I
Naghuhugas ng mga pinagkainan ng almusal si Jessica nang magpaalam si Mang Jun para umalis. “Magbabayad lang ako ng kuryente sa Meralco. Diyan lang sa bayan.” Pagkasabi nito, umalis na si Mang Jun ng bahay. Naiwan na naman si Jessica mag-isa.
Nakikiusap siya na sana ay ‘wag magparamdam ngayon ang mga nilalang na may nagniningas na mga mata. Lagi niyang inililibot ang paningin sa paligid ng bahay para tignan kung may presensya ng kung ano. Wala siyang ibang magagawa kundi ang pakalmahin ang sarili. ‘Wag kang praning, Jessica. Umaga naman.
Pinaniniwalaan niya na sapat ang liwanag ng umaga para pigilan ang mga nilalang ng dilim para gawin ang kanilang mga balak.
II
Nang matapos magbayad ng bill ng kuryente, bumili si Mang Jun ng soft drinks sa isang tindahan. Tinitignan niya kung puwede itong alternatibo sa alak.
Mas pinili niyang dumaan sa mga kalye ng baranggay kung saan sa isa sa mga kalye na ‘yon, do’n sila nag-iinumang magkukumpare. Nadaanan niya ang isang bahay, at ang may ari ng bahay na iyon ay si Mang Carlos, ang laging promotor ng inuman. Nakatayo siya sa harap ng gate ng bahay nila at naninigarilyo. Nakahubad siya kaya kita ang mga tato niya sa dibdib; mukha ni Kristo, at sa ibaba no’n, sillhouete ng isang babaeng sumasayaw.
“Oy, Junior!” Ito ang laging tawag ni Mang Carlos kay Mang Jun, kahit hindi naman talaga ito Junior. Jun lang talaga ang pangalan niya.
“Oy, pareng Carlos! Musta na?” May ngiti sa labi ni Mang Jun habang sinasabi ito.
“Sa isang araw na ‘yung birthday ko.”
“Ay oo nga pala ‘no?” Sabi ni Mang Jun kahit hindi niya talaga alam ang kaarawan ng kumpare.
“Maghahanda ako. Punta kayo. Inaya ko narin sina Boyet at pareng Tolits. Pupunta rin daw sila. Bukas na ‘yung handaan. Sa isang araw kasi, babalik na sa kuwan... sa Malaysia ‘yung anak ko kaya bukas na ‘yung handaan.”
Nakikita ni Mang Jun ang imahe ng handaan sa isip. Maraming pagkain, maraming bisita, at maraming... alak. “Ah... gano’n ba? ‘Ge, tignan ko kung makakapunta ako.”
“’Di ka ba sigurado? ‘La ‘to! Abe birthday ko naman ‘yon. Sa inuman lagi kang nando’n. ‘Wag kang mag-alala. Maraming beer bukas. Malamig na beer. At masarap na pulutan.”
Natatakam si Mang Jun sa mga naririnig, pero sinisikap pa rin niya na itigil ang bisyo. Iniintindi lang din niya ang iisipin ng mga kaibigan. “Ano kasi... uh...”
“Tatanggihan mo ba alok ng kumpare mo, Junior?” humithit at nagbuga si Mang Carlos ng usok.
“Eh...”
“Pa! Tawag ka ni Mama!” tawag ng bunsong anak ni Mang Carlos. Nakalabas ang maliit na ulo nito sa bintana ng bahay.
“Sabihin mo sa Mama mo parating na!” Sigaw ni Mang Jun sa anak. “Una na ‘ko, Junior. Basta punta ka bukas. Hindi puwedeng hindi. Gusto mo sama mo rin ‘yung anak mo. Ano pangalan no’n? Jessie? JC?”
“Jessica.”
“Basta ‘yon. Dadating ‘yung mga pamangkin kong binata galing sa Bustos. Papakilala ko siya. Adios.”
“’Ge.”
Hindi makatanggi si Mang Jun sa kaibigan. Mukhang mahihirapan siya sa pagtupad niya sa pangako ng anak. Napamura na lang siya sa isip. Sunud-sunod na mga mura.
III
Halos makita na ni Jessica ang repleksyon niya sa sahig na kanyang pino-floor wax. Mahusay siya dito dahil nasanay siya sa paglilinis sa eskuwelahan na sapilitang pinapagawa ng mga teachers na para bang ito ang batayan ng grado.
“’Nak,” sabi ni Mang Jun. “Inaya ako kahapon ni Pareng Carlos kahapon, may handaan daw. Sama ka?”
Tumayo mula sa pagkakaluhod si Jessica at binitawan ang hawak na tuyong basahan. Naiisip niya ang magiging ganap sa handaan ng kumpare ng tatay; maraming pagkain, bisita at maraming-maraming alak. Beer. Alam na niya ito dahil halos lahat ng reunion na napuntahan nila ay may inuman. Nagmamano siya no’ng bata siya kapag lasing ang mga lolo niya para bigyan siya ng pera.
Tinignan ni Jessica nang diretso si Mang Jun. Sapat na ito para iparating ang gusto niyang sabihin.
“’Di ako iinom. Promise.”
“Sige po. Pero may usapan po tayo ha.” Gusto sana sumama ni Jessica para mabantayan ang ama, ngunit ayaw niya sa mga tao.A yaw niya’ng napapalibutan ng maraming tao. Ayaw niya’ng kausapin siya ng mga taong hindi naman niya kilala. Wala siyang ibang gagawin kun’di magtiwala sa tatay na tutuparin ang pangako nito.
Pero kung magkagayon nga na uminom si Mang Jun at masaktan siya, handa na ang loob niya na magsumbong. Iniisip niya kung kaninong kamag-anak siya makikitira kung sakaling ikulong ang tatay niya.
No’ng mga taon na sinasaktan siya ng tatay niya, wala pa sa isip niya ang magsumbong dahil sa takot at pag-aalinlangang hindi niya maipaliwanag. Ang nasa loob niya no’n ay isang gabi ay tumakas at makitira sa kahit na kaninong kamag-anak. Pero malalayo ang mga kamag-anak niya’t hindi siya marunog bumiyahe nang mag-isa, hanggang ngayon.
Nahihiya naman siya kung magpapasundo siya mismo sa Bulacan. Ang pinakamalapit niyang kamag-anak ay nasa Norzagaray, wala na rin siyang balita dito.
“Hindi na ‘ko sasama, Pa. Dito na lang ako sa bahay.”
“Sige. Sigurado ka ha.”
At muli, mag-isa na naman si Jessica.
IV
Isang malaking tolda ang nasa bakuran ng bahay ni Mang Carlos. Nakaparada rin ang mga sasakyan, pero hindi naman gaanong marami. Kumakain na ang mga bisita. Mga usapan ang nagpapaingay sa selebrasyon. Nakahain ang mga pagkain, naging kapansin-pansin ang nakalatag na dalawang letsong baboy.
Ang mga mesa ay may kulay na asul na sapin. Sa entablado, may tarpaulin ng litrato ni Mang Carlos at may malaking numero na 47.
“Oy pare!” Sinalubong ni Mang Carlos si Mang Jun. “Buti pumunta ka! Hindi mo kasama anak mo?
“Ah. Eh ayaw eh. Nahihiya ata.”
“’Kow! E dalaga na talaga. Pagbalot mo na lang ng pagkain mamaya.”
“Sige.”
Inakbayan ni Mang Carlos si Mang Jun at dinala sa isang mesa. Ang mesa ay naiiba, dahil ang sapin nito ay kulay pula. Nandito ang buong magkukumpare. Anim sila, kasama sina Mang Jun at Mang Carlos.
“Pinatabi ko talaga ‘tong lamesa para sa ‘tin. Para mamaya... ‘lam na,” kumindat si Mang Carlos pagkasabi nito. Alam ni Mang Jun ang ibig sabihin nito. Kinakabahan siya dahil hindi siya sigurado kung matatalo niya ang tukso.
Baka epektibo na alalahanin niya sa isip ang mga tingin sa kanya ni Jessica kahapon nang sabihin niyang pupunta siya ngayon sa handaan.
“Wala bang beer para sa mga bisita?” Si Ka Louie ang nagtanong. Kalbo at payat na lalaki.
“Wala ngayon. Ayaw ni Misis. Baka daw ‘pag may nalasing e magulo ‘yung handaan,” tugon ni Mang Carlos.
“Eh baka nakikita ni kumare na napapa-trouble ‘tong si Boyet ‘pag lasing,” sabi ni Mang Ricky, sabay tawa. “Eh ‘di ba no’ng huli nating inom, lasing na lasing eh pinatulan ‘yung binata. ‘Yung anak ni Pastor Mario. Buti nga eh hindi na nagreklamo ‘yung pastor. Nadaan sa paawa ni Boyet.”
“’Lul!” bulalas ni Mang Boyet. “Hindi ako nagpapaawa no’n!”
“Loko! Kinuwento sa ‘min ni Kapitan!”
“Kaya siguro na-trauma si Mare sa alak,” sabi ni Mang Migs. “Baka daw malasing ‘yung mga bisita eh magkagulo.” Tumawa ang lima. Ang iba’y halos matumba. Masaya ang mga nakaupong magkukumpare, puwera si Mang Jun. Parang tambol na kumakabog ang kanyang puso.
Nakikinig lang si Mang Jun sa usapang alak ng mga kumpare. Tahimik. Iba ang dating sa kanya ng mga ganitong usapan. Si Jessica ang nasa isip niya.Nakayuko lang siya at pinagmamasdan ang hita. Tagaktak ang pawis niya.
“Oy, Junior. ‘N’yare sa ‘yo?” Tanong ni Ka Louie. “Tulala ka ata?”
“’Ku po! Kulang lang sa beer ‘yan!” Pangungutya ni Mang Migs.
“’Yaan mo Junior,” sabi ni Mang Carlos sabay akbay kay Mang Jun. “’Pag nakauwi na ‘yung mga bisita, inuman na.”
Nagbunyi ang magkukumpare, kasama si Mang Jun, pero sarkastiko ang sa kanya. Ayaw na niyang uminom, alang-alang sa anak, pero hindi niya alam kung pa’no siya makakatanggi mamaya sa alok ng kumpare ‘pag nakita na niya ang malamig... malamig at masarap na beer.
V
Dumidilim na ang langit. Unti-unti nang nag-aalisan ang mga bisita at nagsisi-andaran na rin ang mga sasakyan para umalis. Hanggang sa natira na lang ay ang makalat na bakuran at magulong mga gamit at mga staff ng catering. Nagsimula na silang magligpit ng mga gamit.
Kumpleto pa rin ang mga magkukumpare sa mesa nila. Dumating na ang oras na kanilang pinakahihintay. Nag-uumapaw ang kanilang kasabikan na dumampi sa kanilang mga labi ang nguso ng bote ng alak at dumaloy ang masarap na laman nito sa kanilang mga lalamunan. “Ayos. Wala nang tao,” sabi ni Mang Ricky.
“Oo nga pala,” sabi ni Mang Carlos. Tumayo siya mula sa pagkakaupo, “ku’nin ko lang sa loob.” Pagkasabi nito, pumasok si Mang Carlos sa loob ng bahay.
“Ayos! Okay ka na Junior!”
Nagpapanggap na natutuwa si Mang Jun, pero basang-basa na siya sa pawis. Tuyong-tuyo ang lalamunan niya. Dalangin niya na sana’y ‘wag itong mabasa ng malamig na malamig na beer.
Bumalik si Mang Carlos na dala ang isang case ng beer. “Ayos! Rak en rol!” Sigaw ni Mang Migs.
“Teka’t niluluto pa ‘yung pulutan,” sabi ni Mang Carlos.
“Oh, awatin n’yo si Boyet! Baka maubusan na tayo agad!” Pang-aasar ni Ka Louie.
“’Ra ulo!” Singhal ni Mang Boyet. Nagtawanan ang magtotropa.
Binigyan sila ni Mang Carlos ng tig-isang bote. Inilagay ni Mang Carlos ang kay Mang Jun sa harap nito. Nagbukas na ng mga bote ang ibang kumpare niya. Kumalatong ang mga naglaglagang tansan sa lamesa. P*cha. Pa’no ko ba ‘to iiwasan? Ano sasabihin ko sa mga kasama ko?
Tinignan lang ni Mang Jun ang bote sa harap niya. Pawisan ang bote ng beer dahil sa lamig. Pinanood niyang umagos ang butil ng tubig sa katawan ng bote. Parang nanunukso pa ang bote ng malamig na malamig na beer. Masarap na beer. Parang magandang babaeng nang-aakit.
“Aba, Junior,” sabi ni Mang Carlos. “’Di ka magkakatama kung tititigan mo lang ‘yan.”
Hinawakan ni Mang Jun ang bote. Ramdam niya sa palad ang lamig ng bote.
Hindi! Hindi ako iinom! Hindi ako iinom! Hindi ako iinom! Para sa anak ko!