CHRIS Hindi pa rin sinasabi ni Chris sa mga kaibigan na si Carla ang mystery fan. Bago pa man kasi sila dumating ay naiaabot na ng dalaga sa kanya ang papel atsaka ay kunyaring hinahalo ito ni Chris sa iba pang dumarating. Hindi niya rin alam kung bakit hindi niya ito maipagtapat sa mga kaibigan. Marahil ay para ingatan lang rin muna ang namumuong pagkakaibigan nila ni Calai, ayaw niyang makaramdam ng pagka ilang ang dalaga, at mas lalong ayaw niyang iwasan siya nito.
Sa Alabang sila magkikita nila Calai at mga magulang nito. Ngayon na ang nakatakdang araw ng lunch meeting nila. Minabuti niya na ring isama si Missy, ang kanyang nakababatang kapatid, para makilala rin ni Calai. Malambing si Missy at close na close sa kanyang Kuya Chris.
“Good morning Ma’am, Sir,” bati ni Chris habang inilalahad ang kamay sa dalawang matanda. “My name is Chris, this is my sister, Missy.” “Good morning, hijo. Nice to meet you, you too Missy,” magiliw na bati ni Mrs. Alice Vergara sa kanila. Tanging tango at ngiti lamang ang itinugon ni Mr. Noel Vergara sa magkapatid. Tumungo na sila sa isang restaurant kung saan maagang nagpa reserve si Chris. Kinakabahan man ay magaan ang naging pagtanggap sa kanya ng mga magulang ni Calai. “So Chris, what do you do for a living?” panimula ng daddy ni Calai na agad nakapagtaas ng mukha ng dalaga at tumingin sa kanya na tila ba nakikiusap. Tumikhim muna si Chris, uminom ng tubig, atsaka sumagot, “I am a vocalist, Sir. We have a band and we play in the bistro every Thursday. I am also an architect and I own a small firm along with my friends who are also my bandmates.” “Saan ka nakatira?” patuloy ng matanda. Sa gilid naman ay tahimik na nagtitinginan sila Missy at Calai habang may kaunting pag aalala sa mga ngitian. “Sa Makati po sir. I still live with my parents po, and Missy. I own a townhouse, but this little lady here wants me home all the time.” Sabay kindat kay Missy.
CALAI Oh no Dad… nasabi ni Calai sa isip nang magsimulang magtanong kay Chris ang kanyang ama. Naikwento niya na noon na crush niya ang bokalista ng isang banda, at nito ngang bago umuwi ang mag asawa ay naikwento niya na personal niya na itong kakilala. Hindi naman tutol ang ama na magpaligaw si Calai, 25 years old na rin naman kasi ang dalaga, at accomplished na rin career-wise. Gusto niya lamang na pormal na makilala ang lalaking nagugustuhan ng anak, at nang malaman kung ano ang intensiyon nito sa dalaga. Hindi naman maiaalis sa ama ang pag aalala lalo pa nga at nag iisang anak si Calai, at palaging nag iisa sa bansa. “Hi Ate Carla, I’m Missy,” bati sa kanya ng kapatid ni Chris atsaka siya niyakap. Magmula kasi noong naghiwalay sila Chris at ex girlfriend nito ay wala nang ipinakilalang babae ang kuya niya. “Hello Missy. Kumusta ka?” “I’m fine, Ate. Buti nga sinama ako ni Kuya. First time ko lang dito sa mall na to. Pwede ba tayong mag ikot mamaya?” “Oo naman! Kung hindi naman kayo busy, pwede tayo hanggang dinner pa!” may ningning sa matang sagot ni Calai na ikinatuwa naman ni Missy at napa palakpak pa nga ito. Natuwa naman si Chris sa nakitang pagkakasundo ng dalawa.
Matiwasay ang naging pag uusap nila over lunch. Bago natapos ay unti unti na ring ngumingiti ang ama ni Calai. “Calai, mabait naman itong si Chris, kailan mo ba sasagutin?” panloloko ng ama. Taas kilay at nakangiting tiningnan ni Chris si Calai. “Calai?” Pulang pula naman ang pisngi ng dalaga sa sinabi ng ama. “OMG Dad! Hindi naman po nanliligaw si Chris, ano ka ba!” “And yes, Calai ang palayaw ko,” baling naman kay Chris habang hawak ang magkabilang pisngi dahil hindi pa rin nakaka recover sa hiya. Nagsimula na silang mag ikot ikot sa mall. Nagpaalam sila Missy, Calai, at Alice na magsha-shopping at nagpasya namang tumungo ng coffee shop ang dalawang lalaki.
CHRIS “Actually Sir, I want to take this opportunity to formally ask your permission if I could court your daughter. I only had one ex girlfriend, but we broke up years ago. I have no criminal records, never been married, and no child from anyone.” Lakas loob na hayag ni Chris sa dad ni Calai. Tinapik siya nito sa balikat, nginitian, at inilahad ang kamay, “That’s the way to do it, young man. Sino ba naman ako para tumanggi.” Nagkamay silang dalawa, na tila ba nagkaroon ng magandang kasunduan. “Basta Chris, pakiusap lang, kung hindi mo na mahal si Calai, hiwalayan mo siya ng maayos. Walang kalokohan.” “Hinding hindi ko po lolokohin si Calai, Sir. Yan po ang pinapangako ko,” saad ni Chris habang nakataas pa ang kanang kamay.