Kabanata 9: Balita

1031 Words
I Maliwanag ang langit. Dumadampi kay Jessica ang katamtamang init ng sinag ng araw habang nagwawalis sa bakuran ng bahay. Pinipilit niyang dito ituon ang attention. Gusto niyang kalimutan ang isang nakaraan. Sa kanyang pagwawalis ay nililibot niya ang paningin sa paligid. Wala namang kakaiba, maliban sa mga babaeng nagkumpulang parang mga langgam na nakakita ng isang patak ng pulot.  Isa na namang tsismisan ang magaganap. Kaninong buhay na naman kaya ang pag-uusapan ng mga 'to? Hindi niya mapakinggan ang sinasabi nila. Ang nagawa lang ni Jessica ay tingnan ang kanilang mukha habang nagkukuwento. Napansin niya na para silang nakikinig ng kuwento ng kababalaghan. Kita niya sa mukha nila ang pagkabigla, hindi dulot ng isang dalagang nabuntis sa baranggay. Ibang klaseng pagkabigla. II Gabi. Pinipilit kalimutan ni Jessica ang mga nangyari. Nabibigatan ang kanyang kalooban. Maraming buhay pa siyang makukuha. Sila ang may gawa no’n, hindi ako. Ginamit lang nila ako. Ginamit lang nila ako. Pilit inaalis ni Jessica ang bigat ng kasalanan sa pagpapasa ng sisi sa mga nilalang sa loob niya. Tama naman siya, pero may bahagi siya rito. Hindi lang niya matukoy sa sarili. Sa kanyang paglabas-labas, naririnig niya ang tsismisan ng mga tao. Hindi niya ugaling maki-tsismis, pero nakikinig pa rin siya sa mga usapan. Maging kay Vicky ay nakarating ang balita. “Ay nako Jess, ‘pag lalabas ka’t pupuntang palengke, ‘wag kang dadaan do’n sa may shortcut. ‘Yung paglabas mo e makikita mo ‘yung school natin.” “Bakit, ate?” Tanong ni Jessica, nagmamaang-maangan. “Ano raw nangyari?” “May nakita daw na dalawang patay do’n. May mga tuklaw daw ng ahas. Jusko Jessica, buti’t hindi ka naano kahapon no’ng do’n ka dumaan. Sa susunod, sumakay ka na lang sa tricycle para safe ka.” Kumportable naman silang pag-usapan ang paksa habang naghahapunan. Ang ulam nila ay ang dinuguang niluto ni Vicky. “Tuklaw daw ng ahas?” “Oo. Baka makamandag. ‘Di ko alam kung ano talaga nangyari sa kanila. Hindi pa nilalabas ‘yung result ng autopsy.” “Kailan daw nakita ‘yung bangkay?” pinipilit ni Jessica na magboses inosente, o normal. Batid niyang siya ang may kagagawan no’n.  Naisip niya ang posibilidad na sa pamamagitan ng mga nilalang sa loob niya, naging ahas siya. Kung naging bomba siya, hindi imposibleng maging ahas siya. Sa nagawa niya, papahirapan siya ng konsensya niya. Kahit masama ang dalawang ‘yon, sina Bart at CJ, hindi tama ang pumatay. Pero kasimbilis ng kidlat na nawala ang konsensya ni Jessica. Kani-kanina lang ay nabibigatan siya sa ginawa, pero biglang nawala ang kabigatan niya. Parang pinatay ng mga nilalang sa loob niya ang persona ng konsensya niya. Naalala niya ang sabi nila sa kanya, gagabayan namin ang emosyon mo. Kung wala na nga ang konsensya niya, magiging balewala lang sa kanya ang mga pagpatay na gagawin pa nila. “Kaninang umaga yata o tanghali. Basta ngayong araw lang. No’ng nakita nila ‘yung mga bangkay, malamang daw kahapon pa sila namatay. Kung di dahil sa Ford na nakatengga do’n e hindi nila agad sigurado makikita ‘yung mga bangkay,” tiningnan ni Vicky si Jessica nang deretso, “no’ng namalengke ka, ‘di ba do’n ka rin dumaan sa shortcut na ’yon? Wala ka bang nakita do’n o nadaanan na kung ano?” Kailangang maging maingat ni Jessica sa mga bibitiwang salita, “ah, meron, ate. ‘Yung Ford ang nakita ko. Akala ko nga e nasiraan lang ng makina ‘yung sasakyan. Hindi ko naman nakita kung may driver kasi madilim ‘yung salamin. Printed ba tawag do’n?” “Tinted.” “Basta ‘yon. ‘Di ko lang alam kung nando’n na ‘yung mga bangkay no’ng dumaan ako kahapon.” Sinisikap ni Jessica na maging normal sa pagsasalita. Ayaw niyang maipaalam kay Vicky, kahit ‘di sadya, na siya talaga ang may kagagawan sa pagpatay. Na nakipagsundo siya sa mga diablo na pumasok sa kanya. “Ano kaya ang ginagawa nilang dalawa do’n? Baka jumijingle tapos nakagat sa ano... sa leeg.” III Nang matapos hugasan ni Jessica ang mga pinagkainan, nagwalis-walis muna siya sa sala. Balak sana niyang manood sa Laptop pero ginagamit ito ni Vicky para sa thesis at wala nang karga ang baterya ng cellphone niya. Minsan niyang tinignan ang koleksyon ng mga nobela ni Vicky, pero titingnan pa lang niya ang mga pahina ay parang lalagnatin na siya. Ayaw naman niyang istorbohin si Vicky sa ginagawa para lang makipagkuwentuhan. Pumasok siya sa kuwarto niya’t nahiga na lang. Inaasahan niya na maririnig na naman niya ang usap-usapan ng mga boses sa ulo niya, ngunit wala siyang narinig. Wala pa. Iniisip niya ang mga nangyayari. Hindi niya alam kung tama ang ginagawa niya, ang mga pagpatay. Para bang bumalik ang konsensya niya, pero hindi na malakas. Hindi pa ito napapatay  ng mga demonyo sa loob niya. Maaaring ginagabayan nila ang emosyon niya. Hindi lang basta ginagabayan lang, ‘kinokontrol’ ang tamang salita. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay makokontrol nila ang emosyon, o kahit ang pag-iisip niya, gaya ngayong gabing nakahiga siya. Malaya siyang pagdudahan ang mga desisyon niya. Malaya siyang pagdudahan sila. Iniisip niya kung tama bang nakipagsundo siya sa mga nilalang na iyon. Kung mapagkakatiwalaan ba sila. Kung alyansa ba talaga ang isinusulong nila o... patibong. Naalala niya ang itinuro ng isang pastor nang minsan silang buong pamilya’y dumalo sa isang sunday service ng isang sekta. Itinuro na ang mga demonyo ay mga kalaban ng Diyos. Mga nilalang na puno ng kasinungalingan at kasamaan. Mga nilalang na gumahasa sa mga babae no’n at nagbunga ng mga higante. !! Ops! Jessica. ‘Wag mo kaming pagdudahan. Alyansa, ‘di ba? !! Nang marinig niya ito, nabatid niyang tapos na ang mga pagkakataong siya mismo ang kokontrol sa kanyang emosyon. !! ‘Wag ka maniniwala sa pastor na ‘yon! Baliw ‘yon! Kami ang paniwalaan mo, kami ang kakampi mo. Hindi kami puro kasamaan. ‘Di ba nga iniligtas ka namin mula sa tatay mong lasing saka sa mga manyak na kidnaper? !! Alam na ni Jessica na namanipula na ang isip niya, ang prinsipyo niya. “Oo, magkasundo tayo. Basta’t may usapan tayong ‘wag n’yong sasaktan si Ate Vicky,” !! Oo, pangako ‘yan. Saka nga pala, ‘wag kang mag-alala, hindi ka namin gagawing robot. May kakayahan kang pumili, gaya ng kung ano’ng shampoo ang gagamitin mo, o ano’ng teleserye ang papanoorin mo. Puwede kang pumili, hangga’t hindi ito makakasira sa mga gusto naming gawin !! Ayos na na nakakapili siya, hindi tulad ng mga nakikita niya sa mga palabas na kapag sinasapian, talagang walang kontrol sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD