Pagmulat ko ay sumalubong sa akin ang sinag ng araw. Hinila ko ang kumot at tinakpan ang aking mukha. Pinalitan ko ng mas komportableng posisyon ang aking katawan sa kama.
"Pst!"
Napakunot ang aking noo sa narinig. Tinanggal ko ang kumot na nakatakip sa aking mukha at tumingin sa may bintana. Pinigilan ko ang ngiting pilit na kumakawala sa aking labi. Balik na naman pala kami sa dati--siya na naman ang bumibisita sa akin. Bumangon ako at naglakad papunta sa may bintana.
"Ang aga mo naman," sabi ko sa kanya at tinabunan ang bibig habang humihikab. Napatawa naman siya ng mahina at inilagay ang dalawang kamay sa beywang.
"Para sa kaalaman mo, alas otso y medya na ng umaga," sabi niya; ang kanang kilay ay nakataas. Taray naman.
"Ganoon ba? Kanina ka pa riyan?" tanong ko sa kanya. Hindi na ako nagulat sa kanyang sinabi. Alam ko namang matagal akong magigising ngayon. Kakaisip ko sa kanya kagabi ay inabot na ako ng alas onse bago makatulog na may ngiti sa labi.
"Ah, hindi naman. Siguro mga kalahating oras lang," sabi niya na may sarkastikong ngiti sa mapula at malambot na labi. Doon ako natauhan sa kanyang sinabi.
"Ganoon katagal? Ba't di ka kumatok? Sigurado naman akong papapasukin ka ni mama eh," sabi ko sa kanya, nag-aalala na baka nayamot siya kakahintay sa aking magising.
"Hindi ka na galit? Gusto mo nang makita si tatay?" Tanong ko sa kanya.
Ngumiti naman siya at inilapit ang mukha sa akin. Napaatras naman ako ng kaunti dahil sa gulat. Nangunot ang kanyang noo at hinila ng malakas ang kuwelyo ng aking damit. Nanlaki ang mata ko sa kanyang ginawa. Ang lakas naman yata ng loob niya ngayong gumawa ng unang hakbang.
Ngumiti ako sa kanya at hinawakan ang kanyang beywang. Ang kaninang isang dangkal na layo ng aming nga mukha, ay isang nguso na lang bago maglapat ang aming mga labi. Tumingin ako sa kanyang mga mata, sa ilong at sa kanyang labi na tila nagbibigay ng paanyaya upang aking tikman. Napalunok siya ng ilang beses bago ako itinulak ng malakas, ngunit hindi ako nagpatinag at nanatili sa aking puwesto. Kitang kita ko ang pamumula ng kanyang bilugang pisngi habang nakatingin sa akin. Tila naiinis dahil hindi man lang nabago ang aming posisyon dahil sa malakas niyang pagtulak sa akin.
Ilang saglit lang ay nagdesisyon akong bitawan siya. Humalukipkip ako habang tinitingnan ang kanyang itsura pagkatapos ng nangyari. Medyo gusot ang manipis at kulay puting damit na kanyang suot. Napataas ang kaliwa kong kilay nang mapansin ang pagtaas baba ng kanyang balikat, naghahabol ng hininga. Ganyan ba ang epektong dulot ko sa kanya? Tumaas ang tingin ko sa kanyang mukha. Nandoon pa rin naman ang pamumula nito ngunit unti unti na itong kumukupas. Napatawa ako nang siya'y umirap at umalis ng walang sabi.
Napailing ako sa kanyang ginawa at naglakad palabas ng kwarto.
"Aga natin nagising ah," bungad sa akin ni tatay pagdating ko sa kusina. Nakaupo ito sa silya hawak ang isang dyaryo. Ang paa'y nakadekwatro, kaharap ang maliit na mesang gawa sa kung anong uri ng kahoy, sa ibabaw niyon ay isang tasa ng kapeng barako---ang paborito ng ama.
Napatawa ako sa kanyang sinabi at kumuha ng plato at kutsara.
"Nasaan po sila mama at ate?" tanong ko kay tatay habang sumasandok ng kanin sa kaldero.
Naupo ako sa gilid ng kanyang upuan at inilapag sa mesa ang platong naglalaman ng aking agahan. Sumipsip muna siya ng kape bago sumagot.
"Nandoon kina Cleo," sabi niya, ang mata'y nasa dyaryong binabasa. Nagsimula akong kumain at hindi na nagsalita pa hanggang sa matapos.
Tumayo ako at hinugasan ang aking pinagkainan. Tumingin ako kay tatay na nagbabasa pa rin.
"Alis muna ako tay," pagpapaalam ko sa kanya. Binigyan niya naman ako ng isang tango.
Lumabas ako ng bahay at nakita ko siyang nakaupo sa malaking bato na nasa gilid lang ng bahay, ang kanang kamay ay humahaplos sa ulo ng aking alagang aso. Napangiti ako sa nakita. Tila nagustuhan siya ng aking aso.
Ganyan nga, hindi magtatagal ay magiging amo mo rin iyan. Pipi kong sabi sa aking alagang aso.
Bumaling sa aking direksyon ang aso at naglakad palapit sa akin, ang mga buntot ay gumagalaw galaw. Napalingon naman agad siya sa direksyon ko at tumayo. Naglakad siya palapit sa akin at ngumiti.
"Saan tayo?" tanong niya sa akin. Sa halip na sagutin ang kanyang tanong ay hinawakan ko siya sa siko at iginiya sa paglalakad papunta sa lugar na alam kong magugustuhan niya.
Hindi pa man kami nakakalayo ay narinig ko ang pagbukas ng pinto ng aming bahay. Nilingon ko ito at nakita si tatay na nakatingin sa amin. Huminto ako sa paglalakad at binitawan siya. Humarap ako kay tatay, hindi ko matukoy ang ekspresyon sa kanyang mukha, hindi siya ngumingiti. Huminto rin si Landellane at sinundan ang aking tingin. Napasinghap siya nang makita ang aking ama. Nagtagal ang tingin ni tatay sa kanya kaya naman nag-iwas siya ng tingin at yumuko, tinatago ang pamumula ng kanyang pisngi. Nang hindi nawala ang tingin ni tatay sa kanya ay nagtago siya sa aking likod at nagsumiksik doon. Kita ko ang paglitaw ng hindi kaputiang ngipin ni tatay at ipinakita sa akin ang apat na daliring nakakuyom habang nakalabas ang hinlalaki. Napangiti ako, wala na pala akong problema kay papa, kay mama at ate na lang.
Humarap ako sa kanya at hinawakan ang kanyang balikat. Tumingala naman siya, ang mga mata'y napakainosente, mga labi'y medyo nakanguso. Pinisil ko ang kanyang ilong--nanggigigil. Tumalikod siya at naglakad ng muli. Nang medyo nakalayo na ay saka ko siya hinabol at sinabayan sa paglalakad.
"Saan ba tayo pupunta?" tanong niya at tumigil sa paglalakad. Tumingin siya sa akin, ang noo'y nakakunot. Tiningnan ko naman siya at napabuntong hininga.
"Basta, malapit na tayo," sabi ko sa kanya at ipinagpatuloy ang paglalakad. Sumunod naman siya sa akin.
Ilang sandali lang ay huminto ako. Napahinto rin siya at tumingin sa akin, ang mga mata'y nagtatanong. Nasa tapat kami ng bahay ni aleng Carmen. Hinawakan ko ang kanyang kamay at hinila siya palapit sa akin. Hindi naman siya nagreklamo kaya naglakad na kami papunta sa likod ng bahay ng ginang.
Huminto kami sa ilalim ng puno ng mangga kung saan ko sila nakita ng kapatid niya, nangunguha ng bunga. Binitawan ko ang kanyang kamay.
"Bakit tayo nandito?" tanong niya sa akin. Nagkibit balikat ako.
"Bakit nga?"
Hindi ako sumagot. Umupo ako sa lupa at tumingala sa kanya.
"Upo ka," sabi ko. Nang hindi siya sumunod ay hinila ko ang kanyang kamay kaya bumagsak siya sa aking hita at ang mukha'y nakasubsob sa aking dibdib. Kung may makakakita man sa amin ngayon ay iisipin nitong nakakandong siya sa akin.
Pagkaraan ng ilang minuto ay saka siya gumalaw at naupo sa aking tabi, ang mukha'y namumula.
Napapadalas yata ang pamumula ng kanyang pisngi, ah?
Hinawakan ko ang kanyang mukha at banayad itong hinaplos, sa pag-aakalang mawawala ang kulay nito ngunit mas lumala pa yata dahil kakulay na niya ang mansanas sa pula. Itinigil ko ang ginagawa at tumikhim.
Ilang minuto rin kaming tahimik doon, pilit na inaalala ang landas pabalik sa realidad nang maligaw sa aming sariling isip.
Tumingala ako at tumingin sa langit. Umaambon na naman. Sabagay, buwan na ng hunyo ngayon, tag-ulan na. Tumingin ako sa kanya. Ang ganda pala talaga niya. Bakit ba hindi ko napansin iyon noon?
"Landellane," pagtatawag ko sa kanya. Lumingon siya sa akin.
Tumayo ako at inilahad ang kamay sa kanya. Kinuha niya naman agad ito at tumayo. Pinagpagan ang kanyang pantalon at ganoon din ang aking ginawa.
"Gusto mo ba ng mangga?" tanong niya sa akin at binigyan ako ng maliit na ngiti. Napakurap ako sa kanyang tanong. Mangga? Napatingala ako, ang taas pa naman. Hindi ko yata kayang akyatin ito. Tumingin ako sa kanya.
"Gusto mo ba?" balik tanong ko sa kanya. Tumango naman kaagad siya.
Hinawakan ko ang hindi kalakihang sanga upang iangat ang sarili. Tumingin ako sa kanya at ipinagpatuloy ang pag-akyat. Nang nasa itaas na ako ay inabot ko kaagad ang dalawang manggang nagkakadikit. Napangiti ako nang makuha ito. Agad akong yumuko upang tingnan siya.
Nasaan siya? Nanlaki ang mga mata ko nang may maramdamang sumusundot sa aking gilid. Nilingon ko ito at nakita siyang nakangiti.
"Bakit ka umakyat?" tanong ko sa kanya sa medyo tumataas na boses.
Bumuka ang kanyang bibig ngunit walang salita ang lumabas doon kaya yumuko siya. Pinakawalan ko ang isang butong hininga.
"Pasensiya ka na, nag-aalala lang ako sa'yo. Baka kasi mahulog ka," sabi ko sa kanya.
Inilahad ko sa kanyang harapan ang dalawang mangga, "ipagpatawad mo ang pagtaas ng aking boses."
Tinanggap niya ito, ang mga kamay ay nanginginig. Hinawakan ko ito at iniharap sa akin ang kanyang mukha.
Napakagat siya sa kanyang ibabang labi nang magtama ang aming mga mata. Akmang yayakapin ko siya nang magkamali ako ng yapak. Tanging hangin na lang pala ang banda roon. Narinig ko ang kanyang sigaw kaya tumingin ako sa kanya.
"Landellane!" hinawakan ko ang kanyang kamay. Hinila ko siya kaya ako naman ngayon ang nasa ibaba, mabuti't nakakapit ako sa isang sanga. Binitawan ko ang kanyang kamay at tumalon. Ligtas akong bumagsak sa lupa. Tumingala ako sa kanya, ang mukha'y kinabakasan ng gulat at takot.
"Tumalon ka, sasaluhin kita," sabi ko sa kanya.
Agad niyang sinunod ang akinh sinabi kaya inihanda ko ang sarili. Nakapikit siyang tumalon at bumagsak sa aking mga bisig. Maingat ko siyang inilapag sa lupa. Unting unti siyang nagmulat ng mata at sinalubong ko ito ng tingin na puno ng pag-aalala.
Kinuha ko ang manggang nahulog sa lupa at pinunasan ito gamit ang aking damit. Ibinigay ko ito sa kanya pagkatapos.
"Dalawa?" tanong niya at tinanggap ang prutas.
Ngumiti ako bilang sagot.
Oo, dalawa.
Gusto Kita