"HEY MEN! WOOH!" Mula sa may pinto ay napaatras si Fabio.
Bukas kasi ang pintuan ng silid ni August kaya nagtuloy-tuloy lang siya sa pagpasok. Ngunit hindi niya inaasahan ang tagpong kanyang nasaksihan.
Ang naiisip ni Fabio ay maaabutan niyang nag-aaway sina August at Marinela. Bagay na normal na lang sa dalawa. Kaya naman nilakasan pa niya ang boses pagpasok niya. Gusto kasi niyang matigil na sa pag-aaway ang dalawa.
Ngunit hindi dalawang magkaaway ang naabutan niya. Kundi ang dalawang parehong nakasalampak sa sahig at mukhang sabik na sabik sa isa't isa. Magkayakap pa ang dalawa at halatang ayaw bitawan ang labi ng isa't isa.
Mabilis namang bumitaw si Marinela ng makarinig siya ng sigaw. Kilala niya ang boses na iyon. Kaya naman nitulak pa niya si August, dahilan para bigla itong mapasigaw ng mapahiga sa sahig.
Kaagad na tumayo si Marinela at nilapitan si Fabio. "Fabio mali ka ng iniisip. Alam kong may anak na si August at may asawa. Ako lang yata ang hindi nakakaalam. Lalo na at hindi ko man lang talaga nabalitaan ang bagay na iyon. Pero ngayon alam kong hindi sila kasal. Kaya mali ang iniisip mo. Hindi ko kayang manira ng isang pamilya. Wala rin ang asawa ni August dito. Inamin din niyang ako ang mahal niya. At mahal ko pa rin siya," humihingal na paliwag ni Marinela. Hindi pala siya halos humihinga habang nagsasalita. Kaya naman halos pangapusan siya ng hangin.
Napangiwi naman si Fabio ng mula sa likuran ni Marinela at halos hindi makabangon si August sa pagkakahiga. Hindi rin naman nito maituon sa sahig ang paa. Sa wari niya ay nasaktan ito nang itulak ito ni Marinela.
"Fabio nakikinig ka ba?"
Muli ay bumalik ang atensyon ni Fabio kay Marinela. Hinayaan muna niya si August para harapin ang pinsan.
"Alam ko at hindi mo kailangang magpaliwanag. Minahal naman talaga ng gagong iyan ang babaeng ina ni Augusta. Pero alam kong mahal mo pa rin iyan at mahal ka rin niya. Hindi sila kasal kaya huwag ka ng magdrama. Nauunawaan kita at nauunawaan ka nina mommy at daddy kung ituloy na ninyo ang love story ninyo. Para makamove on na rin ang mahal ko. Guilty pa rin si Ria dahil pakiramdam niya dinaramdam mo pa rin iyong pagpapanggap niya. So please lang. Sagutin mo na si Augusto ng maging masaya ka na rin."
"What? Bakit parang ang dali lang sa iyo na sabihin ang bagay na iyon? Kahit sabihing wala rito ang ina ni Augusta ay naging parte pa rin siya ng buhay ni August. Kung wala siya wala si Augusta. Alam kong minahal ni August ang babaeng iyon. Pero mahal ko siya. Kaya ipaglalaban ko si August."
"Ganoon naman pala. Pareho lang din naman pala ng gusto mo ang sinabi ko. Bakit ang dami mo pang sinasabi? Kung ako sa iyo ay aalalayan ko na si Augusto na makabangon at maiupo sa wheelchair. Kakaawa na oh. Hirap na hirap na eh."
Saka lang naalala ni Marinela ang sitwasyon ni August. Mabilis naman niya itong nilapitan at inalalayang makaupo.
"Sorry-sorry, nagulat ako kanina," ani Marinela.
Kahit totoo namang nahirapan sa pwesto niya si August at nasaktan ay matamis na ngiti pa rin ang isinagot niya sa pagsosorry ni Marinela. Wala eh, mahal niya.
Lumapit na rin naman si Fabio kay August para matulungan si Marinela na maiupo si August sa wheelchair nito.
"Thanks," ani August kay Fabio.
"No problem. So hindi na sasama sa akin si Marinela?"
"Kung ako ang tatanungin ay ayaw ko na siyang umalis dito. Pero gusto ko ang bukal sa kalooban ni Mari na manatili rito."
Napangiti naman si Marinela. "Hindi ako aalis kung totoong alam nina mommy at daddy ang lahat. Totoo bang alam nina mommy at daddy ang tungkol kay Augusta at dating may kinakasama si August? Hindi ba sila magagalit kung sabihin kong ipaglalaban ko si August sa ina ni Augusta?" nag-aalangan pa rin si Marinela sa desisyon niya. "And don't get me wrong, madaling mahalin ang bata. Napakagaan ng loob ko sa kanya. Kaya kung tutuusin ay mahal ko na rin talaga si Augusta," paliwanag pa niya.
Hindi dahil sa nagdadalawang isip siya sa pagmamahal niya kay August kaya siya nag-aalala sa sasabihin ng mga magulang nila. Kundi ayaw din niyang dumating sa puntong magalit sa kanya ang mga magulang ni Fabio, at isiping nagpalaki ang mga ito ng isang maninira ng isang pamilya. Dahil ang mga ito lang ang pamilya niya at mahal na mahal niya ang pamilyang kinalakihan niya. Kaya ayaw niyang magagalit ang mga ito sa kanya.
"Alam nila ang sitwasyon ni August. Na kahit may anak si August sa iba ay gusto pa rin nila si August para sa iyo. Kahit ako ay wala akong ibang gusto para sa iyo kundi ang isang iyan. At kung ipagkakatiwala rin lang naman kita di kay August na."
"May inililihim ba kayo sa akin? Bakit parang ang daling sabihin ng mga bagay na iyan sa inyo? Parang sigurado kayong hindi na babalik ang mommy ni Augusta. Babae ako, at kahit gusto kong ipaglaban ang pagmamahal ko kay August. Gusto ko pa ring lumaban ng patas."
"Marinela, Marinela, ang gulo ng isipan mo. Ito ako ang magpapaliwanag. Napikot si August at naging resulta ay naging anak niya si Augusta na inaanak ko. Basta iyon 'yon. Okay. Itinago pa noong una ng nanay ni Augusta ang pagbubuntis niya. Sa huli nalaman din ni August ang totoo. Isa pa, oo minahal ni August ang babaeng iyon mahal na mahal. Kaya lang madaming nangyari. Sa ngayon ang mahalaga mahal ninyo ang isa't isa. Isa pa huwag mong pababayaan ang anak ninyo---," natigilan si Fabio.
"Ha?" naguguluhang sagot ni Marinela.
"I mean, kasi mahal mo si Augusta ay dapat ituring mo siyang anak mo. Inaanak ko iyon. Syempre anak ni August kaya dapat ninong ako. So ayan, may basbas na galing sa akin ang pagsasama ninyo. Sana lang maging masaya kayong dalawa. At Marinela, be happy."
"Thank you Fabio," ani Marinela na naiiyak pa.
"Thanks Fabs. The best ka talaga."
"Ikaw pa ba. Lakas mo sa akin eh," sagot ni Fabio. "At sa iyo ulit Marinela, gusto ko lang din naman talaga ay maging masaya ka. Kaya huwag mo na munang isipin ang ina ni Augusta okay. Kung totoong mahal mo ang bata, mahalin mo lang. Tulad ng sinabi mo kanina na mahal mo na si Augusta. Kaya naman, enjoy mo lang na kasama sila habang inaalagaan mo si August. Lalo na at kasalanan mo naman kaya nagkaganyan iyan."
"Weak kasi ang isang iyan. Pwede namang huminto at mag-isip. Banggain ba ang concrete barrier."
"Kasalanan ko na, okay. Parang kanina lang mahal na mahal mo na ako, at ako pa rin mula noon hanggang ngayon. Pero inaaway mo na naman ako."
"Ako ang inaaway mo. Bakit dahil mahal pa rin kita at mahal naman talaga kita, wala na akong karapatang awayain ka?"
"Eh, aalis ka pa ba? O dito ka na lang sa poder ko kahit awayin mo pa ako."
"Hindi ako aalis, matatahimik kasi ang buhay mo," ani Marinela kaya napailing na lang si August. "Nga pala Fabio, pasabi kina mommy at daddy thank you. Kasi kung hindi nila ako pinilit na alagaan si August. Siguro hanggang ngayon, galit pa rin talaga ako sa pilay na iyan. Mag-uusap ba kayo? Sige puntahan ko muna sina Manang Tessa at Augusta. Lalabas muna ako August. Kababati lang natin, inaaway mo na naman ako," dagdag pa ni Marinela.
"Marinela!" sigaw August na hindi na niya napigilan dahil sinipa na naman ni Marinela ang paa niya. Hindi na rin nila naabutan ang dalaga nang mabilis itong lumabas ng silid.
Nailing na lang si Fabio. "Gusto mo ba talaga ang isang iyon? Mahal mo pa rin? Mukhang lulumpuhin ka na talaga ng husay e."
Napangiti na lang si August sa sinabi ni Fabio, sa kabila ng pagtitiis niya sa sakit. Sa ginawang pagsipa na naman ni Marinela sa paa niya. Wala naman siyang magawa, mahal niya eh.
Nilampasan siya ni Fabio. Nasundan na lang niya ito ng tingin. Hanggang sa yumuko si Fabio at may dinampot sa sahig na papel. Papel na kanina lang ay hawak niya. Nahulog pala iyon kanina, na akala niya ay nailagay niya sa bulsa.
"Here," anito. Iniabot nito sa kanya ang bagay na iyon. "Wala ka ba talagang balak umamin?"
Napabuntong-hininga na lang siya. "Wala, at wala akong balak sabihin."
"Hindi ka pa ba napapagod? Ako kasi ang napapagod para sa iyo. Kahit sina mommy at daddy, awang-awa na sa iyo."
"Kung siya rin lang naman ang dahilan, hindi ako mapapagod hindi ako masasaktan. Ayaw ko siyang biglain. Ayaw kong pilitin niya ang sarili niya. Masaya naman akong nakakasama siya. Lalo pa ngayong mahal pa rin niya ako. Ngayon pa ba ako susuko."
"Pero sobrang tagal na. Paano kung---."
"Kahit hindi na niya maalala. Hindi na iyon mahalaga. Ang mahalaga ay mahal niya ako at mahal ko siya. Ang ngayon lang ang mahalaga sa akin Fabio. Mas gugustuhin ko pa ang ganito kahit may nakalimutan siya. Kaysa naman sasabihin ko ang hindi niya maalala. Tapos ano? Pipilitin niyang alalahanin ang bagay na iyon. Pero pag hindi niya maalala, baka kung ano pa ang mangyari sa kanya. Hindi ko hahayaang mahirapan na naman siya. Ngayon pa ba na maayos na ang kalagayan ni Augusta. Ngayon pa bang kasama na namin s'ya."
"Kaya magtitiis ka na lang ng ganyan?"
"Choice ko ito, kaya ayos lang. Masaya ako lalo pag masaya siya. Isa pa mas mabuti ng ganito. Lalo na at hanggang ngayon, hindi ko pa rin nahuhuli ang may kagagawan kung paano nangyari ang bagay na iyon sa kanya."
"Wala ka pa ring lead sa totoong nangyari?"
"Hindi na ako sigurado sa nangyari. Lalo na at kababalik ko pa lang tapos nangyari pa ito. Kasalanan ko naman ito. Kaya ayos lang."
"Ano na ang progress sa kaso?"
"Ang alam ko lang hindi siya pupunta sa lugar na iyon kung walang matinding dahilan. Kung may nakausap siya ay hindi rin ako sigurado. Walang CCTV sa lugar na iyon. Nahuli naman ang driver ng sasakyang nakabangga sa kanya. Ang nakakapagtaka, para daw kasing lasing na bigla na lang siyang tumawid. Kaya nahagip ng sasakyan. Paano siya malalasing ay nagdadalangtao siya? Ang hindi ko kasi maintindihan ay paano nangyari na isang buwan siyang walang malay. Pero minor lang ang aksidente niya. Kaya nakalaya ang driver. Higit sa lahat, parang wala siyang nakalimutan. Pero hindi iyon ang katotohanan. Alam kong may mali. Para mangyari na malagay sa bingit ng kamatayan ang anak ko. Kahit sobrang healthy naman niya. Naguguluhan pa rin ako. I'm sorry Fabio."
"Nah! Nauunawaan ko. Hindi mo kailangang humingi ng tawad. Alam kong magkakaroon din tayo ng sagot sa mga tanong natin. Magbabayad rin ang dapat magbayad."
"Thank you Fabs."
"Welcome. So uuwi na ako. Ikaw na ang bahala kay Marinela."
"Walang problema," sagot niya.
Sabay na silang nagtungo sa labas. Tulak-tulak ni Fabio ang wheelchair niya. Naabutan nila sa kusina si Marinela at nasa tabi ni Augusta habang kumakain ang bata.
Nagpaalam na rin si Fabio na uuwi na muna. "Babye, pu!" ani August at nagbless pa kay Fabio.
"Kumain ka ng marami para mabilis kang lumaki, okay," ani Fabio sa bata.
"Okay pu, Ningnong!" sagot ni Augusta na ikinangiti ni Fabio.
"Hindi ka na ba muna kakain?" alok ni Marinela.
"Hindi na. Hindi pa kumakain si Ria. For sure hihintayin pa akong kumain ng mahal ko."
"Corny mo. Sige na. Salamat at ingat ka," ani Marinela, at tuluyan na ngang umalis si Fabio.
Nabaling ang tingin niya kay August. Ngayon lang ulit niya naalala na hindi pa nga pala ito kumakain, mula pa kaninang tanghali.
"Kakain ka na?"
"Sige," tipid na sagot ni August. Inalalayan naman ni Marinela na mailapit si August sa may lamesa.
Tinawag na rin naman ni Marinela sina Manang Tessa at Mang Julio para sabay-sabay na silang kumain.
Naging magaan ang pagdulog nila sa hapag. Alam ni Marinela na malaki ang pagbabago sa sitwasyon nila ni August. Pagbabagong mas lalong nagpagaan sa kalooban niya. Mas lalo siyang naging at home sa bahay nito. Kahit noong unang tungtong pa lang niya sa bahay na iyon ay parang may pamilyar na damdamin na siyang nadarama.