***Mira POV***
"PARANG masyado kang maganda 'nak, ah." Sambit ni papa nang makita nya ako. Nakasuot na rin sya ng barong at mukha syang pulitiko.
"Syempre po, pa. Mana ako kay mama, eh." Sabi ko.
"Sa akin ka nagmana anak, hindi sa mama mo. Kita mo naman ang ayos ko ngayon. Pogi di ba?"
"Oo pa. Mukha kayong konsehal." Turan ko.
"Konsehal lang? Gawin mo namang congressman 'nak. Congressman Lauro. Oh di ba? Bagay." Nakangising saad pa ni papa na ikinatawa ko na lang.
"Kuh! Umariba ka na naman, Lauro." Wika ni mama na lumapit sa amin ni papa kasama si Kuya Felix at Kuya Dany na mga naka barong na rin. Infairness, pogi din ang mga kuya ko.
"Valen, ikaw ba yan? Aba'y bakit parang.. naligo ka ba sa holy water? Mukha kang anghel na mabait ah." Hirit ni papa kay mama habang titig na titig sya dito.
Mabilis naman ang kamay ni mama na binatukan si papa.
"Parang sinasabi mong demonyitang masama ang ugali ko, Lauro."
Ngumuso si papa sabay kamot sa ulo. "Wala akong sinasabing ganun. Pero.. ang ganda mo ngayon mahal, ha." Puri pa ni papa.
Maganda naman talaga si mama. Kami nga daw ang magkamukha sabi ng mga kamag anak namin at ng mga nakakakilala sa amin. Hindi ko lang nakuha ang puti ng balat nya dahil nagmana ako sa kulay ni papa.
Umismid si mama. "Ngayon tinatawag mo akong mahal porke't nakita mo 'kong maganda. Naku, sinasabi ko sayo Lauro. Mamaya sa simbahan maraming magagandang bisitang babae doon. Kapag nakita kong umiikot yang mga mata mo, dudukutin ko yan." Banta ni mama.
"Ito naman si Valen, nagseselos agad. Wala pa nga akong nakikitang ibang maganda dito kundi ikaw lang." Nakangising wika pa ni papa na hinawakan pa sa bewang si mama.
Pinalo naman ni mama ang kamay nya. "Parang gusto mong makakita pa ng ibang maganda, ah!"
"Makakita man ako ng iba pang maganda, syempre ikaw pa rin ang pinaka maganda, mahal." Pambobola pa ni papa na may panguso nguso pa.
"Hmp! Mga hirit mo talaga, Lauro." Nilamukos ni mama ang mukha ni papa.
Tatawa tawa naman kaming tatlong magkakapatid. Sanay na sanay na kami sa cariño brutal ni mama kay papa. Pati nga si papa ay sanay na rin.
Nagsalita ang isang wedding organizer at pinapa-ready na kami. Pinapapapunta na kami sa simbahan kung saan ikakasal si Kuya Bryce at Ate Stacey. Kaya naman ay sumakay na kami ni mama sa van namin na second hand binili ni papa. Ang dalawa ko namang kuya ay sa mga motor nila sasakay. Si papa ang driver at katabi nya si mama. Ako naman sa backseat at katabi ko si Nene at Agatha. Ang dalawang pinsan ko naman na lalaking teenager ay sumakay naman sa pinaka likuran. Ang iba ko pang kamag anak ay nagsisakayan na rin sa mga sasakyan na inarkila pa ni papa. May mga sasakyan din naman ang iba kong kamag anak gaya ng jeep, owner at van. Pero sa dami namin ay hindi kakasya kaya nag arkila na lang si papa.
--
Pumapailanlang sa loob ng malaking simbahan ang tunog ng organ. Mabagal ng naglalakad sa pulang carpet si Ate Stacey palapit kay Kuya Bryce na nasa harap na ng altar. Ang gwapo ni Kuya Bryce sa suot nyang barong na lalong nagpatikas ng kakisigan nya. Si Ate Stacey naman ay magandang maganda din sa suot nyang puting puti na traje de boda. Filipiniana yun na modern ang style. Ang belo nyang mahaba ay nakakabit lang yun sa buhok nyang nakabun. Sobrang ganda ni Ate Stacey. Para syang prinsesa. Idagdag pa ang matamis nyang ngiti sa labi habang nakatutok lang ang tingin kay Kuya Bryce.
Pero hindi lang si Ate Stacey ang pinagtitinginan ng mga bisita. Agaw pansin din kasi ang uncle nya na syang naghahatid sa kanya sa altar. Si Sir Remus. Gwapo din kasi talaga sya at malakas ang dating. Yun nga lang nakaka-intimidate ang hitsura. Bukod sa malaking lalaki mukha din syang masungit dahil hindi palangiti. Gayunpaman ay hindi naman mapigilan ng mga pinsan kong babae na kiligin.
"Ang gwapo din talaga ng uncle ni Ate Stacey, no." Dinig kong mahinang sambit ni Ate Badet na nasa likuran ko lang.
"Oo nga. Lakas maka-hollywood star ang atake." Dagdag pa ni Ate Mariel.
"Para kamong bidang lalaki sa mga turkish drama." Wika pa ni Agatha.
"Sayang nga lang may asawa't anak na." Nanghihinayang na saad pa ni Ate Badet.
"Psst! Ano ba kayo? Nasa loob kayo ng simbahan kung ano ano ang pinag uusapan nyo. Umayos nga kayo." Pabulong na saway ni Tiyang Aurora sa mga pinsan ko.
Tumigil naman sila at nagsisihan pa.
Nagtinginan naman kami ni Nene at sabay ngumisi. Ang ingay kasi nila, eh
Ilang sandali pa ay nakarating na sa harapan ng altar si Ate Stacey at inabot ni Kuya Bryce ang kamay nya. Malagkit ang tingin nila sa isa't isa at kinilig pa kaming lahat ng dampian ni Kuya Bryce ng halik sa labi si Ate Stacey. Pati nga ang pari ay nangiti na rin na parang kinilig din.
Nag umpisa na ang misa para sa kasal. Tumahimik naman ang lahat at nakinig sa pari..
Punong puno ng mga bisita ang reception na ginanap sa malawak naming bukid. Bumabaha din ng pagkain na mga kamag anak ko pa ang nagluto. Hindi naman kami mapapahiya sa mga bisita lalo na sa mga kamag anak ni Ate Stacey dahil masasarap magluto ang mga kamag anak ko. Kilala ang pamilya namin na masarap magluto. Pati nga ang papa ko ay masarap magluto. Mas masarap pa syang magluto kesa kay mama.
Masaya ang reception. Puno ng kwentuhan at tawanan. Lalo pa noong mag salita ang ibang kamag anak ko at nagbigay ng mensahe para sa bagong kasal. Pero nung si papa na ang nagsalita ay puro tawanan na. Paano ba naman kasi para syang komedyante kung magsalita. Tuwang tuwa naman ang lolo ni Ate Stacey kay papa. Pero si mama ay hiyang hiya at parang gusto ng agawin ang mic kay papa.
"Ayos pa ba ang lahat? Sabihin nyo nga orayt!" Turan ni papa na akala mo ay nakatoma na ng isang case ng pulang kabayo.
"Orayt!" Sabay sabay namang sambit ng mga bisita sabay tawa din.
Napasapo sa noo si mama. "Kuh! Ito talagang papa nyo. Nakakakahiya."
"Partida 'ma, di pa nakakatagay yan si papa." Nakangising sabi ni Kuya Dany.
"Yun na nga eh."
"Hayaan nyo na 'ma. Aliw naman ang mga bisita kay papa. Akala siguro nila clown si papa." Segunda pa ni Kuya Felix sabay tawa.
"Kuh! Makukurot ko talaga yang papa nyo mamaya."
Hinayaan ko lang si mama na maglitanya. Inabala ko ang sarili ko sa pag selfie at pagkuha ng video sa paligid. Meron din namang photographer at videographer na kasama ang wedding organizer at kinukuhanan ang mga kaganapan sa paligid para remembrance ng bagong kasal.
Nang matapos ang munting programa ay nagsimula ng magkainan ang lahat.
Lalo pang gumanda ang paligid sa reception ng sumindi ang mga ilaw. Nag aagaw na rin kasi ang dilim at liwanag.
Masayang nagkainan ang lahat ng bisita. Halatang mga gutom na rin. At wala akong ibang narinig mula sa kanila kundi masarap ang mga pagkain. Pati ang mga kamag anak at mga bisita ni Ate Stacey ay sarap na sarap din sa mga pagkain. Pero ang pinaka pinagkaguluhan ng mga bisita ay ang litsong baka at baboy. Mga tiyuhin ko ang nagtataga ng mga yun. Special pa ang litsong baboy dahil may palaman pang seafood.
Ako naman at ang mga pinsan kong babae ay kumain na rin. Pagkatapos ay lumapit kami kanila Kuya Bryce at Ate Stacey sa mesa nila para mag pa-picture. Game na game naman sila lalo na si Ate Stacey.
Natigilan kaming magpipinsan sa pag sasayaw sa teektok ng may dumating na dalawang sasakyan na itim na itim. Magagara ang mga sasakyan na yun base na rin sa logo nito.
"Si Boss Alessandro, dumating na." Dinig kong sambit ni Kuya Bryce at tumayo kasunod si Ate Stacey.
Bumukas ang pinto ng isang sasakyan sa likuran at bumaba ang apat na lalaking pare-parehas ng suot. Lumapit ang isang lalaki sa unahang sasakyan at binuksan ang pinto sa likuran. Bumaba ang isang matangkad na lalaki na may malapad na pangangatawan. Nakasuot sya ng itim na long sleeve polo na nakatupi ang mga manggas hanggang siko. Bukas ang ilang butones kay nasisilip ang malapad nyang dibdib. Itim na itim din ang trouser na kanyang suot na halos humakab sa kanyang mga hita. May suot din syang dark shade.
Gwapo ang lalaki sa tunay na kahulugan. Para syang modelo sa tangkad nya at halatang hindi purong pinoy o baka nga walang lahing pinoy. Pangahan ang kanyang mukha at may balbas at bigote. Matangos ang ilong at manipis ang labing mamula mula. Mayamaya pa ay hinubad ng lalaki ang suot nyang dark shade at ginala ang mga mata sa paligid hanggang sa matuon yun sa gawi namin at magtama ang aming mga mata.
Umawang ang labi ko ng masilayan ang kakaibang kulay ng mga mata ng lalaki. Kulay asul yun na malalim kung tumingin.
*****