CHAPTER 3 - Maligo

1779 Words
NANG magtungo si Domeng sa bahay-shop ng manggawa ay tulog pa raw ito kung kaya iniwanan n'ya na lang ang bitbit na TV at saka nagtuloy sa sementeryo. Nang makatapos siya sa ginawang paghahanda ay tanghali na. "Siguro nagawa na ni Ka Miroy ang TV namin. Matutuwa sina Tintin at Eva, may mapapanooran na uli sila." Nakangiti n'yang kausap sa sarili habang naglalakad papunta sa bahay ng mangagawa. Gano'n na lang ang panlulumo niya nang malamang hindi pa rin gumagana ang TV na gusto niyang ipagawa. Abut-abot ang ginawa niyang pakiusap. "Palitin na talaga itong TV mo, Domeng. Nagawan ko na lang ito ng remedyo nang huli mong dalhin sa akin.'' Napakamot siya sa batok. Bahagyang napahiya sa sinabi nito. "Wala pa kasi akong pera sa ngayon, Ka Miroy. Wala na ba talagang ibang paraan?'' Muli niyang pakiusap sa pagbabakasakaling may pag-asa pa. "Wala na talagang pwedeng iremedyo dito, Domeng. Pasensya ka na. Huwag mo sanang mamasamain ang sasabihin ko." Tumango siya. "Ang totoo'y pang junk shop na lang ito. Sa dami ng materyales na papalitan ay para ka na rin bumili ng bago. Baka nga mas makakatipid ka pa. Pag-ipunan mo na lang para makabili ka kahit surplus lang uli. Kung mga limang taon lang ay magagamit mo pa na 'yon ng matino. Sulit na sulit ka na n'on.'' "Gan'on na nga lang siguro ang gagawin ko, Ka Miroy. Pasensiya na sa pangungulit ko. May danyos ba ko na dapat bayaran?" "Pasensiya ka na rin, ano? Walang bayad 'to. Di ko naman napatakbo." Nakangiting tugon ng manggagawa. "Salamat." Lulugo-lugo niyang binuhat ang sirang TV upang dalhin sa isa pang kapitbahay na may-ari naman ng isang junk shop. JUNK SHOP. Malayo pa lang ay natanaw na ni Domeng ang dalagang kaibigan na isang kuba at ang ang ikinabubuhay ay pamumulot ng mga kung anu-anong maibebenta sa junk shop. Nakatayo ito malapit sa kariton na alam n'yang pag-aari nito. Nang makalapit siya ay mabilis itong sumalubong at bumati sa kanya. Agad niyang napansin ang lalaking kasama nito. Puro sugat at may mga pasa ang mukha. "Magandang araw po, Mang Domeng!" magalang na pagbati sa kanya ng dalaga. Nakangiti namang yumukod ang kasama nito bilang pagbati rin sa kanya. "Magandang araw din sa'yo, Ada. O, napaano ang kaibigan mo?" May pag-aala niyang tanong at saka ipinaling ang paningin sa lalaki. Pasimple niya itong pinagmasdan. Maamo ang itsura nito na tila ba 'di magagawang manakit ng kapwa. Hula n'ya ay may kakulangan ito sa tamang pag-iisip dahil sa kilos at pag-galaw. Napakamot sa ulo ang dalaga, bumaling ito sa kasama at saka sumagot, "Napagkatuwaan po siguro ng mga MABABAIT sa amin." "Naku eh, masama ang tama n'ya ah. Baka magkaroon ng problema ang mga sugat at pasang tinamo n'ya? Napainom mo na ba s'ya ng gamot?" May pagmamalasakit n'yang tanong. "Pagkatapos po namin dito ay plano ko pong dalhin s'ya sa center para matignan ng doktor." "Tama ang naisip mong gawin. Mas alam ng ng doktor kung ano ang gamot para sa ganyan. Siyanga pala, may dalawa akong ililibing mamaya. Tiyak na may mga plastik na maiiwan sa loob ng sementeryo. Kung gusto mo ay mag-abang na kayo roon." Pagbabalita n'ya sa dalaga. Gumuhit ang ngiti sa labi nito ngunit sandali lang ay nag-aatubili nang sumagot. "Gan'on po ba? Kaya lang po hindi ko sigurado kung aabot ako mamaya. Patitignan ko pa si Apa sa doktor, eh" Nanghihinayang nitong sagot sa kanya. Sandali siyang nag-isip at saka muling nagsalita. "Siya, sige. Ako na lang ang mamumulot at magtatabi para sa iyo. Daanan mo na lang kapag naayos mo na si Apa." Pagpawi niya sa nakitang panlulumo ng kaibigan. Tinawag na rin n'ya sa pangalan ang lalaki upang ipadama ang kanyang pagmamalasakit. Ang katuwaan ay agad na rumehistro sa mukha ng dalaga kaya nagpasalamat kaagad sa kanya. "Wala iyon, Ada. Maliit na bagay lang. Sa ganoong paraan man lang ay may maitulong ako sa iyo. Ito kasing pagbibilhan ng TV ay itatabi ko para makabili ng bago. Wala kasing mapaglibangan si Tintin at ang Aling Eva mo. Inaaway na nga ako." Biro n'ya kunwari upang pagaanin ang problemang gumugulo sa isip. "Naku, ayos lang po. Wala po kayong dapat alalahanin. Malaking tulong na po 'yung gagawin n'yo mamaya. Pare-pareho lang naman tayong isang kahig isang tuka, este, maraming kahig isang tuka," ganting biro nito sa kanya. Natawa siya sa sinabi nito, dahil isa iyong katotohanan para sa mga tulad nilang ipinagpapasalamat nang 'di sumasala sa pagkain. "O sige, maiwanan na ko na kayo ng kaibigan mo. May kabigatan itong dala ko. Dadalhin ko na muna 'to kay Gule para maging pera." "Ay opo, Mang Domeng," nahihiya nitong sabi. "Salamat po uli," pahabol pa nito. Pinauna na siya nitong maasikaso ng may-ari ng junk shop. "O Domeng, mukhang pinagretiro mo na 'yang TV mo, ah. Bibili ka na ba ng bago?" biro ng lalaki. "Iyan nga ang gusto kong gawin kaya lang ay umaayaw pa itong bulsa ko hangga ngayon." Biro din n'ya. "Wala na raw magagawang remedyo sabi ni Ka Miroy kaya dinala ko na sa'yo. Baka toyoin na naman si Eva at ito pa ang ibalibag sa akin, mahirap na. Hindi pa naman ako bihasa sa pag-ilag." Biro pa rin niya. Natawa si Gule at inakalang biro nga lang ang sinabi niya. Tinawag nito ang helper na nag-aayos ng mga kalakal na ibinebenta ng isa sa mga magboboteng nadatnan niya at saka pinatignan ang dala n'ya bago presyuhan. "Hanggang dalawang daang piso lang ang maibibigay ko sa'yo, Domeng. Sagad na sagad na 'yon. Hindi baleng balik puhunan. Huwag lang akong malugi ay ayos na. Hindi ka na talo sa presyong ibinigay ko para sa TV mo. Kapag nabaklas 'yan ay t'yak na ampaw na. Swerte na kung makakuha ng kahit ilang guhit na tanso d'yan. Maliit eh. Kung gusto mo ay dalhin mo na muna sa ibang junk shop para makasiguro ka. Ipinapauna ko na nga lang sa'yo na baka isang daan lang 'yan bayaran sa'yo o baka nga mas mababa pa. Presyong kapitbahay ang ibinibigay ko dahil 'di naman tayo magkakaiba," paliwanag nito. "Hindi mo na ba madadagdagan kahit kaunti pa?" pagbabakasakali n'ya. Malaki ang inabot na presyo ng TV n'ya dahil sa ipinatong na tubo ng dating may-ari. Ang katwiran nito ay hulugan naman daw kasi. Hindi pa nga naman bayad ay magagamit na. Malayong-malayo sa dalawandaang ipinepresyo nito. "Hindi na 'ko aabot, Domeng. Sabi ko nga sa'yo kung gusto mo ay dalhin mo muna sa iba." Nasa kabilang baranggay pa ang ibang junk shop na sinasabi nito. Kung susundin n'ya ang sinabi nito ay kailangan pa n'yang sumakay sa dyip o kaya'y umarkila ng trike. Mababawasan pa ang mapagbibilhan n'ya kung sakali. At paano kung isandaan nga lang o mas mababa pa sa isandaan ang itapat na bayad ng may-ari sa TV n'ya? Eh 'di babalik din s'ya kay Gule. Lalong mababawasan ang mapagbebentahan. Sayang naman kaya nagdesisyon na siyang kay Gule na lang ipagbili ang gamit. "Hindi na, dito na lang sa iyo." Pumayag na s'ya sa ipinresyo ni Gule bilang kabayaran sa TV na tanging libangan ng kanyang anak. Bago umalis ay muli n'yang ipinaalala sa dalaga at sa kaibigan nito ang tungkol sa libing. Muli s'ya nitong pinasalamatan. Gan'on din ng kasama nito na saka n'ya lamang nalamang isa palang pipi nang magsalita. A at E lamang ang kaya nitong sambitin. Kahit paano ay nakadama s'ya ng kasiyahan. Bagama't mahirap lang ay nagagawa pa rin n'yang makatulong sa iba. Lalo na sa dalagang ulilang lubos na. Ikinasiya n'yang malaman na may kaibigan na ito at kasama sa kabila ng hindi kaaya-ayang itsura. Magkagan'on pa man, mabait ito at magalang. Maganda ang asal sa kabila ng pagiging kuba. Habang naglalakad ay nag-iisip na siya kung paano makakabili ng bagong TV. Ngunit nakabili na siya ng lutong ulam at papasok na sa eskinita pauwi sa kanila ay wala pa rin s'yang naisip. "Bahala na!'' bulong n'ya at malalaki ang hakbang naglakad pauwi. NADATNAN n'yang naglalaro si Tintin at ang kaibigan sa tapat ng bahay nila. Magkasing-edad ang dalawang bata. Parehong apat na taong gulang. Pagkakita sa kanya ay nagmamadali itong tumakbo at sumalubong. Binuhat n'ya ito at hinalikan. Pagkatapos ay ibinaba uli. Tumakbo na ito pabalik sa naghihintay na kalaro. Pagpasok n'ya sa bahay ay nakasalubong n'ya ang asawang hula n'ya ay kagigising lang. "May dala ka bang ulam?'' Pupungas-pungas nitong tanong. Naghihilamos ito sa may pintuan ng banyo. Nang makatapos sa ginagawang paglilinis ng mukha ay lumapit na ito sa mesa. Inangat ang palangganang nakataob sa ibabaw, sumimangot ito pagkakita sa isda. Wala pa iyong bawas bukod pa sa katatayo lang ng asawa kaya natitiyak n'yang hindi pa nag-aalmusal ang anak. Nakaramdam s'ya ng inis, ng galit. "Ano ba 'yang dala mo?'' tanong nito sa kanya. Hindi niya ito sinagot. Sa halip, kumuha siya ng tasa, ipinatong sa mesa at saka isinalin ang laman ng plastic na dala. Napangiti si Eva paborito nito ang adobong atay ng baboy. Kumutsara ito at saka maganang sinimulan ang pagkain. Hindi man lang inalala ang anak nila. Hindi man lang inalam kung ito ba ay kumain na. Wala itong inintindi kundi ang sariling bituka. Lumapit siya sa kalan at nag-umpisang magparikit ng uling. Sigurado s'yang 'di pa ito nakakapagsaing. Iyon na nga ba ang inaalala n'ya kaya umuwi s'ya agad matapos matiyak na kasado na ang mga nitso ng ililibing mamaya. "Pasensya ka na, kakagising ko lang. Napadami ako ng inom kagabi sa birthday ni Mareng Rose.'' Paliwanag nito habang tuloy sa pagsubo ng pagkain at pagnguya. Hindi siya sumagot. Umaahon sa dibdib niya ang matinding sama ng loob. Hindi niya gustong makakakita na naman ng 'di maganda ang kanilang anak. Agad siyang nag-unab ng bigas at isinalang sa kalan. Pagkatapos ay lumapit sa pinaghigaan ng asawa at niligpit iyon. "Ako na ang magliligpit n'yan," saway nito sa kanya. Itinuloy pa rin niya ang ginagawa, pagkatapos ay sinilip ang anak sa may pintuan. Naglalaro pa rin ito. Matapos kumain ay niligpit ni Eva ang mesa at hinugasan ang pinagkainan. Nagtuyo ito ng palad gamit ang laylayan ng damit na suot. Pagkatapos ay yumakap sa kanya. "Huwag ka na magalit, napasubo lang naman ako. 'Di ko natanggihan si mare eh. Sige na, bati na tayo ha.'' Paglalambing nito habang kinikintalan ng pinong halik ang leeg niya. Pinigilan niya ang sarili at ipinagpatuloy ang pananahimik ngunit... unti-unti nang gumagapang ang mainit na pakiramdam sa buo niyang katawan. Nakikiliti siya anumang pigil ang gawin. "Sige na at umaamoy na ang sinaing ko.'' NANGITI si Eva. Malambing ang tono nang pagsagot ni Domeng sa kanya. Alam na alam n'ya kung paano aalisin ang galit nito. Lalo na kung magagawa niya ang pinaplano mamaya pagkatapos maligo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD