Kabanata 3: Origin of Yokai

1134 Words
Kahit saan ka magpuntang lupalop ng mundo ay may Pilipino. Hindi rin nila alam kung paano nangyari na nagkalat ang lahi ng mga Pilipino sa kung saan-saan. Siguro dahil maraming gustong mag-OFW o maraming gustong makaalis ng bansa kaya naghanap ng foreigner sa labas. Ah, hindi nila masisisi ang mga kababayan. Lalo pa't sa panahon ngayon tila pahirap nang pahirap ang buhay. Kamakailan nga lang nagtaas ng presyo ang pamasahe at bilihin sa Pilipinas. Nakakainggit na paunlad nang paunlad ang iba samantalang palubog nang palubog naman ang bansang kinalakihan. Marami silang napagtanto at natutunan nang makapaglakbay sila sa iba't ibang bansa. Hindi lang sa kultura pero sa ekonomiya rin. At isa pang problema— dumadami ang bilang ng paranormal cases, sa labas man o loob ng bansa. Kaya hindi tumitigil ang HEAP sa recruitment ng mga bagong paranormal investigators. Si Sora ay isa ring Pilipino. Ang ina ay isang Pilipina at ang ama naman ay isang Hapon. Ipinanganak at lumaki siya sa Pilipinas subalit sa edad na labing-dalawa, lumipat na sila sa bansang Japan kasama ang kanyang mga magulang. Minsan ay bumibisita siya sa Pilipinas dahil natatandaan pa niya ang masasayang karanasan sa kanyang pagkabata doon. Mailalarawan ni Mattia ang katauhan ng kanilang informant sa dalawang salita. Chill lang. Mukha itong masayahin dahil palangiti at tumatawa sa reaksyon ni Chubs nang kumain sila ng Natto. Ito naman kasing si Chubs kahit kumain na kanina ay gutom pa rin daw. Kasalukuyan silang nasa loob ng isang restaurant at doon nag-uusap. "Bakit po anonymous ang letter? Hindi po sinabi ng sumulat kung sino siya." Iyon ang umpisa ni Mattia ng tanong ukol sa misyon nang maging kampante na silang lahat sa isa't isa. "For privacy reasons. Sa totoo lang ay hindi naman talaga siya ang nagsulat. Ako ang sumulat ng letter para sa kanya. Hahaha!" Natawa ito. "Ang galing kong gumawa ng letter 'di ba?" Nagkatinginan silang tatlo. "Ay, nagda-doubt po kami tungkol dito," tapat na wika ni Mattia, "paano kung wala naman talagang kapatid?" "Tingin n'yo ba ay mag-aaksaya ako ng oras na sumulat kung hindi 'yon totoo?" tugon ni Sora na hindi pa rin nawawala ang ngiti sa labi— hindi nila alam kung sarkastikong ngiti iyon o ano. "Hindi naman po sa ganoon." "Pwede akong kasuhan ng HEAP kung gagawa ako ng fabricated scenario. Seryoso ang organisasyon na iyon tungkol sa maraming bagay. Hindi pwedeng masayang ang oras ng mga paranormal investigators nila sa hindi totoong bagay. Lalo pa't dumadami ang mga paranormal cases sa buong mundo— at kumokonti rin ang mga imbestigador na kumukuha at nakaka-solve ng mga kaso." Kumunot ang noo ni Mattia nang marinig ang sinabi ni Sora. Mukhang maraming alam ang lalaki tungkol sa HEAP. Ngayon lang niya nalaman na nagkakaso pala ang organisasyon sa mga taong nag-fabricated ng mga paranormal cases. "Kilala ninyo ang kliyente namin?" sabat ni Joriz. "Personal ko siyang kilala," sabi lamang nito, "at nandito ako para dalhin kayo sa kaniya." Tumingin ito sa wrist watch. "Ah, tara na. Baka hindi natin maabutan sa shop ang kliyente ninyo. At ako na kakausap sa kanya, ha? Ako lang naman ang marunong maghapon dito. Pero nakakapagsalita din naman siya ng english— minsan." *** Nakakalat ang ilang mga yokai statue sa buong bayan. May yokai statue sa bench, sa gilid ng daan at sa tapat ng ilang departamento. Kaya pala tinaguriang Yokai Town ang lugar na ito. Bukod pa sa dito ipinanganak ang Folklorist na si Yanagita Kunio– father of Japanese Folklore, marami pang yokai spots sa lugar. At syempre pagkakataon na ito ni Joriz para mag-picture sa kung saan-saan. Bumawi ang loko-loko dahil hindi nakalibot sa Osaka. "Ah, ito ang tinatawag na oni," wika ni Chubs na humawak sa isang estatwa na naroon sa bench. "Oni?" — si Joriz. "Isang Monster or Demon Yokai. Nahahati ang Japanese Folklore sa limang uri ng Yokai— Demonic Yokai, Spirit or Ghost Yokai, Animal-based Yokai, Object-based Yokai at Nature Yokai," paliwanag ni Chubs na mukhang masaya sa pagpapaliwanag. "Tama ka d'yan, Chubs. Pero iyan ay mga categories ng yokai base sa appearance nila. Malawak ang japanese folklore. Hindi mo masusukat sa lilimang category lang," sabat naman ni Sora. Nagpatuloy silang lima sa paglalakad, si Sora ang nasa unahan dahil ito lamang ang nakakaalam ng daan patungo sa mysterious client nila. "May impluwensya rin po ng chinese folklore ang japanese folklore ninyo, Sora-oniichan." "Oniichan?" Tumaas ang isang kilay ni Sora nang sabihin ni Chubs ang salitang iyon. Mukhang ayaw nito na magpatawag sa oniichan subalit nabaling ang atensyon nang magsalita si Mattia. "Nabasa ko noon, sa paniniwala ng mga Hapones tungkol sa animismo, naniniwala sila na lahat ng bagay ay may espiritu—kalikasan man o ordinaryong bagay," sabi ni Mattia. "Ganoon nga, noong 'di pa yokai ang mga espiritu, nahahati sila sa dalawang uri. Ito ang tinatawag na Nigi-mitama at Ara-mitama," sang-ayon ni Sora. Sumingit ulit si Chubs dahil masyadong passionate sa mga ganitong usapan. "Nigi-mitama ay mga mababait at mapayapang espiritu na nagdadala ng swerte at proteksiyon. Ara-mitama ay mga marahas o galit na espiritu na nagdadala ng malas, sakit, at sakuna." Biglang naalala ni Mattia na ganoon din ang mga El Cadejo sa Guatemala. Nahahati sa mabuti at masama. "Ang mga ninuno, lalo na ang mga iginagalang na matatanda na namatay na, ay puwedeng ituring na nigi-mitama. Kapag sinasamba sila, nagiging parang protector spirits na nagbibigay ng biyaya sa pamilya o komunidad. Ganito rin sa hayop, bagay, at kalikasan—puwede silang maging: nigi-mitama kung iginagalang, o ara-mitama kung kinatatakutan." — si Sora. "At may mga ritwal na ginagawa para payapain ang ara-mitama at gawing nigi-mitama. Ang tawag dito ay chinkon, ibig sabihin ay pagpapakalma ng espiritu." Si Chubs ulit ang sumalo sa pagpapaliwanag. "Pero kapag hindi napayapa ang isang ara-mitama doon siya nagiging yokai. At iyon ang origin ng mga yokai." "So lahat ng yokai ay masama?" tanong ni Joriz. Umiling si Chubs. "Depende kung paano sila tinrato ng tao. Sa Japanese folklore, ang yokai ay hindi automatic na "evil." Kakaiba sila, mapanganib minsan, unpredictable... pero hindi laging masama ang intensyon." "So sa madaling salita, kahit tinuturing silang mga malas ng tao, hindi naman palaging ganoon ang intensyon nila," sambit naman ni Sora. "Napakalawak ng konsepto ng mitolohiya ng mga hapon, hindi lang basta-basta nahahati sa grupo ng masasama o grupo ng mga mabubuti," wika ni Mattia. "Nandito na tayo." Huminto si Sora sa tapat ng isang ordinaryong bahay. "Nandito siya sa mask-carving workshop. Gumagawa ang pamilya nila ng mga traditional noh mask." Kanina pa sila palakad-lakad, wala silang nakita ni isang Japanese Traditional House. Iyong tipong mga bahay na nakikita nila sa mga anime. Pero sa imahinasyon lang pala iyon, bihira ka nang makakakita ng traditional japanese house. Siguro dahil sa pagbabago ng panahon ay naging moderno na rin ang mga bahay rito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD