CARLY
Napabalikwas ako ng bangon nang maramdaman ang malamig na tubig sa mukha ko.
Umayos agad ako ng upo at pinunasan ng kamay ang mukha ko. Nang imulat ko ang mata ko, mukha nila Hannah, Dion at Kean ang bumungad sa paningin ko. Naaninag ko pa si Kean na may hawak na pitsel, probably 'yon ang naglalaman ng malamig na tubig kanina. At malamang din na siya ang nagbuhos sa akin non! Haler, ang laki yata ng galit sa akin ng lalaking 'yan.
"Ano bang problema mo?!" singhal ko kay Kean dahil magmula yata ng ipinanganak kami, mortal enemy na kami.
Napatayo naman si Hannah mula sa pagkakaupo niya at lumapit sa pwesto ko. Ngayon ko lang napagtanto na hindi pamilyar ang lugar na kinalalagyan namin. Mukhang nasa clinic kami dahil may mga blue na kurtina pang nakaharang. Pero hindi naman ganito kalaki ang clinic sa lugar namin ah? Nasaan ba kami?
Napansin siguro ni Hannah na kanina ko pa nililibot ang paningin ko sa paligid kaya nagsalita siya. "Carly, wag kang magalit kay Kean. Ang totoo niyan, kanina ka pa namin ginigising pero hindi ka namin magising. We even checked your pulse.. a-and.." hindi maituloy ni Hannah ang sinasabi dahil napahikbi siya. Kumunot naman ang noo ko. Anong ibig niyang sabihin?
At dahil hindi maituloy ni Hannah ang kinukwento niya, si Dion na ang nagtuloy.
"We thought you're dead, Carly. But when we heard you whispering something, nabuhayan kami ng loob. Ginising ka ulit namin pero hindi ka nagigising. Inisip namin na baka binabangungot ka. That's why binuhusan ka ni Kean ng malamig na tubig para magising ka." paliwanag ni Dion sa akin. Ganoon pala ang nangyari. May silbi rin naman naman pala ang hudas kahit papaano.
Tumingin ako kay Kean and mouthed my thanks to him. Imbes na magwelcome na lang para matiwasay ang buhay namin, sinimangutan lang ako.
"Tsk." Kean answered and rolled his eyes.
Grrr! Sarap niyang sapatusin! Minsan talaga hindi ko makuha ang trip nitong lalaki na 'to eh.
Pero teka, nasaan pala sila Jazz?
Magtatanong pa sana ako kung nasaan ang iba pa naming kasama nang biglang bumukas ang pinto ng silid.
"Jazz, tama na. Wala na tayong magagawa. Everything happens for a reason." Oliver said at tila pinapakalma ang nagwawalang si Jazz. May hawak siyang tissue at pulang pula na ang ilong at mata niya dahil sa pag-iyak.
"No.. I can't accept that.. s-she's my friend since— oh my gosh!" Jazz exclaimed nang mapatingin siya sa akin. Nanlalaki pa ang mga mata niya at halatang gulat na gulat. Napatingin din siya kay Kean na nagkibit balikat lang sa kanya. Maging sina Aliyah at Oliver ay nakanganga nang makitang buhay ako.
Well, hindi ko sila masisisi dahil pinaliwanag naman na sa akin ni Dion na akala nila patay na ako.
Muntik na akong mapatalon sa gulat nang biglang lumapit sa kama ko si Jazz at walang pag-aalinlangan niya akong niyakap. Nakiyakap din sina Oliver at Aliyah maging si Hannah na nasa gilid ko lang din. Shemay, 'yung katawan ko, naiipit na!
"W-we t-thought we l-lost you.." ani Aliyah sa pagitan ng paghikbi.
Inaasahan ko na ang ganitong reaksyon sa kanila. Magmula mga bata pa lamang kami ay magkakaibigan at magkakalaro na kami.
Hindi ko alam ang sasabihin sa kanila kaya hinayaan ko na lamang sila at hinintay na kumalma. Nang matapos ang ilang minuto, nagsalita naman si Dion na nasa gilid lang namin.
"I think we still need to figure things out." ani Dion sa isang seryosong tinig.
Nakita ko namang napatango silang lahat sa sinabi ng lalaki pero nang mapatingin ako kay Kean ay ngumisi lamang ito sa akin.
"Pero bago 'yan, nasaan nga pala tayo? Hindi kasi pamilyar sa akin eh." tanong ko dahil kanina ko pa talaga iniisip kung saang lugar ito.
"Carly.. hindi mo ba natatandaan kung anong nangyari kagabi?" maang na tanong ni Jazz sa akin at halata sa kanya na nagtataka siya. Maging ang iba pa naming kasama ay nakatutok na ang paningin sa akin.
Napaisip naman ako kung ano ba ang nangyari kagabi. Teka, ano nga ba ang nangyari? Hmmm.. ang natatandaan ko ay ang pagpunta namin sa abandonadong mansion. Pagkatapos ay mayroong nakitang matandang lalaki si Hannah na nasa may bintana, sinabi ni Kean na pumasok kami sa loob. Ilang saglit lamang ay may nakita siyang isang kakaibang kwintas na may pendant na orasan. Nakarinig kami ng kalabog at tiningnan namin kung anong mayroon. Nakita naming muli ang matanda na hinahanap namin, akmang susugurin kami kaso... kaso... ang kwintas!
Napaangat ako ng tingin sa kanila habang ang mata ay namamangha dahil sa kakayahan ng kwintas. Dinala ba kami nito sa ibang lugar? Nag-teleport ba kami? Kung ganoon, totoo nga siguro ang misteryong nababalot sa nakakatakot na mansion na iyon.
"Nasaang lugar tayo? Nasa Japan ba? Hala, gusto kong makita sila Pikachu!" excited kong sabi sa kanila. Malamang nasa Japan kami ngayon. Makikita mula rito sa loob ng clinic ang mga cherry blossoms na tinatangay ng hangin ang mga dahon. Malamang ay Autumn na ang season ngayon. Nilinga-linga ko pa ang mata ko sa paligid, wala pa kasi akong nakikitang Japanese na pwedeng pagtanungan kung saan ba pwedeng makita sila Pikachu. Hindi ko mapigilang hindi maging excited. Napabungisngis ako dahil sa ideyang pumasok sa isip ko.
Nakita ko namang naguluhan silang lahat sa inaasal ko, maliban lamang kay Kean.
"My.. my... my... It's not what you think, princess." ani Kean at ngumisi. Sarap tirisin.
"Hindi tayo nagteleport kaya wala tayo sa Japan. Iba ang kakayahan ng kwintas na nakuha ko." pagpapatuloy pa nito habang nakangisi. Tsk, if I know, inaasar na naman ako nito.
Pero wait?!! Hindi kami nagteleport?? Eh, ano 'to? Bakit nakakakita ako ng mga cherry blossoms?
Nakita ko namang nakakunot ang mga noo nila Hannah, Jazz, Aliyah at Oliver. Samantalang si Dion ay poker face lang na nakatingin sa akin, na para bang kinikilatis ako at sinusubukang basahin kung anong iniisip ko ngayon. Bigla tuloy akong nailang. Nakita ko namang tinapik ni Kean si Dion sa balikat dahilan kung bakit naputol ang pagtitig sa akin ni Dion. Thank goodness!
"Teka nga, teka nga! Ano bang pinag-uusapan nyo?" tanong ni Jazz habang pabalik balik ang tingin sa amin ni Kean.
"A-akala k-ko nagtelep-port t-tayo at n-napunta sa Japan.." nahihirapang sabi ko dahil sa mga titig ni Kean sa akin na parang tumatagos sa buong pagkatao ko. Wait nga! Bakit naman ako kinakabahan? At bakit ba siya titig nang titig?!
Nakita ko namang napatango sila sa sinabi ko at sabay sabay na napa "aahhh." Napasimangot tuloy ako sa kanila.
"So, ano na? Ano bang nangyari habang natutulog ako?" tanong ko at binalewala na lang ang naging reaksyon nila sa sinabi ko. Tsk.
"Ang totoo niyan, hindi tayo nagteleport, Carly.." umpisa ni Oliver. "... ang hinuha namin ay nag time travel tayo.." habol nito na siyang nagpawindang sa akin.
Time travel?! Pft. Mas okay pa sana 'yung teleport pero ang time travel? Nah-uh.
"Totoo ang sinabi ni Oliver, Carly. Habang nililibot namin ang lugar na 'to, syempre nung una ay namangha talaga kami dahil sobrang ganda. Akala rin namin noong una na kung saan na ba kami dinala ng kwintas pero nang makakita kami ng dalawang babaeng nag-uusap at nakasuot ng mga makalumang saya, kinutuban na kami. Nagtanong kami sa kanila kung anong petsa na ba at sinabi nilang.." huminto saglit sa pagsasalita si Aliyah saka bumuntong hininga. "Sinabi nilang taong 1635 na." Marahas akong napabuntong hininga.
Like what the eff?! 1635?? 2018 ngayon! Imagine kung gaano kalayo ang nilakbay ng oras namin, kung sakaling totoo nga iyon!
"Alam kong magugulat ka kung sasabihin namin ito sa iyo at baka hindi ka pa maniwala. Maging kami rin ay hindi naniwala nung una kaya naglakad lakad muna ulit kami at naghanap ng mapagtatanungan pero pare-parehas sila ng isinasagot. Oktubre 7, 1635." pahayag ni Jazz at kinukumpas pa ang kamay.
Hinintay kong may magsalita muli sa kanila at sabihin sa akin na nagbibiro lamang sila. Mamaya, magreact ako na namamangha sabay di naman pala totoo 'yon. Edi napahiya ako?!
"Oh tapos, ano nangyari?" walang gana kong tanong. Mahirap na, baka pinagtitripan lang talaga ako ng mga ito
.
"Anong 'ano nangyari'? Hindi ka ba naniniwala sa amin?" madramang tanong ni Jazz sabay hawak sa puso niya na para bang nasasaktan talaga siya.
Magsasalita pa sana ako nang biglang bumukas ang pinto ng clinic at iniluwa noon ang dalawang babae.
Mahaba at nakalugay ang itimang buhok ng isa sa dalawang babae. Nakasuot ito ng puting puting dress na parang kagaya ng mga nurses. Ang kaibahan lang ng sa kanya ay mukha itong makaluma. Ang isang babae naman ay nakasuot ng pulang victorian dress na nagpatingkad sa maputing balat nito. Nakabraid ang kanyang tsokolateng buhok na bumagay sa bilugan niyang mukha. Napakaganda nito at kung titingnan itong mabuti, mapagkakamalan mo siyang isang prinsesa.
Agad namang dumiretso ang dalawang babae sa amin at nginitian ang mga kasama ko. Oh-kay?
"Ah, Carly, ito nga pala si Prinsesa Charlotte." ani Hannah at itinuro ang babaeng maganda na nakasuot ng victorian dress. Ngumiti ito nang matamis sa akin na tinugunan ko rin.
Teka, Prinsesa?
"Ito naman si Katarina, ang nurse dito sa palasyo. Kaibigan siya ni Prinsesa Charlotte." patuloy ni Hannah at itinuro naman ang babaeng may mahabang buhok. Tama nga ang hula ko na isa itong nurse. Ngumiti rin ito sa akin na sinuklian ko rin naman.
"Maayos na ba ang iyong pakiramdam? Wala na bang ibang masakit sa iyong katawan? Ano ang iyong nararamdaman?" tuloy tuloy na tanong ni Prinsesa Charlotte. Halata sa kanya ang pag-aalala. Nagtaka naman ako sa kanyang ikinikilos na para bang isa kaming matalik na magkaibigan. Nang mapansin niya na nakatingin lamang ako sa kanya ay agad siyang nahimasmasan at saka nahihiyang ngumiti.
"Kanina pa nag-aalala sa iyo ang iyong mga kaibigan. Kanina nga ay nagpunta sila sa palasyo upang hingiin ang tulong ni Ama. Mabuti na lamang at dito sa aming emperyo kayo napadpad at hindi sa kabilang emperyo.." ang maamo at nag-aalalang mukha ng Prinsesa ay biglang napalitan ng panggigigil.
Mukhang malaki ang galit niya sa kabilang emperyo na tinutukoy niya.
