CHAPTER 2 - Halik

1601 Words
INILIPAT ni Domeng ang bangkong inuupuan ng anak palapit sa mesang kainan. Matapos haluin ang laman ng tasa, maingat n'ya itong sinubuan. Hinihipan pa iyon upang maging sapat ang init . "Tatay, kain ka na rin po," anito sabay hawak sa kutsara. Isinalok iyon sa tasa at saka itinapat sa bibig n'ya. Ngumanga naman s'ya at tinanggap ang pagkaing iniaalok nito. Ngumiti ito pagkaraang makita s'yang ngumunguya. "Sarap, Tatay?" pautal nitong tanong. Tumango naman s'ya at umarteng sarap na sarap. Nang muli nitong lagyan ng laman ang kutsara ay sinaway na n'ya ito. "Pagkain mo ito anak, eh. Teka at kukuha ang tatay ng pagkain, ha?" aniya. Mula sa nasunog na isda ay muli s'yang pumili ng maaring mapagt'yagaan. Ayaw n'yang bawasan ang ulam na itinira para sa asawa upang kung umuwing gutom ay mayroon itong makakain. Hinimay n'ya ang ilang nasunog na isda at inilagay sa isang mas maliit na tasa, nilunod sa mumurahing suka upang magbakasakaling mabawasan ang pait. Gaya ng kanin ng anak, nilagyan din n'ya ng mainit na tubig ang sa kanya, binudburan ng kaunting asin at saka muling naupo sa tabi nito. "Tatay, bakit po maitim ang ulam mo?" "H-ha?" Sandali siyang natigilan at nag-isip ng maisasagot. Nakita niyang nakangiwi ito na tila nandidiri sa pagkain niya. "Sus, masarap din naman 'to, e." Nakangiti niyang sabi. Maingat niyang inilapit ang kutsarang may lamang kanin at ulam sa bibig nito. "O, sige na kumain ka na ulit," aniya imbis na sagutin ang tanong na hindi niya alam kung paano sasagutin. Ngumanga ito at tinanggap ang isinubo niya. Ngumunguya ngunit ang mga mata ay nakatingin pa rin sa ulam niya. Sumubo na rin siya ng kanin at kumuha ng isdang nakababad sa suka. Nalasahan n'ya ang pait ngunit hindi siya nagpahalata sa anak na nakatingin. Ngumiti s'ya at nagkunwang nasasarapan. Ngumiti ito at ipinagpatuloy ang pagnguya sa laman ng bibig. Hindi n'ya ito napigilan nang biglang kumuha ng ulam n'ya at isubo. Nasamid ito at inihit ng ubo. Panay ang dura. Inalis ang nalasahang 'di maganda. Nagmamadali niyang tinapik ang likod nito habang sinisikap punasan ang tumutulong laway at ang dilang kinakayod ng sariling ngipin. "O, inumin mo 'to para mahugasan ang dila mo." Sinunod nito ang utos niya. "Dahan-dahan lang." Matapos makainom ay agad itong nagreklamo. "Sabi mo masarap ang ulam mo, tatay. Hindi naman po." H-ha? A eh... k-kasi beybi ka pa kaya hindi masarap. Marami kasi itong suka kaya iba ang lasa. Pero para sa mga tatay, masarap ito," pagsisinungaling n'ya. "Ah, kaya pala." Naniniwala nitong sagot kasabay ng madalas na pagtango. Hindi na ito nagtanong pa at ipinagpatuloy na ang pagnganga sa t'wing susubuan n'ya. Dahil sa pait ng isda ay hindi na n'ya 'yon inulam at pinagtiyagaan na lang ang kaning may asin na binantuan ng tubig. Napansin 'yon ng anak kung kaya mula sa sariling pagkain ay kumuha ito ng piraso ng isda at inilipat sa tasa niya. Natigilan siya, nakaramdam ng tuwa sa ipinakita nitong pagmamahal sa kanya. Nang makatapos kumain ay pinaliguan na n'ya ang anak. Sandali pa itong naglaro habang tinatahi n'ya ang laylayan ng t-shirt na pinaglagyan ng mga retasong sininop kanina. Pagkatapos ay muling ibinalik sa sofa upang mapatungan ang mga spring at