Bitbit ang isang supot na naglalaman ng mga gulay at prutas ay huminto ako sa tapat ng isang maliit na mesang naglalaman ng iba't ibang paninda. Nakuha ng isang aguhilya na kulay berde ang aking atensyon. Napakasimple at napakaganda ng disenyo nito-- maliliit na dahong nagkakadikit dikit. Singhaba ng hinlalaki ang kahabaan nito at singnipis naman ng karaniwang pang-ipit sa buhok. Napangiti ako nang maalala si Landellane. Siguradong babagay ito sa kanya. Kinuha ko ito at tumingin sa tindera.
"Magkano po?" tanong ko sa matandang tindera. Ipinakita ko sa kanya ang isang pares ng aguhilya.
"Sampung piso," sabi niya. Nagbayad ako at tinanggap naman niya agad iyon.
Ipinagpatuloy ko ang paglalakad papunta sa isdaan. Narito ako ngayon sa palengke, napag-utusan ni mama. Huminto ako sa tapat ng suki ni mama. Ngumiti naman agad si aleng Mercy nang makita ako.
"Iho! Mabuti't nandito ka na, eto na iyong bilin ng mama mo," sabi niya at kinuha ang isang supot na naglalaman ng bangus. Tinanggap ko kaagad ito at binigay ang bayad. Naglakad na ako papunta sa paradahan ng sasakyan at sumampa sa motor na hiniram ko kay kuya Sergio na asawa ni ate Cleo.
Pagkaraan ng kalahating oras ay nakarating ako sa bahay. Inilapag ko ang mga pinamili sa mesa at dumeretso sa kwarto upang magpalit ng damit. Pagkatapos ay kinuha ko ang biniling aguhilya at inilagay sa bulsa ng aking dyaket. Sumakay ako sa motor at pinaandar iyon saka nagtungo sa bahay nina Landellane.
Iniwan ko ang motor sa gilid ng puno ng mahogany at nagtungo sa may pintuan ng kanilang bahay. Kumatok ako ng isang beses na agad namang pinagbuksan ni mama, ibig kong sabihin, ate Lucia, ang ina ni Landellane. Ngumiti siya sa akin at ganoon din ang aking ginawa.
"Ikaw pala iho, pasok ka," sabi niya at niluwagan ang pagbukas ng pinto. Pumasok naman ako at umupo sa upuang kutson.
"Si Landellane po?" pagtatanong ko sa kanya. Tumingin siya sa akin, "naliligo pa, hintayin mo na muna," sabi niya at kinuha ang tuwalyang nasa drawer. "Diyan ka lang iho, ibibigay ko lang 'to sa kanya," sabi niya at umalis sa aking harapan.
Napatingin ako sa orasang nakasabit sa dingding. Alas onse na pala. Napabuntong hininga ako at kinuha ang aguhilya sa aking bulsa. Tiningnan ko itong mabuti. "Ang ganda naman." nilingon ko ang pinanggalingan ng boses. Si ate Lucia pala. Ngumiti ako, "magugustuhan po kaya ito ni Landellane?" pagtatanong ko sa kanya, hindi inaalis ang tingin sa pang-ipit.
"Magugustuhan niya iyan," paninigurado naman ni ate lucia. Hindi na ako makapaghintay na makita ito sa kulot niyang buhok. Bumukas ang pinto sa likuran at iniluwa no'n si Landellane na nakatapi lang ng maliit na tuwalya. Sa ibabaw lang ng tuhod ang hangganan nito at kitang kita ko ang hiwa na nasa gitna ng hindi kalakihan niyang dibdib. Napatingin ako sa kanyang mukha na namantsahan ng kung anong bagay na kakulay ng dugo, agad akong kumurap at nag-iwas ng tingin. Ba't parang biglang uminit? Napalunok ako at napatayo. Tumingin ako kay ate Lucia, "ah, labas po muna ako," sabi ko at lumabas na hindi na ulit tinapunan ng tingin si Landellane.
Hindi ko maiwasang huminga ng malalim at pinilit na alisin ang imahe ni Landellane sa aking isip. Naglakad ako papunta sa upuang nasa terasa. Sa gilid niyon ay isang balde ng tubig. Akmang kukuha ako ng tubig upang ihilamos nang mapansin ko ang aking repleksyon dito. Pulang pula ang buong mukha at may kakaibang emosyon akong nakita sa aking mga mata. Pagnanasa at ang kagustuhang mahawakan at maangkin ang maganda at nakakaakit na obra maestra. Pinilig ko ang ulo upang mawala iyon sa aking isip. Hindi dapat ako nag-iisip ng ganoon. Hindi tama. Hindi makatwiran.
Napahinto ako sa pagkastigo sa sarili nang bumukas ang pinto. Napalunok ako ng wala sa oras. Tumayo ako at huminga ng malalim. Mabuti't balot na siya ngayon. "Ayos ka lang?" tanong niya sa akin at naglakad palapit. Umupo siya sa upuang nasa gilid lang ng inupuan ko kanina. Napaupo ako bigla, wala sa sarili. "Oo naman," sagot ko sa kanyang tanong, ang mga kamay ay medyo nanginginig. Pasimple ko itong itinago sa aking likod.
"Ah, may ibibigay pala ako sa'yo," sabi ko at pinakalma ang mga daliring nanginginig.
Unting unti naman itong humuhupa. Kinuha ko ang aguhilya sa bulsa at inilahad sa kanya. Tiningnan niya ito at kiming ngumiti sa akin. "Ah, anong gagawin ko dito?" tanong niyang ikinatawa ko ng mahina. Kinuha ko ito sa maliit na plastik at lumapit sa kanya. Yumuko siya kaya nahawakan kong mabuti ang kanyang buhok at inipit ito gamit ang biniling aguhilya. Sinunod ko ang isa sa kabilang bahagi ng kanyang ulo at nang matapos ay iniangat ko ang kanyang mukha.
Napangiti ako. Tama nga ang aking hula. Bagay na bagay sa kanya. "Nakakahiya naman, hindi 'to bagay sa'kin," nahihiya niyang sabi, ang ulo'y dahan dahang bumabalik sa pagyuko. Hinawakan ko ang kanyang baba at muling iniangat ito. Tiningnan ko siya sa mga mata at binigyan ng ngiting hindi niya malilimutan. "Maganda," pagkokomento ko. Iniwas niya ang ulo sa akin at tinakpan ang pisngi na kanina pa namumula. Hinawakan ko ang kanyang kamay upang alisin sa pagkakatakip. "Maganda nga," ulit ko. Ipinikit niya ang mga mata.
Tumayo ako sa kinauupuan at pumunta sa kanyang harapan. Umuklo ako upang pantayan ang kanyang mukha. "Ano ba," mahina at mahinhin niyang sabi. "Totoo naman," sabi ko.
Nagulat ako nang biglang pumulupot sa aking katawan ang kanyang makinis at medyo may kalakihang braso. Isiniksik niya ang mukha sa aking leeg. Hindi ko maiwasang mapakagat labi. Hindi ko inasahan iyon. Kung alam ko lang na ganito pala ang magiging reaksyon niya'y pinakyaw ko na sana ang mga aguhilyang nandoon sa palengke.
Ilang sandali lang ay humiwalay siya sa akin at yumuko. Umayos naman ako ng tayo at inilahad ang isang kamay sa kanyang harapan. Nag-aalinlangan man ay maingat niya iyong tinanggap saka tumayo. Pumasok kami sa loob ng kanilang bahay at naabutan namin doon sina ate Lucia, Lisle at ang kapatid ni Landellane na si Alejandro sa gilid ng pinto. Tila nagmamasid sa pangyayari kanina.
"Ah, maaari ko ho bang dalhin si Landellane bukas?" paghihingi ko ng pahintulot kay ate Lucia. Balak ko sana siyang isama sa pista bukas ng tanghali.
"Saan?" paglilinaw niya.
"Sa pit-os po sana, inimbitahan po kasi sina papa, saka sabi niya pwede naman ho akong magsama ng kaibigan," sabi ko. Napatingin naman si Landellane sa kanyang ina.
"O, sige pero isasama niyo si Alejandro. Pwede ba iyon?" sabi ni ate Lucia na ikinangiti ko.
"Opo, pwedeng pwede," sabi ko sa kanya at tumingin kay Landellane na nakatingin din pala sa akin. Kumindat ako na siyang ikinapula ng pisngi nito.
"Huwag mo silang pababayaan doon. Malaki ang tiwala ko sa'yo, iho," sabi ni ate Lucia. Ginawaran ko siya ng isang ngiti. Ngiti na nagpapasalamat sa kanyang tiwala.
"Hindi na ho ako magtatagal," pagpapaalam ko. Tumango naman silang lahat sa akin. Lumabas na ako ng bahay, kasunod si Landellane.
"Magkita na lang tayo bukas," sabi ko at tinungo ang motor. Pinaandar ko ito at humarurot paalis sa tirahan ng babaeng kinahuhumalingan ko.
Hindi ko pa pala nasasabi sa kanya ang aking damdamin. Hindi bale, isa sa mga araw na ito, isasagawa ko ang plano.
Napangiti ako nang maalala ang nangyari kahapon. Ang pag-akyat namin sa puno ng mangga.
Ano na nga ba ang antas ng relasyon namin?