Tahimik na lumuluha si Riva habang panay naman ang punas ni Logan sa mukha niya. Panay ang alo ng binata sa dalaga para kumalma ito kahit na papaano. Maging sina Sinag at Luna ay nag- aalala rin sa dalaga ngunit wala itong magawa dahil hindi pa rin sila pinapakawalan.
"Tahan na, Riva, wala naman nakakita. I was there, swear, natakpan ko agad..." alo nito sa dalaga.
"What just happened?! Hija, are you okay??" humahangos na tanong ni Leona at agad na niyakap ang dalaga.
Isang tipid na ngiti at marahang tango ang isinukli ng dalaga habang pinipigil ang pagtulo ng luha niya. Pakiramdam niya ay naging isang ina ang ginang sa kanya dahil sa pag-aalala nito sa kanya.
"Zeth!! Hindi ba sinabi ko sa'yo na ayusin lahat bago palabasin lahat ng mga model para maiwasan ang mga ganitong pangyayari, hindi niyo ba tsinek maiigi 'yan! How can you let this happen?!" pagalit na sita ng butihing ginang sa nagha-handle sa kanila.
"Inayos naman po namin Madam, wala rin naman kaming ideya na magkakaroon ng wardrobe malfunction sa part ni Riva." natatarantang paliwanag ni Zeth ngunit sinimangutan ito ni Leona na bakas ang pagkadisgusto niya sa nangyari.
"Logan, ihatid mo na muna pauwi si Riva, baka hindi na niya kayanin na ituloy ang fashion show. Mas makakabuti na magpahinga na muna siya pansamantala." Utos ng ginang sa binata.
"Pero may isa pa po kaming-"
"No hija, you should rest... You've done enough already."
Sasagot pa sana ang dalaga nang biglang pumasok si Faith at agad nitong inaya si Leona papalabas ng dressing room ng dalaga. Lingid sa kaalaman ng dalawa ay nakasunod sa kanila ang dalawang lambana na gustong makasagap ng tsismis.
"Ma'am Leona, nakita ko na po ang cctv at nakita po na ang huling pumasok sa kwarto kung saan nakatambak ang mga damit ay si Erin. Siya lang po ang bukod tanging pumasok roon na modelo kahit na hindi naman siya dapat na andoon ng oras na iyon!"
"Are you sure about this? Kung ganoon may posibilidad na si Erin ang nanabotahe ng damit ni Riva?!" namumula sa galit na sabi ng matanda.
"Opo, Ma'am!"
"Hindi ko ito mapapalampas! Sa ginawa niya hindi lang ang modelo ang nasira niya kundi maging ang kumpanya ko!"
"Ano pong gagawin natin, Ma'am?"
"I want to talk to her after the show, papuntahin mo siya sa office ko" sagot ng ginang bago ito lumabas para samahan ang mga bisita nila.
"Tingnan mo Luna! Sabi na nga ba at ang bruhang iyon ang may pakana ng lahat eh!" umuusok ang ilong na wika ni Sinag sa kasama.
"Naghahanap talaga siya ng sakit ng katawan, sa lahat ng kakalabanin niya si Riva pa!"
"Alam mo ba kung ano ang naiisip ko, Luna?" nakangising wika ni Sinag sa kasama.
"Tinatanong pa ba yan, Sinag?" nakangisi ring sagot ni Luna.
Isang makahulugang tinginan pa at agad na nagtungo ang dalawa pabalik kay Riva.
"Logan, pwede mo ba akong ikuha ng tubig?" mahinang pakiusap niya sa binata na agad naman nitong sinunod.
"Riva!!!" matinis na sigaw ni Luna habang papalapit na sila sa dalaga.
"Saan kayo galing na dalawa?! Nag iiiyak ako rito tapos iiwanan nyo na lang ako basta basta" sita niya sa mga ito.
"Pwede bang pakawalan mo na kami?" nagmamadaling wika ni Sinag.
"At bakit ko naman gagawin 'yon, aber?!"
"Parang awa mo na, hindi mo pa ba kami napapatawad" Sige na naman ohhh" muling pakiusap ni Sinag sa dalaga.
"Oo nga naman Riva, sige na, pakawalan ko na kami, pleaseeeeee!" pagpapacute naman ni Luna dito.
"Pakakawalan ko kayo pero ipangako ni'yo munang magbebehave na kayo, maliwanag? Ayokong me mababalitaan na may ginawa na naman kayong kalokohan."
"Maliwanag pa sa sikat ng araw, Riva" ani Sinag habang nakikipag apir kay Luna.
"Suguraduhin niyo lang! Kung hindi lagot kayo sa'kin" aniya sa dalawa bago ito pinakawalan sa bula na kinalalagyan nila.
Magsasalita pa sana siya ng biglang dumating si Faith na may dalang tubig.
"Hi Riva, pinapabigay 'to ni Sir Logan" nakangiting anito sa kanya sabay abot ng tubig.
"Nasaan si Logan?" takang tanong niya.
"Kinakausap ni Ma'am Leona, nalaman kasi namin na si Erin ang me gawa ng nangyari sa'yo.."
"Si Erin na naman?" nakasimangot na anas ng dalaga sa kausap. Hindi na nito napansin ang unti-unting paglayo ng dalawang lambana para sugurin ang demonyitang si Erin!
"May isa pang show. 'yong pang finale n'yo na. Rarampa ka pa ba o uuwi na? Kasi sabi ni Maam Leona uwi ka na lang daw eh.."
Saglit na nag isip ang dalaga at makaraan ng ilang minuto ay agad siyang napangiti.
"Tatapusin ko ang show. Ipapakita ko sa Erin na 'yan na hindi ako basta susuko sa kamalditahan niya" pinal na sabi niya bago lumabas para maghanda sa kanyang huling pagrampa. Titiyakin niyang mas papalakpakan siya ng mga manonood kesa kay Erin.
"Let's go home..." yakag ni Logan ng makasalubong siya nito papalabas ng pinto.
"No. I'll stay!" determinadong sagot ng dalaga at iniwan ang binata na lihim na namamangha sa determinasyong pinapakita nito. He was amazed on where did she get the courage to continue when she was sulking like a baby awhile ago.
****
Samantala inis na inis si Erin kapag naaalala niya kung papaanong saklolohan ni Logan si Riva. Kitang kita niya kung papaanong takpan ni Logan ang katawan ni Riva at buhatin ito papunta sa backstage. Imbes na mapasama ang dalaga ay lalo pa itong napalapit kay Logan kaya naman triple ang inis na nararamdaman nito.
Lingid sa kaalaman nito ay kanina pa siya pinagmamasdan nina Sinag at Luna at tila pinagpaplanuhan nito kung ano ang parusang igagawad sa maldita.
"Ano kayang magandang gawin sa kanya..." problemadong anas ni Luna habang iniikut-ikutan si Erin.
"Eh 'di ibalik sa kanya ang dapat sana ay mangyayari kay Riva, tiinatanong pa ba 'yan?" nakangising ani Sinag sa kasamahang lambana.
"Ngayon lang ata tayo magkakasundo pagdating sa kalokohan Sinag!" nakangiting sang-ayon ni Luna rito.
***
Nakahanda na ang lahat ng modelo at naghihintay na lang na palabasin bawat isa. Nakiusap si Riva na paunahin siyang parampahin kesa kay Erin at agad naman siyang pinagbigyan ng naghahandle sa kanila. Nag aalburoto tuloy si Erin ngunit wala itong nagawa dahil mas pinaboran ng mga ito si Riva.
Napakaganda ng ngiti ni Riva at sa bawat indak at pilantik ng bewang niya ay talaga namang napapanganga at pinapalakpakan siya ng mga manonood. Bigay todo nga kumbaga at lahat ng iyon ay na witness lahat ni Erin kaya lalo itong naiinis. Nang ito naman ang rarampa ay agad nitong nginisihan si Riva na pabalik na sa backstage.
"Watch me, I can do better!" anito kay Riva bago ito inirapan ng masama. Wala itong kamalay-malay na may mangyayari sa kanyang masama sa pagrampa niya.
"Watch me ka pang nalalaman ha!" asik ni Sinag habang unti-unti nitong hinihipan ng mahiwagang pulbos ang buong katawan ni Erin habang naglalakad habang si Luna naman ay abala sa pag asikaso sa buhok ni Erin.
Lahat ng audience ay biglang natahimik ng makita ang paglakad ni Erin at lihim yung ikinagalak ng dalaga. Sa isip nito ay naglalaro ang mga katagang siya ang reyna ng catwalk at walang makakatalo sa kanya. Todo kembot at ngiti pa ang dalaga habang wala itong kamalay-malay na nagmistula ng walis tambo ang buhok niya dahil nakatayo na ito pataas. Unti-unti na ring nagsilabasan ang mga pantal sa katawan niya na dulot ng pulbos na nilagay ni Sinag. Nagmukhang pangit si Erin dahil sa napakaraming pantal sa buong mukha at katawan.
Lahat ng taong nanunuod ay nagsigawan na dahil sa takot bagay na ipinagtaka ang dalaga lalo na ng mapansin nito na siya ang kinakatakutan ng mga ito. Pagtingin niya sa malaking screen kung saan siya nakavideo ay biglang nanlaki ang mga mata ng dalaga at malakas na napatili sabay takbo pabalik sa backstage habang pinagtatawanan naman ito ng mga kasamahang modelo.
"Ayos!!!" ngiting tagumpay na sabi ng dalawang makulit na lambana habang tinitingnan si Erin na natataranta sa hitsura nito.
Pinandilatan ni Riva ang dalawang lambana at pinapalapit sa kanya. Alam ng dalaga na nagawa lamang iyon ng dalawa dahil sa kamalditahan ni Erin, gayunpaman ay hindi pa rin niya ito mapapalampas dahil mukhang sumobra ang dalawa sa pagpaparusa.
Agad namang lumapit ang dalawa sa dalaga na parehas pang naka peace sign para hindi sila makatanggap ng matinding parusa.
"Okay lang na parusahan mo kami Riva, basta ang mahalaga naipaghiganti ka namin!"magkasabay na wika ng dalawa ng makalapit ang mga ito sa dalaga.Hindi na lang sumagot si Riva dahil madaming tao. Kaya naman hindi na rin napansin ni Riva na may isang pares ng mga mata ang nakatitig sa kaniya maging sa dalawang lambana na alaga niya.
Halos hindi pa rin makapaniwala ang lahat sa nangyari kay Erin. Maging sina Leona at Logan ay wala ring ideya kung bakit iyon nangyari sa dalaga. At maging si Riva ay hindi na nagsalita tungkol sa bagay na iyon dahil ayaw din naman niyang mapahamak sina Sinag at baka mapagkamalan lang siyang baliw. Muli niyang ginamit ang kapangyarihan para mapagaling si Erin at maibalik ang dati nitong anyo. Pinagalitan niya sina Luna sa ginawa ng mga ito kahit pa sabihing naghihiganti lang ang dalawa sa ginawa sa kanya ng dalaga.
***
Ilang araw ang nagdaan at nagpasa na ng resignation si Erin dahil sa malaking kahihiyan at takot na dinanas nito, Nagbabalak nang magpunta sa ibang bansa at doon na manirahan para maitago ang sarili sa kahihiiyan. Hindi na rin nagtangkang pigilan ni Leona ang dalaga dahil sa pananabotahe nito kay Riva na pati ang kumpanya niya ay apektado.
Kinailangan ulit nilang maghanap ng isa pang modelo na siyang papalit sa pwesto ni Erin.
"Grabe 'yong nangyari kay Erin 'no? Akala mo pinaglaruan ng impakto, hahahahaha!" tuwang sabi ni Faith kay Riva isang araw habang nanananghalian sila sa canteen.
"Aray ko bes, impakto talaga bes? Gusto mo pati ikaw maparusahan din, hmp!" tila naiinis na wika ni Sinag ng marinig ang sinabi ni Faith.
"Tigilan mo 'yan Sinag, ayaw ko makulong ha!" ani Luna sabay pingot ng ilong ng kaibigan.
"Kaya nga eh, pero balita ko okay na raw siya at aalis na ng bansa." Sagot ni Riva.
"Natakot na 'yun, mas maiigi nga 'yong wala siya dito. At least andiyan ka Riva, magkasundo tayo!"
"Korek..." natatawang sagot niya kay Faith sabay kindat.
Naging kasundo niya kasi ang sekretarya ni Leona dahil sa pagiging masiyahin nito.
"Hi, Riva..." bati ni Logan nang makalapit ito sa kanila.
"Ikaw pala, Logan, ano'ng meron?" takang tanong niya sa binata.
"Invite sana kita, pupunta ako sa Baguio bukas. Gusto mo sumama?" nakangiting yaya nito.
"Ha? Anong gagawin doon?" takang tanong niya.
"Bakasyon lang. Siguro mga 3 to 5 days lang." Nakangiti nitong sagot.
"Kasama ba si Tita Leona?"
"Nope, maiiwan siya kasi aasikasuhin niya 'yong mga nag aapply na modelo. Kailangan kasi na mapunan kaagad ang nabakanteng pwesto ni Erin."
"Tayong dalawa lang?" alanganing sagot niya rito.
"Yeah, don't worry may makakasama tayo doon. May katiwala ako na nagbabantay doon"
"Ah, I see!"
"So, payag ka na?"
"May trabaho pa ako eh, I don't think so makakasama ako."
"Nagsabi na ako kay Mom. At pumayag naman siya pra daw makapag unwind ka. Lalo na at may nangyari noong fashion show. Saka para makapitas ka na rin ng mga strawberry. Madami ng hinog na bunga."
Mabilis pa sa alas kwatro ang paglapit nina Sinag at Luna sa kanya at agad na nakiusap na pumayag na siya dahil gusto rin daw ng dalawa na makarating sa lugar na iyon. Kunwari pa ang dalawa halata namang dahil lang sa strawberry kung bakit nito pinagtutulakan ng dalawa na sumama siya.
"Sige, basta may makakasama tayo roon at hindi lang tayong dalawa."
"Really? Walang bawian 'yan, pumayag ka na!"
"Oo nga sabi!" Nakangiting sagot niya sa binata bago ito umalis na ngiting-ngiti.
****
Labis ang tuwa nina Sinag at Luna habang nasa biyahe at halos hindi ito mapakali sa loob ng kotse kahit ilang beses niyang sawayin ang dalawa. Makakapag libot daw kasi ang nga ito sa lugar kung saan nakatanim ang paboritong prutas ng mga lambana.
"Wow!" nanlalaki ang mga mata ni Sinag ng makarating sila sa farm ng binata at maging si Luna ay tuwang tuwa kaya agad na nagsilipad ang dalawa papalayo sa kanila.
"Iho, nandito na pala kayo.." ani Aling Cely sabay lapit sa kanila at mahigpit na niyakap ang binata bago ito mapasulyap kay Riva at tila natulala panandalian.
"Sa sobrang ganda ni Riva natulala ka na Nay Cely" biro ni Logan sa katiwala bago nito hinila ang dalaga para maipakilala.
"Tunay nga siyang maganda. At hindi iyon nakakapagtaka," mahiwagang anas ni Aling Cely na hindi nakaligtas sa pandinig ng dalaga.
"Ngayong andito na kayo ay pupunta muna ako sa palengke para mamili ng mga lulutuin natin hanggang andito kayo" anang matanda bago ito lumabas ng bahay matapos magbigay ng pang grocery ang binata. Bahagya pa itong natulala pag labas ng pinto na parang may nakitang ikinagulat nito ngunit agad ding nakabawi matapos lingunin ang dalaga at nagmamadali ng umalis.
*****
"Anong nangyari doon?" nagtatakang tanong ni Sinag habang ngumunguya ng strawberry. Namitas na pala ang loko at hindi na hinintay ang dalaga na samahan sila.
"Riva, ihahatid muna kita sa magiging kwarto mo." Nakangiting yaya ng binata sa dalaga para makapag ayos ito ng baon na ilang piraso ng damit.
"Sige, salamat..."
"Mamayang hapon na kita samahan sa taniman ng strawberry, for now magpahinga ka muna" sabi ng binata bago siya nito maihatid sa kwarto niya para makapagpahinga.
"Salamat, Logan.." nakangiting sagot niya sa binata bago siya nito iniwan.
Palibhasa pagod sa biyahe kaya naman agad niyang inihiga ang pagal na katawan at ipinikit ang mga mata. Hindi na niya nagawa pang hagilapin sina Sinag at Luna dahil malamang ay namamasyal na ang mga makukulit sa paligid. Hindi na siya magugulat kung sa paggising niya ay nasimot na ng mga ito ang mga strawberry.
Ilang minuto na siyang nakaidlip nang makarinig siya ng mahihinang yabag papasok sa kwarto niya kaya naman agad niyang idinilat ang mga mata . Tiningnan niya kung sino ang pumasok at laking gulat niya ng makita si Aling Cely na nakatayo sa harapan niya at seryosong nakatitig sa kanya.
"Bakit ka nakikihalubilo dito sa aming mundo. Bakit hindi ka na lang bumalik sa kaharian mo!" seryosong wika ng matanda sa kanya na ikinagulat niya. Nanlaki ang mga mata niya sa gulat.
"A-ano ho?" nagtatakang tanong niya sa matanda. Nakaramdam siya ng pagkaasiwa dahil sa pagtitig nito.
"Alam kong hindi ka ordinaryong nilalang. Nag aalaga ka pa ng dalawang lambana!" matigas na sabi nito.
Napalunok ang dalaga, ibig sabihin nakikita nito sina Sinag at Luna. Ibig ring sabihin, hindi ito ordinaryong tao.
"Nakikita ni'yo sina Sinag at Luna? Sino po kayo?" nanlalaki ang mga matang tanong niya.
"Albularyo ako at nakakakita ng mga bagay na hindi nakikita ng ordinaryong mga mata. Bakit ka nandito? Anong kailangan ni'yo kay Logan?"
"Wala ho, nagtatrabaho lang ako sa kanya. Wala akong gagawing masama sa kanya kaya kumalma po kayo, Aling Cely." Depensa niya sa sarili.
Magsasalita pa sana ang matanda ng biglang bumungad ang binata na abot tenga ang ngiti.
"Magandang hapon Riva, mabuti naman at gising ka na. Tara nang mamitas ng strawberry!" yakag nito.
"Ihahanda ko na ang hapunan," anang matanda bago siya tinapunan ng tingin.
"Sige po Aling Cely, salamat" aniya sa matanda bago ito umalis.
"Pasensya ka na kay Aling Cely. May pagka weirdo talaga siya..." nakangiting wika ng binata sa kanya bago siya nito hinawakan sa kamay papalabas ng kwarto.
Samantala palihim naman na hinahanap ng dalaga ang dalawang lambana na kanina pa nawawala. Madalas kapag nakakatulog siya ay hindi ito umaalis para bantayan siya, pero kakaiba ang hapon na iyon. Wala ang dalawang lambana at hindi niya ito makita o marinig man lang. Alam niya kapag nasa malapit o malayo ang dalawang lambana. Pero paggising niya ay hindi niya na maramdaman sina Sinag at Luna.
'Nasaan na naman kayo Sinag at Luna...' puno ng pag aalalang tanong ng dalaga sa sarili habang palinga-linga sa buong paligid. Ayaw niyang mag-isip ng masama pero parang kinakabahan siya na hindi niya mawari.