XI

2447 Words
SABADO, AGOSTO 24 (9:30 PM) NAALIMPUNGATAN AKO sa pagtawag sa akin. “Caleb?” “Hoyy! Caleb, gumising ka.” “Okay ka lang ba?” Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata, naninibago sa paligid. Napahawak ako sa aking ulo—may kirot, pero hindi ganoon kasakit. Napaigtad ako ng upo nang maalala ang nangyari, tumindi ang kabog ng aking dibdib habang pilit na inaalala kung nasaan ako at kung ano ang sumunod na nangyari. “Anong ginagawa mo dito?” Bumungad sa akin ang nag-aalalang mukha ni Zane. “Teka! Bakit ako nandito?” Hindi ko maipaliwanag ang bigat sa aking dibdib habang nagbabalik ang mga alaala. Napahilamos ako sa aking dalawang kamay, pilit pinapakalma ang sarili dahil hindi pa rin humuhupa ang kaba at pagkalito. “Bakit dito ka natulog sa bubungan? Malamig pa naman dito dahil sa malakas na bugso ng hangin.” sambit nito at tumabi sa akin. Hindi ako makasagot agad. Nagtatalo ang aking utak at konsensya kung sasabihin ko sa kanya ang narinig ko kanina. Bawat salita na gusto kong bitawan ay tila nabibigatan sa pag-aalinlangan. Bigla akong nawalan ako ng tiwala sa aking mga kaibigan. Paano kung isa pala siya sa may pakana ng lahat ng ito. Ngunit wala akong maisip na pwedeng motibo. Tumayo si Zane at inilahad sa akin ang kanyang kamay. “Tara na! Pinapatawag na tayo ni Kuya Ethan sa sala para sa mga detalyeng pwedeng makatulong.” Agad kong tinanggap ang kanyang kamay at tumayo. Pinagpag ang suot, umaasang mabawasan ang dumi na kumapit kasabay ng butil-butil na tubig-ulan mula sa upuang hinigaan. Tahimik lang akong nakasunod sa kanya habang dahan-dahan na bumababa, tinatanaw ang daan na tila ba lalong lumayo sa amin habang papalapit kami sa sala. Pagdating namin sa sala, tahimik at nakatulalang nakaupo ang aking mga kaibigan. Lahat sila nakatingin sa detektib habang hawak ang kapirasong papel at panulat. Walang nagsasalita, binalot ng mabigat na sitwasyon ang buong paligid. Sa isang sulok, nakita ko si Mang Ben kasama ang isang babae habang maingat na inaayos ang bangkay ni Rica. Muling sumikip ang aking dibdib habang pinagmamasdan ang bangkay ng kaibigan. “Caleb at Zane, umupo na kayo para makapagsimula na tayo.” sambit ng detektib, sumunod naman kami. “Sino po yung isang babae?” Bago pa makapapagsalita muli ang detektib ay inunahan na ito ni Nina. Napatigil sina Mang Ben at ang babae sa kanilang ginagawa. “Ako nga pala si Cassandra Manalo, isa akong reconstructive plastic surgeon.” pagpapakilala sa amin. “Pasensya na kayo, masyadong mabilis ang mga pangyayari. Malalim na din ang gabi kaya wala akong ibang doktor na nadala dito. Kaibigan ko siya kaya siya ang naisip kung dalhin.” pagpapaliwanag ni Mang Ben. “Ayos lang iyon kasi narunong naman ako paunang gamot pero kailangan din nating dalhin si Jack sa ospital para masuri dahil Malaki at malalim ang natamo niyang sugat.” pahayag nh doktora. Matapos niyang magpakilala ay ibinalik na namin ang aming atensyon sa detektib sa harapan. Tahimik na naghintay ang lahat habang patuloy siyang nagsusulat, sinusuri ang bawat detalye ng nangyari. “Mga sugat.” panimula nito. “Partikular ang trauma sa ulo at mga bali sa braso at binti, kasabay ng posisyon ng katawan malapit sa mga bato sa baybayin. Nagpapahiwatig na nahulog siya mula sa taas o sinadyang aksyon ng biktima.” “Hindi magagawa ni Rica ‘yan.” buong lakas na sigaw ni Nina. “Bagamat ang sugat sa noo at mga bali, kaunting dugo sa lugar dulot ng mga alon ay nagpapa-komplikado sa eksena. Kinakailangan pa ng karagdagang imbestigasyon sa mga posibleng motibo, mga saksi, at estado ng biktima bago tuluyang matukoy kung ito ay pagpapatiwakal o may nangyaring krimen.” sambit nito sabay pakita ng posisyon ng katawan ni Rica sa mabatong dalampasigan. Muling humagulgol si Nina, hindi na kayang pigilan ang tindi ng sakit na nadarama. Samantalang si Lumina, na kanina pa tahimik ay napahikbi na rin nang makita ang kalunos-lunos na sinapit ng kaibigan. Ang kanilang paghihinagpis ay nagsilbing mabigat na alingawngaw sa silid, nagpapatindi sa lungkot na bumabalot sa paligid. “Tumigil kayo sa pag-iyak. Hindi na maibabalik ng mga luha niyo ang buhay ni Rica.” Nagulat kami sa inasta ni Derek. Nagngingit-nit ang ngipin nito kasabay ng sumigaw, ramdam ang bigat ng kanyang bawat salita. Napako ang aming tingin sa kanya, walang naglakas loob na magsalita. Kita sa kanyang mga mata ang sakit at panghihinayang, ngunit pilit niyang ikinukubli ang tunay na damdamin sa likod ng galit. “Sinong huling kasama ng dalaga?” tanong ng detektib sa amin. “Paumanhin sa inyo, magpapa-alam lang kami ni Doktora Cassandra, ihahatid ko lang siysa sa kanyang silid.” singit ni Mang Ben sa aming seryosong usapan. Napatango lang kaming lahat. “Dok, may isa pang bakanteng silid sa ikalawang palapag, sa pinakadulo. Doon ka nalang magpalipas ng gabi.” narinig naming sabi ni Mang Ben sa kaibigang doktor. Muling napukos ang aming atensyon sa imbestigasyon na nagaganap. Si Jack ang huling kasama ni Rica bago ito matagpuan. Sinalaysay niya sa amin na matapos niyang ihatid ang dalaga sa silid ay nag-usap sila ng ilang minuto. Ngunit umalis siya saglit dahil may kinuha sa kanyang silid, pagbalik niya ay wala na si Rica sa kanyang silid. “Nakita ko ang bulto ng katawang naglalakad sa ipinagbabawal na bahagi ng lugar. Sinundan ko ito, ngunit sa sobrang dilim ng paligid ay nawala siya sa aking paningin. Nagmamadali ako bumababa ng makita ang kanyang katawan ngunit nadulas ako sa batuhan, dahilan ng pagkakasugat ng aking binti.” Mataman kaming nakikinig, ngunit hindi maalis sa aking isipan ang mga tanong na bumabalot sa mga pangyayari. “Wala ba siyang nabanggit na posibleng mabigat na rason para kitilin ang sariling buhay?” Napailing ng dahan-dahan ang binata at yumuko upang hindi makita ang pagtulo ng mga butil ng luha sa mata. “Hindi magagawang kitilin ni Rica ang kanyang buhay. Sigurado akong may pumatay sa kanya.” “Sino? Ano? Tayo lang naman ang nandito sa isla diba?” Tumaas ang boses ni Derek habang binibigkas ang mga salita Nagulat naman kaming lahat sa biglang pagbugso ng emosyon ng binate. Ang galit at pagdududa ay nag-aapoy sa kanyang mga mata, naghahanap ng kasagutan sa hindi maipaliwanag na sitwasyon. “Ibig mo bang sabihin na may pumatay sa atin? Pinagdududahan mo bang isa atin ay mamatay-tao?” dagdag ni Zane. Ang tensyon sa silid ay tila sumasabay sa bigat ng bugso ng hangin. Habang lahat kami ay nag-aabang sa susunod na mangyayari. Ang mga mata ng bawat isa ay naglalaban, nag-uusap ng mga tanong at takot na hindi maipahayag. Unti-unting bumabalot ang katahimikan sa loob, ramdam na ramdam ang kagustuhan ng bawat isa na linawin ang mga pangyayari. Ang takot ko na maaaring isa or ilan sa amin ay umusbong habang pagdudugtong ang narinig ko kanina. “Jack, ikaw ang huling nakita si Rica. Sigurado ka bang walang kakaiba sa mga kilos niya?” muling sabi ni Derek. Biglang napailing si Jack, ang kaba sa kanyang boses ay halata. “Anong pinapahiwatig mo? Akala ko ba magkaibigan tayo?” Muling lumalim ang tensyon sa pagitan ng dalawa, bawat saglit na lumilipas ay parang nagbubukas ng pinto sa mga bintang at pagdududa. Nag-aagawan ang takot at galit sa aming mga mukha, tila ba anumang oras ay puputok ang sitwasyon. “Teka lang, Derek, huwag kang magparatang,” sabat ni Zane, pilit na pinapakalma ang sitwasyon. “Oo, kasama ni Jack si Rica pero hindi ibig sabihin na siya ang pumatay.” Biglang nagsalita ng pabalang si Derek. “Paratang na ba iyon? Natanong lang naman ako di ba?” pahayag nito bahang nakatingin sa amin, pilit na hinihingi ang simpatya namin dahil tama naman siya. “At ngayon, ako ang pinagbibintangan niyo? Hindi ba’t lahat tayo nagulat sa nangyari?” mahinang bigkas ni Jack. “Hindi niya magagawa 'yun!” sigaw ni Lumina, bigla siyang tumayo, nanlilisik ang mga mata at halatang galit. “Kaibigan niya si Rica, kaibigan niya tayong lahat!” dagdag nito. Ramdam ang bigat ng emosyon sa bawat salita—galit, takot, at duda. Sa ilalim ng kaba ay hindi maiwasang isipin na posibleng tama si Jack na pinatay ang dalaga dahil kilala namin ito. Hindi niya magagawang kitilin ang kanyang buhay. Pansin ko ang pananahimik ni Kuya Ethan sa gitna ng tensyon, tila ba isang palabas lang ang nangyayari sa harapan niya. Walang emosyon ang kanyang mukha ngunit ang mga nito ay parang sabik na sabik habang kami ay nagbabangayan. “Detektib Ethan, pwede po bang ibahagi ang aking obserbasyon?” tanong ni Zane, pilit na pinapakalma ang lahat sa gitna ng tensyon. Lahat ay nakatingin sa detektib at dahan-dahang tumango, parang natutuwa sa ideyang may sasabihin ang binata. “Sige!” tugon niya. Nakatitig sa aming lahat, hinihintay ang sunod na sasabihin. "Ano ang napansin mo?" "Napansin ko lang sa posisyon ni Rica." malumanay na sambit ni Zane, habang nakatingin sa detektib. "May parte sa aking sarili na gustong suportahan ang ideya ni Jack na pinatay si Rica. Nakatihaya po ang katawan niya. Di ba po ibig sabihin ay posibleng may kausap ito bago nahulog? Posibleng takot siya at napaatras, o di kaya'y tinulak?" Tahimik kaming lahat, hinihintay ang reaksyon ng detektib. Ramdam namin ang bigat ng mga salita ni Zane, nagbukas ito ng mas maraming tanong sa pagkamatay ni Rica. Napangiti ang detektib sa narinig. “Magaling ang iyong obserbasyon, Zane. Mahilig ka din siguro sa mga palabas na ganito kaya nakapukos ka sa mga detalye.” pagpuri nito sa binata. “Tama si Zane, napansin ko rin 'yan noong una kong makita ang bangkay pero maraming posibleng dahilan ng pagbabago ng posisyon nito.” Panimulang salaysay ng detektib. “Una, maaaring nagpagulong-gulong siya bago bumagsak dahil sa mga baling natamo, Ngunit base sa gasgas at galos sa katawan, kakaunti lang ito kumpara sa inaasahang sugat kung talagang ito ang nangyari.” Tumigil sandali si Detektib Ethan at nag-isip. “Pangalawa, posibleng dahil lang ito sa lakas ng pagtama o sa posisyon niya noong tumalon. Ngunit base sa sugat mula likod ng ulo papunta sa noo, mukhang direkta siyang nahulog sa matulis na bato.” Napatigil ito muli at napabuntong-hininga bago muling nagsalita. “Kaya posibleng tama si Jack at Zane, may kausap siya bago mahulog. Maaaring natakot siya at napaatras, o baka tinulak? Kaya tinatanong ko si Jack sa mga detalye bago mangyari ang lahat.” Namayani muli ang katahimikan sa loob. Nagtaka ako ng isa-isa kaming tinitignan ni Kuya Ethan. Hindi ko alam kung anong iniisip niya pero parang hinihintay niya ang susunod na pagsabog ng emosyon. Napagawi ako ng tingin kay Jack at nagtagpo ang mga mata namin. “Jack, nakita mo ba si Rica bago tumalon? Natawag man lang na posibleng naging nahilan ng pagtalon nito ng nakatalikod?” muling tanong ng detektib. Napailing lang si Jack bilang sagot, halatang walang balak na magbitaw pa ng mga salita. Agad namang tumayo si Zane, bakas sa mukha ang pagkadismaya. Dumeretso siya sa kusina Tahimik ang lahat, walang gustong magsalita. Habang si Zane ay nandoon pa rin sa kusina, nagpaalam ako sa lahat at sinundan ito dahil alam kung hindi ito kumbinsido sa simpleng sagot ni Jack. Nagtaka ako ng wala akong naabutang tao sa kusina. Tahimik at walang kahit anong kaluskos. Bagkos, isang basong tubig na lampas kalahati ang iniwang nakatengga sa lamesa. Kinabahan ako bigla, tumindi ang kaba sa dibdib ko lalo na't may posibilidad na isa sa amin ay pumapatay o may pumapatay. Ramdam ko ang malamig na hangin na sumalubong sa aking mukha, tila pinapaalala na hindi kami ligtas dito. Isang hakbang pa lang ang nagawa ko pabalik sa sala nang biglang bumigat ang pakiramdam ko. Ang aking kutob ay nagsasabing may malamig na presensya na nakatunghay sa akin. "Ano 'yon, Dok? Bakit ganon?" Halos paos na boses ang narinig ko, hindi ko nakilala kung galing ito sa isang babae o lalaki. Mahina lang ito kaya posibleng malayo ito sa akin o di kaya dahil sa nakabarang mga pader. "Siya 'yon, di ba? Yung taong ginawan ng bagong mukha dahil sa matinding sira dala ng pagkasunog?" Sunod-sunod na tanong nito sa kausap. "Bakit ganon? Bakit kailangan mong magtago sa kanya… sa kanila gamit ang pekeng mukhang 'yan?" nanginginig na bigkas ng boses. Muling namayani ang katahimikan. Napatingin ako sa mga pinto, sa silid ni Mang Ben at kanyang anak pati na rin ang pinto ng daan papunta sa likod. Hahakbang na sana ako ng marinig muli ang boses. “Halos hindi na kita kilala, hindi na ikaw ang taong nasa harapan ko.” "Naguguluhan na ako! Hindi na ikaw ang dati kong kilala!" sumisigaw na galing sa mahinang boses. "Iyong mga pinagawa mong pekeng katawan ng tao, sila iyon di ba?" Hindi ko mawari kung sino ang kausap ng boses. Ngunit ramdam ko ang galit sa bawat bigkas niya ng salita. "Kinakain ka na ng galit sa puso mo! Sila ba? Sila ba 'yon? Mga hamak na kabataan lang naman sila! Kaya mo ba silang saktan? Hindi ka ba naaawa sa kanila?" dagdag nito. Lalong gumapang ang kaba sa aking katawan ng sumalubong ang malamig na hangin sa pagbukas ng pinto. Niluwa ng pinto si Zane, nanigas ako sa kinatatayuan ko. Kita ko ang madilim na labas ng bahay, ang anino ng mga punong sumasayaw sa hangin sa likod ng bahay. “Ayos ka lang ba Caleb?” Bakas sa mukha ng binata ang pagtataka. “Narinig mo ba ‘yun Zane?” direktang tanong ko sa kanya. “May nag-uusap ngunit hindi ko matukoy kung kanino galing at saan ito banda. Makinig kang mabuti.” Nakinig ito sandali bago nag-iba ang ekspresyon ng kanyang mukha. “Nababaliw ka na talaga Caleb? Kahit kaluskos ng hangin, hindi ko na marinig sa dami ng nangyari sa atin.” sambit nito bago ako nilampasan. Mas lalo akong nanigas sa aking narinig. Hindi ako makagalaw sa biglaang pagkaparalisa ng aking katawan. Bigla na lang tumulo ang aking luha ng hindi ko namamalayan. "Nababaliw na ba talaga ako?" bulong ko sa sarili, habang sumisikip ang aking dibdib. Alam kong okupado ang utak ng lahat dahil sa mga nangyayari pero kailanman ay hindi ko inaasahang makarinig ng ganoong mga salita mula kay Zane, na kaibigan ko. Oo, aminado akong hindi ko na alam kung totoo ba ang lahat ng naririnig at nakikita ko. Nalilito at naguguluhan ako habang paulit-ulit na sinasabi sa sarili na nababaliw na ako. Ngunit ang sakit pala kapag galing sa kaibigan na ilang taon mo nang nakasama. Parang unti-unting gumuguho ang tiwala ko sa kanila, ang bawat salita ay tila patalim na bumabaon sa puso ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD