya napatingin sa kanila ang ibang katrabaho. "Hoy Kaylyn!" panunukso ni Emberly habang tinatapik ang braso ni Kaylyn. "Mag-diet ka muna, teh! Baka kasi kapag ikaw ang umibabaw sa Afam mo, literal na sa langit ang punta niya dahil hindi siya makahinga! Kawawa naman yung kano, maagang kukunin ni Lord!" "Grabe kayo sa akin!" tawa ni Kaylyn na muntik nang mabulunan. "At least may kayakap siyang malambot, 'di ba? Kaysa naman sa payat na parang buto-buto lang ang mararamdaman niya. Tsaka, XXL man ako, may hubog naman 'to no! Choice ito, hindi accident!" "Pero totoo, Kay," seryosong sabi ni Eloise. "Big shot talaga ang mga Callantes-De Villa. Sabi nila, si Iridessa Callantes-De Villa raw ang utak sa likod ng marami nilang kumpanya. At ang partner nila rito sa factory, balitang galing pa sa States para lang ayusin ang distribution nito sa ibang bansa. Isipin mo, yung pabangong hinahawakan mo, sa Europe at America 'yan ibinebenta." "Kaya pala ang mahal ng tingin sa atin ng mga supervisor," bulong ni Kaylyn. "Isang basag na bote lang, parang isang buwan nating sweldo ang kapalit. Pero sana talaga, makakita man lang tayo ng kahit anino nung may-ari. Malay niyo, mahilig pala siya sa Filipina beauty na... well, extra size." Nagpatuloy ang kanilang asaran hanggang sa mag-alas-sais ng hapon. Pagod na pagod na ang mga kamay ni Kaylyn, pero hindi pa doon nagtatapos ang kanyang araw. ----- Eksaktong alas-syete ng gabi, nasa loob na siya ng isang sikat at eleganteng restaurant. Ito ay isa rin sa mga pag-aari ni Iridessa Callantes-De Villa. Kung sa factory ay amoy pabango siya, dito naman ay amoy ulam at mamahaling wine. Dito, ang buhay ni Kaylyn ay mas mahirap dahil sa kanilang manager na si Moxie. "Kaylyn! Bakit ang bagal mo mag-refill ng tubig sa table 5?" bulyaw ni Moxie habang nakapamaywang. Nakasuot ito ng mamahaling suit at akala mo ay tagapag-mana ng restaurant kung makaasta. "Ang daming customer, galaw-galaw naman! Hindi porket malaki ka ay babagal-bagal ka na." Huminga nang malalim si Kaylyn at pilit na ngumiti. "Opo, Ma'am Moxie. Pasensya na po, kakatapos lang pong mag-assist sa kabilang table." Nilapitan siya ng kanyang mga katrabahong sina Bambi at Suri nang makaalis si Moxie. "Hayaan mo na 'yan si Ma'am Moxie, Kay," bulong ni Bambi habang nag-aayos ng mga kubyertos. "Akala mo naman kung sino. Manager lang naman siya rito, kung maka-asta akala mo siya si Ma'am Iridessa." "Sinabi mo pa," dagdag ni Suri. "Pagod na nga tayo, dinadagdagan pa niya. Kumusta ka, Kay? Mukhang wala ka pang tulog ah?" "Sanayan lang, Suri," sagot ni Kaylyn habang mabilis na nagpupunas ng pawis. "Kailangan eh. Pag day-off ko na lang talaga ako bumabawi ng tulog. Sa ngayon, kailangan munang maging robot para sa pamilya." "Grabe ang sipag mo talaga," hangang-hanga na sabi ni Bambi. "Sana makahanap ka na ng mayamang mapapangasawa para hindi mo na kailangang magpakapagod nang ganyan." Napangiti nang mapait si Kaylyn. "Sana nga, Bambi. Sana nga." Madaling araw na nang makauwi si Kaylyn. Ang kanyang mga binti ay tila sasabog na sa sakit, at ang kanyang likod ay hindi na niya halos maituwid. Pagpasok niya sa bahay, tahimik na ang lahat. Sa gitna ng dilim, bago siya tuluyang makatulog, sumagi sa isip niya ang mga biro nila nina Emberly kanina tungkol sa Afam. Isang pangarap na tila napakalayo, pero sa sandaling iyon, iyon lang ang tanging bagay na nagbibigay sa kanya ng kaunting ngiti bago siya tuluyang lamunin ng antok. . . . ~ITUTULOY
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD