Nagulat si Mattia sa nadatnan nang bumalik siya sa kwarto. Nakasalampak si Chubs sa sahig habang nagbabasa ng libro at kumakain ng chips. Nakasuot na rin ito ng yukata.
Hindi nito nakikita ang Yokai na nasa tabi lamang, nakasabit sa kisame. Sa hula ni Mattia ay isa iyong object-yokai katulad ng mga matang nakita niya sa sliding door. Mukha itong ordinaryong paper lantern, kulay pula at may isang malaking mata sa gitna. May mahabang dila na lumalabas mula sa butas nito.
“Bakit nakatayo ka lang dyan?” tanong ni Chubs nang mapansin siya sa pinto.
“Chubs, may yokai!” Itinuro ni Mattia ang lantern.
Tumingin doon ang matabang binata— kumunot ang noo dahil lantern lang naman ang nakikita niya. Bumalik ang paningin niya kay Mattia. “Huh?”
Naalala ni Mattia na hindi pala nakakita ng paranormal entity ang kaibigan. Pumasok lamang sa HEAP si Chubs dahil gusto nitong magkaroon ng kakayahan na makakita ng mga multo. Lumapit si Mattia sa kaibigan at umupo naman ito nang maayos. Ibinaba muna ni Chubs ang hawak na libro, alam na niya na may nadiskubre na namang kakaiba si Mattia.
“Ano ang tawag mo doon sa object-yokai na lantern?” tanong ni Mattia, seryoso.
Muling tumingin si Chubs sa likod— doon sa bagay na sinasabi ni Mattia. “Ayon sa mga nabasa kong mga Yokai dito sa Japan. Iyon ay Chochin-obake. Isang Tsukumogami o ordinaryong bagay na nagkakaroon ng kaluluwa. Hindi naman sila mapanganib, mga pranksters lang sila. Pero kung Yokai talaga ‘yan, Mattia. Bakit ngayon lang natin sila na-encounter dito? Kahapon pa tayo nandito, ah. Bakit ngayon lang sila sumulpot.”
“Alam ko kung bakit.” Itinaas ni Mattia ang charm bracelet na nasa kamay. “Dahil dito.”
“Ha?” Lalong nagtaka si Chubs. “Eh ‘di ba protection charm daw ‘yan?”
“Bago ako bumalik dito naka-encounter pa ako ng dalawang yokai. Isang bata na tinatawag na Zashiki-warashi at object-yokai na Mokumokuren. Alam mo ba kung ano ang mga iyon?”
Napahawak si Chubs sa baba at napaisip. “Zashiki-warashi, mahilig maglaro at gumawa ng kalokohan pero good omen ang yokai na ito. Nagbibigay sila ng swerte sa bahay. At ang mokumokuren, observer lang hindi naman sila nananakit. Sa Japanese folklore, nagkakaroon lang ng object-yokai kapag napabayaan ang ang bagay na iyon sa mahabang panahon.”
“So hindi talaga masasamang yokai ang na-encounter ko,” nasabi ni Mattia. “Sinabi nila na attraction charm ito. Nang magdasal tayo sa shrine, biglang gumana ang charm. Ibig-sabihin nakakalat lang ang mga yokai sa paligid at naa-attract natin sila dahil sa suot nating bracelet.”
“Bakit tayo bibigyan ni Takumi ng attraction charm at nagsinungaling pa sila? Delikado ito. Makakakuha rin tayo ng masasamang espirito.” Balak tanggalin ni Chubs ang pulseras sa kanyang kamay.
“Huwag.” Pumigil si Mattia.
“Bakit?”
“Makakatulong sa atin ito. The more na lalapit sila, the more na marami tayong matatanong. Its true na makaka-attract din tayo ng malulupit na Yokai pero hindi naman natin sila maiiwasan kahit ano pang gawin natin. Sa dulo ng imbestigasyon na ito, masasalubong pa rin natin sila.”
May punto si Mattia kaya hindi na rin tinanggal ni Chubs ang bracelet. “Wala naman sa ‘king problema. Kahit lumapit pa sila sa ‘kin, hindi naman ako nakakakita ng paranormal. Pero Mattia paano si Joriz?”
Malalim na napabuntong-hininga si Mattia. “Si Joriz ba kamo? Alam mo naman na napakaduwag ng isang iyon. Huwag mong sabihin sa kaniya kung anong natuklasan natin. Siguradong tatanggalin niya ang bracelet kapag nalaman niya.”
Tumango naman si Chubs. “Pero kahit naman hubarin ni Joriz iyon, wala naman magbabago. Mataas ang ESP ni Joriz kumpara sa ordinaryong mga paranormal investigators.”
“Kanina pa siya sa loob, ah. Ba’t hindi pa siya lumalabas sa onsen?” nagtataka at nag-aalalang tanong ni Mattia.
Nagkatinginan sila at nagkaunawaan. Mukhang may nangyaring hindi maganda kay Joriz.
***
Tahimik ang private onsen sa loob ng ryokan. May singaw na marahang umaangat mula sa mainit na tubig, humahalo sa malamig na hangin ng gabi.
Sa paligid, nakapaikot ang mga lantern, nagbibigay ng dilaw na liwanag.
Bukas ang onsen sa kalikasan—mula roon ay tanaw ang mga puno, ang buwan na nakabitin sa langit, at ang mga bituing kumikislap sa pagitan ng mga ulap.
Napakatahimik ng paligid; tanging ang mga huni ng kuliglig at ang banayad na daloy ng tubig ang maririnig.
Sa gilid ng paliguan ay naroon ang washing area, may maliliit na upuan, tabo at balde, at mga shower head na nakahanay sa kahoy na dingding. Maayos ding nakalagay ang mga shampoo at sabon.
Sa loob mismo ng paliguan, may mga batong patungan para doon maupo, magpahinga, at hayaang yakapin ng init ng tubig ang katawan.
Maingat na pumasok si Joriz, tuwalya lang ang dala niya, sinisigurong tama ang nasundang palatandaan. Private hot bath, sabi sa kaniya ng staff. Nang makaapak siya sa loob, walang ibang tao.
Pagbaba niya sa tubig, saka lang niya napansin na may babae na nakaupo sa kabilang panig ng bato.
Napakislot siya sa gulat kasabay ng pagkapahiya. Kahit siya ay nakahubad din at maliit na tuwalya lamang ang nakatakip sa ibaba niya. Natatarantang nagsabi siya ng tawad. "Sumimasen!" Ibig-sabihin ay sorry.
Napakaganda ng dalaga, maputi ang balat, mahaba ang buhok, at may mga matang kumikislap sa ilalim ng lantern light.
Ngumiti ang babae. “It’s okay,” sabi nito sa malinaw na Ingles. “Mixed baths exist here, you know. You can stay.”
Napamaang si Joriz. Hindi man lang nagulat o nagalit ang babae. Naisip niya na okay lang siguro ito? Ganito siguro ang mga hapon? Pwedeng magsama ang babae at lalaki sa mixed bath kahit pareho silang mga nakahubad? Wala naman sigurong malisya?
Napatingin si Joriz sa paligid. Walang karatula na nakalagay. "Mix bath pala ‘to?"
Nag-alangan siya. Kahit mahilig siya sa magagandang babae, its still too much for him.
Aalis na sana siya pero nagsalita muli ang babae sa tubig. Nakatingin ito sa kaniya. "You're not a local here? What country are you from?"
"Uh, Philippines. Im really sorry... I will go now."
"I told you its okay."
Natigilan siya. "Is it common here?"
Tumango ang babae. "Come on. I won't bite." Ngumiti ito nang ubod ng tamis.
Umabante ang paa niya pabalik sa tubig. Parang natutukso siya sa alok ng babae.
Chance ko na ‘to, naisip niya, sabay lunok.
Umupo ulit siya sa kabilang panig pero may distansya— gaya ng nararapat. Hindi naman niya nakikita ang h***d nitong katawan na nakababad sa tubig.
Mukhang mabait naman ang babae at gusto lamang makipagkaibigan. Nabibighani ang puso ni Joriz, ito pa naman ang kahinaan niya.
Magsasalita pa sana siya pero may narinig siyang mga yabag.
Pagtingin niya sa likod, nakita niyang humahangos na pumasok sina Mattia at Chubs sa onsen. Nakasuot pa rin ng yukata ang mga ito.
Kumunot ang noo ni Joriz dahil sa pagkatataka. "Bakit kayo nandito?"
Sa sandaling iyon, bumanat ang leeg ng babae—humaba, umikot, gumapang sa hangin na parang ahas.
Napamura si Mattia. “s**t! Joriz, umalis ka d'yan!"
Pagbalik mga mata ni Joriz sa kaharap na babae, napasigaw siya at nagmamadaling bumangon upang umalis sa loob ng paliguan. Nagtapis agad ng tuwalya ni Joriz, halos magkadapa-dapa dahil sa pagmamadali. Duwag na duwag na nagtago siya sa likod ni Chubs.
Tumayo ang babae at ang leeg ay nakaunat o humaba na lampas sa mga lantern. Nakangiti pa rin ang mukha, pero ang mga mata ay nanlilisik.
"Anong nakikita mo, Mattia?!" tanong ni Chubs sa katabi.
"Magandang babae. Humahaba ang leeg. Umiikot ang ulo.”
“Rokurokubi,” wika Chubs. “At ang mga Rokurokubi ay mahina sa purification kapag nabunyag ang tunay nilang anyo." Kinuha ni Chubs ang isang supot ng asin sa kanyang bulsa. Nagsaboy siya ng asin. Ang asin ay isa sa mga purification item ng Shinto Religion. "Putulin mo ang ulo niya Mattia!"
Napaatras ang rokurokubi nang matamaan ng asin na hinagis ni Chubs.
Samantala, inilabas naman ni Mattia ang butterfly knife sa bulsa. Handa na siyang makipaglaban sa yokai.
Bumukas ang butterfly knife ni Mattia—flip, click—habang tumatakbo siya palapit sa rokurokubi. Humaba ang leeg ng yokai at sumugod, umiindayog sa hangin na parang ahas.
“Mabilis ka,” sabi ni Mattia. “Pero hindi pa sapat.”
Isang mas mabilis na galaw. s***h!
Napaatras ang rokurokubi at napahawak sa leeg. Maliit lang ang gasgas, pero sapat para matakot ito.
“No—wait!” sigaw nito, napahawak sa leeg na nagkasugat at biglang bumagsak ang katawan sa lupa.
Natigilan si Mattia at sa isang iglap, isang babae na ang nasa harap nila, nakahubad ito at ang buhok lamang ang tumatakip sa katawan. Nakaluhod pa at nanginginig.
“I surrender,” umiiyak nitong sabi. “Please. I don’t want to die," anito habang nakahawak pa rin sa sugat.
Susugod pa sana si Mattia nakataas ang bitbit niyang kutsilyo pero sumigaw si Joriz. “Mattia!” sabay harang. “Teka muna!”
Napatingin si Mattia sa kaibigan, iritado. “Joriz, you know she’s a yokai, right?”
“Oo,” sagot ni Joriz na hindi umaalis ang tingin sa babae. “Pero… mahina talaga ako sa magaganda.”
“Hay naku,” bulong ni Mattia. Napasapo sa noo at tuluyang huminto.
Tumingala ang babae sa kanila, luhaan ang magandang mukha.
“I’ll do anything. Anything! Just don’t kill me.”
Sa gilid, biglang nagsalita si Chubs.
“Uh… guys?”
Sabay-sabay silang lumingon.
“Sino siya?” tanong ni Chubs, nakatingin sa babae. Namula ang mukha nang makitang nakahubad ito, nag-iwas siya ng tingin dahil sa hiya.
Nanlaki ang mata nina Mattia at Joriz. Hindi sila makapaniwala nang makita ni Chubs ang dalaga.
“Ha?” sabi ni Joriz. Napanganga.
“Siya ang yokai kanina,” mabilis na sabi ni Mattia at tinuro ang babae. "Nakikita mo na s'ya Chubs?"
Napahawak si Chubs sa baba at napaisip. Nakatalikod na siya ngayon dahil nahihiyang tumingin. “Sandali… so nakikita ko sila kapag human form? Pero kapag yokai form, hindi na?”
Natahimik silang lahat at napaisip.
"Siguro nag-iimprove ka na Chubs?" — si Joriz.
“Ganoon din ang nangyari noon sa Capiz,” sabi naman ni Mattia. “No’ng natalo natin ang Matruculan. No’ng naging tao siya—doon mo lang din siya nakita. Baka nga nag-improve ka na simula noon Chubs. Nakikita mo na ang human form ng mga mythical creatures."
“Ah baka nga!” sambit ni Chubs. “Naalala ko 'yang sinasabi mo, Mattia. So may improvement na nga ako!" Kumislap ang mga mata ni Chubs dahil sa labis na katuwaan.
Bumaling muli ang mga mata nila sa Yokai nang magsimula itong kumilos, akmang tatakas. Humigpit ang hawak ni Mattia sa kutsilyo, saka niya ito ibinaba at itinutok sa babae. "Huwag kang umalis! Delikado kang Yokai, nananakit ka ng tao!"
Natigilan naman ang babae dahil takot pa rin ito kay Mattia.
“Anong gagawin natin dito?" diretsong tanong ni Mattia sa mga kasama. Walang paki kung ang nasa harap niya ngayon ay isang magandang babae na nakahubad. Para sa kanya, isa pa rin itong halimaw.
"Huwag mo na siyang saktan, Mattia. Magagamit natin siya for information. Impossibleng wala siyang alam sa mga nangyayaring kidnapan ng mga tao," wika ni Chubs. Nakatutok ang mga mata kay Mattia.
Sumang-ayon naman si Mattia. Bumaling muli siya sa yokai. "Okay. You have one chance. Once you betray us we will tell to everyone you are a yokai!" pagbabanta pa niya habang nakatutok pa rin ang kutsilyo sa babae.
“Yes—yes! Thank you,” mabilis nitong sabi. “I swear, I won’t fight. I promise.”
Isa rin sa kinakatakot ng mga yokai ay ang mapahiya sa publiko at malaman ng lahat na sila ay isang yokai.
“Kung magsisinungaling ka,” sabi ni Mattia, malamig ang tono, “hindi na gasgas ang susunod. Papatayin talaga kita!"
Hindi makatanggi sina Joriz at Chubs. Alam nilang dalawa na kayang gawin ni Mattia ang sinasabi. Matagal nang pumapatay si Mattia ng mga mythical creatures— iyong ilang mga nilalang na sa tingin niya ay kayang pumatay at manakit ng mga tao.
Tumango nang paulit-ulit ang babae. Mukhang naunawaan ang sinabi ni Mattia kahit nagtagalog ang binata. Tila nauunawaan nito na mas delikadong nilalang si Mattia.
Bumulong si Joriz kay Chubs, “So kakampi na ba natin siya?”
“Temporary,” sagot ni Chubs. "Hindi pa sigurado. Hindi pa ako nagtitiwala."
Lumapit si Joriz sa dalaga at naglagay ng tuwalya sa balikat nito upang pantakip sa kahubaran nito. “Huwag niyo na siyang takutin mukha namang 'di na siya mananakit.” Nagpapogi at kumindat pa ang loko. Kanina lamang ay takot na takot si Joriz pero nang makitang muling gumanda ang babae— bumalik na naman ang kakaibang hilig.
“Joriz…" sabay na wika nina Mattia at Chubs. Parehong masama ang tingin nila sa kaibigan.
***