Chapter 5

2022 Words
***Mira POV*** UMAWANG ang labi ko sa sinabi ni Ka Tureng. Hindi ko alam kung hinuhulaan na naman ba nya ako o nagsasalita sya ng mag isa. Pero nasa matinong pag iisip pa naman si Ka Tureng at wala syang sakit. "Hindi po ako nagpapahula, Ka Tureng." Sabi ko. Mahinang tumawa ang matanda. "Alam ko. Pero yun ang nakikita ko sa kapalaran mo, iha. Malapit mo nang makilala ang lalaking magpapabago sa buhay mo. At hindi sya basta bastang lalaki lang." Kumamot ako sa likod ng tenga at ngumuso. "Sino naman pong lalaki yan, Ka Tureng?" Ngumiti sya. "Hindi ko sya kilala. Pero nakikita ko sa premonisyon ko na hindi sya basta bastang lalaki." Binitawan na ni Ka Tureng ang kamay ko at tinapik ako ng marahan sa balikat. Ngunit titig na titig pa rin sya sa akin. "Napakaganda mong dalaga, Mira. Lumaki kang maganda at isang kaakit akit na dalaga. Mabibighani sayo ang lalaking magpapabago ng buhay mo." Habang naglalakad ako pabalik sa bahay ay hindi mawala sa isip ko ang mga sinabi ni Ka Tureng. Binigyan pa tuloy nya ako ng iisipin ngayon. Iniisip ko kung sino ang lalaking tinutukoy ni Ka Tureng. Hindi daw nya yun kilala pero yun daw ang magpapabago ng buhay ko. Hindi ko tuloy alam ngayon kung maniniwala ba ako sa mga sinabi ni Ka Tureng. Pero kung magsalita kasi sya kanina ay parang siguradong sigurado sya eh. Ay ewan! Winaksi ko na lang sa isip ang mga sinabi ni Ka Tureng. Feel ko naman ay hindi magkakatotoo ang mga sinabi nya. Pag uwi sa bahay ay dumiretso ako sa piggery namin na nasa likod lang. Naabutan ko si papa na kausap ang isang buyer. Ang dalawang tauhan naman namin ay pinapasok ang mga baboy sa truck na dala ng buyer. Mukhang marami raming baboy ang bibilhin ng buyer. Nasa sampu na kasi ang nabilang ko sa loob ng truck at may pinapapasok pa ang mga tauhan namin. Tiningnan ko ang buyer. Ngayon ko lang sya nakita pero parang pamilyar sya. Malakas syang tumawa parang si papa. Malaki ang tiyan nya at halatang manginginom din gaya ni papa, di nga lang malaki ang tiyan ni papa. Nakita ako ni papa. "'Nak, nandyan ka pala. Halika rito. Andito ang Ninong Iking mo, o!" Ani papa at tinuro ang buyer na kausap nya na tumingin din sa akin. Lumapit naman ako. Kaya pala pamilyar sya dahil ninong ko sya. Pero matagal ko rin syang hindi nakita. Nag mano ako sa buyer na ninong ko pala. "Ito na ba ang inaanak kong si Mira, Lauro?" "Oo, Iking. First year college na ito. Nursing ang kinukuha." Wika ni papa at inakbayan ako. "Aba'y dalaga na pala itong bunso mo at magandang maganda pa. Ikaw ba'y may boyfriend na inaanak?" Nakangising baling sa akin ng ninong ko. Umiling iling ako. "Wala po, ninong. Bawal pa po. Ayaw po ni papa." Sagot ko. "Kuh, napakahigpit mo naman pala, Lauro." Baling muli ni ninong kay papa. "Aba'y syempre! Unica iha ko ito at bunso ko. Kita mo naman pang misyunibers ang ganda. Ayokong kung sino sinong depunggol lang ang manliligaw sa kanya. Isa pa ay bata pa sya at nag aaral pa. Magtapos muna sya bago magpaligaw. Yan ang mahigpit kong bilin sa kanya." Tumango tango si Ninong Iking. "Maganda ang pangaral mo sa bunso mo, Lauro. Tamang tama, binata na rin ang bunso ko. Si Kenneth. Nasa college na rin. Baka matipuhan mo para dito sa anak mo, Lauro. Aba'y pogi din yun. Kamukhang kamukha ko. Kapag sila nitong bunso mo ang nagkatuluyan, aba'y kakalat ang magandang lahi natin!" Ani Ninong Iking sabay tawa ng malakas. Bahagyang naging ngiwi ang ngiti ko. Si papa naman ay tumawa lang. Pero yung tawa nya ay sarkastiko. Ewan ko kung nahalata yun ni Ninong Iking. "Mas mainam, magtapos muna sila bago ang ligaw ligaw na yan. Pero kamusta na ang mga anak mo? Nakapag tapos na rin ba sila?" Pag iiba ni papa ng topic. "Oo. Tapos na ang tatlo kong anak. Pulis na yung dalawa. At yung isa naman ay nag ti-training na rin sa pagpupulis. Si Kenneth magpupulis din yun. Sa susunod kapag wala syang pasok, isasama ko sya dito para makilala nitong bunso mo." Segway pa ni Ninong Iking sabay tawang parang lasing. Halatang maganda din ang buhay ng Ninong Iking ko. Base na rin sa mga gold na suot nya. Nakapag tapos na rin sya ng tatlong anak ayon sa kwento nya. Mukha rin naman syang mabait. Natapos ang transaction ni papa at ni Ninong Iking na puro kwentuhan at tawanan lang. Umalis na si ninong dala ang biniling bente pirasong baboy. "Sa susunod 