Atras-abante ang paggalaw ng aking katawan habang nakasakay sa duyan; tulala.
Napatayo ako nang mabasa ang pang-ibabang saplot. Tumingala ako at nakita ko si Landellane na bitbit ang baldeng walang laman.
Siya ba ang nagtapon ng tubig sa akin?
Pangatlong araw ko na 'tong pagbisita sa bahay nila at ngayon ay nabuhusan pa ako ng tubig. Nung isang araw, muntikan na akong masugatan sa paghampas niya sa akin ng kahoy.
Sa susunod talaga ipapaalam ko na sa kanya ang aking pagdating nang hindi ako mapagkamalang ibang tao.
Nakaawang ang kanyang mga labi. "A-ah p-pasensiya ka na, hindi ko sinasadya," natatarantang sabi niya.
Tiningnan ko ang sarili at napabuntong hininga na lamang. Tumingin ulit ako sa itaas ngunit wala na siya roon. Ang bintanang nakabukas na lamang ang nakita ko.
Napalingon ako nang may tumikhim sa aking likuran.
"Ah, pasensiya ka na talaga, hindi ko kasi alam na pupunta ka ngayon, akala ko kung sino," sabi niya habang nakayuko.
"Ate, may bukol!" biglang sabi ni Lisle, ang pinsan ni Landellane na limang taong gulang pa lamang, habang itinuturo ang bagay sa gitna ng aking mga hita.
Agad ko namang tinakpan ang bagay na iyon gamit ang aking mga kamay at napatingin kay Landellane, na nakatingin din pala sa aking kaibigan. Tumikhim ako at napakurap naman siya.
"Ate, bakit ang laki ng 'tatay' niya?" Ngumiti naman ng pilit si Landellane sa tanong ng bata.
Humarap sa akin si Lisle at inirapan ako. Tiningnan ko siya, nagtataka.
Sumimangot siya at kinuha ang tsinelas sa paa saka ibinato sa aking 'kaibigan'. Buti na lang at nakatakip ang aking mga kamay kaya hindi ito tinamaan.
"Dako'g tatay!" sigaw niya at tumakbo patungo sa loob ng bahay. Ibang klaseng bata, mana sa pinsan.
"Ah, ano pasensiya ka na talaga," sabi naman agad ni Landellane saka sinundan ang bata sa loob.
Ilang saglit lang ay bumalik siya dala ang isang maong na pantalon. Ibinigay niya ito sa akin na kaagad ko namang tinanggap.
"Saan ako maaaring magpalit?" tanong ko sa kanya. Itinuro naman niya ang isang maliit na kubo sa gilid ng kanilang bahay.
Naglakad ako papunta roon at pumasok upang magpalit ng pang-ibabang saplot.
"Ah, Landellane?"
"Bakit?"
"May... brief ba kayong hindi ginagamit?" naiilang kong tanong.
"Ha?" napapikit ako.
"Wala," sabi ko na lamang at isinuot ang bigay niyang pantalon. Bahala na, uuwi naman ako mamaya saka wala namang nakakaalam.
Lumabas ako pagkatapos magpalit at isinampay ang basang saplot sa sampayan.
"Ano pala iyong sinabi ng bata kanina? Hindi ko maintindihan eh," tanong ko sa kanya. Mukha kasing inis na inis sa akin iyong bata.
"Ah, ano, ah, haha, kasi," natataranta niyang sabi habang ang mga mata ay iwas na iwas sa akin. Napakunot ang aking noo.
Tumingin siya akin saglit at pumikit, "ayaw niya kasi sa mga lalaking malaki ang tatay."
Malaki ang tatay?
"Hindi pa naman niya nakikita si tatay, paanong nasabi niya iyon?" nalilito na ako. Hindi naman kalakihan ang katawan ni tatay at hindi pa naman ito nakita ng bata.
Pulang pula ang kanyang pisngi.
"Ang ibig kong sabihin ay... iyong ano... iyong ano mo, iyon ang tinatawag niyang 'tatay," sabi niya at tumingin sa ibabang bahagi ng aking katawan.
Namilog naman ang aking mata sa kanyang sinabi. Hindi ko akalaing 'tatay' ang tawag niya sa aking 'kaibigan'.
Tatay pala ha. Napatawa ako ng mahina. Sinamaan niya naman ako ng tingin.
"Tumigil ka nga!"
Ang kaninang mahinang tawa ay naging malakas na. Parang bata.
Humalukipkip siya at naglakad papasok sa loob ng bahay.
Agad ko naman siyang sinundan at hinawakan ang kanyang braso.
Hinarap ko siya sa akin.
"Gusto mo bang makita ang tatay ko?" binigyan ko siya ng isang malapad na ngisi.
Namilog ang kanyang mga mata dahil sa gulat at sinampal ako.
Nagulat ako sa kanyang ginawa.
"Hinding hindi ko gugustuhing makita ang tatay mo!" sigaw niya at dere-deretsong pumasok sa loob ng bahay. Ba't ba siya nagagalit?
Gusto ko lang naman siyang ipakilala sa aking ama.
"Landellane!" tinawag ko siya.
"Umalis ka na!" sigaw niya mula sa loob.
"Landellane, gusto kitang ipakilala sa aking tatay!" Sigaw ko, nagbabakasakaling marinig niya ang aking munting paliwanag.
Nagtataka man ay tumalikod na lamang ako at naglakad pauwi.
Habang naglalakad ay iniisip ko ang posibleng dahilan ng kanyang biglaang galit. Nagsimula lang naman iyon nang tanungin ko siya kung gusto niya bang makita si-- teka! Tatay!
Napatampal ako sa aking noo. Nagkamali pala siya ng pagkaintindi. Akala siguro niya iyong 'tatay' na nasa gitna ng aking hita ang ipapakita ko.
Napabuntong hininga ako at pinagpatuloy ang paglalakad hanggang sa napadaan ako sa maliit na tindahan. May nag-iinuman na naman.
Hindi pa man ako nakakalayo ay narinig ko ang usapan ng mga kalalakihang nag-iinuman doon.
"Pare! Jutay ka ba?"
Napahinto ako sa paglalakad.
"Huwag kang maingay diyan pare!"
"Sige na tayo lang naman ang nandito eh"
"Ewan ko ba pare, iyan kasi ang dahilan kung bakit nakipaghiwalay sa akin si Margarita"
Ano? Si Margarita?
"Talaga ba, pare? Kaya ba iyan ang iniinom mo?"
Napalingon ako, Tanduay pala ang iniinom nila.
"Bakit?"
"Eh sabi nga ni Derek Ramsay pre, 'walang problema kung maliit o malaki, basta may tiwala sa sarili"
Nagtawanan sila pagkatapos no'n. Napatawa na lang din ako. Tiwala sa sarili? Hmm.
Pinagpatuloy ko ang paglalakad hanggang makarating ako sa bahay.
Pagpasok ko ay naroon sina mama at ate sa sala. Nagmano ako kay mama at naglakad papasok sa aking kwarto.
"Kay mama ka lang magmamano?"
Ang aking pagpasok sa kwarto ay napatigil nang makarinig ng lalaking boses. Nilingon ko ito at nakita ko si tatay na nakasandal sa may pintuan ng kusina. Napangiti ako ng malapad, nakauwi na pala siya.
Mabilis akong naglakad papunta sa kanya at nagmano. Ngumiti naman siya.
"Tay! Kanina pa kayo?" tanong ko sa kanya.
"Hindi naman, mga ilang minuto lang ang lumipas bago ka dumating," nakangiti niyang sabi sa akin.
Pumunta ako kina mama at naupo sa upuang kawayan.
"Saan ka ba galing?" tanong sa akin ni mama.
Napatingin naman ako sa kanya at kumuha ng pandesal sa plato na nakapatong sa marmol na mesa. Isang kagat ang ginawa ko bago sumagot.
"Kina Landellane lang po," sagot ko habang ngumunguya.
Napatingin naman silang tatlo sa akin.
"Na naman?" tanong ni ate.
Tumango ako sabay kagat sa pandesal.
"Pang-ilang beses mo na ba iyang punta sa kanila?" tanong naman ni mama.
Kinuha ko ang basong nasa gilid ng tinapay at sinalinan ito ng katas ng dalandan saka uminom.
"Pangatlong beses na po," sabi ko pagkatapos uminom.
"Nililigawan mo na ba siya?" tanong na naman ni ate.
Umiling ako bilang sagot.
"Sino ba ang babaeng iyan? Gusto ko siyang makilala," sabi ni tatay.
Napangiti ako.
Makikilala niyo rin siya. Tumayo na ako at pumasok sa kwarto.
Nagpalit ako ng damit pagkatapos ay nahiga sa kama.
Hay, Landellane. Kailan kaya mangyayari iyon?