Kabanata 10: Tito Ives

1694 Words
I Gaya ng sinabi ng mga nilalang sa loob niya kagabi, may kalayaan pa rin siyang pumili. Mas pinili niyang magluto ng pritong itolog ngayong almusal. Pinagluto niya sila ng makakain. Lahat ng iaahin niyang pagkain ay sinisigurado niyang masarap. Para kay Ate Vicky. Nang matapos maghugas ng mga pinagkainan, nakita ni Jessica ang kanyang ate Vicky na nanonood sa Laptop habang nakaupo sa sofa. “Hindi ka busy ngayon, ate?” “Ah, busy. Pero pahinga muna ako ngayong araw. Nakakapagod din sa utak ‘yung thesis.” “Ano ‘yang pinapanood mo, ate?” “Anime. ‘Yung Demon Slayer. Maganda ‘to. Tara nood tayo. Kakasimula ko pa lang naman ng episode 1.” Tinabihan ni Jessica si Vicky saka nakinood. Nang nasa ikalimang episode na sila, nakaramdam ng gutom si Jessica. Medyo nabitin siya sa almusal. Tinanong niya si Vicky kung may mga crackers pa para makain. Itinuro ni VIcky ang estante na pinaglalagyan ng mga merienda. Pagkatayong-pagkatayo ni Jessica para kumuha ng pagkain sa estanteng itinuro ni Vicky, narinig nilang may kumatok sa pinto. Hindi na pumunta si Jessica sa kinaroroonan ng estante, dumeretso na siya sa pintuan para pagbuksan ang sinuman ang bisitang ito. Nang buksan ni Jessica ang pinto, nakita niya ang dalawang pulis na pumunta sa kanya no’ng nasa ospital siya. Kasama nila ang isang lalaki. Nakasunod kay Jessica si Vicky kaya nakita rin nito ang mga pulis at ang lalaki. “Ere hija. Tito mo daw siya. Dumayo pa siya galing Manugit. Puwede ka na daw niya ku’nin,” sabi ng isang pulis. Nakilala niya ang lalaki. Si Tito Ives. May isa o dalawang beses lang ito nakita ni Jessica no’ng nasa Caloocan pa sila ni Mang Jun. Siya ang nakababatang kapatid ni Mang Jun. Mas bata siya nang sampung taon sa kuya. Ipinaalam na ng mga pulis ang nangyari kay Ives; ang sunog at ang pagkamatay ni Mang Jun. Nabigla si Jessica nang makita ang Tito at ang katotohanang may aampon na sa kanya. Iiwan na niya si Vicky. “Ahm, may request sana ‘ko boss,” sabi ni Ives sa mga pulis, “puwede po ba do’n kami mag-usap? Do’n sa dating tinitiran nila?” Hindi na nakatanggi si Jessica, pumayag siya sa paanyaya ng tiyuhin. Sinabi ni Vicky na sasama siya. Nagpaalam na ang mga pulis para umalis dahil hindi naman sila kailangan sa pagdedesisyon ni Jessica. Nakumpirma na rin naman nila na lehitimong kamag-anak si Ives. Nanghihinayang si Jessica dahil hindi siya nakakuha ng biskwit sa estante. Nagugutom pa rin siya. II Nakaharap ang mag-tito at si Vicky sa kung ano ang natira sa tinitirhan nina Mang Jun at Jessica. Ang dating kahit papa’nong maayos at malinis na bahay noon ay pinaging-pangit ng apoy. Ang dating puting pader ay nagmistulang uling. Malaking bahagi ng bahay ang tuluyang natupok. “Ah... oo, puwede naman,” tugon ni Ives kay Jessica pagkatapos siyang tanungin nito kung puwede pang manatili sa bahay ni Vicky kahit isa o dalawang linggo, “Basta’t magsabi ka lang kung ready ka na umalis. Susunduin na kita.” Hindi katulad ni Mang Jun, nakapagtapos si Ives ng pag-aaral, nagkaroon ng matagumpay na trabaho’t negosyo, at nakakaluwag sa buhay. Ang pinakamalaki nilang pagkakaiba’y mayro’ng masayang pamilya si Ives. Parehong mabait na anak ang magkapatid. At kung hindi titingnan ang hindi nila pagkakasundo, pareho silang mabuting tao, hanggang sa dumaan ang unos sa buhay ni Mang Jun na nagtulak sa kanya para balikan ang bisyo, na nagdulot para masaktan niya ang anak niyang si Jessica. No’ng nawalan ng tirahan si Jessica, inisa-isa niya ang mga kamag-anak na posible niyang matirhan. Hindi pumasok sa kanyang isipan si Tito Ives. Hindi niya ito masyadong nakilala dahil nga isa o dalawang beses lang niya ito nakita sa bahay nila sa Caloocan. Hindi naging magkasundo ang magkapatid dahi sa bagay na pinag-awayan nila no’ng mga kabataan pa sila. Mga hindi pagkakasundo na napreserba hanggang ngayon. Siguro, kung nakilala nang lubusan ni Jessica si Ives, may mga mababago sa buhay niya. Maaaring mga prinsipyo. Alam niyang mabuting tao ang tito niya, kahit sa sandali na nakapagkumustahan at nakapag-usap sila dati, kaya hindi siya magdadalawang-isip na makitira kay Tito Ives. Pero mas ayaw pa rin niya talagang malayo sa nag-iisang kaibigang si Vicky, hindi lang basta naging kaibigan, naging ate rin sa kanya, at parang ina na rin. Tingin niya’y hindi niya kaya ang buhay kapag nawala ang kaibigan. “Sige po, salamat po. sabihan ko na lang po kayo ‘pag okay na ‘kong sumama,” nginitian ni Jessica ang tito. “Hindi mo deserve ‘yung mga nangyari sa ‘yo, gaya ng pagkawala ng tatay mo. Siya na lang ang mayro’n ka,” huminga nang malalim si Ives. Hindi naalis ang tingin ni Ives sa nasunog na bahay. “Kinukuwento ng ibang kamag-anak na bumalik sa pag-inom si Kuya. Hindi ko na kasi siya nakakausap masyado no’ng nagkapamilya na kami. No’ng bata pa kami, ‘di ko alam kung ilang taon ang tatay mo no’n. Baka mahigit twenty na siya. ‘Pag nalalasing siya tuwing iinom ng alak, nananakit siya. Ako, ‘yung mga pinsan niya. Nasasaktan ka ba niya, tuwing malalasing siya?” “Opo.” “Sabi na nga ba. Pero kahit gano’n ang tatay mo na sinasaktan ka, tatay mo pa rin siya. Mahal ka niya, sigurado ako do’n, pero nadadala lang talaga siya ng pagkalasing. Hindi rin kami magkasundo ni Kuya. Hindi ko rin gusto na nakikita siya, pero hindi ako masaya no’ng nabalitaan kong namatay siya. Sana ikaw rin. Kahit baligtarin mo ang mundo, tatay mo pa rin siya. Pinalaki ka niya’t minahal.” Sa narinig ni Jessica, naantig siya. Kung siguro’y mas nakausap pa niya ito nang madalas, may mapagsasabihan siya ng problema. Magkakaroon ng paraan para unti-unting matunaw ang galit sa puso niya, na naging dahilan para pasukin siya ng mga nilalang na hindi niya sigurado kung kakampi niya talaga. Nilingon ni Ives si Vicky, “salmat sa lahat ng ginagawa mo para kay Jessica. Ikaw muna bahala sa kanya. Kung kailangan n’yo ng tulong, magsabi lang kayo. Binigay ko na ‘yung number ko.” “Opo, salamat po. Ako na po bahala kay Jessica. Para ko na rin po siyang kapatid eh.” “No need to thank me. You’re Vicky, right?” “Opo.”  “Sige, aalis na ‘ko.” pagkasabi nito, kinamayan niya si Vicky at niyakap si Jessica. “Pasensya na po,” nahihiyang sabi ni Jessica, “ang layo-layo pa po ng pinanggalingan n’yo.” “No worries. Actually may pupuntahan naman ako riyan sa Cabanatuan, dinaanan lang kita kaya hindi sayang ‘yung biyahe.” Inaya pa ni Vicky si Ives na mananghalian sa bahay niya, pero tumanggi ito sa alok. Pinanood nina Jessica at Vicky ang pag-andar at pag-alis ng sasakyang minamaneho ni Ives. Maganda’t mamahalin ang sasakyan kaya tampulan ito ng tingin ng mga kapitbahay na para bang atista ito. “Masaya akong mas pinili mong mag-stay muna dito,” sabi ni Vicky. “Bakit hindi mo ‘ko pinilit na sumama na kay tito?” “Malaki ka na. Gusto ko ikaw magdesisyon para sa sarili mo. Pinilit lang kita no’n na tumira sa ‘kin dahil alam kong kailangan mo ‘ko.” “Salamat, ate.” Nakita nila na bumalik si Tito Ives na nakasakay sa kotse niya. “Malayo nga pala bahay n’yo ‘no? Sabay na kayo. Nakalimutan ko kayo, ‘sensya na,” natawa pa nang unti si Ives. “Ay, ayos lang ho. Ano Jess, tara na? Uwi na tayo, tuloy na natin ‘yung pinapanood natin,” aya ni Vicky. “Sige, ate, mauna na kayo. Dito muna ‘ko.” “Sigurado ka?” Tanong ni Ives. “Opo. Sunod na lang po ako.” “Sige,” sumakay si Vicky sa sasakyan ni Ives, “’wag kang dadaan siya shortcut ha.” “Sige ate.” Pinanood niya ang sasakyan na umalis, hanggang sa mawala na ito sa paningin niya. Habang kinakausap niya ang tito, pinapakiramdaman niya kung sasabat ang mga nilalang sa loob niya. Kung may sinabi ba siya o ‘yong Tito niya na ayaw nila. Pumasok siya sa dati nilang bahay. Nagkalat dito ang mga naabong gamit nila. Inilibot pa niya ang paningin. Inalala ang kalbaryo na dinanas niya sa tatay niya. Tila ang ang dami nang nangyari rito kahit wala pang isang taon nang manirahan sila rito. Naramdaman niyang kumakalam ang sikmura niya. Pansamantala niyang nakalimutan ang gutom nang mag-usap sila ni Tito Ives, ngunit bumalik na ito ngayon. Kinapa niya ang bulsa ng short kung may barya para makabili siya ng biskwit sa isang sari-sari store. Wala. Nahagip ng kanyang paningin ang isang pusa. Naglalakad-lakad ito sa dating kuwarto ng tatay niya. Tila ba naghahanap ng makakain sa natupok na tirahan. Wala itong makikita sa paligid kun’di mga abo’t nasunog na kagamitan. Walang makakain ang pusang ito.  Malamang na pareho silang gutom. Si Jessica at ang pusa. Pareho nilang gustong kumain. III Nakita ni Vicky na dali-daling dumeretso si Jessica sa lababo sa kusina pagkapasok ng bahay. Nagmumumog. “Huy, Jess, ano nangyari? Ba’t nagmumumog ka? Ano’ng nakain mo?” Pinunasan ni Jessica ang basang bibig, “ah, wala, ‘te. E medyo nagutom kasi ako. Eh kumain ako ng sipsip daga ba ‘yon. ‘Yung parang maliit na orange. E sabi ng matanda lason daw ‘yon.” “Maryosep. Naniwala ka naman sa kanya, e minemerienda ko ‘yon nu’ng bata,” hindi sigurado si Vicky kung tugma ang iniisip na pagkain sa sinasabi ni Jessica. Hindi sinabi ni Jessica ang totoo; tulad ng dati, nawalan na naman siya ng malay. Ang mga nilalang sa loob niya ang may kagagawan. Nawalan siya ng malay habang nakikipagtitigan sa pusa. Nang magkamalay uli, nakita na lang niya ang sarili na hawak ang wala nang buhay ang pusa at wakwak ang tiyan. Nalasahan niya ang lasang kalawang na dugo ng pusa. Naramdaman din niyang may mga piraso ng laman sa kanyang bibig. Agad niyang binitiwan ang hawak na bangkay ng pusa at sumuka. Parang mailuluwa niya ang kanyang bituka sa sobrang tindi ng pagsuka niya. Halos lumuwa ang kanyang mata. Natanong niya sa sarili kung gawa ba ng gutom kung bakit niya nilantakan ang pusa. !! ‘Kala namin gutom ka? !! Minura ni Jessica sa isip ang mga nilalang sa loob niya, saka tumawa ang mga ito na para bang nangungutya. Pagkatapos niyang sumuka nang sumuka, isa lang ang gustong gawin ni Jessica. Kailangan ko magmumog! Kadiri! Kadiri! Kumaripas siya ng takbo pauwi sa bahay ni Vicky. Dahil malayo ang pinanggalingan, nagdulot ang kanyang pagtakbo ng kapaguran, pero hindi niya ininda. Gusto lang niyang magmumog. Gusto na sana niya ito magawa agad, pero wala siyang makitang poso o kahit anong gripo sa daan, kaya hinintay na lang niya na dalhin siya ng mga binti pauwi. Sa tuwing naiisip niya ang pusa, ang wakwak nitong tiyan, gusto niya  masuka uli. Lalo na sa katotohanan na siya ang nagwakwak sa tiyan nito gamit ang ngipin niya. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD