IV

1637 Words
Bahagyang nakahinga ng maluwag si Faye noong mga sumunod na araw. Bihira lang kasi umuwi si Sir Alessandro at kung umuwi man ito, gabing-gabi na at hindi na siya ginigising pa. Ang tanging napapansin niya lang ay minsan may bahid ng dugo ang mga hinubad nitong damit. Hindi na lang siya nag-uusisa. Ayaw niya rin naman na alamin pa kung ano ang eksaktong ginagawa ng kanyang amo. Siguro halos lahat naman ng tao sa X ay alam kung sino ang mga Romano. Katulad ng mga Krasny, o ang mga Berlusconi, isa lang ang mga Romano sa hindi mabilang na mga grupong may legal at illegal na negosyo sa kanilang siyudad. Kaya naman hindi na siya nagtataka kung may bahid ng dugo palagi ang damit ng kanyang amo. Masuwerte nga lang siya at hindi niya dugo ang nakamantsa sa mamahaling damit ng kanyang pinagsisilbihan. Hindi niya rin naman masabing masamang amo si Vittorio Alessandro Romano. Kahit kailan ay wala itong ginawa na kanyang ikinatakot o ikinabahala, maliban sa minsang pag-uwi nito na may galos at pasa. Hindi rin naman ito madalas sa penthouse at binigyan din siya ng lalaki ng karapatan na manood sa cable TV o gawin ang kahit na anong gusto niya basta hindi niya papakialamanan ang mga personal na gamit nito at mga papeles sa trabaho at negosyo. Para ngang pakiramdam niya ay hindi siya kasambahay sa trato sa kanya ng lalaki. Minsan pa nga ay may uwi itong mga mamahaling damit na kahit tanggihan niya ay hindi nito tinatanggap pabalik. Ang tanging iniisip niya lamang at ikinakabahala ay ang palagian nitong paglalakad sa loob ng penthouse tuwing gabi na walang suot na saplot sa ilalim ng manipis nitong sleeping robe. Umiinom lang ng alak habang nakatingin sa labas ng bintana kung hindi man naninigarilyo sa may pool area. Hindi siya naiilang ngunit hindi niya rin mapigilan ang sarili niya na mapatitig at matulala sa kanyang amo. Hindi niya malaman kung nananadya ba ito o hindi dahil tila hindi naman nito napapansin ang pagnanakaw niya ng tingin. Napalingon si Faye nang tumunog ang digital lock ng front door ng penthouse. Bumukas iyon at iniluwa ng pinto ang hapong-hapo na pigura ni Alessandro Romano, ang mismong lalaking kanina niya pa iniisip. Inalis nito ang kurbata nito bago sinara ang pinto at saglit na sumalampak sa sofa. Kasalukuyan naman siyang nagluluto ng hapunan noong mga oras na iyon na kanyang itinigil upang tanungin ang kanyang amo kung may iba pa itong kailangan. "Sir, akin na po ang sapatos niyo at—" Ikinumpas lamang ni Sir Alessandro ang kamay nito at umiling. "No need. Dalhan mo na lang ako ng tuwalya sa banyo mamaya. I'll just rest and I'll take a shower before dinner." Tumango naman ang dalaga at kaagad na bumalik sa niluluto niyang chicken curry. Mabuti na lang at maaga siyang nagluluto ng hapunan. Sa ayos kasi ng lalaki ay mukhang pagod at gutom ito. Bihira lang itong kumain sa bahay kaya naman sinarapan talaga ng dalaga ang luto niya para ganahan itong kumain. Nang pinapalambot na lamang ang sahog na patatas ay saglit na naghugas ng kamay si Faye at nagtungo sa silid ng kanyang amo para kumuha ng tuwalya at bathrobe. Nang makuha ang pakay ay lumabas siya upang magtungo sa malaking banyo ng penthouse na malapit sa kusina. Kakatok sana siya nang mapansin na nakaawang ang pinto. Malawak iyon at may pinto ang bawat dibisyon sa loob kaya naman hindi takot si Faye na pumasok sa loob. Malaki ang isa sa dalawang banyo ng penthouse. May sarili itong shower area at toilet area na magkahiwalay. May malaki ring bathtub jacuzzi sa gitna ng silid na halatang pangmayaman. Kahit kailan simula noong kinuha siyang kasambahay nito ay hindi niya ginamit ang silid na iyon. Tanging sa kabilang banyo lang siya naliligo at umiihi o dumudumi. Tinawag niya ang pangalan ni Alessandro ngunit hindi ito sumasagot kaya naman dumiretso siya sa loob at inilapag ang kailangan nito sa may rim ng jacuzzi at akmang lalabas na nang sa kanyang pagtalikod niya ay nabunggo siya sa malapad na dibdib ng lalaki. "Sir Alessandro!" gulat na bulalas ng dalaga nang mapansin na tila kalalabas lang nito sa shower area. Basang-basa pa ang buhok nito at katawan. Ayaw niya nang dalhin pa pababa ang kanyang tingin dahil alam niya naman na wala itong— "Nananadya ka ba? Palagi mo na lang akong nakikitang nakahubad, Miss Barcoma," bahagyang nanunudyo na saad nito bago siya nilampasan at kinuha ang tuwalyang ipinatong niya sa tabi ng jacuzzi. Itinapis ni Alessandro iyon sa ibabang bahagi ng katawan nito at sumulyap sa kanya. "Ano pang ginagawa mo rito sa loob? You surely don't want to join me for a bath, do you?" Namumulang napatakbo palabas si Faye, habol ang kanyang hininga. Natutop niya ang kanyang bibig at nagsumiksik sa isang sulok ng kusina, hindi makapaniwala sa mga nangyari. Malay niya bang nasa labas ng shower area ang kanyang amo? Masyado itong magaan at mabilis gumalaw na hindi niya naramdaman ang presensya nito. Nang mapakalma ang kanyang sarili ay pilit niyang iwinaksi sa kanyang isipan ang pigura ng kanyang amo at naghain na. Hindi pa naman siya kumakain ngunit papaunahin niya na lamang ang kanyang Sir Alessandro dahil ayaw niyang maging awkward lalo ang sitwasyon. Nang makalabas si Alessandro ay wala pa rin itong saplot maliban sa bathrobe na kanyang dinala sa banyo kanina. Naupo ito sa kabisera at hinainan niya naman ito sa sarili nitong plato. Aalis na sana siya ngunit dumagundong ang tinig ng lalaki. "Sit. Join me for dinner." "Huwag na, Sir—" Sinulyapan siya nito. "Hangga't iniiwasan mo ako, mas lalo kong iisipin na may iniisip kang kakaiba, Miss Barcoma." Pasalampak siyang naupo sa upuang katapat nito. Tamilmil siya habang hinahainan ang sarili. Walang imik. Napalunok siya at nag-umpisang kumain habang wala ring imik ang kanyang kaharap. "How's your life here?" usisa nito bago uminom ng malamig na tubig. "Was my home too hard for you to clean? Masyado bang maraming labahin o…" Umiling siya at tipid na ngumiti. "Hindi naman, Sir… magaan lang po ang trabaho rito at hindi naman po maraming labahin… palagi po kasing bathrobe lang ang suot niyo—" Natutop niya ang kanyang bibig sa sinabi. Napatungo. Naiiling na tumawa naman ang lalaki. "Then maybe I should run around naked. Para wala ka na talagang labahin—" "Naku Sir, huwag! Please…" garagal ang tinig na gagap niya. Muling napalunok si Faye at napakamot ng batok. "Wala namang kaso sa 'kin, Sir kung maraming labahin. Basta… magdamit kayo at baka mapulmunya pa kayo…" Nagkibit-balikat lang ang kanyang Sir Alessandro. "Mainit. Naiinitan ako kaya hindi ako nagdadamit kapag nasa bahay. Nakasanayan ko na." Ogag ka ba, Sir? Ang lakas kaya ng aircon ng penthouse mo, sa isip-isip ni Faye. Ngunit hindi ba siya kumibo pa. Baka kung saan pa mapunta ang usapan nila. Hanggang sa kapwa silang matapos kumain ay hindi na umimik pa 'ni isa sa kanila ngunit pansin niya ang matamang pagtingin sa kanya ng kanyang amo. Mayamaya ay tumayo na ito at nagtungo sa may balkon habang siya naman ay naiwang naglilinis ng kanilang mga pinagkainan. Tahimik ang buong kabahayan maliban sa lagaslas ng tubig mula sa faucet na kanyang gamit at ang mahinang kalansingan ng mga kubyertos at platong hinuhugasan. Nang matapos ay kaagad siyang lumabas ng kusina ngunit bahagya siyang napapitlag nang makita ang pigura ng kanyang Sir Alessandro na nakasandal sa may haligi ng kusina. May hawak na bote ng alak. Tumikhim si Faye at ipinunas ang kamay niya sa kanyang suot na apron. Hinubad niya iyon at isinabit bago muling nilingon ang kanyang amo. "May kailangan ka po ba, Sir?" Nangunot ang noo nito at bahagyang natawa. Nilagok ng kanyang Sir Alessandro ang laman ng bote bago siya sinulyapan. "Tell me, Faye. Are you afraid of me?" "Ho?" Muli itong natawa. "Natatakot ka ba sa 'kin? You're flinching every damn time that I'm near. I'm not going to give you a heart attack, bella. " Parang natameme si Faye sa sinabi ng kanyang amo. Nang mahimasmasan ay umiling siya at hinagod ang kanyang batok. "Hindi naman, Sir… medyo naiilang lang ako kapag…" "Kapag ano, Faye?" usisa nito bago naglakad papalapit sa kanya. Napaatras naman si Faye na ikinatawa ni Alessandro. "Why are you stepping back?" "Sir…" mahinang bulong niya nang hindi pa rin ito huminto sa paglapit. Napalunok si Faye. "Hindi naman ako takot. Ano lang, huwag ka sanang lumapit pa— Sir naman, e…" May mga mumunting paruparong naglaro sa kanyang sikmura nang maramdaman niya ang malamig na pader ng kusina sa kanyang likuran. Wala na siyang maaatrasan pa. Bahagya siyang napapisik nang itukod pa ni Alessandro ang kamay nito sa pader, hinaharangan ang kanyang dadaanan. Bahagya itong tumungo upang magkalebel ang kanilang mga mata. Pigil ang hininga na sinalubong niya ang mainit na titig nito. Ang titig nito na… "What if I tell you that I don't… want you to be afraid of me, Glydel Faye?" bulong ng baritono nitong tinig. "What if I… actually want you?" "Sir, hindi mo naman ako kilala. Ilang araw pa lang tayong magkasama—" Tumawa ito. "'Yon na nga, e. Ilang araw pa lang kitang nakakasama, Faye. But you have been giving me these… thoughts since the moment you saw me naked." Nahigit niya ang kanyang hininga nang mas lalo pang lumiit ang distansya sa pagitan nila. Nanigas ang mga daliri ni Faye nang maramdaman niya ang pagtama ng hininga ito sa kanyang balat. Pakshet. Bakit hindi siya makagalaw? Hindi naman siya natatakot, alam niya iyon. Pero bakit— Tuluyan nang huminto ang ikot ng kanyang mundo nang hagkan siya sa labi ng lasing na si Alessandro. At ang hindi niya inakala, ay magugustuhan niya ang lasa ng mga labi nitong pinapait ng alak na palagi nitong iniinom.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD