SABADO, AGOSTO 24 (8:30 PM)
AGAD NA TUMAKBO sina Zane at Derek para rumespunde sa bumagsak na katawan ni Jack, inakay nila ito papunta sa bakanteng upuan.
Nagkagulo kami, hindi malaman kung saan tatakbo o ano ang gagawin. Umiiyak na si Nina at Lumina habang nakapaligid kay Jack. Nanginginig ang mga kamay sa takot.
Ako naman ay tulala, napako sa kinatatayuan habang si Zane at Derek ay pasigaw na nag-uutos kahit hindi nila alam ang susunod na hakbang.
“Teka lang! Kumalma ang lahat.” sigaw ni Kuya Ethan. Kumalma naman kaming lahat. Naging tahimik ang paligid habang naghihintay ng susunod na sasabihin nito.
“Zane, mayroong mga gamot sa kusina. Kaliwang banda malapit sa pituan. Kunin mo at dalhin dito. Bilis!” utos nito sa binata, tumakbo naman ito agad.
Sunod niyang inutusan ay si Derek. “May mga malinis na basahan sa likod. Magdala ka ng ilaw dahil hindi masyadong malakas ang ilaw doon. Dalhin mo dito para pamunas dugong nakakalat.” Agad na tumakbo bitbit ang kanyang selpon.
“Caleb, hubarin mo muna ang iyong damit para pambara sa dugong patuloy na umaagos.”
Agad akong naghubad tulad ng sinabi niya. Bilib ako sa kanyang mabilisang pampakalma sa sarili. Kung kami lang ang nandoon, baka nagkatinginan at nag-iyakan na lang kami dahil sa pagkataranta sa bilis ng pangyayari.
"Saan siya galing?" tanong nito sa amin, halatang nanginginig din ang kanyang boses ngunit pinipilit magpaka-propesyonal. Wala ring malinaw na sagot maliban sa inihatid niya si Rica sa silid.
Pagbalik nina Derek at Zane, nagmamadali niyang binigyan ng paunang gamot para mapigilan ang patuloy na pag-agos ng dugo at naging kapansin-pansin ang lalim nito.
Habang siya ay nag-aasikaso kay Jack, kami nama ay mabilis na naglinis sa mga mantsa ng dugo sa sahig. Habang pilit pinapakalma ang sarili. Kahit na natatakpan na ang sugat, ramdam pa rin ang tensyon sa hangin dahil hindi pa tapos ang peligro.
Nakahinga kami ng maluwag at kumalma ng tumigil na ang pag-agos ng dugo. “Dito na muna kayo. Kukunin ko lang ang satelayt na telepono para maabesohan natin si Tatay sa sitwasyon.” sambit nito at tumakbo sa loob ng bahay.
Ilang minuto lang ang lumipas ay bumalik naman ito. Ngunit nagulat kami ng ito ay napamura. Malapit ng mamatay ang baterya nito. Agad nitong inabesohan ang ama sa sitwasyon at sinabihan na magdala ng doktor.
Tahimik kaming nagmamasid habang unti-unting bumabalik ang kulay sa mukha ni Jack. Kahit paano, nakahinga kami ng maluwag nang makitang unti-unting bumuka ang kanyang mga mata.
"Ano'ng nangyari, Jack?"
Para itong nabalik sa huwisyo ng marinig ang tanong. “Si Rica!” sigaw nito at nagpupumilit na tumayo.
Bigla kaming kinabahan sa binitawang salita ni Jack, may kung anong hindi magandang nangyayari. Nagkatinginan kami, ang kaba'y bumigat sa aming dibdib.
“Rica? A-anong… nangyari kay Rica?”
“Si-siya ba ang may gawa nito sayo?”
“Bakit?”
Sunod-sunod na tanong namin sa kanya.
Napaiyak si Jack, ang mga luha'y tuluyang dumaloy na parang ulan na ayaw magpapigil ang pagbuhos. Halatang hirap itong magsalita, pinipigilan ang paghikbi habang inuusal ang mga susunod na salita.
"Hindi ko siya nailigtas..."
Bawat salitang lumabas ay parang dagok sa aming mga dibdib. Mas laong tumindi ang kaba sa paligid, bumigat ang hangin, at lahat kami ay tahimik na naghihintay sa mga susunod na sasabihin niya..
“Nag-uusap lang kami sa silid niya, sandal akong nagpaalam ako dahil may kukunin sa silid ko. Ngunit pagbalik ko ay wala na siya, agad akong nagtungo sa balkonahe. Sa malayo, sa madilim na parte ng ipinagbabawal na lugar. Natanaw ko ang bulto ng katawan.” bakas sa kanyang mukha ang takot.
“Hindi ako sigurado kung siya iyon ngunit hindi na ako nag-aksaya ng oras, nagmamadali akong bumaba para sundan siya. Masyadong madilim sa lugar kaya nahirapan ako.” sambit nito.
Muling naputol ang pagkukwento niya ng biglang bumigat ang kanyang paghinga, pilit pinipigil ang pag-iyak. Agad na kumuha ng tubig si Lumina at iniabot ito sa kanya. Dahan-dahan siyang uminom, pampakalma, at muling bumalik sa kwento matapos makahinga ng maluwag.
“Napunta ako sa pinakadulong bahagi, malapit sa bangin, at doon ko siya nakita—naka… nakahandusay—sa ibaba.”
Natutup ni Lumina ang bibig sa gulat, napako din kami sa aming posisyon dahil hindi makapaniwala sa narinig. Si Nina ay dahan-dahang napaupo sa sahig habang humihikbi. Kaming lahat ay nakatunganga at hindi makapaniwala sa narinig.
“Hindi ko alam kung nahulog ba siya o sadyang tumalon. Nang makita ko ang isang daan pababa, nagmamadali akong sundan ito. Ngunit sa kasamaang palad ay napatid ang paa ko matutulis na bato at nadulas, nasugatan ako. Bumaha ang dugo kaya nataranta ako at piniling bumalik para humingi ng tulong. Kahit nanginginig ang buong katawan sa sakit.”
Napaupo kaming lahat, ang bawat isa ay natameme. Para naman akong nabingi sa narinig, bawat salita ni Jack ay nagkukulong sa akin sa lugar na ako lamang ang naroroon, punong-puno ng kaguluhan. Walang nagsasalita, walang umiimik, ang tanging tunog ay ang malalim na paghinga ng bawat isa.
Ilang minuto din kaming natulala lahat, nakaupo at humihikbi maliban kay Kuya Ethan. Walang naglakas loob na magsalita. Ang malamig na simoy ng hangin ay yumayakap sa aming katawan. Sa simula palang ay ito na ang naging gabay ko, mga babala ngunit hindi ako nakinig.
“Ahh! Kung kailangan pa gagamitin, saka pa namatay ang baterya.”
Napatingin kaming lahat sa sigaw na nanggaling sa gilid ng pool, malapit lang sa amin. Kasunod nito ang pagtilamsik ng tubig at paglutang ang satelayt na telepono. Bakas sa mukha ni Kuya Ethan ang pagkainis.
“Caleb, Zane, at Derek, maghanda kayo!” seryosong sambit nito kaya napatutok kami sa kanya.
Nagkatinginan kaming tatlo, nag-uusap ang blangko naming mga mata. “May kukunin lang ako sa loob. Kukunin natin ang katawan ni Rica sa bangin.”
Ilang minuto ang lumipas ay bumalik agad si Kuya Ethan, may dala itong ilaw na de-baterya at isang parang baril na hugis silindro na may makintab na kulay pula sa ibabaw.
Tinignan niya sa mata si Nina. “Maiwan kayong dalawa ni Lumina dito, samahan niyo si Jack. Kapag dumating na si Tatay, sabihin niyo na pumasok kami sa ipinagbabawal na gubat.” bilin nito sa dalawa.
Napatingala kami ng isang matinding liwanag ang sumakop sa kalangitan. Naglabas ng malakas at maliwanag na pulang ilaw ang hugis silindrong bitbit ni Kuya Ethan. Ang liwanag nito ay tumatagos sa buong paligid, parang apoy na pumupuna sa kadiliman, nagbibigay ng pansamantalang ilaw sa kahit anong malawak na lugar.
“Isa iyong ilaw-hudyat, nakasisiguro akong nakita iyon ng aking ama kaya paparating na ito, ilang minuto lang.” paliwanag nito.
Inabot niya sa amin isa-isa ang ilaw na de-baterya. “Tayo na!” Agad na humakbang kaya sumunod kami sa kanya.
Pagkabukas namin sa ilaw, bumungad sa amin ang dugo ni Jack na nakakalat sa damuhan. Sinundan namin ito, umaasang madali naming mararating ang katawan ni Rica. Kasabay ng matinding lungkot na sumakop sa amin ay ang malakas na buhos ng ulan.
Ang malamig na patak ng ulan ay lumalapat sa aming mga mukha, mas lalong nagpapaigting ng aming paghihinagpis. Palakas ito ng palakas, lalong nagpapahirap sa madilim na daang tinatahak namin.
Ilang minuto lang ay nakita na namin ang daan pababa na sinasabi ni Jack. Sa halip na sundan iyon, lumihis si Sir Ethan at sumunod kami. Pinili naming puntahan ang bangin, umaasang masagot nito ang mga tanong na bumabagabag sa amin.
Sa pandungaw namin sa bangin, nagimbal kami sa nakita—hindi maipaliwanag ang bigat na bumagsak sa aming dibdib. Basta na lang tumulo ang aking luha. Si Zane ay napaluhod sa lupa, nawalan ng lakas.
“Mag-ingat kayo sa pagbaba. Matutulis at madulas ang mga bato sa dadaanan natin. Lalo na at sinabayan pa tayo ng malakas na ulan.” walang emosyong bigkas ni Kuya Ethan at bumalik sa dinaanad namin kanina.
Tahimik lang kaming nakasunod sa kanya, walang nagsasalita, Bawat isa ay nakatuon sa bawat hakbang. Maingat naming niilawan ang dinaanan. Tama nga siya matutulis at madudulas nga ang mga bato.
Napansin namin ang isang piraso ng tsinelas, nakasabit ito sa isang matulis na bato. Doon siguro nahiwa ang kanang binti ni Jack, at kita ang bakas ng kanyang pagdurusa.
Nanlumo kami nang marating ang katawan ni Rica, awang-awa kami sa sinapit ng kaibigan. Nilabas ni Kuya Ethan ang kanyang selpon at kinunan ng litrato ang bangkay, bawat detalye ay kinunan ng anggulo.
Sunod niyang nilabas ang malaking itim na bag, isang bagay na kadalasang nilalagyan ng mga bangkay. Inilapag ito malapit kay Rica habang kami ay nanatiling tahimik, hindi makapaniwala sa nangyayari.
Nakatihaya ang bangkay ni Rica, kita ang butas sa kanyang noo na dulot ng matulis na batong tumama mula sa likod. Lasog ang kanyang kanang binti. Bali ang kanang kamay, nakabaluktot sa di natural na posisyon.
Wala nang masyadong dugo sa paligid, sapagkat ang mga alon mula sa tubig ay umaabot sa kanyang katawan. Tinatangay ng tubig ang anumang bahid ng dugo, pilit binubura ng kalikasan ang mga bakas ng trahedya.
Nabalik ako sa reyalidad ng marinig ang boses ni Kuya Ethan. “Tulungan niyo akong ipasok ang katawan niya sa bag para madala natin siya sa bahay.”
Para kaming nakuryente sa bilis ng aming paggalaw. Mabigat ang kanyang bangkay tanda na wala ng buhay ang dalaga. Ang bigat at malakas na pagbuhos ng ulan ang nagpapahirap sa amin paakyat pabalik.
Sabay kaming malakas na napabuga ng hangin matapos ilapag ang katawan sa lupa pagdating sa ibabaw. Punong-puno ng determinasyon ang aming katawan na dalhin ang bangkay ng dalaga bahay. Kahit pagod at nahihirapan ay hindi kami susuko.
Ilang minutong pahinga lang ang ginawa nami at muling kinarga ang katawan ni Rica. Tahimik ang paligid, walang nagsasalita, at bawat isa'y nakatuon lamang sa pagnanais na madala ang katawan pabalik sa bahay.
Habang papalapit kami, tanaw na namin ang liwanag ng bahay. Nakasalubong din namin si Mang Ben. Agad na tumulong dahilan para nabawasan ang bigat ng aming mga dala, ngunit hindi ang bigat ang aming damdamin.
Hindi alintana ang lamig at kirot sa paa at braso. Basang-basa na din kami dahil sa malalaking patak ng ulan mula sa matinding pagbuhos. Pagdating namin sa bahay, tapos nang gamutin si Jack ng doktor. Nakahiga na ito sa sofa, pagod ngunit ligtas.
Pagkalapag at pagbukas namin ng bag na may bangkay, agad na naghisterikal ang dalawang babae. Si Jack naman ay pilit na bumabangon, gustong makita ang katawan ng kaibigan. Samantala, napaluhod si Nina sa harap ng bangkay at niyakap ito habang humahagulgol ng walang tigil.
“Magpalit na muna kayo ng tuyong damit. Ipahinga ang sarili dahil tatawagin ko ulit kayo para sa detalyeng kakailanganin ko.” May awtoridad na utos ng detektib, si Kuya Ethan.
Bago pa kami makahakbang ay muli itong nagsalita. “Caleb at iba pang lalaki, akayin nyo muna si Jack papunta sa kanyang silid para makapag palit din ng damit at makapag pahinga ng maayos.”
Nakahiga ako sa aking kama matapos naming ihatid si Jack sa kanyang silid, pilit na inuunawang tanggapin ang lahat ng nangyari. Ang dapat sana ay masayang pagsasama ay nauwi sa isang trahedya, namatayan kami ng isang kaibigan. Napalingon ako sa labas, tumila na ang ulan ngunit nag-uumapaw pa rin ang lungkot sa aking puso.
“Paano namin sasabihin pa pamilya ni Rica ang nangyari?
“Nagpakamatay ba talaga siya?
“Makakauwi pa kaya kami?”
Ilang minuto na ang lumipas ngunit wala pa ring tawag para bumalik kami sa baba. Marahil ay hindi pa sila tapos sa pag-inspeksyon ng bangkay. Mabuti na lamang at may kasama kaming doctor at detektib na nag-aasikaso ng lahat.
Kailangan kong magpahangin kaya lumabas ako ng silid at nagtungo sa bubungan. Bumungad sa akin ang kalmado at malamig na simoy ng hangin. Bakas pa ang dumaang ulan sa sahig at mga upuang hindi pa gaanong tuyo.
Tahimik akong nakatingin sa kalmadong ulap at langit, pilit na hinahanap ang kapayapaan sa gitna ng kaguluhan sa aking isip. Sa bawat singhap ko ng sariwang hangin ay bahagyang nababawasan ang bigat na bumabalot sa aking damdamin.
Sa di kalayuan, narinig ko ang mga boses na puno ng tension. Ang tono ng kanilang pananalita ay tila naglalaman ng hindi inaasahang balita. Ang mapayapang nararamdaman ko ay biglang napalitan ng kaba at matinding pagtataka.
Hindi ko masyadong marinig kaya nagpasya akong lumapit. Muntik na akong makagawa ng ingay ng mabigla sa aking nakita. Sa unang tingin, parang pader lamang ito na hangganan ng bubungan, ngunit may maliit na b****a ay papunta sa isang maliit na silid.
“Bakit siya?” tanong ng boses lalaki.
Ilang segundo din bago sumagot ang kanyang kausap. “E! Hindi na ako nakapag-isip ng maayos kaya siya nalang. Nabigla din kasi ako.” sagot ng isa pang lalaki.
“Anong nabigla? Di ba planado na ang lahat ngunit nabigla ka pa. Ano? Nagka-amnesiya ka bigla?” nanggagalaiti sa galit na pahayag ng hindi ko makilalang boses ng lalaki.
“Ayusin mo ang pananalita mo. Ako pa rin ang nagbabayad sa iyo.”
“Ikaw nga pero simpleng trabaho di pa magawa ng maayos. Ano? Sisirain mo nalang ba ang napagplanohan? Di ba ikaw lang din ang may gusto ng lahat ng ito.” sigaw nito.
“Pasensya na! Hindi ba sila naghinala?”
“Hindi naman siguro. Alam kung napukos ang atensyon nilang lahat sa sugat ni Jack at sa bangkay ni Rica. Kaya dapat maging maingat na tayo sa susunod nating hakbang.”
“Wag kang mag-aalala sa isang yun, ako na bahalang magpaliwanag sa kanya. Matagal na kaming magkakilala kaya maiintidihan niya ako.” Huli kong narinig na boses ng lalaki bago nawala ang boses ng dalawa.
Ilang minuto na rin ang lumipas bago tuluyang nawala ang mga boses ng dalawa. Nakasandal ako sa dingding, hindi makagalaw sa kaba at takot. Iniisip na baka makita nila ako kung sakaling bumalik sila.
Dalawang lalaki ang nag-uusap sa kabilang silid. Pilit kong kinikilala ang mga boses, pero hindi ko matukoy kung sino sila dahil mahina ako pagdating sa ganito. Kahit na mga kaibigan ko ay hindi ko kabisado ang boses at galaw nila sa malayo.
Sinubukan kong muling silipin kung may tao sa likod ng pader. Ngunit bigla akong nanigas. Yumakap sa akin ang malamig na hangin, kasabay ng paglakas ng kabog ng aking dibdib. Nanginig ang aking katawan habang nararamdaman ang mainit na hininga sa aking batok.
“Ahh!” napadaing ako ng naramdaman ang manipis ngunit matalim na bagay na tumusok sa aking braso.
Napasinghap ako, nararamdaman ang pagdaloy ng likido sa aking mga ugat. Ang malamig na pawis ay bumabalot sa aking katawan. Bago ako tuluyang mawalan ng malay ay naramdaman ko ang bigat ng aking katawan na bumigay, kasabay ng pagbalot ng kadiliman.