I
Bahagya nagulat si Jessica nang may kumatok sa sa pinto ng bahay. NAisip niya, Si ate Vicky ba ‘yon? at napalitan ng pa’no kung hindi si ate Vicky ‘yon?
Dali-dali siyang lumabas ng kuwarto at bumaba sa hagdan. Hinawakan niya ang doorknob ng pinto. Ramdan niya sa kanyang palad ang lamig ng bakal. Nag-aalangan siya kung pipihitin niya ito para buksan ang pinto dahil natatakot siya na baka hindi si Vicky ang kumatok. Baka ang isang taong ayaw pa niyang makita sa ngayon.
Nagtugma ang kanyang naisip sa nakita. Bumungad sa kanya ang kagabi lang ay sinaktan siya.
Si Mang Jun.
Hindi siya nakaramdam ng takot dahil wala sa ama ang espiritu ng alak. Maamo pa ang mukha nito. “’Nak, pasensya na. Uwi ka na.”
Itinago niya sa kanyang likuran ang nagdurugong kamay. Hindi niya pinansin ang hapdi.
Nakita ni Jessica si Vicky na kababa lang ng tricycle. Nasa mukha ng kaibigan ang pag-aalala habang papalapit sa kinaroroonan ni Mang Jun. “May problema po ba rito, Mang Jun?” Tanong ni Vicky bago tabihan si Jessica sa pintuan.
“Ah, ikaw ‘yung kaibigan niya ‘di ba? Wala namang problema. Susunduin ko lang si Jessica.”
Tinignan ni Vicly si Jessica, pabalik kay Mang Jun. Alam niyang walang tama ng alak ang tatay ng kaibigan. Hinawakan ni Vicky ang braso ni Jessica nang marahan at sinabi, “Mang Jun, may dapat tayong pag-usapan.”
Sa mukha ni Mang Jun, hindi bumakas dito ang pagkagulat. Pumasok na rin sa isip ni Mang Jun na nagsusumbong ang anak sa kahit kanino. Hindi napag-usapan ng mag-ama ang tungkol dito. Lagi siyang kinakabahan sa araw-araw na may mga dumating na pulis o tanod para kausapin siya, o mas malala, arestuhin siya, pero hindi ito naging panakot para matigil siya sa bisyo.
Hindi naman niya pinapakiusapan ang anak na ‘wag siyang isumbong, dahil pakiramdam niya, wala siyang karapatan. Alam niya sa sarili niyang dapat niyang pagbayaran ang ginagawa sa anak. Ang kaso, ang desisyon ay mas pinapaubaya pa niya sa anak na si Jessica, na hindi rin naman siya maisumbong sa otoridad dahil masyado itong marupok. May apat na taon na itong nangyayari pero hindi pa rin nagsusumbong si Jessica.
Pero si Mang Jun, ayaw niya, ayaw niya talagang makulong. Iniisip din niya si Jessica na mag-iisa. Ayaw niya naman ipaubaya sa mga kamag-anak dahil ayaw niyang ginagawa ng ibang tao ang responsibilidad niya. Alam niya sa sarili ang isang solusyon pa maging maayos ang lahat, itigil ang pag-inom. Pero ang dapat lang ay paraan para makalimot sa sakit ay naging adiksyon.
Ngayon, batid niyang nagsumbong si Jessica kay Vicky. Inaasahan niyang sabihin nito na saktan mo pa uli si Jessica, hindi ako magdadalawang-isip na magsumbong.
Hahawakan sana ni Jessica sa balikat si Vicky pero ayaw niyang ipakita ang sugat sa kamay, “Ako na, Ate. Ako na bahala. Uuwi na ‘ko. Salamat.”
Duda si Vicky na magiging epektibo ang pakikipag-usap ni Jessica sa ama.
II
Sumakay ang mag-ama sa tricyclen pauwi.
“Jessica, sorry talaga,” sabi ni Mang Jun habang sinasara ang pinto ng bahay pagkapasok nila. “Hindi ko lang talaga nakontrol sarili ko kagabi.”
“Pa, parang paulit-ulit ka naman ng dinadahilan, ta’s wala rin.”
“Ano ‘yung sinasabi ni Vicky kanina? Anong sasabihin niya sa ‘kin?” Tanong ni Mang Jun saka umupo sa sofa. Hindi niya inalis ang tingin sa anak na nanatiling nakatayo sa bungad ng pintuan. Itinatago pa rin nito ang sugatang mga kamay sa likuran. “Tungkol ba sa nangyari kagabi?”
“Opo. No’ng umalis po ako kagabi, sa kanya po ako nakitulog. Sinabi ko ‘yung nangyari,” nanginginig ang boses ni Jessica.
“Inaasahan ko na ‘yan. ‘Nak, pasensya na talaga. Nadala lang ako. Ano napag-usapan n’yo?”
Nagsimulang namuo ang luha sa mata ni Jessica, “sorry, pa.” Masakit sa kanya na sabihin sa ama ang balak niyang linawin.
“Bakit?” Sulubong ang kilay ni Mang Jun. Iginagalaw niya ang binti at marahang pinapadyak ang paa dahil kinakabahan siya sa sasabihin ng anak. No’ng mga pagkakataong kinakausap siya ng anak tungkol sa ginagawa niya, aminado siyang hindi niya sineseryoso, pero ngayon, batid niyang sukdulan na ang ginagawa niya. Pansin din niyang padalas nang padalas siyang nakakainom at nasasaktan si jessica nitong mga nakaraang buwan. Sa isip-isip niya’y aabot na sa hangganan ang pagtitiis at pagpapasensya ni Jessica sa kanya.
“Ako mismo ang nagsabi kay Ate Vicky. Hindi sa nagbabanta ako, pa,” iniwas niya ang tingin sa tatay. Yumuko siya’t pinagmasdan ang kanyang mga paa na para bang nakakabighani ang mga ito.
“Sige. Ituloy mo lang, ‘nak,” sa lakas ng kabog ng puso ni Mang Jun ay parang umabot na ito sa kanyang lalamunan. “Tuloy mo lang. Makikinig ako.” Dumadalyo ang pawis sa kanyang noo, ngunit hindi niya ito pansin.
“Kapag hindi ka pa tumigil sa pag-inom mo, kapag nasaktan mo uli ako kahit lasing ka pa, mapipilitan kaming magsumbong sa baranggay,” dumaloy pa ang luha sa makinis na pisngi ni Jessica. “Hindi ko na kasi kaya, Pa. Ilang taon na ‘kong nagtitiis at nagtitimpi. Hindi katanggap-tanggap ‘yung dahilan mo pa.”
Hindi nakasagot si Mang Jun. Inaasahan na niyang marinig ito simula nang malaman niya ang dulot ng kanyang bisyo, at ito rin ang lohikal na paraan para matigil ang sakitan. Pero nang marinig na niya mismo ito galing kay Jessica, sa kabila ng paghahanda, parang bumaon at tumagos ito sa kanyang puso. Hindi niya kinaya ang sakit, nagsimula na ring umagos ang luha niya galing sa mga mata. Inihilamos niya ang kamay sa namumulang mukha, huminga nang malalim, at sumandal sa sofa.
“Kung magpapatuloy pa ‘to, Pa, mas mainam nang malaman ng mga otoridad ‘to. Hindi tumatalab ‘yung mga pakiusap ko sa ‘yo na tumigil ka na, kaya wala akong magagawa,” naramdaman ni Jessica na tumulo ang isang patak ng luha niya sa paa niya. “Pasensya na, Pa.”
“Anak, sana naiintindihan mo ‘yung nararamdaman ko,” muling ibinalik ni Mang Jun ang tingin sa anak. Hindi na niya itinago ang luhaan at namumula niyang mata. “Sana alam mo ang pakiramdam na pagtaksilan ng babaeng minahal mo’t inalagaan. Alam mo ba kung ga’no kasakit?” Nabasag nang tuluyan ang boses ni Mang Jun.
Simula nang iwan silang mag-ama ni Nanay Leni, hindi sila naglabasan ng sama ng loob gaya ng nangyayari ngayon. May mga pagkakataon no’n na tinatanong ni Jessica ang ama tungkol sa nanay niya, ngunit sinisikap ni Mang Jun na iliko ang paksa. Hanggang sa nasa wastong gulang na si Jessica, saka niya ipinaalam ang totoo.
Hindi ang sagot ni Jessica sa retorikal na tanong ng ama. Sa buong buhay niya’y hindi pa siya nagkakaroon ng karelasyon kaya hindi niya alam ang pakiramdam ng tatay niya. Hindi pa tumatama sa kanya ang klase ng sakit na nararanasan ni Mang Jun sa ginawang pagtataksil ni Nanay Leni.
No’ng bata siya, nakaramdam na rin siya ng sakit na gaya nito. Iniwan. Pero sigurado siyang hindi kasing sakit ng kay Mang Jun.
“Isa lang ang alam kong gamot para magamot ‘yung sakit. Walong taon na pero hindi pa rin ako nakaka-usad sa nangyari. Umiinom ako para makalimot. Ayun lang ang alam kong paraan. Pasensya na kung nasasaktan kita.”
“Ba’t hindi ka magbigay ng oras sa ‘kin? Ba’t umiinom ka pa rin para makalimot kung ang nagiging epekto nito eh nasasaktan mo ‘ko?” Alam niya ang sagot; adiksiyon. Pero naniniwala siya na kung mahal siya ng tatay niya, sisikapin nitong itigil ang bisyo. “Ah, so ibig sabihin, mas mahalaga na makalimutan mo ang lintek na babae na ‘yon sa paglalasing kahit nasasaktan mo na ‘ko? De napakamakasarili mo pala!”
Nagbago na ang tingin ni Mang Jun kay Jessica, para siyang sinampal nito. Nakaramdam siya ng galit dahil binabalewala ng anak ang pakiramdam niya. Tumayo siya para lapitan ang anak at bahala na ang emosyon niya kung ano ang magagawa niya. Pero hindi ko naisip ang nararamdaman ng anak ko. Tama siya, makasarili ako. Mas umagos pa ang luha galing sa mapula niyang mata. Ang kanina’y galit na ekspresyon ay bumalik sa lungkot at pang-unawa.
Kinabahan pa si Jessica dahil baka saktan uli siya ng ama kahit wala pang tama ng alak, pero mahina siyang hinawi nito mula sa pagkakasandal sa pinto at umalis ng bahay.
Hinayaan pa niyang umagos ang mga luha niya nang ilang minuto bago pumunta ng kusina para hugasan ang sugat sa lababo.
Agad na kumagat ang sakit sa kanyang kamay nang hugasan niya ito. Wala siyang ginagawa para kahit papaano’y maibsan ang hapdi. Hinayaan niya lang ang sakit na kumagat sa kanyang kamay.
Walang-wala ang sugat na ito kumpara sa sugat ng puso niya na hindi nawawala ang pagkasariwa.
III
Ala-siyete na ng gabi. Hindi pa rin umuuwi si Mang Jun. Natatakot siya na baka umuwi na naman itong lasing at masasaktan uli siya. Pero buo na ang loob ni Jessica. Kapag sinaktan uli ako ni Papa, magsusumbong na talaga kami.
Bago ibabad ang sarili sa telebisyon, naghanda na siya ng hapunan pa kung sakali.
Ang kasalukuyang pinapanood niya ay balita. Hindi talaga siya mahilig manood ng balita, pero pinapanood niya ito dahil pagkatapos nito ay ang mga teleseryeng sinusubaybayan niya. ang iba’y pumatok sa kanya kahit panay kababawan.
Habang ibinabalita ang isang lalaking nangholdap sa isang pawnshop, bigla-bigla’y namatay ang telebisyon. Ang kaninang maliwanag na screen ay naging puro dilim.
Teorya niya ay baka nabunot. Tinignan niya ang plug, nakasaksak pa rin. Baka nawalan ng kuryente. Nakasindi pa rin ang ilaw at bentelador. Pinalo-palo niya ang telebisyon sa pagbabakasakaling sumindi uli ito.
May nakita siyang liwanag, pero hindi indikasyon na sumindi na ang telebisyon. Agad na namang gumapang sa kanya ang takot. Nakita niya sa madilim na screen ang mga nagniningas na mata na nakita niya sa waiting shed, sa panaginip, at salamin ng kuwarto ni Vicky. Kita rin ang mga ngipin nila. Tila nasa loob sila mismo ng telebisyon. Nanlaki ang mga mata ni Jessica. Sa tingin pa lang ng mga nilalang ay parang tumatagos sa kanya. Muli na namang tumindig ang kanyang balahibo. Dumampi sa kanyang balat ang malamig na hangin. Nanlaki ang kanyang mga bilugang mga mata.
Nagsalita ang mga ito. Ang mga boses nila ay kumalat sa buong bahay, na para bang may malaking speaker na nakakonekta sa telebisyon. “Possumus ire. Fere. Lustus modicum. Makakapasok na kami, Jessica. Kaunti na lang.”
Sumikip ang daluyan niya ng hangin. Tumagaktak ang pawis sa katawan niya. Kung umatake man ang mga ito, sa dami nila (bagama’t kaunti lang ang nakikita sa screen ng telebisyon) wala siyang kalaban-laban. Nasaksihan na niya ang dami ng mga ito sa panaginip.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at tinakpan ang tainga nang mariin, ngunit pumasok sa ulo niya ang mga boses kaya naririnig pa rin niya ito, at sa dilim ng kanyang paningin sa pagpikit, nakita niya do’n ang mga nagniningas na mata. Kung makikita niya ang mga ito sa tuwing pipikit siya, hindi na niya gustong mabuhay. LUMAYO KAYO SA ‘KIN! TUMIGIL NA KAYO!
“Huy, ‘nak? ‘Nangyayari sa ‘yo?” Narinig ni Jessica na tinanong siya ni Mang Jun. Pagdilat ni Jessica, nakasindi na ang telebisyon at ipinapalabas ang advertisement ng isang maintenance capsule. Wala na rin ang mga boses. Muli niyang ipinikit ang mga mata, hindi sila nagpakita
Nakatayo sa harap ng pintuan si Mang Jun, kakapasok lang. Inaasahan ni Jessica na lasing itong uuwi, ngunit tuwid ang tindig ni Mang Jun. Hindi rin amoy alak ang hininga niya. “Ah, wala, Pa. May ano lang... may putakte, tinatakpan ko lang tainga ko baka pasukan.” Sa maraming pagkakataon ay magaling si Jessica sa pagsisinungaling, ngunit hindi sa pagkakataong ito.
Hindi pinansin ni Mang Jun ang nakakasiwang alibi ng anak, “sige lang, ‘nak,” gumuhit ang ngiti sa labi ni Mang Jun.
“Sa’n ka galing, Pa?”
“Ah, pumunta lang ako sa kumpare ko. Kumustahan lang, gano’n,” pumunta si Mang Jun sa kusina at kumuha ng maiinom na tubig. Habang naglalakad, bingwit niya ang tingin ni Jessica na parang may kakaiba sa kanya.
“Pa...”
“’Wag ka mag-alala, ‘nak. Hindi kami uminom. Survivor ng colon cancer ‘yung kumpare ko na ‘yon kaya hindi na siya umiinom,” lumagok siya ng tubig sa baso. “Napag-isip-isip ko ‘yung sinabi mo sa ‘kin, kanina. Tama ka do’n. Kaya pinipilit kong huwag nang uminom.”
“Sigurado ka, Pa?”
“’Di ba halos linggo-liggo kami nag-iinuman? Minsan nakakalaktaw kami ng isa o dalawang linggo. After six days siguro baka ayain nila ako. Sinasabi ko sa ‘yo, tatanggi na ‘ko,” nginitian niya ang anak. “’Di bale nang magalit sila sa ‘kin. Ayaw na kita masaktan.”
Hindi sumagi sa isip ng dalawa na maraming mabuting tao ang nahuhulog pa rin sa tukso.
Iniisip ni Jessica na baka lang nagkakaganito ang ama dahil tinakot niya. Pero ayaw na niya sirain ang momentum ni Mang Jun. “Sana nga,” bulong ni Jessica sa sarili. Sinugurado niyang hindi maririnig ng ama dahil baka iba ang maging dating nito.
“Nagluto ka na ng hapunan?”
“Opo.”
IV
Habang nakahiga si Jessica sa papag, nilalaro niya sa isip ang mga nangyari. Hindi niya masyadong pinagtuunan ng pansin ang nangyari sa kanila ni Mang Jun. Mas natutok ang isip niya ang nakita sa nakapatay na telebisyon, ang mga mata at ang mga nakakakilabot na boses na narinig niya.
Sa kabila ng napapanood niyang mga palabas sa telebisyon gaya ng Misteryo at Kapuso Mo, Jessica soho: Gabi ng Lagim na ipinapalabas tuwing buwan ng nobyembre, hindi siya kumbinsido na totoo ang mga multo, masasamang espiritu, mga aswang, at iba pa.
Bagama’t kumbinsido ang marami sa mga ginagawang pahayag at nilalatag na ebidensya ng mga espiritista patungkol sa mga paranormal na kaganapan, hindi ito sapat para mapaniwala si Jessica.
Hindi siya naniniwala sa mga paranormal na bagay hanggang no’ng gabi habang nasa waiting shed siya. Pinilit niyang paniwalain ang sarili na guni-guni lang ang mga iyon, pero mayro’n sa loob niya na nagsasabing totoo ang kanyang mga nakikita, naririnig, at nararamdaman.
Sapat ang kanyang personal na karanasan para mabago ang kanyang pananaw tungkol sa mga ganitong bagay.
Mas kinilabutan pa siya ngayong gabi dahil mag-isa siya sa kuwarto niya, hindi tulad kagabi na kasama niyang matulog si Vicky at bukas ang ilaw. Hindi sanay nang natutulog nang madilim si Vicky dahil may trauma sa dilim. Ang kuwarto ni Jessica ay pundido ang bombilya kaya laging madilim.
Ngayong kumbinsido na siya na totoo ang mga masasamang espiritu, partikular ang mga nagpaparamdam sa kanya, siguradong mas magiging nakakatakot ang mga gabi niya. Maaaring ang mga ito ay nasa ilalalim lang ng papag, hinihintay lang na lumaylay ang isang kamay o paa ni Jessica para hatakin ito. Maaaring sila’y gumagapang-gapang sa kisame, at pagdilat na pagdilat ni Jessica habang nakahiga, sila ang unang makikita. Ang mga itim na itim na nilalang na malawak na malawak ang mga ngiti kaya nakikita ang mga bulok nitong ngipin at gilagid, ang mga nanlalaking mga mata nila, at ang tawa at bulungan na pupunuin ang iyong ulo. At ang iiwan nilang alingawngaw ay magtatagal.
Ipinikit ni Jessica ang mga mata at hiniling sa isip niya na sana makatulog na siya para hindi na niya maisip kung ano pa ang hitsura ng mga nagpaparamdam sa kanya. Bukod sa anyo ng mga ito no’ng nagpakita sila sa repleksyon ng salamin sa kuwarto ni Vicky.
Mabuti na lang at nakatulog siya.
Mabuti nga ba?
V
Nakita ni Jessica ang sarili sa kuwarto niya sa luma nilang bahay sa Caloocan. Simple lang ang kuwarto. Kapansin-pansin dito ang mga wallpaper na Hello Kitty. Nakaupo sa kama ang isang batang babaeng sampung taon. Umiiyak ito. Hawak ng bata ang isang papel kung saan nakaguhit ang isang representasyon ng pamilya. Isang Nanay, Tatay, at anak na babae. Nakaguhit ang mga linya gamit ng asul na crayola. Nakalapat ang papel sa mga hita ng bata.
Pumapatak sa papel ang luha ng batang umiiyak. Nakita ni Jessica ang tingin ng bata sa papel. Hindi niya nakikita ang labis na lungkot. Mas nangingibabaw ang galit. Nanginginig ang dalawang kamay ng bata habang hawak ang papel dahilan para malukot ang magkabilang gilid nito.
Inabot ng batang babae ang isang kahon ng crayola, pero hindi naaalis ang matalim niyang tingin sa papel. Mula sa kahon ay kinuha niya ang pulang crayola. Hinawakan niya ito nang madiin at buong gigil na ginadgad kung nasa’n ang imahe ng ina. Hindi tumigil ang bata hanggang sa mabutas ang papel dahil sa diin niya sa pagkulay.
Tinignan ni Jessica ang ginawa ng bata sa obra. Halos hindi na makita ang guhit ng ina. Natatakpan ito ng kulay pula, na parang dugo. Kita rin ang butas sa papel. Nanlaki ang mga mata ni Jessica sa nakita na tila ba dugo ang nakita niya sa papel.
Tinupi ng bata ang papel sa apat na bahagi at inilagay sa ilalim ng kutson ng kama, saka nahiga habang luhaan pa rin ang mata. Napatanong si Jessica sa sarili, kung galit siya sa Nanay niya, bakit hindi na lang niya punitin ang bahagi ng papel kung sa’n nakadrawing ang Nanay? O kaya itapon na lang ‘yung papel? Gusto niyang itanong mismo ito sa bata, pero si Jessica na mismo ang sumagot ng tanong. Dahil gusto ko makita kung pa’no ko siya kinamuhian. Ayaw kong makalimutan ang kasalanan niya, at tiyak naman ay hindi ko makakalimutan dahil umukit na ito sa puso ko. Hindi tulad ni Papa, ayaw kong makalimot.
Hindi ito basta isang panaginip; isa itong masalimuot na nakaraan. Ang araw kung sa’n inilapat ni Jessica ang kanyang poot.
Umagos pa lalo ang luha niya. Sabay silang humihikbi ng batang siya. Sabay silang nagdadalamhati at nag-aalaga ng poot sa puso. Pareho silang binawian ng masayang pamilya. Masayang buhay.
“Kita mo, Jessica? Hindi ka inosente,” sabi ng batang Jessica. Tumigil na sa paghikbi ang batang siya. Batid niyang hindi na bahagi ng nakaraan ang mga susunod na mangyayari. “Sa likod ng akala ng iba ay ‘malambot mong puso’ e may nagsusumigaw na galit. Parang halimaw na gustong-gusto kumawala sa hawla.”
“Ano’ng sinasabi mo?” Gumapang muli ang takot kay Jessica. Tumayo ang batang babae mula sa pagkakahiga, pero nakatalikod kay Jessica. Sigurado siyang ang bata ay hindi na ang dating siya. Ang bata ay isa na lang anyo ng kung anong (mga) nilalang.
“Alam nating pareho ang sinasabi ko,” sabi ng bata na para bang pinaparating kay Jessica na siya pa rin ito.
Nagkaroon ng mga bitak ang pader ng kuwarto. Malalaki ang mga ito dahilan para gumuho ang mga pader nang tuluyan. Nagkanda-punit-punit ang mga wallpaper na Hello Kitty at nagbagsakan ang mga aparador at Cabinet. Nabitak at gumuho rin ang sahig ng kuwarto at nahulog sa kawalan. Ang akala ni Jessica ay mahuhulog siya, pero nanatili siya sa pagkakatayo kahit wala na ang sahig.
Nawala ang buong kuwarto sa senaryo, napalitan ng dilim. Ang natira lang ay si Jessica, ang batang babae, at sa pagitan nilang dalawa, nanatili ang kama. Nagmistula itong paalala kay Jessica kung pa’no niya iniyak sa kamang ito ang lahat ng sakit at poot niya.
Nilingon ng bata si Jessica. Nagbago ang hitsura nito. Ang dating magandang mukha ng isang sampung taong gulang ay napalitan ng mukha na hindi puwedeng ariin ng kahit na sinong tao. Ang mga mata niya’y blangkong dilaw, pero nagniningas. Ang ngiti niya’y mas malawak sa karaniwan. Kita ang mga matatalim at bulok na ngipin at nangingitim at nagdurugong gilagid.
Nang makita ni Jessica ang mukha ng bata, napagtanto niya na dinalaw siya muli sa panaginip ng mga nilalang na nagpaparamdam at nagpapakita sa kanya. Maaaring dito sa panaginip siya tapusin ng mga ito. Tumindig ang balahibo niya sa batok at mas kumabog pa ang puso. Kahit tila walang kapupuntahan ang lugar kung nasaan siya ngayon, tinangka pa rin niyang tumakbo. Pero hindi siya nakagalaw, ni hindi siya nakalingon sa direksiyong tatakbuhan niya.
Lumakad papunta sa kanya ang bata. Huminti ito nang may tatlong metro na ang lapit kay Jessica. “Alam namin ang nararamdamann mo, Jessica. Kaya kami ang bahala sa ‘yo.” Tumawa ito nang malakas. Nakakasindak na tawa. Hindi magawang takpan ni Jessica ang tainga dahil sa pagkaparalisa kaya hindi niya napigilan na marinig ang mga tawa na aalingawngaw sa kanyang isip.
Biglang huminto ang bata sa pagtawa. Nakangisi na. Ibinuka ng bata ang bibig na parang hihikab, pero mas malawak pa ang pagkakanganga sa karaniwan. Halos mapunit ang panga ng bata sa pagbuka ng bibig, at sa sobrang lawak nito ay nakapikit ang mga mata. Pinagmasdan ni Jessica ang nakabukang bibig, pinagmasdan ang loob nito.
Mula sa malaking nakabukang bibgi ng bata, bumulusok ang itim na itim na usok. Nakita ni Jessica na may mukha ang usok... may mga mukha. Kita ang mga nagniningas na mata at malalawak na ngiti. Humahalakhak din ang usok.
Pumasok ang itim na usok sa bibig ni Jessica, na para bang hinihigop niya ang usok. Gan’to ba nila ’ko tatapusin? Papasukin at bubulukin ang loob ko? Ang kaloob-looban ko?
Unti-unting napupuno ng mga boses ang ulo ni Jessica. !! Masaya ka ba na makikilala mo kami? !!
VI
Nagising nang nakanganga si Jessica. Pakiramdam niya’y may nakapsok pa rin sa bibig niya, pero walang nalalasahan. Sh*t kadiri.