Kabanata 3: Repleksyon

1444 Words
I Gamit ang laptop ni Vicky na naka-connect sa WiFi, pinapanood ni Jessica ang hindi niya natapos na episode ng teleseryeng pinapanood niya kagabi sa bahay. Hindi rin siya nakapagpaalam kay Vicky para manood sa telebisyon sa kuwarto dahil nahihiya siya. Maagang natutulog ang kaibigan at walang hilig sa mga teleserye. Tutok ito sa pag-aaral. Kapag may libreng oras, binababad nito ang sarili sa mga nobela. Tingin ni Jessica ay palamuti lang ang telebisyon sa kuwarto at sa sala ng bahay ngkaibigan. Nakapako ang kanyang tingin sa pinapanood sa YouTube pero hindi dito nakatuon ang isip. Iniisip niya ang sasabihin niya sa tatay niya mamaya. Nag-eensayo sa isip. Inuulit-ulit ang mga linya. May ilang beses na niyang sinubukang kausapin ang ama tungkol sa bisyo nito, pero hindi gano’n kaseryoso at hindi rin epektibo. Mamaya, sisikapin niyang maging seryoso sa sinasabi niya. Nag-aalangan pa siyang sabihin ang plano niyang magsumbong sa baranggay, pero alam niyang may posibilidad na maging epektibo ang pakikipag-usap niya kahit ang dating nito para sa kanya ay pagbabanta. ‘Pag hindi ka tumigil, magsusumbong na ‘ko. II Bakit natatagalan ata si Vicky?  Tanong ni Jessica sa sarili. Habang wala ang kaibigan, pinanood pa niya ang ibang episode ng teleserye na hindi niya napanood. Ang iba’y pinanood niya ulit. Ang partikular na episode na kasalukuyan niyang pinapanood ay ang isang suliranin na dumating sa isang karakter. Namatay ang kanyang ina dahil sa sakit. Ang nanay niya ang nag-iisang nagtataguyod sa kanilang magkakapatid. Dahil sa pagkamatay ng ina, wala nang mag-aalaga sa mga nakababata niyang kapatid kaya napilitan siyang ihinto ang pag-aaral para alagaan ang mga ito. Sa mga sumusunod na episode ay may mayamang may mabuting loob ang kukupkop sa magkakapatid. Natamaan nang husto si Jessica. Pag-aaral. Hindi rin naman naging masaya ang buhay estudyante niya sa Caloocan. No’ng lumipat sila ng Bulacan, ilang buwan lang ang itinagal ni Jessica sa eskuwelahan dahil lang sa ayaw niya talaga at hindi niya gusto ang mga taong nakapaligid sa kanya do’n. Sa ilang buwan niya sa Vedasto College sa San Ildefonso ay nakilala niya si Vicky. Habang nakaupo sa ilalim ng puno ng acasia sa eskuwelahan para laktawan ang subject ng Math, nagulat siya nang tabihan siya ni Vicky. Tinanong ni Vicky kung bakit siya umiiyak. Sa una, mailap pa si Jessica dahil hindi siya sanay na may kausap, o kaibigan. Bumaba ang tingin ni Jessica sa sarili dahil sa mga ginagawa sa kanya ni Mang Jun, dahilan para ihiwalay niya ang sarili sa mga tao. Ngunit naging kumportable siya sa lambing ng boses ni Vicky, at dahil na rin sa pakiramdam na hindi niya maintindihan. Maaaring kainisan niya ang mga tao sa eskuwelahan pero hindi si Vicky. Simula no’n, dumalas ang pag-uusap nila hanggang sa sila’y naging magkaibigan. Sa mga nagdadaang araw ay mas lumalim pa ang kanilang pagkakaibigan. Hindi naging dahilan ang paghinto ni Jessica no’ng grade 10 pa siya para maputol ang kanilang pagkakaibigan. Mas naging mahaba ang oras ng dalawa bilang magkaibigan sa labas ng eskuwelahan. Habang nanonood siya, may narinig siyang mga hakbang sa loob ng kuwartong tinutulugan nila ni Vicky sa ikalawang palapag. Parang may tao. Mga tao. Marami ang mga hakbang at malalakas, mga nagpapaikot-ikot sa  loob ng kuwarto. Mabilis na namang gumapang ang takot kay Jessica. Ang takot na unti-unti nang nagiging bahagi ng kanyang buhay. Dahan-dahan siyang umakyat hanggang sa mapuntahan niya ang kuwarto. Walang tao, pero tuloy pa rin ang mga nakakabinging kalampag ng mga yapak, na para bang may mga taong lumalakad-lakad sa kuwarto na may suot ng singsing sa Lord of the Rings. Pinasok niya ang kuwarto at dumampi agad sa balat niya ang malamig na simoy ng hangin na humalik sa kanya. Parang may ibinubulong ang mga ito. Tuloy lang siya sa paglakad sa loob ng kuwarto. Alam niyang hindi siya mag-isa sa loob. Dama niya ang presensya ng kung ano’ng mga hindi niya nakikita. Naalala niya ang mga boses na kumakausap sa kanya, ang mga nagpakita sa kanyang panaginip kagabi. Nandiyan na naman ba kayo? Tanong ni Jessica gamit ang isip. Inaasahan niya ang mga tugon na natanggap niya gaya no’ng kausapin niya ang mga misteryosong nilalang gamit din ang isip, ngunit wala siyang narinig sa pagkakataong ito. Nilibot pa niya ang kuwarto at iginala ang kanyang paningin. Hinagip niya ng tingin ang bawat sulok nito. Humihina ang kalampag ng mga hakbang sa sahig, pero hindi ito nagbigay sa kanya ng ginhawa. Alam kong kayo ‘yan! Minura din ni Jessica sa isip ang mga nilalang. Nahinto ang kanyang tingin ang isang salamin sa pader ng kuwarto. Tila nakalimutan niya ang pakay kung bakit siya pumasok ng kuwarto at pinagmasdan ang repleksyon sa salamin. Masaya siya’t unti-unti nang nawawala ang pasa sa kanyang mukha. Tumatalab ang ginawa ni Vicky. Umuusbong na ulit sa mukha niya ang ganda ng isang dalaga. Ang mga bilugang mata na malalim at lumalabas ang kulay kape na Iris kapag nahahagip ng sinag ng araw, ang matangos niyang ilong na nakuha niya sa tatay niya (na kagabi lang ay nagdurugo), at ang maganda niyang labi. Lalo pa siyang gumanda nang ngumiti siya dulot ng saya. Ang ngiting malimit makita na gawin niya dahil sa kalungkutan at poot na namamahay sa kanyang buhay. Hindi niya nakikita ang sariling ganda. Mababa ang tingin niya sa sarili. Kahit kailan ay hindi niya naiisip na may iba pang lalaking makikita ang kanyang ganda sa kabila ng mga pasa at luha na dulot ng malungkot niyang buhay. Tuloy lang siya sa pagtingin sa sarili sa salamin, hindi dahil nagagandahan siya sa sarilin iya, kundi nawawala na ang bakas ng galit ng tatay niya na lagi niyang natatamo. Pagkatapos ng isang isang kurap ng magagandang bilugan niyang mata, nawala ang sandaling kasiyahan at umiral muli ang takot na naramdaman niya mula no’ng marinig niya ang mga hakbang kanina. Kasimbilis ng kidlat na nawala ang kanyang matamis na ngiti. Nakikita niya sa repleksyon ng salamin na may mga nakatayo sa likod niya. Marami sila. Tingin niya’y mas nakita niya ang mga nilalang na hindi niya gaanong nakita no’n sa panaginip niya at sa likod ng waiting shed. Hindi niya malaan ang kasarian ng mga nilalang sa likod niya. Itim na itim ang balat ng mga ito. Nando’n pa rin ang napakalamig nilang ngiti na halos umabot sa kanilang tainga. Kita ang kanilang mga nangingitim na gilagid at mga nabubulok na mga ipin. Kita rin ni Jessica ang mga mata ng mga ito na nakatitig sa kanya. Naparalisa siya sa nakita. Hindi niya magawang takpan ang mata niya para hindi na makita ang repleksyon sa salamin. Nanlamig ang buo niyang katawan. Tumindig ang mga balahibo niya. Hindi rin siya makahinga nang maayos. Ilang segundo pa niyang pinagmasdan ang mga nilalang sa likod niya, saka pinilit na huminga nang malalim. Sinikap niyang pakalmahin ang sarili, ngunit nabigo siya. Kahit sino naman ay mabibigo kapag nakakita ng nakikita ni Jessica ngayon. Sinubukan niyang kausapin ang mga nilalang gamit ang isip, ngunit dasal ang nasambit ng kanyang isipan. Ama namin sumasalangit ka... hindi niya alam kung bakit nagdasal siya bigla... sambahin ang ngalan mo mapasaamin ang kaharian mo... kahit hindi siya naniniwala sa Diyos. Narinig lang niya ang dasal at nakabisado dahil inobliga sila noon sa subject nilang Values. Laking gulat niya nang sa mga sumunod na linya ay sinabayan na siya ng mga nilalang, hindi sa isip. Nakita niya na bumubuka ang kanilang bibig, indikasyon na may sinasambit sila. Sundin ang loob mo “sundin ang loob mo” dito sa lupa, para lang sa langit “dito sa lupa, para lang sa langit” May pagkakaisa ang kanilang boses. Nang babanggitin na ni Jessica sa isip ang huling linya, hindi na siya sinabayan ng mga nilalang, bagkus sinabi nila ang paulit-ulit nilang idinidiin sa kanya, “MAKAKAPASOK NA KAMI!MAKAKAPASOK NA KAMI! MAKAKAPASOK NA KAMI!!!” Madiin at sigurado ang kanilang pagkakasabi. Pagkasabi nito, pinakawalan nila ang malademonyong halakhak. Lalong nasindak si Jessica sa mga nakikita’t naririnig. Lalong lumalakas ang mga halakhak. Hindi makaapuhap si Jessica ng gagawin kaya sinuntok niya ang salamin. Sinasabayan ng kanyang hiyaw at mga mura ang bawat suntok. Hindi niya alintana ang hapding nararamdaman sa kamay. Lalo pa niyang nilakasan at binilisan ang pagsuntok sa salamin hanggang sa maging ganap na ang pagkabasag nito at mahulog ang mga bubog sa sahig mula sa pader. Ang kanina lang na naging daan para makita niya ang sarili (na kanyang ikunatuwa) ay naging daan para makita ang repleksyon ng imaheng hindi na niya maaalis sa kanyang isip.  Pero nagtuloy-tuloy pa rin ang tawanan sa loob ng isip niya. Hinawakan niya nang madiin ang ulo at lumuhod sa pader. Humapdi ang sugat sa kanyang kamao at dumanak ang dugo. TUMIGIL NA KAYOOOOOOO!!! Natigil ang mga halakhakan. Nabalot ng nakakabahalang katahimikan ang kuwarto. Tumayo siya’t inilibot ang kanyang paningin sa loob ng kuwarto. Wala na sila.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD