Mabilis na inayos ni Faye ang kanyang mga gamit. Balak niya sanang magtago sandali at hindi pumasok sa trabahong inalok ni Alessandro Romano sa kanya. Tiyak niya na alam nito kung sino siya at malamang sa hindi lang malamang ay may iba itong plano kaya nito gusto na magtrabaho siya para rito. Bahala na. Alam niya naman na mukhang hindi madadala sa pakiusapan ang lalaki dahil halos ilang buwan na rin siyang ginugulo ng mga alipores nito para magbayad ng utang ng kanyang ama na lampas na sa napag-usapang due date. Nasira na nga ng mga ito ang kanyang pintuan at natanggal na sa hamba sa lakas ng galabog at pagkatok ng mga ito.
Nang mailagay ang huling piraso ng kanyang lumang t-shirt sa loob ng travelling bag na kanyang bitbit ay isinuot niya ang baseball cap sa kanyang ulo at kaagad na lumabas ng kanyang giray na tahanan. Tinahak ng kanyang mga paa ang makitid at paikot-ikot na eskinita ng kanyang tinitirahang settlement area. Malalim na ang gabi at maliban sa iilang kalalakihang nag-iinuman sa may kanto, wala nang iba pang kinatatakutan si Faye kung hindi ang makasalubong ang isa sa mga tauhan ng mga Romano.
Loan shark. Sindikato. Marami nang narinig si Faye tungkol sa grupong iyon. At malas niya lang, dahil sa mga ito naisipang umutang ng kanyang ama ng itinaya nito sa casino. Palagi naman itong minamalas sa sugal kaya naman unti-unti silang nalubog sa utang. ‘Ni hindi niya na nga natapos ang kanyang pagkokolehiyo dahil na rin walang perang pampaaral. Kinailangan niyang magtrabaho nang maaga para lang may mailaman sa kanilang sikmura.
“Psst, Miss! Gabi na, a! Bakit hindi mo muna kami samahan dito? Pangako, ligtas ka sa ‘min…”
Nanlamig ang kanyang katawan nang marinig ang tinig na iyon. Isa sa mga tambay na nag-iinuman na naman sa may tindahan. Pilit na kinalma ni Faye ang kanyang sarili habang naglalakad papalayo. Kailangan niyang makasakay ng jeep kaagad. At makalayo.
“Snob mo naman, Miss! Ayaw mo bang sumaya sa ‘min?”
Mas lalo siyang nanlata nang mag-umpisang sumunod ang dalawa sa mga iyon. Apat ang tambay na nakita niya kanina at tiyak niya na hindi siya tatantanan ng mga ito hangga’t–
Napatigil siya sa kanyang paglalakad nang mapansin ang pigurang nakasandal sa mamahaling sasakyang nakahinto sa may hindi kalayuan. Nakasuot ito ng amerikanang kulay itim. Naninigarilyo habang nakapamulsa at nakatitig sa kanya. Hindi malaman ni Faye kung aatras ba siya o susulong. Sasalubungin niya ba si Alessandro Romano na pinagkakautangan ng kanyang ama, o aatras siya kahit na maaabutan siya ng mga tambay na halatang may balak na masama sa kanya?
Hindi pa man nakakapagdesisyon ay dumagundong ang malakulog na tinig ni Alessandro Romano. “Sakay na, Faye.”
Nag-alangan ang kanyang mga hakbang. Malay niya ba kung sa paglapit niya ay bigla na lamang nitong pilipitin ang kanyang leeg? Pero kung hihinto naman siya ay tiyak na malalagay din siya sa kapahamakan dahil sa mga sumusunod sa kanya.
Ang kanyang pag-aalangan ay tila ikinainis ni Alessandro. Dumiretso ito mula sa pagkakasandal nito at naglakad papalapit sa kanya. Napapitlag pa siya nang bigla siya nitong hawakan sa braso at hilahin pabalik sa sasakyan. Sa hindi kalayuan ay naririnig niya ang mga galit na pag-angal ng mga lasing na sumusunod sa kanya kanina lang. Marahan siyang itinulak ni Alessandro papaupo sa passenger’s seat. Ngumiti pa ito bago ikabit ang kanyang seatbelt at bahagyang kinurot ang kanyang pisngi. “Wait here. Don’t be stubborn.”
Napalunok siya nang isara ni Alessandro ang pinto ng sasakyan at hinarap ang mga lalaking sumusunod sa kanya. Bahagya niya lang naririnig ang usapan ng mga ito ngunit nagitla siya nang akmang hahampasin ng isa sa mga tambay sa ulo ang lalaki. Kaagad naman itong nakaiwas at nasuntok sa panga ang umatake rito. Tumimbuwang kaagad ang lasing na lasing na tambay at halos hindi makatayo, sargo ang ilong at bibig. Akma namang aatake ang isa sa mga kasamahan nito ngunit natigilan nang ipakita ni Alessandro ang nakasukbit sa may tagiliran nito. Baril.
Kaagad na nagsipulasan ang mga lalaki, hila-hila ang kasama nilang tila nabangenge yata sa suntok ng kanyang amo. Saglit pa nitong inayos ang suot nitong amerikana bago lumigid sa sasakyan at sumakay sa driver’s seat. Pinadaan nito ang kamay nito sa buhok at bahagyang ginulo iyon bago siya sinulyapan. Ikinabit ni Alessandro ang seatbelt nito at i-ni-start ang sasakyan. “Are you alright? Gabi na, Miss Barcoma. Hindi mo naman ako sinabihan na balak mong maging stay-in na kasambahay ko.”
“Sir, uuwi ako sa probinsya dahil may namatay kaming kamag-anak–” pagsisinungaling niya na kaagad niyang itinigil nang pagak itong tumawa.
“Or are you trying to run away? Don’t try to lie to me, babe. I already knew who you are the moment I saw you,” seryosong saad nito bago siya tinapunan ng tingin. “You’re trying to run away because of your father’s debts, am I right?”
Ang nakakatakot na aura sa mukha nito ang naging dahilan ni Faye para tumango. Ayaw niya na rin naman nang magsinungaling sa kanyang Sir Alessandro. Sukol na siya. Baka mas mapalala niya lang ang kanyang sitwasyon kapag sinubukan niyang magsinungaling. “Sir, pasensya na, pero hindi ko talaga kayang bayaran lahat ng utang ng tatay ko… Bed-ridden na si Mama, malaki ang bill sa ospital at kailangan ko rin namang kumain… Pasensya na, Sir–”
Nagpakawala ito ng malalim na buntong-hininga. “Were you being harassed by my men? Your father should have thought about that before taking a huge loan from us, Faye.”
Malungkot siyang napangiti nang banggitin nito ang kanyang yumaong ama. “Wala na rin naman nang saysay ang sisihin si Papa, Sir… Patay na, e.” Napalunok siya. “Pero Sir, seryoso po, humihingi po ako ng kaunting extension… Kahit na ilang linggo lang, Sir–”
“At kung bibigyan kita ng extension, paano ka naman hahanap ng limang milyon? No offense, babe. But your cleaning service job wasn’t really paying you enough.”
Namula siya sa sinabi nito. Napatungo. “Hindi ko alam, Sir… Pero gagawan ko ng paraan, pangako. Huwag niyo lang akong saktan–”
Mahina itong natawa. “Wait, who’s hurting who?” Nilingon siya ng lalaki. Pagkatapo ay muli nitong itinuon ang atensyon nito sa kalsada. “I’m not going to hurt you even though my brother wanted to make you fulfill your father’s obligations. Instead, I’m here to make an offer, Faye. Work for me. Be my housemaid or maybe, assistant. In return, I’ll personally handle your debts.”
“Sir, nakakahiya naman po–”
He shrugged as they reached the parking lot of his penthouse apartment. Ibinigay nito sa valet ang susi at sinenyasan siya na sumunod. Tila nahipnotismo naman na sumunod si Faye sa kanya. Kahit na malakas ang kabog ng dibdib dala na rin ng presensiya ni Alessandro Romano ay hindi magawa ng dalaga na humakbang papalayo. Kung tunay man ang alok ng lalaki, ito na ang huli niyang tyansa para makabayad sa utang ng kanyang yumaong ama.
Sumalampak ito sa sofa at binuksan ang butones ng suot nitong amerikana at polong puti. Sinulyapan siya nito at dumekwatro pa. “So, what do you say? I’m not going to force you to do something you don’t want to do, Miss Barcoma. But to be honest, if I were you, I'd accept this offer. I am a good master.” Napangisi ito. “Boss, I mean. I am a good boss.” Tumikhim ito. “I’m generous as long as you keep your end of the bargain. Ayaw ko na rin naman nang buwisitin ang sarili ko kaka-utos sa mga tauhan ko na guluhin ka o hanapin ka para bayaran ang utang na hindi naman ikaw ang may gawa.”
Bago sumang-ayon ay inipon niya ang lahat ng lakas ng loob na mayroon siya para titigan ang lalaki, mata sa mata. “E Sir, bakit niyo po ba ako tinutulungan? Hindi niyo naman ako kaano-ano at kalugihan pa ako sa negosyo niyo…”
Ngumiti lang ito. Ngunit hindi siya diretsang sinagot. Tumayo ang lalaki at ginulo ang buhok nito. “I’ll take that as a yes. Your room’s that one,” turo nito sa isa sa mga bakanteng silid sa penthouse. “Matulog ka na. It’s late already. Be sure to wake up early tomorrow because tomorrow is your first day. Impress me.”
At ganoon na lamang, iniwan siya ng lalaki na nagtataka. Ano ba talagang intensyon mo sa ‘kin, Alessandro Romano? Hindi mapigilang tanong ng isipan ni Faye bago sinunod ang utos ng kanyang bagong among nagkulong na sa silid nito.