bc

WALANG HANGGAN: Ang Pag-ibig sa Gitna ng Digmaan

book_age18+
917
FOLLOW
2.2K
READ
love-triangle
family
fated
prince
princess
drama
bxg
nymph
magical world
enimies to lovers
like
intro-logo
Blurb

Paano kung ang isang natatanging diwata ay umibig sa isang kalahating engkantado at kalahating ahas na siyang nakatakdang pumatay sa kanya? Paano nila ipaglalaban ang pagmamahalang ipinagbabawal?

Namulat sina Aurea at Hideon sa hidwaan ng kanilang mga lahi. Mula sa mabuting pagkakaibigan ng mga ito ay sumiklab ang apoy ng galit nang dahil sa isang nabigong pag-ibig. At nang dahil doon ay kapwa sila sabik sa kalayaan at katahimikan.

Ipaglalaban nila ang pag-ibig sa kabila ng maraming balakid. Patutunayan nila na anumang sugat ng hidwaan ay hahaplusin at paghihilumin ng pagmamahal.

Maipapanalo ba nila ang digmaan kung ang kanilang mga lahi ang magkalaban?

Ang pagmamahalan kaya nila'y saan ang hantungan?

chap-preview
Free preview
PROLOGO
ANG SANSINUKOB ay kasing hiwaga ng mga nilalang na kinakanlong nito—mga buhay na patuloy na umuusbong kasabay ng pag-ibig na patuloy na lumalago. Ito’y magkaugnay na sa oras na mawala ang pagmamahal ay maaring masira ang kalikasan nito. Kapag nawala ang pag-ibig ay mawawalan ito ng kulay. Ito’y maihahalintulad sa kandili ng isang ina na kapag hindi mo natutuhang mahalin pabalik ay luluha at magdaramdam. Sa malawak nating mundo, kadalasan ay may mga kaganapang lingid sa ating kaalaman sapagkat ang nababatid lamang natin ay ang nasasaklaw ng ating buhay. Hindi man natin harapang masaksihan ang mga nagaganap sa kabilang dako ng daigdig ay nababatid naman natin ang mga pangyayari saan mang sulok nito sa tulong ng makabagong teknolohiya. Ngunit minsan ba’y pumasok man lang sa iyong isipan kung paano naman iyong nasa kabilang mundo, kung mayroon man? Kung totoo nga ba ito o sadyang kathang isip lamang ng mga taong may malilikot na isipan? Hindi ka ba nagtataka sa mga lupaing nasa liblib na lugar at walang naninirahan, ngunit ganoon na lamang ang ganda ng kalikasan? Samantalang iyong labis nating inaalagaan katulad na lamang ng ating halamanan, magigising ka na lang isang araw na pineste na ito at tuluyang nangamamatay sa hindi mo malamang dahilan. Ito man ay nasasaklaw ng mundo ng mga tao, walang sino mang nakaaalam kung paano paroroon at walang nakababatid niyon maliban sa mga may kakayahang gawin ito. Kung mayroon man, maaaring sila’y iilan lamang at patuloy na kinakanlong ang lihim na hiwaga ng kalikasan. Ang mga taong nagkaroon ng pagkakataong makatapak sa isang kakaibang mundo ay maaring hanggang sa kasalukuyan ay buhay na buhay sa kanilang alaala ang karanasang hindi nila malilimutan. Ang mga engkantado at engkantada, mga diwata at iba pang nilalang, ayon sa mga kwento ay mga nilalang na hindi natin nakikita at madalas na sinasabing nagbabantay sa ating kalikasan. Pinangangalagaan nila ang kalikasan na siyang nagsisilbi nilang tahanan. Sila ay may mga kakaibang wangis ayon na rin sa lahing kanilang kinabibilangan, may mga kakaibang kakayahan at kayamanang iniingatan. Subalit kakaiba man, hindi sila lubos na naiiba sa mga tao. Sila’y may mga puso’t damdamin at marunong ding mangarap. Marunong din silang magmahal at masaktan. Katulad ng mga tao ay mayroon sa kanilang masama at mabuti ayon na rin sa impluwensiya ng kanilang kapaligiran. Katulad na lamang ng isang natatanging diwata ng ilang at ng isang engkantadong kalahating ahas na kung maaari lamang ay muling iguguhit ang kanilang mga kapalaran ayon sa sarili nilang kagustuhan. Sina Aurea at Hideon ay namulat sa hidwaan ng kanilang mga lahi. Nasilayan ng kanilang musmos na mga mata ang hindi magandang relasyon sa pagitan ng dalawang lupain at ang pagdanak ng dugo, subalit ganoon pa man, sa tulong ng mga gumabay sa kanila hanggang sa paglaki nila ay nanatiling mabuti ang kanilang mga puso. Nangarap sila na balang araw, sa pagsapit ng kanilang panahon ay maitutuwid nila ang mga pagkakamali at matutuldukan ang hidwaang nagdudulot ng panganib sa kapwa nila mga engkantado at engkantada at pagkasirang bunga nito sa kalikasan. Ibig nilang muling maibalik ang pagkakaisa, masayang samahan at normal na buhay na hindi nila naranasan. Lumaki man silang nasa magkaibang mundo ay naging iisa ang layunin ng kanilang mga puso. Patuloy silang aasa at mangangarap hanggang sa kanilang muling pagtatagpo. Katakutan man ang ugnayan na ibinubulong ng kanilang mga puso ay wala silang magagawa upang paglabanan ito sapagkat iyon ang nagdudulot sa kanila ng ligaya sa gitna ng matinding pagsubok. Iyon ang kanilang paraan ng pagtakas sa malungkot at walang kalayaan nilang mundo. Kaya’t paano magagawa ng isang itinakda na kitilin ang buhay ng kanyang minamahal kung ang kanyang gagawin ay mistulang pagkitil sa sarili niyang hininga? Sa pagtatapat ng damdamin at sa pagdampi ng unang halik, paano haharapin ang susunod na mga kabanatang tiyak na magpapaluha at maaring bumawi sa natatanging kaligayahan na mayroon sila? Minsan, ang pag-ibig, kasing ganda ng ibon pero kasing dulas ng ahas. Ililipad ka sa alapaap, ngunit tutuklawin ka kapag nalingat ka. Iduduyan ka sa saya ngunit matututop mo ang iyong sariling lumuluha nang dahil sa matinding sakit. Minsan, ang mahika, nawawalan ng ganda at halaga. Lalo na’t hindi mo magawang mayakap kung ano ang isinisigaw ng iyong puso, gaano man kalakas ng taglay mong kapangyarihan. Hindi pa rin nito magagawang kontrolin ang isip at puso ng iba. Hindi nito kayang baguhin ang kasalukuyang kalagayan sa isang kisap-mata. Kung pinapapili lamang sana ang isang nilalang kung ano ang gusto niyang maging buhay, pipiliin na lamang ni Aurea na maging isang tao. Ang mabuhay ng masaya at tahimik. Hindi nabubuhay sa pagbabalatkayo’t kasinungalingan. Hindi ang mabuhay sa walang katapusang galit kundi ay ang simulan ang bagong yugto sa kapatawaran. Malungkot siyang lumipad sa tuktok ng isang mataas na puno sa anyong ibon at naupo sa malaking sanga niyon hanggang sa magbalik sa anyong diwata. Sa mga sandaling iyon, hindi niya alam kung ano nga ba ang tama at dapat gawin. Ang tumakas ba o harapin ang suliranin? Masugid siyang tagasunod sa batas ng kanilang lahi, subalit isa sa mga ito ay labag sa kanyang kalooban. Naniniwala siyang ang pag-ibig ay hindi nadidiktahan. Mahuhubaran na ang mga pagbabalatkayo. Malalantad na ang lihim. Bakit nga ba niloob ng langit na maging ganoon ang kanilang buhay? Namulat sa galit at hidwaan. Walang kaligayahan. “Aurea,” tinig na hatid ng hangin na umalingawngaw sa paligid. Naririnig niya rin ang bawat pagsayad ng mga kaliskis ng paparating sa balat ng mga puno. Ito’y papalapit. Hanggang sa tuluyan siyang matunton nito. Kaagad siyang nilingkis ng kulay berdeng katawan at niyakap ng makikisig na braso ni Hideon. Kasunod ang muli nitong pagbanggit sa kanyang pangalan. Napaluha si Aurea. Batid ng diwata na ang mga mata ni Hideon ay palaging nakamasid at hangad nito na lagi silang magkapiling. Pahigpit nang pahigpit ang pagkakalingkis. Yakap na puno ng pag-ibig. At kahit kailan ay hindi niya nanaising kumawala. Mawala man ang lahat sa alaala. Hindi man maitala sa kasaysayan ng kanilang lahi. Tuluyan man nilang makalimutan ang isa’t isa. Sa kanilang mga puso, ang alay na pag-ibig ay walang hanggan. ***

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

My Boyfriend's Bestfriend

read
50.0K
bc

The Last Battle

read
4.0K
bc

Stan's Obsession (Last Story of Womanizer)

read
102.8K
bc

Want You Back (Filipino)

read
228.0K
bc

DEYANIRA (His Secret Agent)

read
44.9K
bc

Angel's Evil Husband

read
269.0K
bc

The Empire Series: Vance Luanne

read
566.8K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook