Alas dose ng tanghali
Pinunasan ko ang pawis sa aking noo at leeg gamit ang dala kong panyo.
Mataas ang sikat ng araw habang nasa labas kami ng simbahan at naghihintay na dumating ang karo ng patay.
Dumaan ang kalahating oras bago ito dumating.
Ala una ng hapon
Sinimulan ang misa.
May nag-iiyakan na sa gilid, lalo na si ate Cleo na basang basa na ang panyo kakapunas ng kanyang luha. Pulang pula na rin ang kanyang pisngi kakaiyak.
Sa gilid niya'y si Margarita na nakayakap sa kanya.
Ibinalik ko ang tingin sa pari.
Napakabilis tumakbo ng oras.
Ngayo'y nakauwi na kami galing sa sementeryo.
Bagsak ang aking balikat nang makarating ako sa aming bahay.
Hindi ko siya nakita. Naalala ko na naman ang nangyari nung isang araw.
Hindi ko siya naabutan.
Bakit nga ba ako tumatakbo? Para magpaliwanag?
Mahina akong natawa sa aking naisip. Hindi ko naman siya kasintahan para gawin iyon.
Ramdam ko ang kanyang pag-iwas mula nang mangyari iyon. Hindi ko na siya ulit nakita. Tanging si Margarita na lamang ang nagpapakita sa akin araw-araw, nagpapapansin. Ni hindi man lang humingi ng tawad sa kanyang ginawa.
Pinakawalan ko ang isang buntong hininga. Ganoon nga talaga siguro ang karamihan sa mga naninirahan sa syudad.
Kung tutuusin ay wala lang naman talaga sa akin ang nangyari dahil wala namang nangyari sa amin at isa pa'y nakita niya lamang ang simbolo ng aking p*********i. Sigurado naman akong marami na siyang nakitang ganun.
Pumasok ako sa kwarto at nagbihis ng pambahay.
"Oy bok!"
Pagkalabas ko ng bahay ay agad na sumalubong sa akin si Margarita. Nakabihis na rin ito at may malaking ngiti sa mga labi habang nakatingin sa akin.
"Ano?" tanong ko sa kanya. Mas mabuti sana kung si Landellane ang tumatawag sa akin.
"Ah, may lakad ka---"
"Meron" pagpuputol ko sa kanyang sinasabi. Tila naman napahiya siya at yumuko na lamang.
Mabilis akong naglakad palayo sa kanya. Balak kong puntahan si Landellane sa bahay nila at alamin ang dahilan ng pag-agos ng kanyang luha nung isang araw.
Gumaan ang aking pakiramdam nang hindi ko maramdaman ang presensya ni Margarita sa aking likod. Pakiramdam ko'y isa akong ibong malayang lumilipad sa himpapawid.
Nakakasakal na rin kasi ang pagsunod niya sa akin lagi. Kulang na lang ay itali niya ako sa kanyang katawan para wala na akong kawala. Umaakto siyang kasintahan ko, minsa'y nahihigitan niya pa si mama kung umasta.
Huminto ako sa tapat ng maliit na tindahan. "Ah, maaari po bang magtanong?"
"Ano iyon, iho?"
"Alam niyo ho ba kung nasaan ang bahay ni Landellane? Iyong babaeng kulot?" tanong ko sa matandang babaeng naroon.
"Ah oo naman, deretso ka lang. Kita mo iyong kakahuyan? May makipot na daan sa gitna nun, doon ka dumaan," sabi niya habang itinituro ang kakahuyan. Medyo malayo mula rito sa aking kinatatayuan.
Nagpasalamat ako at ipinagpatuloy ang paglalakad.
Habang nasa gitna ng kakahuyan ay hindi ko maiwasang makaramdam ng kaunting kaba. Puro kahoy lamang ang nakikita ko at tanging mga huni ng ibon ang aking naririnig. Dagdagan pa ang malamig na simoy ng hangin.
Ilang saglit lang ay may nakita akong isang malaking bahay na gawa sa bato. Dalawang palapag ito. Walang pintura at napakasimple lang. May apat na bintana, dalawang pintuan, at terasa. May mga tuyong dahong nakakalat sa paligid nito.
Napalunok ako at humakbang.
Nang makarating sa tapat ng pinto ay kumatok ako ng tatlong beses.
Ilang saglit lang ay bumukas ito at nakita ko ang isang batang babae. Kulot din at may maamong mukha. Katulad lang ng kay Landellane.
Tumingala ito at ngumiti nang magtama ang aming mga mata.
"Lisle!"
Sabay kaming napalingon ng bata sa pinanggalingan ng boses. Si Landellane.
Mabilis at malalaking hakbang ang ginawa nito palapit sa bata.
"Ate, sino siya?" tanong ng bata at itinuro ako.
Nagulat naman si Landellane nang makita ako. Tila hindi inaasahan ang aking pagdating.
Umiwas siya ng tingin at tumalikod saglit, pagkatapos ay ibinalik ang tingin sa akin.
"Anong ginagawa mo rito? Paano mo nalamang dito ako nakatira?" tanong niya sa akin, ang mukha'y naiinis.
Mapagpanggap.
Kanina lang ay gulat na gulat, ngayon nama'y inis na inis.
"Binibisita ka," sagot ko naman.
Umalis ang bata ng walang sabi saka pumasok sa isang pintuang gawa sa kahoy. Tiyak kong kuwarto niya iyon.
Naupo ako sa upuang kutson. Malambot at komportable. Pinagpahinga ang mga binti dahil sa pagod dulot ng paglalakad. Hindi alintana ang may-ari ng bahay na nasa likod ko lamang. Wala naman akong narinig na reklamo mula sa kanya kaya tiyak kong ayos lamang na maupo ako dito.
Pumunta siya sa kusina at sa pagbalik niya'y dala ang isang basong naglalaman ng katas ng dalandan. Inilapag niya ito sa maliit na mesang gawa sa bato na nasa harapan ko.
"Salamat,"
Binigyan niya ako ng maliit na ngiti bilang sagot sa aking pagpapasalamat.
Uminom ako ng kaunti at ibinalik ang baso sa mesa. Pampabasa sa lalamunan kong natuyo dahil sa pagtitig ko sa kanya.
Tumikhim ako at kinuha ang kanyang atensyon. Tumingin naman kaagad siya sa akin.
"Gusto ko lang sanang itanong kung umiyak ka ba nung isang araw?" pagtatanong ko sa kanya.
Nanigas siya sa kinauupuan at tila hindi humihinga.
"P-paano mo naman nasabi?" utal at patanong niyang sagot.
Nagkibit balikat ako at sumandal sa upuan.
"Wala naman, parang may nakita lang ako sa mga mata mo nung araw na iyon," sabi ko.
Sabihin mo ang totoo. Pipi kong hiling.
"H-hindi ako u-umiyak," matigas at nauutal niyang sabi habang ang mga kamay ay medyo nanginginig.
Tumaas ang aking kanang kilay.
Tumingala ako na agad kong pinagsisihan dahil nakita ko kung paano ako bigyan ng nakakamatay na tingin ng babaeng nasa itaas. Tiyak kong ito ang ina ni Landellane. Kulot at may kahabaang buhok na kulay abo. Matandang imahe na kamukhang kamukha lamang ni Landellane. Nakasandal ito sa may hawakan ng hagdan.
Nagbaba ako ng tingin at tumayo.
"Magandang umaga ho," magalang kong sabi at yumuko ng kaunti.
Ngumiti ito na siyang ikinagulat ko. Kanina ay mabangis ngayon ay naging maamo. Ngayon alam ko na kung saan nagmana si Landellane.
"Magandang umaga rin sa'yo iho. Ano't naparito ka?" tanong niya habang naglalakad pababa sa hagdan, ang mga mata'y nakatuon sa akin.
"Binibisita ko lang ho ang iyong anak," sabi ko naman.
Lumipat ang mga mata nito sa direksyon ni Landellane. Nagtatanong, nanghihingi ng konpirmasyon sa aking sinabi.
Isang tango naman ang iginawad ni Landellane sa ina.
Nang tuluyang makababa sa medyo may kahabaang hagdan ay naglakad ito patungo sa may pintuan.
"Anak, aalis na muna ako. Ikaw na ang bahala rito," sabi nito kay Landellane na hindi man lang lumilingon. Nakaharap ito sa pintuan at nakatalikod sa amin.
"Opo," sagot ni Landellane.
Tuluyan itong lumabas ng pintuan at tahimik na isinara iyon.
"Iyon lang ba ang iyong pinunta?" tanong niya sa akin.
Napalunok ako sa klase ng kanyang tingin sa akin. Nagtatampo't nanunumbat.
"Ah," napakamot ako sa aking ulo nang walang maisip na sagot sa kanyang tanong.
"Kung ganoon ay maaari ka nang umalis," sabi niya at tumayo.
Mabilis pa sa tatlong segundo ang aking galaw at hinatak siya palapit sa akin.
Nagulat naman siya sa aking ginawa, maging ako. Binitawan ko kaagad ang kanyang braso, tila napapaso.
Tumalikod ako at walang sabi sabing lumabas ng bahay. Ano ang ginawa ko? Nababaliw na ba ako?
Mariin kong ipinikit ang mga mata at nagsimulang maglakad palayo.
Palayo sa bahay, palayo sa kanya.
Ano ang nangyayari sa akin?
Kahit kailan ay hindi ako gumawa ng ganoon kabilis na galaw sa isang babae.
Lumingon ako at napatalon nang makita siyang nakasandal sa pintuan ng kanilang bahay, nakatingin sa akin.
Pinilit ko ang mga paang gumalaw at nagsimulang maglakad pauwi.
Hindi bale na, babalik din ako Landellane. Ngayon pa't alam ko na ang iyong tirahan. Guguluhin kita hanggang sa umamin ka tungkol sa iyong mga luha.