I
Pinagmasdan ni Jessica ang bahay. Ang tipikal na bahay ng mga nakakaangat sa buhay. Ibang-iba ito sa mga bahay na nakapiligid dito. Ito ang klase ng bahay na nakakaagaw ng tingin ng mga magnanakaw tuwing gabi, parang isang p*tang nang-aakit sa lalaking maiyag. May ikalawang palapag ang bahay. May mga tanim na mga bulaklak sa bakuran na parang mga artistang nagtatanghal sa entabado.
Pinagmasdan din niya ang paligid. Maliwanag dahil sa mga ilaw sa poste. May lima o anim na tao sa nasa kalye kahit sa kalaliman ng gabi.
Hinahanap ng kanyang paningin ang Tatay niya. Wala.
Marahan siyang kumatok sa pinto ng bahay. Pagbukas ng pinto, bumungad sa kanya si Vicky San Jose. Limampu’t limang taong gulang. Mag-isa siyang nakatira sa bahay. Umalis ang kanyang mga magulang para manirahan sa General Santos City, pero nanatili si Vicky sa San Ildefonso para ipagpatuloy ang kolehiyo. Ipinagkatiwala na sa kanya ang bahay. “Jusko, Jess...” na lang ang nasabi ni Vicky.
Pinatuloy ni Jessica ang sarili sa loob ng bahay at umupo sa sofa ng sala. Ang loob ng bahay ay hindi katulad ng mga bahay ng mga mayaman sa mga teleserye. Ang loob ay hindi nababalot ng mga magagarang bagay, walang mamahaling chandelier o mga estatwa. Pero ang mga kagamitan sa loob ay mamahalin gaya ng telebisyon at iba pang mga gamit sa kusina.
“Vicky,” mahinahon ang boses niya, “puwede ba na dito muna ‘ko?”
“Ha? Oo naman,” hindi naalis ang tingin ni Vicky sa mga pasa sa ni Jessica, “si Mang Jun na naman? Mahirap na kasi siyang pigilan uminom. Addiction na ‘yun eh. Parang mga kabataan na adik sa p**n, hindi mabitiwan ang bisyo.”
“Ate Vicky...”
“Ba’t hindi ka pa kasi magsumbong sa baranggay? Kahit sabihin mong hindi naman araw-araw ‘yan e physical injury pa rin ‘yun!”
“Basta. ‘Wag na. Saka hindi pa naman gano’n kalala ‘yung mga ginagawa niya. Dala lang ng pagkalasing ‘yon.”
“Hangga’t hindi tumitigil sa bisyo ‘yang si Mang Jun, hindi ka niya titigilang saktan. Alam mo namang hindi mo siya kayang pigilan sa pag-inom niya.”tinabihan na ni Vicky ang kaibigan sa sofa.
“Ate, siya na lang kasi ang mayro’n akong pamilya ngayon. Maaayos din lahat.”
“You can’t guarantee that, Jess. Eh ano na naman nangyari ngayon?”
Inilahad ni Jessica ang nangyari simula nang maabutan siya ng lasing na ama na nanonood ng teleserye sa halip na maghanda ng hapunan, kung pa’no uminit ang ulo ni Mang Jun, kung pa’no siya sinaktan, kung pa’no siya nakatakas, nang tangkain siyang kidnapin, at sa paghatid sa kanya ng mga tanod. Hindi niya ikinuwento ang mga nagniningas na mga mata, ang mga nakakakilabot na boses, libo-libong boses, ang mga halakhakang nakakapanindig-balahibo. Hindi ito tamang oras para pag-usapan ang mga gano’ng bagay. Hindi rin maniniwala sa kanya ang kaibigan.
Hindi makapagsalita si Vicky dala ng pagkabigla sa ikinuwento ng kaibigan. Gano’n na lang ang awa niya sa kanya, at lahat ng iyon, sa isang gabi lang naganap.
Laging siya ang kadamay ng kaibigan sa tuwing pagbubuhatan ito ng kamay ng tatay. Kahit kailan ay hindi pa nasubukang kausapin ni Vicky si Mang Jun tungkol sa ginagawa niya kay Jessica. May limang beses na niya nakikitang may pasa ang kaibigan o ano mang marka ng p*******t sa mukha at sa katawan simula nang magkakilala sila, hindi kasama ang ngayong gabi, hindi pa kasama ang mga itinago ni Jessica.
Labis siyang naaawa sa kaibigan. Higit na nasaktan si Vicky nang ikuwento ni Jessica ang tungkol sa pagtangkang pagkidnap sa kanya. Marami nang pinagdadaanan si Jessica sa pamilya niya, hindi na dapat nangyari sa kanya ‘yon. Parang ibinuhos kay Jessica ang lahat ng kamalasan. “Ano raw gagawin nila? Naka-blotter na kaya ‘yung nangyari? Na-ID man lang ba nila ýungsuspect?”
“’Yung mga tanod na raw bahala. Rereviewhin na lang daw nila ‘yung ano... ’yung CCTV.”
“’Di ka ba dinala sa presinto para ipadescribe sa ‘yo ‘yung mga nangyari para maimbestigahan nila?
“Ewan ko sa kanila. Basta inalok lang nila ako na ihatid sa bahay.”
“Ano sabi nila sa mga pasa mo?”
“Eh sabi ko nasemplang ako sa motor no’n.”
“Naniwala naman sila. Tara sa kuwato. Gagamutin ko ‘yang mga ‘yan. Sayang ganda mo. Yeyeluhan ko ‘yang pasa mo. Lakas sumampal ng papa mo ‘no? ‘Yung ilong mo, hindi masakit? Dumudugo na naman. Lagyan natin ng bulak.”
“Salamat.”
Kumuha si Vicky ng yelo mula sa ref at saka ibinalot sa tela, saka inaya si Jessica na pumasok sa kuwarto niya. Ang loob ng kuwarto ni Vicky ay parang kuwarto sa hotel. May malaking telebisyon na nakakabit sa pader kaharap ng kama. Malinis din ang loob. Maganda ang disenyo ng kurtina sa bintana. Sa gilid ng kama, may isang bookshelf din na napupuno ng koleksyon ng mga nobela ni Vicky. Grabe ang pagkamangha niya no’ng una niyang makita ang loob nito.
Umupo sila sa kama. Dinadampian ni Vicky ng yelong binalot sa tela ang mga pasa ni Jessica sa mukha. Bahgya siyang ngumingiwi isa tuwing masasaktan sa ginagawa ni Vicky. “Ate, payag na ‘ko sa gusto mo.”
“Na ano?”
“’Pag hindi pa rin siya nagbago, ‘pag nangyari uli ‘to sa ‘kin, magsumbong na tayo. Kahit sabihin kong hindi niya alam ang ginagawa niya dahil lasing siya, kasalanan pa rin niya dahil ayaw niya tigilan.”
“Ba’t naman ngayon lang pumasok ‘yan sa kokote mo? Magse-celebrate ba tayo?”
“Ate, seryosohan naman.”
“’Pag nakulong ang tatay mo, kaya mo bang mabuhay mag-isa?”
Napaisip si Jessica sa sinabi ng kaibigan. Iniisip niya ang mga pinakamalalalang posibilidad ng kanyang pamumuhay nang mag-isa. Pa’no kung may magnanakaw sa gabi? Pa’no kung biglang nagkasunog? Ano’ng gagawin niya? Kakayanin ko rin, determinado si jessica, pero hindi niya alam kung saan siya nito dadalhin.
“Oo naman ate, kaya ko siguro. Eighteen na ‘ko eh.”
“Hindi lang edad ang basehan, Jess,” tinigil na niya ang pagdampi-dampi ng yelo sa pisngi ni Jessica at tinignan ito nang deretso. “Basta, ‘pag nangyari ulit ‘to, magsusumbong na tayo sa baranggay, at Diyos na ang bahala kung ano ang susunod na mangyayari”
Kung may diyos man, naisip ni Jessica. Simula nang iwan sila ng nanay niya, isinantabi na niya ang pagiging maka-Diyos, pero hindi naman ibig sabihin no’n ay naging masamang tao na siya. Pinaghiwalay niya ang konsepto ng pagiging mabuti sa pagiging maka-Diyos. Hindi mabuti ang Diyos. Bakit niya hahayaang mangyari sa ‘kin ‘to? Para turuan ako ng leksyon? Sisirain niya ang buhay ko para lang may ituro sa ‘king mahalagang aral?
Pagkatapos yeluhan ni Vicky ang pasa ni Jessica, Itinabi niya ang nakabalot na yelo sa kama. “Salamat, Ate Vicky.”
“Welcome, welcome. Ano na plano mo ngayon?”
“Hindi muna ‘ko babalik sa bahay. Lasing pa ‘yong si Papa. ‘Pag nakita niya ‘ko, malamang mas malala pa ang magawa niya sa ‘kin.”
“Sino ba namang lalaki ang hindi magagalit kapag sinuntok mo sa itlog?” Kumportableng makipag-usap si Vicky nang ganito. Tumawa siya, ngunit hindi siya sinabayan ni Jessica. Walang dapat tawanan dahil sa nangyari ngayong gabi.
“Puwede ba na... ano... na...” may pag-aalangan sa boses ni Jessica. Nahihiya siyang humingi pa ng kahit anong pabor sa kaibigan. Masaya siya na naging kaibigan niya si Vicky, na pitong taon na mas matanda sa kanya. Natutuwa siya dahil kahit papa’no, may tumayong nanay para sa kanya. Malalim na ang kanilang naging relasyon sa ilang buwan nilang pagkakaibigan, bagay na hindi pangkaraniwan.
“Oo syempre dito ka na lang matulog. Hindi naman ako papayag na umuwi ka sa inyo ngayon. Kung balak mo ngayon, itatali kita,” tumawa ang dalawa. Hindi hahayaan ng isang inahin na bumalik ang sisiw sa teritoryo ng buwaya.
“Salamat talaga. Pasensya na sa abala.”
“No problemo, sis. Diyan ka na lang matulog sa kama. Tabi tayo,”
“Sige.”
“Baka gusto mong maligo. Ang baho mo, pramis,” natawa si Vicky sa sinabi, inaasahan niya na sasabay na si JEssica sa pagkakataong ito, pero hindi pa rin. Ngumiti lang ito sa kaibigan. “’De, seryoso. Ang baho mo. Amoy pawis ka. Maligo ka. Papahiramin na lang kita ng damit.”
“Pa’no ‘yung...”
“Don’t worry. May mga bago akong bili riyan. Sa ‘yo na lang ‘yung iba.”
“Sige. Bayaran ko na lang.”
“No need, Jess. O’nga pala. Bukas ‘yung WiFi. Alam mo na password.”
“Ah... ’yung cellphone nga pala, binasag ni tatay no’ng lasing siya. Napupurol daw utak ko. Lalo daw akong mas nagiging walang kuwenta.”
“Alin? ‘Yung bigay ko sa ‘yong samsung? ‘Yung pinahlumaan ko?”
“Oo. ‘Yon.”
“Kaya pala hindi ka ma-contact.”
“Kasalanan ko eh. Naadik ako sa dinownload kong laro, ‘yung Candy Crush. Nakalimutan ko may pinapalaba palang polo no’n si papa sa ‘kin, hindi ko nalabhan.”
“Mura lang naman ‘yon e, pero maganda quality no’n kaya sayang din. ‘Yaan mo, ‘pag nakabili ako ng bagong cellphone, sa ‘yo na lang ‘tong ginagamit ko. Kaso, sira ang battery, madaling malowbat.”
“Okay lang ate.”
“Kung maliligo ka, may extra akong tuwalya diyan sa cabinet. ‘Yung kulay pink. Iiwan ko na lang ‘yung damit sa kama.”
II
Ang pagtulog ni Jessica ay napakasarap, salamat sa napakalambot na kutson at unan ng kama ni Vicky. Para siyang nakahiga sa ulap. Hindi niya naramdaman ngayong gabi ang mga pakong nakausli, dahilan para masugatan ang kanyang likod minsan. Sa bahay nila, walang kutson ang tinutulugang papag ni Jessica. Ang unan niya ay manipis at hindi malambot, parang napipíng pandesal.
Ngayong gabi, laking pasasalamat niya sa kaibigan niya na nag-alok sa kanyang matulog sa kama nito. Hindi na niya kailangang gumulong-gulong at magpaiba-iba ng puwesto para makahanap ng kumportableng posisyon. Ang lambot ng kama ay sapat para bigyan siya ng napakakumportableng higa’t mahimbing na tulog. Hindi na rin niya kailangan magtiis sa maikling kumot, dahil sapat ang laki ng kumot na pinaghahatian nila ni Vicky.
Humihimbing na ang tulog niya. Ang kamalayan niya’y naglalakbay sa panibagong mundong nalikha sa pamamagitan ng panaginip.
III
Nakita niya ang sarili niyang nasa kadiliman. Wala siyang makita, kundi ang sarili niyang nakatayo. Pamaya-maya, narinig niya ang mga halakhak na narinig niya no’ng gabi ring iyon sa likod ng waiting shed. Napuno ang kanyang ulo ng mga tawa. Ang ilang tawa ay unti-unti naging mga bulungan, “malapit na Jessica... malapit na... makakapasok na kami... kaunti na lang... Jessica...” Narinig na naman niya ang libo-libong boses. Sa palagay niya’y nakapalibot sa kanya ang mga boses, at anumang oras ay lalamunin siya ng mga ito.
Patuloy lang ang mga bulungan, tumatatak sa kanya ang pagbanggit sa kanyang pangalan. Paano siya nakilala ng mga ito, kung sino man sila? Ang ibang salita ay hindi na niya maintindihan dahil na sa Latin. May mga salita na parang binubulong sa kanyang tainga. “Sumus ut intaret... Makakapasok...makakapasok...makaka..”
Bigla-bigla’y nagsulputan ang mga matang nagniningas na para bang may mga nilalang na dumilat sa gitna ng kadiliman. Kita sa loob ng mga mata na ito ang lagablab ng apoy na para bang ang mga matang ito ay bintana ng impiyerno, ipinapasilip ang pinakanakakatakot na destinasyon.
Alam ni Jessica na ang mga mata na ito ay sa kanya nakatuon. Parang mga mata ng leon na nakakita ng sariwang karne ng usa. Napapalibutan siya ng mga ito, parang mga tagapanood, at siya ang kristyanong kakainin ng leon. Ang kaibaha’y ang mga tagapanood ay ang mismong mga leon.
Sa bawat babâ ng mga mata, naglabasan ang mga kumikinang na ngipin. Kahit na kumikinang, kita pa rin ang pagkabulok ng mga ito. Nakangisi ang mga nilalang na ito. Ang mga ngiting ito ay hindi puwedeng taglayin ng kahit na sino’ng tao, sa demonyo lamang. Kinikulabutan si Jessica, ngayon lang siya nakakita ng gaitong klaseng ngiti.
Patuloy lang sa paghalakhak at bulung-bulungan ng mga may-ari ng mga nagniningas na tingin at malademonyong ngiti. Ayaw niyang isipin kung ano ang kabuuang pigura ng mga nilalang na ‘to na nagtatago sa dilim dahil tingin niya’y mananatili sa kanyang isip ang imahe at gagawing bangungot ang lahat ng panaginip niya sa hinaharap.
Nakita ni Jessica, sa kabila ng dilim, ang mga braso, mahaba’t banat. Parang mga braso ng anino. Nakita niyang nakapalibot sa kanya ang mga ito, unit-unti siyang inaabot. Kung madagit siya ni isa sa mga ito, hindi niya alam kung saan siya kakaladkarin, maaaring sa pinanggalingan nila. Napako ang kanyang paa sa sahig, hindi siya makagalaw para takasan ang mga ito, pero kung nakakagalaw man siya, imposible siyang makatakas dahil nakapalibot sa kanya ang mga ito na parang mahahabang sanga ng puno. Ilang segundo na lang ay madadagit na siya ng mga brasong ito.
Naririnig pa rin niya ang halakhakan at mga bulungan. Isang kamay na may mahahabang daliri at kuko ang ilang pulgada na lang ang layo sa mukha niya. Tapos na ‘ko, naisip ni Jessica.
IV
Muntik nang matumba si Vicky nang magising ang kaibigan. Laking ginhawa nang makita ni Jessica ang sinag ng araw at si Vicky. Panaginip lang ang lahat, ang mganagniningas na mata, ngisi, bulung-bulungan at halakhakan, at ang mga mahahabang braso. Hindi niya alam ang mangyayari kung maabot siya ng isang kamay na malapit na sa mukha niya. Hindi niya alam kung saan siya dadalhin.
“Jusko ka Jessica!” Napahiyaw si Vicky, “muntik mo na ‘kong mapatumba.” Nakaupo no’n sa paanan ni Jessica si Vicky at nagse-cellphone at para gisingin na si Jessica. Mataas ang kama. Hindi nakalapat ang mga talampakan ni Vicky kapag nakaupo siya. Laking gulat niya nang magising si Jessica na para bang galing ito sa lupain ng mga patay at muli lang nabuhay. Muntik na siyang tumuba, mabuti na lang at napanatili niya ang balanse.
“Ay, sorry,” sumagot si Jessica habang pinagpapawisan. Sobrang lakas ng t***k ng kanyang puso na para bang mapupunit ang dibdib niya at lalabas ang puso niya. Nakaramdam siya ng matinding takot, mas malala pa sa takot na nararamdaman niya tuwing sasama ang tingin sa kanya ng tatay at ititiklop ang kamay at magiging kamao, “panaginip lang. Bangungot, gano’n.”
“Well, hindi naman kita masisisi. Sa dami ng pinagdaanan mo,” tumayo na si Vicky mula sa pagkakaupo. Maging siya ay matindi ang dagundong ng puso gawa ng muntikang pagkatumba.
“Oo. May punto ka,” unti-unti nang nawawala ang kaba ni Jessica. Laking ginhawa sa kanya ang liwanag sa paligid at ang presensya ni Vicky.
“Ano ba napaginipan mo?”
“Basta. Parang madilim lang, gano’n. Wala akong masyadong matandaan,” pagsisinungaling ni Jessica. Hinding-hindi niya makakalimutan ang napaginipan. Nakatato na ito sa kanyang isipan.
“Ganyan din ako minsan. Hindi ko maalala panaginip ko, then may isang bagay o pangyayari na magpapaalala sa ‘kin.”
“Basta sanay na ‘ko sa bangungot,” kahit wala nang tatakbo sa kuwarto ko para himasmasin ako ‘pag nagising ako sa isang bangungot dahil ang isa’y sumakabilang bakod at ang isa’y alipin ng pagkadurog at alak.
“Ay basta. Ewan ko sa ‘yo. May nakaahin nang almusal do’n.”
“Ano’ng ulam?”
“Nagluto ako ng pritong itlog saka longganisa. Oops! Sorry, napaalala ko ata sa ‘yo ‘yung kagabi sa inyo.
“Salamat talaga Vicky. Pinaparanas mo sa ‘kin ‘yung ginhawa na hindi ko na nararanasan. Simula no’ng iwan kami ni mama, nawala na ‘yung lambing sa ‘kin ni papa,” gumuhit ang maaliwalas na ngiti sa labi ni Jessica. Kita sa mga ngiting ito ang labis na kaligayahan na malimit lang makamtan. “Salamat talaga.”
“’Kaw pa. Para na kitang kapatid.”
Tumayo si Jessica mula sa kama at niyakap ang kaibigan. Si Vicky ang nag-iisang kaibigan ni Jessica mula nang mawala sa kanyang buhay ang isang kaibigang lalaki no’ng bata pa siya.
Dinama niya ang sarap ng may mayakap na matatawag niyang katuwang mo sa buhay. Tumulo ang mga luha at kuminang dahil sa sinag ng araw. Inaalala niya ang lahat ng ginawang kabutihan ng kaibigan, higit sa lahat, ang init pagmamahal na hindi na niya naramdaman mula sa kanyang mga magulang. Namuo na rin ang mga butil ng luha sa mata ni Vicky, dulot ng kaligayahan na magkaroon ng nakababatang kapatid.
“Hay nako Jess. Tigil na ‘tong drama-drama na ‘to. Mag-almusal na tayo. Gutom na ‘ko,” aya ni Vicky. Ayaw niyang hayaan na pati ang kanyang luha ay tumulo.
Nakaguhit ang ngiti sa labi ng dalawa.
v
Pagkatapos mag-almusal ay gumayak si Vicky, habang si Jessica ay naghuhugas ng mga pinagkainan. Pagkahugas niya ng mga pinagkainan, umupo siya sa sofa. Higit na mas kumportable ang sofang ito kaysa sa sofa sa bahay nila.
Halos blanko ang kanyang isip hanggang sa maalala niya ang napaginipan niya. Ang tumatak sa kanya ay ang mga sinasabi ng mga nilalang sa kadiliman. Non possumus intrare... Makakapasok... makakapasok... na... kami... Jessica... Jess—
Pinipilit niyang isipin kung ano ang kahulugan ng mga sinasabi ng mga libo-libong nilalang sa panaginip niya. Papasok saan? Sa buhay niya? Mabigat na ang pinapasan niya buhay niya, hindi niya alam ang gagawin kung ito ang pakahulugan ng mga salita. Makakapasok...
Nilalaro niya sa isip ang mga ideya at posibilidad na konektado sa panaginip niya. Jess, panaginip lang ‘yan, iniisip niya, nakalog lang ng papa mo ang utak mo kaya kung ano-ano na ang naiisip mo! Hibang ka na! Wala kang--.
Napahinto sa paglalaro sa isip si Jessica nang marinig niya boses na narinig niya. Mas malinaw sa mga salita ng mga nilalang na pinapaulit-ulit niya sa kanyang isip. Ang isang boses na ito ay parang ibinulong sa kanyang tainga.
“Hindi mo pa alam ang mga sinasabi namin, pero maiintindihan mo rin. Malapit na Jessica.”
Tingin niya’y katabi niya lang ang pinanggalingan ng boses. Hindi lang sa kanan, pati sa kaliwa, sa itaas niya, sa ibaba, sa harap, sa likod. Sa paligid niya.
Kahit saan siya lumingon, wala siyang nakikita, pero batid niya ang presensya ng mga ito, kung ano man sila.
Dumadami na ang mga boses, pero iisa ang sinasabi. Sinundan ba nila ako pati sa totoong buhay? Nabitin ba sila sa pananakot sa ‘kin sa panaginip?
Ang mga boses sa piligid niya ay unti-unti nang humihina, hanggang sa mga ito’y naglaho. Hihinga na sana nag maluwag si Jessica nang malaan niyang nagpatuloy na naman ang mga boses, pero nasa loob na mismo ng kanyang ulo.
!! Jessica, malapit na kami makapasok. Maiintindihan mo rin !!
Tila’y libo-libo pa rin ang boses. Iisang tono, iisa ang sinasabi.
Sino kayo? Tinanong niya sa isip niya ang mga boses sa ulo niya. Bumalik ang kaba na nararamdaman niya kaninang umaga pagkagising niya, at ang takot na gumapang sa kanya habang nananaginip siya.
!! ‘Wag ka mag-alala. Magpapakilala kami sa ‘yo. ‘Pag nakapasok na kami. !!
Hindi pa ba kayo nakapasok sa ‘kin? Kahit sa isip ay pinipilit niyang maging matapang. Nagawa niyang harapin ang mga salita’t kamao ng tatay niya, siguradong kaya niyang harapin ang mga boses na ito. Pero kahit papaano kilala niya ang tatay niya, pero hindi ang mga may-ari ng boses na ito.
!! Hindi pa kami nakakapasok sa ‘yo. Kaya naming kausapin ka sa pamamagitan ng iyong isip, pero hanggang doon lang. Hindi ka pa namin napapasok. Ang ‘ikaw,’ Jessica. !!
Please. Layuan n’yo na lang ako. Bakit ba gustong-gusto n’yo ‘ko makuha? Ano ba’ng mayro’n ako? Tingin niya sa sarili’y nababaliw. Ba’t niya kinakausap ang mga boses? Malamang ay hindi naman totoo ang mga ito, parang panaginip lang niya.
!! Hindi ka lang namin basta gusto, Jessica. Kailangan ka namin, dahil iba ka sa marami. Mayroon ka ng kailangan namin, kung ano ang nasa loob mo. Ikaw mismo ay kailangan namin. !!
Ano’ng mayro’n ako?
!! Maiintindihan mo rin sa takdang oras, aming mahal... !!
Ano nga?! Sabihin n’yo sa ‘kin!
Walang tugon.
Ano?! SUMAGOT KAYO! ANO’NG MAYRO’N AKO?! IPALIWANAG N’YO SA ‘KIN! SUMAGOT KAYO! Masyado na siyang nadala sa mga boses na malamang ay guni-guni lang. Pero pakiramdam niya talaga na parang totoo ang mga ito.
Wala pa ring tugon. Ang katahimikang pinapairal ng mga nilalang na ito ay parang nangungutya kay Jessica. Malamang ay aliw na aliw nila ang desperadang si Jessica.
SUMAGOT KAYO!!! SAGUTIN N’YO ANG TANONG KO! SUMAGOT KAYO!!!
“SUMAGOT KAYO!!!”
Hindi na napansin ni Jessica na naging sigaw na ang huling sinabi ng kanyang isip. Nagulat siya. Gano’n katindi ang naging bugso ng kanyang damdamin sa maikling sandali na nakausap niya ang mga nilalang na una niyang nakita sa likod ng waiting shed.
Siguro’y guni-guni lang niya iyon. Siguro’y nababaliw na siya. Nakalog na ang kanyang bungo dahil sa dami ng sapak na tinanggap niya mula sa kanyang tatay sa mga nagdaang panahon.
Narinig niya ang malalakas na mga kalampag ng hakbang sa hagdan. Nagmamadaling bumaba si Vicky. Nakagayak siya na parang may pupuntahan.
Kita ni Jessica ang bakas ng pagkagulat at pag-aalala sa mukha ng kaibigan. “Ay jusko Jessica! Sino’ng kausap mo?!” Nilapitan ni Vicky ang kaibigan. Tinignan niya si Jessica nang may katanungan. Nilibot niya ang ilang bahagi ng bahay, sinilip ang loob ng mga silid. Tinitignan niya kung may ibang tao sa loob ng bahay. Sunud-sunod na tinanong bi Vicky si Jessica na bkas pa rin sa mukha ang pagkabigla sa nagawa. “Huy Jess! Sino ‘yung kausap mo? Ba’t sumigaw ka? Anong ‘sumagot kayo?’”
“Sorry. Sorry. Wala lang ‘yon, ‘te. Medyo nag—“
“Guni-guni?”
HIndi guni-guni ‘yun! Totoo sila! “Oo. Oo. Wala lang ‘to. Baka stress lang o ano.”
“Hay. Iba ang nagagawa sa ‘yo ng tatay mo ah.”
“Ate Vicky...”
“Ay sorry sorry. Basta magpahinga ka lang. Aalis muna ‘ko.”
“Sa’n ka pupunta?”
“May aasikasuhin lang ako sa school. Alam mo naman, college. Maraming ginagawa.”
“Ah sige.”
“Hindi naman ako masyadong magtatagal do’n. Kung nababagot ka, buksan mo na lang ‘yung laptop sa kuwarto ko. Kumonek ka na lang sa WiFi. Baka makabalik na ‘ko before lunch.”
“Sige lang, ate.”
“Jessica,” may diin sa boses ni Vicky. Ang kanyang tingin kay Jessica ay seryoso, tanda na mahalaga ang kanyang sasabihin, “kung may balak kang umuwi ngayong araw sa inyo, sana wala nang amats si Mang Jun. Hindi naman siya nakakainom nang mga gan’tong oras?”
“Hindi. Laging sa gabi.”
“Subukan mo siyang kausapin ha. Anak sa ama. Saka tandaan mo ‘yung usapan natin. Hindi ka na puwedeng umatras. No bawian.”
“Sige, ate. Hintayin muna kitang makauwi dito bago ako umuwi.”