"Ahh, pagpaumanhin sana ninyo ang ikinikilos ng Prinsesa. Mortal na magkaaway kasi ang emperyo ng Osynir, ang emperyo kung nasaan tayo, at ang ang emperyo ng Asner. Kilala ang emperyo ng Asner sa masasamang gawi. At kung doon kayo napadpad ay malamang na pinupugot na ang inyong mga ulo sa kasalukuyan." mahabang paliwanag ni Katarina sa amin.
Grabe naman manakot ang isang ito. Sarap sakalin.
Ngunit agad naman ngumiti ang Prinsesa at niyakap ako.
"Nagpapasalamat ako na dito pa rin kayo napadpad, adelfi." Masayang sambit nito at mabuti na lamang ay humiwalay na ito sa akin dahil naiilang na talaga ako.
"Maghanda na kayo, pupunta tayo sa palasyo. Gusto kayong makita ni Ama." sambit ng Prinsesa habang hindi pa rin nawawala ang ngiti nito sa amin.
Agad namang tumalima ang mga kasama ko. Tumayo na rin ako dahil maayos naman na ang pakiramdam ko. Isa pa, ano namang ihahanda namin? Wala naman kaming dalang ibang gamit. Cellphone at wallet lang ang dala ko, maging ng iba ko pang kasama.
Nakahinga naman ako ng maluwag nang makapa ko ito sa aking bulsa. Akala ko ay nawala ito nang akmang susugurin kami ng matandang lalaki bago ako mawalan ng malay.
Inayos lamang namin ang kama na pinaghigaan ko at sumunod na kami sa Prinsesa. Si Katarina naman ay nagpaiwan dahil iyon ang trabaho niya. Pinatawag lamang siya kanina ng Hari kaya wala siya.
Paglabas namin sa silid, agad kaming sinalubong ng dalawang mga armadong lalaki. Ang mga suot nila ay parang kagaya sa mga sundalong Kastila noong panahon nila Doctor Rizal. Pinaghalong asul at pula ang kulay ng kanilang uniporme. Ang angas! Muntik ko nang makalimutan na Prinsesa nga pala ang kasama namin.
Nagsiyukuan naman ang dalawang sundalo nang makita si Prinsesa Charlotte.
Naunang maglakad si Prinsesa Charlotte at sumunod lamang kami rito. Sa may dulong bahagi ng pasilyo na nilalakaran namin ay mayroong dalawang karwahe. Mas malaki at mas makulay lamang ang isang karwahe kumpara sa isa.
Ngayong nakalabas na ako sa clinic kung saan ako nag-stay, ay masasabi kong maganda talaga ang lugar na ito. Napakalamig din ng simoy ng hangin at pink na pink ang lugar dahil sa naglalagasang dahon na mula sa cherry blossoms. Ang peaceful.
Napatigil naman ako sa paglalakad nang may muntik nang makalimutan. Napahinto rin sa paglalakad ang mga kasama ko.
"What is it, Carly?" tanong ni Kean na takang taka.
Hindi ko siya pinansin at dinirekta ang tingin sa Prinsesang tila naguguluhan sa akin.
"Kung iyo po sanang mamarapatin ay mayroon akong katanungan sa inyo." sabi ko sa malalim na Tagalog, mukhang sa ganitong paraan sila sanay. Nakita ko namang tumango siya kaya nagpatuloy ako. "Anong taon na po ngayon, Prinsesa Charlotte?"
Ang tila naguguluhan na prinsesa kanina ay tuluyan nang nagtaka at nakakunot nang nakatingin sa akin. "Oktubre 7, 1635 ang petsa ngayon. Ang hindi ko lamang maintindihan ay kanina niyo pa akong tinatanong magkakaibigan kung anong araw na ba ngayon. Mayroon ba akong hindi alam?"
Napatingin ako kila Jazz. Kung ganoon, ay totoo nga?! Napataas naman ng kilay sa akin si Jazz na parang sinasabi na "sabi ko naman sa iyo eh!"
Binaling kong muli ang tingin sa prinsesa na nakakunot pa rin ang noo at hinihintay ang sagot ko.
Umiling lamang ako rito. "Wala naman po Prinsesa Charlotte. Mukhang maganda kasi ang timpla ng araw ngayon kaya labis akong natutuwa." sabi ko at ngumiti sa kanya. Nginitian niya naman ako at nagpatuloy na sa paglalakad. Whew! Akala ko mahahalata niyang hindi kami tagarito.
At isa pa, wala rin namang maniniwala sa amin na galing kami sa ibang panahon kung sakaling may makaalam. Tsk.
Speaking of taga-rito, hindi pa namin alam kung anong eksaktong lugar ba ang kinalalagyan namin, liban na lamang sa alam naming nasa Emperyo ng Osynir kami.
Hindi ko namalayan na nakalapit na pala kami sa dalawang karwahe. Inalalayan naman ng dalawang sundalo ang Prinsesa papasok sa magandang karwahe.
Nang makaupo na ang Prinsesa ay agad naman itong nagwika.
"Dito na sa aking karwahe sasakay ang mga binibini samantalang ang mga ginoo naman ay sa kabilang karwahe." ani prinsesa at inutusan ang mga sundalong alalayan kaming sumakay.
Kung ganoon, kaya pala medyo makaluma ang kanilang pananalita at pati na rin ang kanilang mga kasuotan ay dahil nasa taong 1635 kami.
Kung nasa taong 1635 kami, ano nang nangyayari sa 2018? Kumusta na si Lola? Eh ang mga magulang nila Jazz? Paano kung nag-aalala na sila sa amin? Hindi kami nagpaalam sa kanila dahil tumakas lang kaming pito dahil tiyak na di kami papayagan kung malalaman nilang pupunta kami sa mansion na iyon.
Pero ang hirap pa rin paniwalaan na naglakbay kami papunta sa nakaraan.
Nawala ang pag-iisip ko nang magsalita ang isa sa sundalo. "Binibini."
Ako na lamang pala ang hinihintay nila. Nakapasok na silang lahat sa karwahe maging ang mga lalaki at ako na lamang ang hindi. Hindi na ako nag-atubili pa at sumakay na ako sa karwahe. Nang makasakay kami sa loob ay pinaandar na ito ng isa sa mga sundalo. Ang isang sundalo naman ang nagmamaniobra ng karwahe na sinasakyan nila Kean.
Habang nasa loob, pansin ko na mukhang hindi sibilisado sa lugar na ito. Wala pa kasi akong nakikita na mga kabahayan at tanging cherry blossoms lang.
Ilang minuto lamang na nakasakay sa karwahe, ay tuluyan naming na-appreciate kung gaano kaganda rito sa Emperyo Osynir. Hindi lang pala mga naggagandahan at mga pink na cherry blossoms ang maipagmamalaki nila. Marami ring iba't ibang uri ng mga bulaklak ang makikita sa paligid. May mga sunflower, sampaguita, at ilang-ilang pa kaming nakikita. May tulips din! Napakakulay ng kapaligiran at mukhang alagang-alaga talaga ito. Berdeng-berde rin ang lugar at may malawak na lupain pa at tayong-tayo ang mga puno ng narra na sunod sunod na nakatanim na tatayang may limang metro ang layo sa isa't isa. Kahit saan ka lumingon ay purong kagandahan at kalinisan lamang ang makikita mo. Parang walang problema sa lugar.
Hindi rin nagtagal ay may nadaanan na rin kaming mga kabahayan at ilang mga shops. Ito na marahil ang bayan sa lugar nila. Mayroong tindahan ng mga gamit sa paghahalaman, bookshop, flower shop, may mga paninda rin sila na gamit sa pagguhit at pagpaint, tindahan ng mga damit na naka-categorise pa. Mayroong ordinaryong kasuotan lamang at mayroong mga victorian dress na gaya ng suot ng prinsesang kasama namin at marami pang iba. Marami ring mga restaurants ang nakatayo. Ang mga bahay ng mga tao ay nasa may unahan pa ng mga shops at karamihan sa mga bahay ay hanggang second floor ang bahay at kaonti lamang ang one-storey house. At purong mga cream din ang kulay ng pintura ng mga bahay nila. Mukhang mahilig sila sa uniformity kaya pati pintura ng bahay ay pare-pareho sila.
Nagkawayan naman ang mga tao sa karwaheng sinasakyan namin. Ang iba ay nangi-ngiti at ang iba ay napapayuko pa kapag nadadaanan na ng karwahe na lulan namin ang pwesto nila. Nalimutan kong prinsesa nga pala ang kasama ko. Mukhang mahal na mahal ng mga tao sa Emperyo Osynir ang mga namumuno sa kanila.
Hindi ko napansin na nakababa na pala ang bintana sa may tabi ni Prinsesa Charlotte kaya kitang kita siya ng mga tao ngayon. Binabalik din naman ng prinsesa nila ang ngiti na natatanggap nito ngayon.
Ngunit kapansin-pansin din ang kunot ng noo ng mga tao sa tuwing mapapadako ang tingin nila sa aming magkakaibigan. Mukhang hindi sila sanay na may ibang kasama sa karwahe ang mahal na prinsesa nila. At isa pa, ibang-iba rin ang suot namin sa suot nila. Kung sila ay nakasuot ng mga mahahabang palda, samantalang si Hannah ay nakasuot lamang ng maikling palda at sina Aliyah at Jazz ay nakashorts lamang. Habang ako ay nakatokong at sando lang.
Huminto saglit ang karwahe. Nagtaka pa ako dahil nasa kalagitnaan pa lamang kami ng kalsada. Hindi kaya napagod na 'yung sundalo at kabayo sa karwaheng sakay namin? Tangek ka talaga, Carly!
Mukhang hindi lang ako ang nagtataka dahil nakita kong nagkatinginan sila Aliyah at Hannah sa isa't isa habang si Jazz ay wala lang pake sa gilid. Ngunit agad din naman nasagot ang tanong namin sa isip nang may batang lumapit sa amin at binuksan ni Prinsesa Charlotte ang mismong pinto ng karwahe.
Nakangiti ang bata habang inaabot ang bulaklak na halatang bagong pitas pa lamang at ibinigay ito sa prinsesa. Masigla namang tinanggap ni Prinsesa Charlotte ang bulaklak at nagpasalamat sa batang babae. Napabungisngis naman ang huli. Nang makaalis ang bata ay sinaraduhan na rin namang muli ng prinsesa ang pinto.
Ilang saglit pa ay nagpatuloy na uli sa pag-andar ang karwahe hanggang sa makalayo kami sa bayan.
"Mukhang mahal na mahal kayo ng mga tao, Prinsesa Charlotte." saad ni Hannah na napansin din ang inasta ng mga tao kanina.
Napangiti naman ang Prinsesa dahil sa tinuran ni Hannah.
"Dahil iyon sa mga ninuno namin. Dahil sa maayos, mabuti at makatarungan nilang pamamalakad sa mga tao ay talagang minahal na ang pamilya namin noon pa man. At dahil na rin sa Amang Hari na siyang nagturo sa akin ng tamang pag-uugali tungo sa mga mamamayan ng Osynir. Na hindi porket isa akong prinsesa ay dapat na akong magmataas. Tinuro niya sa akin ang kababaang-loob kaya't nagpapasalamat ako sa klase ng ama na mayroon ako." wika ni Prinsesa Charlotte na mukhang proud na proud sa kanyang ama.
Napatango kaming mga babae sa prinsesa na mukhang nilipad na ng kanyang isip sa kung saan dahil sa galak na nararamdaman nya. Hinayaan na lamang namin ito at hindi na inistorbo.
Maya-maya lamang ay huminto na ang karwahe at niyaya na kaming bumaba ng mga naglapitang mga babaeng nakasuot ng mahahaba at kulay tsokolate na palda at puting blusa. Ito marahil ang kasuotan ng mga tagapagsilbi rito sa panahong ito. Mukhang nandito na kami sa palasyo.
Pagkababa namin, ay halos mabilaukan kami pagkakita sa palasyong tinutukoy ni Prinsesa Charlotte. Hindi namin namalayan na ganito pala ang itsura ng mansyon dahil isinara ng prinsesa kanina ang bintana ng karwahe at mukhang sarado rin ang bintana ng karwahe ng mga boys dahil alam kong tamad 'tong mga 'to kahit ii-slide mo lang naman 'yung bintana. Tsk.
Narinig ko pa ang paglunok ni Oliver sa may gilid ko.
Sinong hindi mabibigla, eh ang palasyong nakatayo sa mismong harap namin ay ang abandonadong mansyon sa taong 2018?!
Pakshet!