tinakpan iyon ng bagong labang kumot. "Tintin, halika na rito. Matulog ka na para lumaki ka agad," aya n'ya sa anak. Agad naman itong tumalima. Isinauli nito ang laruan sa lalagyan at saka lumapit sa kanya. Pinahiga n'ya ang anak sa sofa. Hinagod ang noo at buhok nito upang mag-antok. Hindi naman nagtagal at paulit-ulit na itong naghikab at ilang sandali pa ay nakatulog na. Tumayo s'ya at nagtungo sa loob ng banyo. Nang lumabas ay bitbit na ang isang timbang naglalaman ng mga pinagbihisan. Isinalin niya iyon sa kinuhang batya na nakasbit sa may dingding. Iniwanan doon upang kunin ang iba pang labahin. Matapos masamsam ang maruruming damit ay inumpisahan na n'ya ang paglalaba. "Kung hihintayin ko pa si Eva ay mauubusan na kami ng malinis na maisusuot. Lalo na si Tintin, mabilis s'yang pawisan dahil sa paglalaro. Kailangan n'ya ng maraming damit na pamalit." Saloobin n'ya habang panay sa pagkusot matapos isisin gamit ang fishnet. Hapon na nang makatapos s'ya dahil maging ang ilang kumot at punda ay kinusutan n'ya na rin. Gaya ng inaasahan, madilim na nga ay hindi pa rin umuuwi si Eva. Malungkot siyang nakadungaw sa bintana habang hinihitit ang hawak na sigarilyo at ang tingin ay napakalayo. Bakas sa itsura ang iniindang problema. Sanay na s'ya sa ugali ng asawa ngunit paminsan-minsan ay nasasaktan pa rin siya sa lantarang pambabalewala nito sa kanya. Idagdag pa ang kawalan nito ng respeto sa kanyang p*********i. Kahit sa harapan ng ibang tao ay nagagawa nitong s'ya ay sigawan at insultuhin. Ang pagtatawa at pang-uuyam ng mga kapitbahay ay hindi na lang n'ya pinapansin. Dinadaan na lang n'ya sa ngiti at pagpapatawa upang kahit paano ay mabawasan ang pagkapahiya. Kalaunan ay nakasanayan na rin ng mga ito ang madalas na paninigaw sa kanya ng asawa. Kaya n'yang tiisin ang gan'on. Kaya niyang tanggapin at magkunwaring wala lang sa kanya. Hindi na nga bale s'ya. Kaya n'yang intindihin at pagpasensyahan ang pag-aalburuto nito lalo na kapag wala s'yang maibigay na pera para ipangpuhunan sa pagto-tong-its na nakahiligan nitong paglibangan. Hinahayaan na lang niya dahil 'di naman ito papipigil sa kanya. Kung ito'y nananalo, gabi nang nakakauwi. Katwiran ay naaya daw magpauga at magpa-inom, kung kaya umuwi itong lasing. Kung natatalo ay uuwi rin namang lasing at mainit pa ang ulo. Hindi siya nagrereklamo at kahit siya ang madalas mapagbuntunan ng init ng ulo ay pinagsisilbihan pa rin ito. Kung s'ya lang ang masasaktan ay ayos lang sa kanya. Huwag na lang sana pati ang anak nila. Madalas ay pinagbibigyan n'ya na lamang ito upang maiwasan ang gulo sa pagitan nilang mag-asawa. Hindi n'ya rin ito pinapatulan kung nagsisisigaw at hindi na lang sinasabayan ang galit. Ayaw n'yang mabungaran ni Tintin na nag-aaway sila. Iniiwasan n'yang makalakihan ng anak ang magulong pamilya upang lumaking maayos at hindi matulad sa buhay na naranasan n'ya. Mahal na mahal n'ya ang anak, hindi n'ya man ito mabigyan ng maginhawang pamumuhay ay nais n'yang busugin ito sa pagmamahal. Malungkot niyang nilinga ang nahihimbing na anak. Pinitik n'ya ang nalalabing stick ng sigarilyo palayo, isinara na ang bintana at saka ito nilapitan. Kinumutan n'ya ito, matapos ayusin ang betilador. Nakatulog ito nang kwentuhan n'ya kanina ng isa sa mga paboritong fairytale. Kabisado n'ya ang kwento kung kaya kahit walang binabasang libro ay nagagawa n'yang ikwento. Mahimbing ang tulog nito at bahagya pang naghihilik. Muling gumuhit sa mga labi niya ang matamis na ngiti habang pinagmamasadan ang anak. Mabuti na lang at may naitabi s'yang pera kaya kahit nahatak na naman ng mga tauhan ng Meralco ang kawad nilang magkakapitbahay ay nagawa n'yang makisabay sa ilang kapitbahay na nakabili ng bago at nakapagbayad sa nagkakabit uli nito. Hindi na s'ya mangangawit sa pagpaypay. Natatakot s'ya sa nababalitaang sakit na nakamamatay dahil sa kagat ng mga lamok. Mahirap man ang kanilang buhay ay masasabing maswerte pa rin sapagkat walang nagkakasakit sa kanila, lalo ang kanyang anak. Sapat na iyon para sa kanya. Hatinggabi na ay wala pa rin si Eva. Naisip n'yang uumagahin na ito sa labasan. Wala s'yang naibigay na pera nang umungot ito kanina at pinalilipas na lang sana ang oras sa panonood ng TV, tyempo namang nasira pa. Muli niya itong pinangatwiranan. Nahiga na siya sa tabi ng anak. Dahil pagod sa dami ng damit na nilabhan, nadaig ng antok ang pag-aalala niya sa kinaroonan ng asawa at kaiisip kung bakit hindi pa rin bumabalik. Ilang sandali lang pagkalatag ng likod sa sahig ay nakatulog na rin siya. NANG magising kinabukasan ay nakita n'yang nakahiga sa sofa ang asawa at natutulog. Nilapitan n'ya ito at maingat na inayos ang sapin ng upuan na ginawa nitong pangkumot. Tinignan n'ya ang maganda nitong mukha at hinawi ang ilang hibla ng buhok na nakatakip sa magkabila nitong pisngi. Nailing na lang siya nang maamoy ang hininga ng asawa. "Napainom na naman siguro dahil sa sama ng loob." Nakadama s'ya ng awa sa asawang 'di magawang bigyan ng maginhawang buhay na nais nito. Ang maganda nitong mukha ay nagkaroon na ng tigyawat at ilang pekas. Ang maputi at makinis na balat ay bahagya nang umitim at nagkaroon ng mga maliliit na peklat. Ang mahaba at itim na itim na buhok ay nagkaroon na ng mga putok na hibla sa bandang dulo. Iniwanan na niya ang asawang natutulog. Maingat ang ginagawa niyang paghakbang upang 'di makalikha ng kahit katiting na ingay. Puyat ito kaya gusto n'yang makatulog ng maayos. Isinangag niya ang bahaw at muling ipinirito ang dalawang pirasong isda na para dito. Pagkaluto ay tinakpan iyong mabuti upang hindi makain ng pusang ligaw. Pagkaraang maubos ang isang tasang kape at isang stick ng sigarilyong tipid na tipid at nagsisilbing pinaka almusal ay binuhat na n'ya ang TV palabas. Idadaan n'ya muna iyon sa bahay-shop ng kapitbahay na si Ka Miroy upang mamaya ay may magamit na ang asawa at anak sa panonood. Pagkatapos ay saka na lamang s'ya didiretso sa loob ng sementeryo. May dalawang ililibing mamaya kaya aayusin na n'ya hangga't maaga ang mga nitso na paglalagyan sa mga ito. Bago tuluyang umalis ay sinilip n'ya muna ang anak. Mahimbing pa rin itong natutulog. Nasisiyahan niya itong pinagmasdan sandali. Ibinaba n'ya muna sa maliit na mesa ang bitbit bago nilapitan ang anak at saka maingat na ginawaran ng halik ang matambok nitong pisngi. Naisip n'yang halikan rin ang asawa habang tulog, ngunit hindi na itinuloy nang maisip na baka ito magising.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD