Kabanata 8: Shortcut

1964 Words
I Halos isang linggo nang naninirahan si Jessica sa bahay ni Vicky. Simula no’ng gabing nasa kuwarto siya’t kinausap ang mga boses sa ulo niya, hindi nagparamdam ang mga nilalang kahit sa pamamagitan ng pinakamahinang bulong. Tahimik ang isipan niya nitong mga nagdaang araw. Sana lagi na lang ganito. May parte rin sa kanya na nag-aalala dahil sa kapayapaan ng isip niya. Naisip niya na ang mga nilalang ba na ito ay parang leon, tahimik bago umatake? Tinatanong niya sa sarili niya kung ano ang ginagawa nila, o ano ang balak nila. Malamang sila’y nagpapahinga, at hindi magugustuhan ni Jessica ang biglaan nilang pag-atake. Pero masaya pa rin siya dahi may tinitirhan. Maayos ang relasyon ng dalawa. Kapatid ang turingan nila sa isa’t isa. Masaya si Vicky na kasama niya si Jessica, gustong-gusto niya ng kapatid. Si Jessica, bumabawi sa pamamagitan ng paggawa ng mga gawaing bahay. Gusto niya, siya lahat ang gagawa, ‘yung ‘tipong wala nang kailangang gawing gawaing bahay si Vicky. Sinisikap ni Jessica na hindi maging pabigat.  Nang nasiguro niyang tapos na siya sa mga gawaing bahay, naupo siya sa sofa at nagcellphone muna. Ilang araw pagkatapos siyang kupkupin ni Vicky, binili siya nito ng cellphone, ‘yung hindi naman gaanong mamahalin pero maganda ang kalidad. No’ng una, tinanggihan niya, pero dahil mapilit si Vicky, walang nagawa si Jessica kaya tinanggap niya ang regalo. Naging motibasyon pa ito para pagbutihin pang gawin ang mga paraan na alam niya para makabawi. Isa dito ang paglalaba ni Jessica sa mga damit ni VIcky. No’ng una, hindi pumayag si Vicky, pero malakas ang dating ng dahilan ni Jessica kaya napapayag ang kaibigan. “Jess, alis lang ako. Pupunta lang ako ng palengke. Bibili lang ako ng ulam natin,” paalam ni Vicky bago buksan ang pinto para lumabas. “Ay, ate Vicky, ako na bibili!” pakiusap ni Jessica. “Tumigil ka nga riyan. Ang dami mo nang ginagawa. Malamang pagod ka na.” “Wala ‘yon ate. Saka tingnan mo, wala naman akong ginagawa ngayon.” “Sobra-sobra naman ‘yung ginagawa mong pagbawi ha. Ayaw kita gawing katulong.” “Ate naman. ‘Yaan mo na ‘ko. E kumpara naman sa mga tulong mo sa ‘kin, walang-wala ‘tong mga ginagawa ko.” Tama si Jessica, pero kahit kailan, hindi isinumbat ni Vicky sa kanya na kailangan niyang bumawi. Mabuti ang kalooban ni Vicky sa nakababatang kaibigan. Hindi siya nag-aabang ng ganti sa mga ginagawa niya kay Jessica. Masaya siyang tumutulong, sapat na iyon. “Alam mo, hindi mo naman kailangan bumawi eh.” “E masaya naman ako sa ginagawa ko para sa ‘yo ate. Di ba gano’n ka rin sa ‘kin?” Tinignan ni Jessica nang diretso ang kaibigan. “Kung ito lang pagbili sa palengke, e walang-wala ‘to.” “Hay. Sige na nga. Dahil mapilit ka,” iniabot niya kay Jessica ang pera at listahan ng mga bibilhin. “Mag-iingat ka ha. ‘Gang ngayon, uso pa rin ata ‘yung puting van na ‘yan.” Inihabol rin niyang iabot ang isang malaking bayong, “para eco-friendly.” “Maliwanag naman ate.” pagkasabi nito, binuksan ni Jessica ang pinto saka umalis. II No’ng sa Sapang Putol pa nakatira si Jessica kasama si Mang Jun, nilalakad lang niya hanggang palengke kahit halos dalawang kilometro ang layo kaya matinding pagod ang nararamdaman niya, sumabay pa ang nag-uumapoy na init ng araw. Ngayong kay Vicky na siya nakatira’t malapit na ang palengke, siguradong hindi na siya mapapagod. Habang naglalakad, may mga nakakasalubong siyang mga tao na kilala niya sa mukha at ang iba’y dating kapitbahay na kinumusta siya. Nagulat pa ang iba na sa kabila ng nangyari kay Jessica, tila ba ayos na ayos lang siya. Sa kanyang kaliwa’t kanan ay nagbubulung-bulungan din ang mga tao dahil alam nila ang nangyari. Sa bayan siya dumaan kaya’t maraming tao, marami siyang naririnig. Parang mga bubuyog. Pagkatapos ng ilang daang hakbang, may nilikuan siyang isang shortcut. Walang masyadong tao rito dahil ang paligid nito’y bukirin. May mga binebentang lote. May paisa-isang motor na dumadaan dito. Medyo nakakapagod dumaan dito kahit hindi gaanong mahaba dahil paahon. Sigurado ring hindi ligtas dumaan dito kapag gabi. Paglabas niya ng kanto ng shortcut na ito, bumungad sa kanya ang kalye kung saan nakatayo ang eskuwelahan niyang Vedasto College at isang gymnasium. Ilang liko-liko pa sa mga kanto, at nakita na niya ang palengke. Hindi naman araw ng palengke pero medyo marami pa rin angmga  tao. Nagsimula na siyang magderederetso para bilhin ang nasa listahan na binigay ni Vicky. III Sa dami ng binili niya, halos hindi na magkasiya sa dala niyang bayong. Ang nagpabigat dito ay ang binili niyang 3 kilo ng bigas. Bagama’t medyo kumikirot ang balikat niya sa pagbubuhat, hindi niya ito ininda. Para kay Ate Vicky. Lumiko siya sa shortcut na dinaanan niya kanina. Wala nang motor na dumadaan. Solo niya ang buong daanang ito, at hindi na siya masyadong mapapagod dahil pasulong na siya dadaan. Sa kalagitnaan, nakita niya ang isang Ford na sasakyan. Malamang ay may mayamang namatayan ng makina ng sasakyan. Hindi rin naman niya sila matutulungan kung sakali dahil wala siyang alam sa sasakyan. Nang nadaanan niya ang sasakyan, hindi niya makita ang driver dahil tinted ang salamin. Mukhang hindi naman nila kailangan ng tulong kaya nilagpasan lang niya. Sa kasamaang-palad, may nakita siyang lalaki na nakatayo hindi malayo sa sasakyan, si Bart, ang isa sa mga nagtangkang dumukot sa kanya no’ng gabing nasa waiting shed siya. May hawak itong cell phone na para bang may kausap sa kabilang linya. Agad na namang ginapangan ng takot si Jessica. Bagama’t maliwanag, wala namang katao-tao sa shortcut na ito. Kahit sumigaw siya ng saklolo ay walang makakatulong sa kanya. Naisip niya na ngayon ay siguradong wala siyang takas. Nginitian siya ni Bart na bahagya pang nagulat nang makita siya, lalo na ngayong maliwanag, “Long time no see ah. Mas maganda ka ‘pag wala kang pasa.” Napaatras si Jessica kahit hindi pa siya inaano ng nasa harap. “Layuan mo ‘ko.” “’La ka nang takas, miss.” Tatakbo na sana si Jessica sa kabilang direksiyon, pero tila nilayasan siya ng pag-asa nang makita niyang bumaba sa sasakyan si CJ, ang kasama ni Bart. Ang lalaking siguro’y eksperto sa budol-budol. “Kumusta na?” sabi ni CJ sabay ngisi. “Masakit pa rin ang ilong ko, alam mo ba ‘yon? Lakas mong sumuntok.” “Ba’t ba sinusundan n’yo ‘ko? Ano ba nagawa ko sa inyo?” “Gagi. Nakatambay lang kami dito kasi hindi gaanong matao dito. Naghahanap kami ng magandang dilag na pupuwede naming madale. Eh nagkataong dumaan ka dito. Ang tadhana nga naman,” sabi ni CJ sabay tawa ng pangungutya. Walang mahihingan ng tulong si Jessica. Ang nakikita lang niya sa paligid ay ang berdeng bukirin, dalawang hangganan ng shortcut, ang sasakyan, at ang dalawang lalaking mabilisang lumapit sa kanya. Nanlambot ang kanyang kasukasuan kaya nabitiwan niya ang hawak na bayong na pinaglalagyan ng mga pinamili sa palengke. Tumindig ang balahibo sa batok niya. Nakaramdam siya ng pagkahilo, saka nagdilim ang paningin niya. Narinig pa niya ang mga boses bago siya tuluyang nawalan ng malay. !! Puwede na ‘to. Gutom na ‘ko. Gutom na tayo. walang makakakita sa ‘tin. ‘Di ba Jessica? !! Inihahanda na ng dalawang lalaki ang kanilang sarili dahil sigurado silang papalag ang dadakping biktima, ngunit nakita lang nila na hindi man lang gumalaw si Jessica para pumalag sa kanila. “Ayos, Bart! Ayaw na lumaban nere!” Pagbubunyi ni CJ. Hinawakan niya si Jessica sa dalawang balikat para dalhin ang sa sasakyan. Hindi pa rin pumapalag si Jessica na tila ba sumuko na sa mga dadakip sa kanya. Nakita ng dalawa na blangko ang kanyang mukha. Walang emosyon. “Nabaliw na ata ‘re!” Isasakay na sana nila si Jessica nang biglang nagbago ang mukha nito; nanlaki ang kanyang mga mata at lumaki rin ang mga iris. Kita rin na humaba ang kanyang pangil. Nagsimulang manlamig ang dalawa sa nasaksihan. Napalayo si Bart, pero hawak pa rin ni CJ si Jessica sa balikat. Humarap sa kanya si Jessica at tiningnan siya nang deretso. Walang anu-ano’y kinagat siya ni Jessica sa leeg. Bumaon sa laman ng leeg ni CJ ang mahahabang pangil. Hindi nasiya nakasigaw sa sakit dahil bigla-bigla’y nawalan na siya ng buhay. May lason ang mga pangil ni Jessica, mas makamandag pa sa pinakamakamandag na ahas sa mundo. Tumumba ang wala nang buhay na si CJ. Nasaksihan ni Bart ang nangyari. Nakita niya ang mukha ng kasama, nanlalaki ang mata, at ang bibig ay nakanganga na parang sumisigaw. Tumulo rin ang napaka-itim na dugo mula sa mata, ilong, bibig, at tainga nito. Nilingon siya ng halimaw na Jessica. Tila ba napako ang kanyang paa sa kanyang kinatayuan at hindi makahinga sa takot na dala ng mga tingin ng kakaibang nilalang na ngayon lang niya nakita. “Masarap ‘tong kaibigan mo,” iba ang boses ni Jessica. Ang boses na ginagawa ng taong masakit ang lalamunan. Marami’t iba-iba ang mga boses niya, “masarap ka ba?” Nawala ang kanyang paninigas nang marinig ang mga salitang iyon. Hindi niya magagawang puntahan ang sasakyan at humarurot ng alis dahil nando’n ang halimaw, si Jessica. Ang nagawa na lang niya ay tumakbo sa kabilang direksiyon. Pinilit niyang bilisan ang takbo, habang kumakabog ang puso niya nang napakalakas na para bang gustong lumabas. Wagas ang agos ng pawis niya. Halos maiyak na siya sa takot, pero ito ang nagtulak para bilisan niya pa ang pagtakbo. Adrenaline. Nagpapaulan siya ng sunod-sunod na mura sa isip.  Nang may halos dalawampung metro na ang natakbo niya, nilingon niya ang kanyang likuran, nando’t nakatayo lang si Jessica. “Ayos, hindi na niya ‘ko susundan,” bulong ni Bart sa sarili. Bigla-bigla’y napunta si Jessica sa harap niya. Hindi nagteleport si Jessica, sadyang napakabilis lang nitong tumakbo, mas mabilis pa sa bala ng baril. Sa sobrang bilis ay hindi nasundan ni Bart ng tingin ang takbo nito. Nakita pa niya ang nakakatakot na ngisi ni Jessica, at ang mga tingin. Halos hindi siya makahinga nang mas makita nang malapitan ang mga tingin ni Jessica. Naramdaman na lang niya na may dalawang matulis ang bumaon sa kanyang leeg. Ang isa’y bumaon sa kanyang adam’s apple. Kasimbilis ng kurap ng mata ang kanyang pagkamatay. Tumumba siya nang wala nang buhay. Ang hitsura niya ay katulad ng kay CJ. Nagsimula na ring umagos ang itm na dugo mula sa mga butas ng kanyang mukha. !! Grah... putek! Bitin !! !! Ayos lang ‘yan. Basta’t nakakain na tayo !! !! Kahit papa’no nabigyan tayo ng lakas ng buhay nang dalawang ‘yon !! !! Ang sarap talaga ng buhay ng tao !! !! Lalo na ‘yung sa tatay niya !! !! Tama !! !! HAHAHAHAHAHAHAHAHAHA !! Kinaladkad ng mga libo-libong demonyo (gamit ang katawan ni Jessica) ang dalawang bangkay sa damuhan. Kinuha nila ang mga pinamili ni Jessica sa palengke. Sinigurado nilang walang naiwan. Nagkamalay si Jessica. Nakita niya ang sarili na nakatayo sa dulo ng shortcut, kung sa’n siya pumasok kanina. Bitbit niya ang mga pinamili. Tanaw niya ang Ford na nakita niya kanina. Hindi niya nakita ang mga lalaki. Parang may malamig na kamay ang dumakot sa puso ni Jessica. Nanlaki ang kanyang mata habang pinagmamasdan ang senaryo. Ano’ng nangyari? Kinakausap uli ni Jessica ang mga nilalang sa loob niya. Ano’ng ginawa n’yo kina Bart at CJ?! !! Hindi ka ba magpapasalamat? Tinapos namin... este... kinain namin ang buhay ng dalawang kulugo na ‘yon !! B-bakit?! !! Pinagtanggol ka namin! ‘Di ba kikidnapin ka ng mga ‘yon? Tinangka ka nilang dukutin no’ng gabing na sa waiting shed ka. Nakalimutan mo na ba? Ayaw mo ba no’n? !! Hindi ko alam kung kaya ko pa... tumigil na kayo. !! Hindi puwede, Jessica. Kailangan naming kumain. Saka pabor namin sa ‘yo ‘yan! Kung hindi kami kumilos, malamang pagsasawaan ka ng mga ‘yon !! Maraming tao kanina sa palengke. Bakit— !! ‘Pag may nakakitang pulis, malamang isang bala ka lang dahil hindi pa kami malakas. Patay ka. Mawawalan kaming tirahan. Jessica, kakampi mo kami. Magtutulungan tayo. Patitirahin mo kami, kami bahala sa mga kaaway mo, libo-libo kaming nasa loob mo. Pinagtanggol ka namin, makakakain pa kami. Tiwala ka lang, Jessica !! HIndi makapaniwala si Jessica sa sarili. Nakikipagsundo’t parang nakikipagkaibigan pa siya sa mga nilalang sa loob niya. Hindi niya napapagtanto na mga demonyo, libo-libong demonyo, ang nakikipagsundo sa kanya. Mga demonyo.   Sinungaling Puno ng kasamaan. Mapagpanggap.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD