I
Nagising si Jessica nang mapaso siya sa paa habang nakahiga. Nakita niyang nasa kuwarto pa rin siya, pero napapalibutan ng apoy. Nahihirapan siyang huminga dahil sa usok na nakukulob sa kuwarto. Wala rin siyang suot na kahit ano. Pawis na pawis ang kanyang hubad na katawan.
Hindi niya alam kung ano’ng nangyari. Ang huli niyang naalala ay bubuksan sana niya ang bintana ng kuwarto para sumigaw ng tulong saka nawalan siya ng malay.
Naalala niya na nalasing si Mang Jun at hinahabol siya ng baston. Naalala niyang kinandado niya ang pinto para makaligtas sa gagawing p*******t ng ama. Inilibot niya ang kanyang paningin para hanapin si Mang Jun. Puro apoy ang pumuno ng kanyang paningin, pero batid niyang nasa kuwarto pa rin siya.
Nakita niya sa pintuan ang isang itim na itim na tipak ng kung ano. Ito’y hugis ng isang tao. Hindi niya ito malapitan para tignan dahil sa lakas ng apoy, pero alam niyang tatay niya iyon. May (mga) nagsasabi sa loob niya.
Tinatanong ni Jessica sa isip kung ano’ng nangyari. Kung saan galing ang mga apoy. Hindi niya alam na sumabog siya na parang bomba, pero nanatili siyang buo. Hindi niya alam na siya ang may kagagawan ng lahat.
!! Walang anuman, Jessica !! Ang mga boses na naman sa ulo niya ang nagsasalita. Ang libo-libong boses. !! Iginanti ka na namin. !!
Kayo ang may gawa nito?
!! Tayo. !!
Ha?! Pa’nong naging tayo ang gumawa? Ba’t nadawit ako?
!! Alalahanin mo ang panaginip mo, Jessica. Hindi lang basta panaginip ‘yon. !!
Naalala ni Jessica ang pagpasok ng itim na usok sa kanyang bibig. Pumasok kayo sa ‘kin?
!! Kuha mo! !!
Ginamit n’yo ang katawan ko, para gawin ‘tong kaguluhan na ‘to?
!! Oo! Galing, ‘di ba? May powers ka na galing sa ‘min! Alam mo bang sumabog ka na parang bomba? Pero buhay ka pa rin. Kaya ka walang damit kasi nasunog dahil sa apoy na galing sa ‘yo! !!
Bakit ginamit n’yo ‘ko para patayin si Papa?
!! Ayaw mo no’n? Wala na ang papa mo? ‘Di ba galit ka rin sa Papa mo? Hindi lang sa Mama mo? !!
Hindi ko ginusto ‘to. Bakit n’yo ginawa?
!! Pabor namin sa ‘yo ‘yan. !!
Hindi niya alam kung kayang buhatin ni Jessica ang suliraning ito. Ang mga nagpaparamdam sa kanya ay nasa loob niya mismo. May mga hindi magandang mangyayari.
Sumisikip na ang paghinga ni Jessica, ilang sandali na lang ay siguradong mawawalan na naman siya ng malay. Hindi na rin niya kayang sumigaw para humingi ng saklolo. Lumuhod na lang siya sa sahig, iniiwasang tignan ang tustadong bangkay ni Mang Jun, at hinintay kung ano’ng susunod na mangyayari. Bubuksan sana niya ang bintana para humingi ng saklolo, pero nahaharangan ng apoy ang kanyang dadaanan.
Gusto rin niyang makahanap ng pantakip sa hubad niyang katawan.
Narinig niya sa sala ng bahay ang mga hakbang. Mga sigawan. “Dali! Tignan mo do’n sa isang kuwarto! Ako dito sa kusina!”
Lumuwag ang pakiramdam, hindi ang paghinga, ni Jessica nang marinig ang mga boses. May sasaklolo sa kaniya. Ang kailangan na lang niyang gawin ay maghintay. Hindi siya makagawa ng kahit anong ingay para marinig siya ng mga sasaklolo dahil nga nahihirapan siyang huminga. Sa sitwasyon ngayon, nasa hukay pa rin ang paa niya.
Sa kanyang paghihintay, narinig na naman niya ang mga boses sa isip niya, ngunit sa pagkakataong ito, hindi siya ang kausap. Tila ba sila-sila mismo ang nag-uusap.
!! Ano na? Ilabas na natin siya! !!
!! Malapit na siyang makita. Kaunting hintay na lang!!
!! E baka naman maabutan nila siya na tustado na katulad ng tatay niya !!
!! Kung tayo mismo ang maglalabas sa kanya, makakahalata na ang mga tao. Kailangan muna nating magtago. Hindi pa tayo ga’nong malakas !!
!! Pa’no nga kung mamatay na siya? Pa’no tayo? ‘De gagala-gala na naman tayo !!
!! Basta hintay lanng! Ba’t ba ang kulit mong demonyo ka?! !!
Nalilito si Jessica sa mga pinag-uusapan nila. Pero tumatak sa kanya ang sinabi ng isa. “Kung tayo mismo maglalabas sa kanya...” Alam niya ang ibig sabihin nito; gagamitin uli ng mga nilalang na ito ang kapangyarihan nila para kontrolin ang katawan niya palabas ng kuwarto, palayo sa panganib. Hindi lang niya alam kung sa paanong partikular na paraan.
“Miss, ‘wag ka mag-alala. Maki-cooperate ka lang, makakaalis din tayo dito,” sabi ng bumbero na nasa bungad na ng pintuan.
Nangiti na lang si Jessica dahil may sasaklolo sa kanya.
!! Sabi ko sa ‘yo e! !! sabi ng isang boses sa ulo niya.
Nilagpasan ng hakbang ng bumbero ang bangkay ni Mang Jun. Binitbit nito si Jessica. Nahihiya pa siya dahil hubad pa rin siya, pero mas inisip na lang niya ang kaligtasan niya.
Nabawasan ang nararamdaman niyang init sa katawan nang tuluyan na silang makalabas. Buhat pa rin siya ng bumbero.
Nagising ang mga natutulog no’ng gabing ‘yon. Dumami rin ang mga naki-tsismis. Pinanood nila ang pagtupok ng apoy sa bahay. Tumulong na rin ang ibang residente sa mga bumbero sa pagpatay ng apoy.
Ang nasusunog na bahay ng mag-amang Rosario ay nagmistulang malaking sulo sa gitna ng baranggay. Ang itim na usok ay umakyat sa madilim na langit.
Walang nagawa si Jessica kundi pagmasdan ang nasusunog na bahay. Inalala niya ang sarili. Pa’no na siya?
Ako ang may gawa nito, isip ni Jessica. Ginamit ako ng mga g*gong nilalang na ‘yon! Ba’t umabot sa ganito? Wala ito sa dapat mangyari. Umagos ang mga luha ni Jessica. Ba’t umabot sa gan’to ‘yung buhay ko? Ngayon mo sabihing mabuti ka! Ang tinutukoy ni Jessica ay walang iba kung hindi ang pinakamataas na lumikha sa lahat.
II
Nang dalhin agad siya sa pinakamalapit na ospital, ang tanging nakita ng mga doktor ay ang paso sa kanyang paa na hindi naman gaanong malala. Wala nang iba pang lapnos o nasunog na parte na nakita sa kanya.
Pero kumikirot pa rin ang mukha at braso ni Jessica dahil sa ginawa kanya ni Mang Jun, lalo na ang napagtanggalan ng ngipin niya.
Sabi ng mga doktor na hindi naman malala ang mga tinamo niya kaya puwede na siya agad makalabas ng ospital. Hindi naman nagkakomplikasyon ang baga niya dahil sa usok.
Kung lalabas man siya ng ospital na ito, wala na siyang titirhan. Malalayo ang kamag-anak niya, at malamang ay hindi nila alam ang nangyari.
III
Kinabukasan no’ng gabing iyon, sa kuwarto niya sa ospital kung sa’n siya nakahiga’t nagpapalakas, pumasok ang dalawang pulis. Parehong lalaki.
“Kayo ho ang nasunugan kagabi, miss, ‘di ba?” Tanong ng isa sa kanila.
“Opo. HIndi ko po alam ang nangyari.”
“Iniimbistigahan na po namin ‘yung nangyari. Sabi ng ilang nakakita, parang may sumabog daw do’n sa isang kuwarto, kasi nakita nila sa bintana na parang may nagliyab daw. Sinubukan pa daw nila kumatok pero wala daw sumasagot. Ano po ba nangyayari no’n, ma’am?”
Parang batang nakikinig sa kuwento si Jessica, isinasaisip ang mga naririnig. “Ah... naliligo ako no’n. Paglabas ko, puro apoy na,” walang banyo ang kuwarto ni Jessica.
“Tumawag daw sila ng bumbero, pero medyo natagalan kaya kumalat na ang apoy. No’ng nakarating na ‘yung mga bumbero, saka nga kayo narescue, ‘di ba. Pagkadala sa inyo sa ospital, ilang minuto pa saka nila napatay ang apoy. May narecover na bangkay. Ang sabi ng mga kapitbahay, tatay mo lang ang kasama mo sa bahay, tama ba?”
“Opo”
“Hindi pa po namin nakukumpirma kung tatay n’yo po ‘yon. Hindi pa namin nachecheck ang dental records niya kung mayro’n man. May nakita kaming singsing sa daliri ng bangkay,” inilabas ng pulis ang isang singsing na nakalagay sa isang maliit na resealable plastic, “sa tatay mo ba ‘to?”
Ang singsing ni Mang Jun ay may nakaukit na hugis ng bituin. Ayun mismo ang pinakita ng mga pulis kay Jessica, “Opo.” So, namatay nga talaga siya.
Tumango ang pulis, “Ipapaalam na po namin sa mga kamag-anak ang nangyari. Wala pa kaming nakukuhang contact nila. Meron po ba kayo?”
“Wala. Wala akong cellphone.”
“Sabihin n’yo na lang po ‘yung mga pangalan ng pinakamalapit para mapuntahan namin.”
“Puro malalayo ang mga kamag-anak ko. ‘Pag nakakuha po ako ng number nila, ibibigay ko na lang po sa inyo.”
“Maganda po sana kung hangga’t maaga matawagan na po natin para mapuntahan kayo. Unless po kung may matitirhan kayo dito. “
“Meron naman,” si Ate Vicky, “mag-aapartment na lang po ako. May ipon naman ako sa banko,” isa na namang pagkakataon kung sa’n hindi magaling sa pagsisinungaling si Jessica. “Gusto ko po muna magpahinga.”
“Sige po. Willing naman po magbigay ng tulong ‘yung kapitan sa inyo para sa mga pagkain, damit, saka renta ng apartment hanggang sa makuha ka na ng mga kamag-anak mo,” Pagkasabi nito, umalis na ang mga pulis. Sa mga nangyari, mas gusto niya munang magpahinga’t mapag-isa. Wala muna siyang ibang gustong maka-usap kundi si Ate Vicky niya.
!! Maiintindihan mo rin Jessica ang mga nangyayari. Unti-unti naming ipapaintindi sa ‘yo. !!
Tumigil kayo.
Narinig ni Jessica na bumukas ang pinto at pumasok sa kuwarto si Vicky. Umiiyak. Agad siyang nilapitan nito’t niyakap nang mahigpit. “Jusko Jess!!!” ito lagi ang ekspresyon ng kaibigan kapag may hindi magandang nangyari kay Jessica.
“Ate...”
“Ayos ka lang ba? Ano’ng nangyari?” sunud-sunod ang tanong ni Vicky habang humahagulgol.
“Ayos lang ako, Ate Vicky.”
“Sa ‘kin ka muna tumuloy ha! ‘Wag kang tatanggi! Hindi ka puwedeng tumanggi. Wala ka nang matitirhan. Sa ‘kin ka muna hangga’t hindi dumadating ‘yung mga kamag-anak mo.”
“Pero... sobra sobra na ‘yung mga ginagawa mong tulong sa ‘kin. Nakakahiya.”
“Wala akong paki! Basta sa ‘kin ka na tumira,” patuloy pa rin sa paghagulgol si Vicky, “’wag kang mahihya. Di ba ako lang naman ang nakatira do’n? Hindi naman sisikip ang bahay kung do’n ka titira.”
“Okay lang sa ‘yo, ate? Hindi naman ako magtatagal siguro.”
“Oo, naman. Baka hindi agad-agad dumating ‘yung kung sino mang magvo-volunteer na kupkupin ka.”
“Salamat talaga, ‘te. Kahit hindi mo ‘ko kaano-ano...”
“’Sus! ‘No ka ba? Walang wala ‘yon. Saka masaya nga kasi may kasama na ‘ko sa bahay. Siguro nga kaya hindi ako natuloy mag-aral sa Ateneo no’n at dito ako bumagsak sa Bulacan. It seems like this is the reason why.”
Naiyak si Jessica sa sinabi ng matalik na kaibigan. “Salamat talaga. Promise. Babawi ako ‘pag may chance.”
“No problemo. May dapat kang ikuwento sa’kin pag-uwi ha.”
IV
“Ah...nadapa ako ta’s nasiko ko,” pagdadahilan ni Jessica nang tinanong ni Vicky ang tungkol nabasag na salamin sa kuwarto niya. Hindi na rin gaanong halata ang sugat sa kamay niya dulot ng pagsuntok niya sa salamin.
Itinuro ni Vicky ang isa pang kuwarto sa ikalawang palapag din, katabi lang ng kuwarto ni Vicky, “So, diyan dati natutulog sina mama bago sila umalis. Dito na lang ‘yung kuwarto mo. May kama na diyan. Medyo malaki. May drawer na rin, sampayan, et cetera. May mga pinaglumaan akong damit. Sigurado kasya naman sa ‘yo. Then ‘yung mga miscellaneous ako na rin bahala.”
Napupuno ng patong-patong na pabor ang isipan ni Jessica. Kailangan niyang isantabi ang hiya, kahit mahirap, para magkaroon ng magandang buhay sa ngayon.
“Pa’no nga pala kung dumating ‘yung mga kamag-anak para kuhanin ka? Sasama ka na ba ‘matik sa kanila, o mamimili ka pa ng kamag-anak? Baka hindi mo kasundo ‘yung nagvolunteer na kumuha sa ‘yo.”
“Ako bahalang makipag-usap sa kanila, Ate. Basta, hihingi ako ng extension kung papayag sila.”
“Anong extension?”
“Sasama na ‘ko sa kanila. Pero i-rerequest ko na mag-stay muna ‘ko dito nang ilang weeks. Para makasama pa kita bago tayo magkahiwalay.”
“Oo nga pala, ‘no? Malayo nga pala ‘yung paglilipatan mo, malamang ‘yon. Pero gagawa ako ng paraan para mag-meet tayo. Pa’no nga pala, eh malayo ‘yung pinanggalingan nila tapos...”
“Ako bahala, ate. Kung hindi nila ako papayagan, ‘de ‘wag. Alis na agad.”
“Magpaabiso ka na agad.”
“Wala akong ma-contact sa mga kamag-anak ko.”
“Oo nga pala. Pero tigil muna ang komersyal. ‘Di ba may dapat kang ikuwento sa ‘kin?”
“Ay, oo nga pala.” Kanina pa inihanda ni Jessica ang mga sasabihin, pero hindi kabilang doon ang mga boses sa ulo niya, ang mga nilalang sa loob niya.
“By the way, sorry sa nangyari kay Mang Jun. Alam ko kahit gano’t sinasaktan ka niya, mahal mo pa rin siya. Sana isipin mo na tragedy ang nangyari sa kanya, hindi parusa. ‘Di ba ang plano lang natin ay maipakulong siya? Pero malala ang nangyari.”
“Oo nga, ate. Mahal ko pa rin si Papa kahit gano’n, at alam kong mahal rin niya ‘ko. Naging malakas lang talaga ang hatak ng kamunduhan. Pero may kasalanan siya, hindi lang talaga siya masisisi ko.” Si Mama talaga ang dahilan. kung ba’t nagkakagan’to buhay ko, hindi na niya idinugtong.
Hindi makahanap ng isasagot si Vicky sa sinabi ng nakababatang kaibigan.“So, ano nga nangyari kagabi?”
Ikinuwento ni Jessica nang iuwi siya ni Mang Jun. Nang mangako itong hindi na iinom. No’ng pumunta siya sa isang handaan at nalasing. No’ng sinaktan siya nito. Nang nagtago siya sa kuwarto. Ang huli, nang mawalan siya ng malay no’ng bubuksan niya ang bintana para humingi ng tulong.
Hindi ikinuwento ni Jessica ang panaginip niya, at kung ano sa tingin niya ang ibig sabihin no’n. Hindi rin niya sinabi ang paniniwalang siya ang dahilan ng aksidente, pati ang pagkamatay ni Mang Jun.
Napanganga na lang si Vicky sa ikinuwento ni Jessica. Hindi siya makapaniwala sa pinagdaanan ng kaibigan. “Jusko, Jess. Sigurado ka bang okay ka lang?”
“Okay lang talaga ako, ate,” natutukso siyang sabihin na sa kanya galing ang apoy at dahil dito, immuned siya dito.
“Saka ba’t halos wala kang galos? Ba’t parang walang nangyari sa ‘yo?”
Nahihirapang maghanap si Jessica ng imbentong dahilan. “E naliligo ako no’ng nangyari ‘yon. Kaya naka ano... nakahubad ako no’ng makita ako ng mga rescuers. Basta may ginawa ako no’n kaya hindi ako naabot ng apoy. ‘Di ko lang matandaan.”
“Baka naman ginamit mo ‘yung tubig sa banyo... tapos—“
“Parang gano’n. Ewan. Wala ‘kong maalala.”
“Well, sabi na rin naman ng doctor na paso lang sa paa ang mayro’n ka, kaya maniniwala ako sa ‘yong okay ka lang. Physically, at least.”
“Oo nga. Okay naman talaga ako.”
“Pero sorry talaga sa mga nagyari sa ‘yo. You don’t deserve it. Kung may problema ka, kausapin mo lang ako. ‘Wag kang mahihiya. Magkapatid na tayo ngayon.”
V
Pagkakain ng hapunan ay dumeretso na si Jessica sa kanyang bagong kuwarto. Nagpaalam siya kay VIcky na gusto niya nang matulog.
Ngayon lang nagkaroon ng magandang kuwarto si Jessica. Sa nasunog nilang bahay, nagtitiis siya sa hindi kumportableng papag at alikabuking pader.
Ang kama niya nagyon ay kumportable. Makapal ang kumot at malambot ang unan. Kahit sino ay madaling makakatulog sa ganitong klaseng higaan.
Pero si Jessica ay hindi makatulog. Pinoproseso niya ang mga nangyari. Kung ako ang may gawa ng pagsabog, malamang kaya ko pang gumawa ng ibang bagay, dahil sa kapangyarihan ng mga sumapi sa ‘king kung ano. Delikado ako. Ba’t nandito ako? Mapapahamak si Ate Vicky. Kailangan kong makaalis agad para hindi ko masaktan si Ate Vicky. O baka mas kailangan ko pang lumayo-layo para wala na ‘kong masaktang kahit sino.
Pamaya-maya’y narinig na naman niya ang mga boses sa ulo niya, pero tila sila-sila ulit ang nag-uusap-usap. Gaya ng kanina, nakinig lang si Jessica. Hindi niya alam kung sadya ba nilang pinaparinig ang usapan nila sa kanya.
!! Nakapasok na tayo. Kailangan na lang natin magpalakas !!
!! ‘Wag muna tayong basta-basta kikilos !!
!! ‘Pag nakahalata ang mga tao sa nangyayari sa kanya, delikado siya, delikado tayo !!
!! Unti-unti tayong magpapalakas. ‘Pag sapat na ang lakas natin, saka natin gawin ang malakihang pagsalakay !!
!! Pa’no ‘yung mga kalaban natin? !!
!! Basta’t kumain lang tayo nang kumain, lalakas din tayo !!
!! Kumain !!
!! Lalakas !!
Sinubukang makipag-usap ni Jessica sa mga nilalang na nasa loob niya.
Ano’ng kailangan n’yo sa ‘kin?
!! Ikaw ang kailangan namin mismo, Jessica. Kaya gagawin namin ang lahat para ingatan ka. ‘Pag namatay ka, mawawalan kami ng tirahan. Mahihirapan kami maghanap ng panibago, kaya mahalaga ka sa ‘min. Mahal ka namin! !!
Lumayas kayo sa ‘kin! Naalala niya ang napanood niyang pelikula na nakapagpalayas ng demonyo dahil sa sinasabi ng pari na “in Jesus’ name!”
Lumayo kayo sa ‘kin! In ano... in jesus’ name!
!! Ooooh, Jessica. ‘Di ba wala kang diyos? Wala kang pinapaniwalaang diyos. Galit ka sa diyos. Galit ka sa mga bagay na hindi mo pinaniniwalaan. Hibang ka !!
Bakit ako ang napili n’yo? Marami na ‘kong pinagdadaanan, dumagdag pa kayo!
!! Ang pagkakaiba, hindi kami basta suliranin. Maiisip mo rin kung ga’no kaseryoso ang pinagdadaanan mo ngayon, at wala ka nang magagawa !!
‘Wag n’yo na ‘ko gamitin sa kasamaan n’yo! ‘Wag na ‘wag n’yo na uli ako gagamitin sa pagpatay! Gaya ng ginawa n’yo kay Papa! May galit at lungkot kay Jessica. Namuo ang mga butil ng luha sa mata niya.
!! Hindi namin maipapangako ‘yan, Jessica. Kailangan naming pumatay para lumakas. Saka ‘di ba galit ka rin sa tatay mo? Ayaw mo ba na wala nang lasenggo na mananakit sa ‘yo? !!
Pinatay n’yo na si Papa—
!! Correction, Jessica. Pinatay “natin.” May bahagi ang emosyon mo kaya nagawa namin ‘yon! Pero ‘wag ka mag-alala, pagdating ng panahon, gagabayan na namin ang emosyon mo !!
‘Wag n’yong sasaktan si Ate Vicky! Kun’d,i papatayin ko ang sarili ko! Tignan natin kung sa’n kayo pupulutin.
Kung gagawin nga ito ni Jessica, magkakaroon ng dalawang magandang bunga; aalis na ang mga demonyo at hindi na siya makakapanakit ng iba, at mawawala na siya sa mundong malupit. Mundong pinapasilip ang pag-asa tapos ikukubli muli.
!! Hindi ka namin hinanap at pinasok para mawala lang agad agad. Tingin mo ba hahayaan ka namin na gawin ‘yang balak mo? !!
Gagawin ko!
Tumayo si Jessica at mula sa ibabaw ng drawer ay kinuha niya ang isang nail cutter. May talim iyon na ginagamit sa pagtanggal ng mga dumi na nakasingit sa kuko. Hinawakan niya nang madiin ang nail cutter at itinapat ang maliit na talim sa kanyang lalamunan.
Kaya ko ba ‘to?
!! Kaya mo nga ba? Kaya mo bang patayin ang sarili mo? !!
Hindi pa nauunawaan ni Jessica ang kaseryosohan ng kanyang gagawin. Hindi pa niya alam kung ano ang pakiramdam ng mamatay. Hindi pa niya alam kung ano ang naghihintay sa kanya pagkatapos ng kamatayan.
Nakatapat pa rin ang talim sa kanyang lalamunan. Bagama’t hindi gaanong malaki ang talim, siguradong nakakasawi ito. Basang-basa na ang katawan ni Jessica ng pawis. Tuyong-tuyo ang kanyang lalamunan. Nanginginig ang kanyang mga braso’t binti.
Nag-aalangan siya kung tama ba ang kanyang gagawin. Iniisip niya si Vicky, kung ano ang mararamdaman nito kapag nakita siya na nakahandusay sa sahig at naliligo sa sariling dugo, walang buhay.
!! Gawin mo na !!
Hindi. Hindi ko kaya.
!! Gawin mo na !!
Hindi...
!! GAWIN MO NA GAWIN MO NA GAWIN MO NA GAWIN MO NA !!
Ang pagpilit ng mga nilalang sa loob niya ay nagdulot ng bugso ng damdamin. Naglagay siya ng puwersa sa kanyang kamay na hawak ang nail cutter padiin sa kanyang lalamunan.
Tapos na... bakit ko ginawa?
Pero wala pa siyang nararamdamang sakit. Wala rin siyang naramdamang tumutulong mainit na likido mula sa kanyang leeg maliban sa sariling pawis na umaagos na parang talon.
Buhay pa siya.
!! Kung ‘di dahil sa ‘min, nakabaon na ‘yang talim sa leeg mo’t unti-unting mauubos ang dugo mo. Tignan mo’t buhay ka pa dahil sa kagagawan namin. Hindi lang kami basta mga espiritu na namamaha sa ‘yo. Ituring mo na rin kaming isang defense mechanism. IIngatan ka namin. At kahit ano’ng pagpapatiwakal ang gawin mo’y ‘di matutuloy !!
Umalis kayo sa ‘kin. IBa na lang...
!! Wala ka nang magagawa. Hindi na tayo magkakahiwalay. Pero alang-alang sa alyansa natin, ikaw at kami, hindi namin papatayin si Vicky. Pangako namin ‘yan. Ayos na tayo? Oo, ayos na tayo, um-oo ka man o humindi !!
Dumagundong ang salitang “alyansa” sa ulo ni Jessica. Hindi siya makapaniwala sa sarili na nakikipag-usap siya’t nakikipagsundo sa mga nilalang sa loob niya.
Isang tanong ang sumulpot sa kanyang isipan; tama ba ang makipagsundo sa (mga) diablo?