'nak, kapag pumunta ulit dito yung ninong mo, huwag kang pupunta dito sa babuyan, ha. Baka kasama na nya ang anak nya sa susunod." "Wala naman pong masama pa kung makikipag kilala lang naman yung anak nya." Umungol si papa. "Nako huwag na! Baka lalo lang matuwa ang ninong mo at kulitin ako nun na kayong dalawa ng anak nya ang magkatuluyan. Ayokong mangyari yun." Ngumuso ako. "Bakit naman po? Ang sabi ni ninong pogi daw yung anak nya." Sabi ko pa. Hindi naman ako interesado sa anak ni Ninong Iking. Gusto ko lang asarin si papa. "Pogi? Kow anak! Di ba sabi ng ninong mo kamukhang kamukha daw nya yung bunso nya. Maniwala ka sa sinabi nya. Kamukha nya talaga." "Eh ano naman pong masama kung kamukha ni ninong yung anak nya. Natural lang po yun dahil mag ama sila. Parang kayo ni Kuya Dany. Magkamukhang magkamukha." "Pogi kami ng kuya mo. Kami ng kuya mo ang totoong depenisyon ng pogi. Hindi ang ninong mo at ang anak nya gaya ng sabi nya." "Grabe ka naman kay ninong 'pa." "Nagsasabi lang ako ng totoo 'nak. Nakita mo naman ang ninong mo. Para ng bulldog sa suot nyang gold chain." "Ang basher ng atake nyo pa, ha. Samantalang kanina kung makipag kwentuhan kayo at makipagtawanan kay ninong parang close na close kayo. Lowkey basher pala nya kayo." "Syempre, buyer yun. Kaya kailangan pakisamahan ng maayos at bola bolahin din. Pero sa totoo lang inis ako dyan sa ninong mo. Karibal ko din kasi yan dati sa mama mo. Nanligaw din yan sa mama mo. Mabuti na lang di sinagot ng mama mo, kundi mukhang bulldog na rin kayong magkakapatid." "Ang salbahe nyo pa!" Bulalas ko. Pero hindi na ako bago sa ganung pananalita ni papa. Pasmado talaga bibig nya. Sa kanya nagmana ang dalawa kong kuya na malakas ding mang asar. Kaya nga inis na inis sa kanya si mama kapag nang aasar sya. Tumawa lang si papa habang nagbibilang na ng perang binayad ni Ninong Iking para sa biniling baboy. Mabilis ang mga daliri ni papa sa pagbibilang. Maya maya ay humugot sya ng limang libo at inabot sa akin. "O, para sayo 'nak." Ngiting ngiti na kinuha ko ang pera. Mabuti na lang talaga at pumunta ako dito. "Thank you, pa." Tuwang sabi ko at sinuksok sa bulsa ng shorts kong maong ang pera. Ito ang isa pa sa gustong gusto kong ugali ni papa kahit noong maliit pa ako. Galante sya sa aming magkakapatid lalo na sa akin. Hindi ko na kailangan manghingi ng pera sa kanya dahil lagi nya akong binibigyan. Malaki nga ang baon ko araw araw noong nag aaral ako ng elementary hanggang highschool at senior high. Pero hindi naman ako gastasera. Iniipon ko ang mga sobrang pera na binibigay ni papa. Hinuhulog ko sa alkansya ko sa kwarto. Bukod kay papa ay binibigyan din ako ng dalawa kong kuyang may trabaho na. Si mama naman, bihirang mag bigay. May pagka kuripot kasi si mama. Siguro ay dahil alam nyang binibigyan naman kami ni papa. Pinabalik na ako ni papa sa bahay dahil papadilim na. Malamok na sa babuyan at baka daw makagat pa ako ng lamok. Maglilinis pa kasi sila at magpapakain ng baboy. Malapad naman ang ngiti ko na bumalik sa bahay dahil may pera ako. -- **Bryce & Stacey wedding day..** "AY BONGGA! Ang lakas makalatina ng beauty mo, inday!" Bulalas ni Ate Chin. Ang make up artist na nag aayos sa akin. Tumingin naman ako sa harap ng salamin. Maging ako ay namangha sa pagkaka make up sa akin ni Ate Chin. Perfect ang pagkakabrush sa kilay ko. Mas lalong naging buhay na buhay ang aking almond shape na mga mata. Mas lalo pang pumilantik ang mahahaba kong pilik. Ang aking ilong ay tila lalo pang tumangos dahil sa contour. At ang labi ko naman ay tila lalo pang umalsa dahil sa nilagay doon ni Ate Chin. Medyo makapal kasi ang labi ko pero hindi naman masagwang tingin. Ang sabi nga nila ay ang perfect daw ng lips ko at ito daw ang isa sa asset ko sa mukha bukod sa mata ko. May ibang nagtatanong pa nga kung nagpa-lip filler ako. Syempre hindi. Natural ang lahat sa akin. "Ano? Havey ba?" Tanong ni Ate Chin na nasa likuran ko at nakatingin sa akin sa salamin. Tumango ako at ngumiti. "Ang ganda po, ate." Sabi ko. "Kuh! Huwag mo na akong i-po. Hindi naman yata nagkakalayo ang edad natin. Ilang taon ka na ba?" "Eighteen po." Suminghap sya at namilog ang mga mata. "Eighteen ka lang? Akala ko nasa twenties ka na pataas. Ang bagets mo pa pala. Hindi obvious, ha. Kumbaga sa prutas hinog na hinog ka na." "Salamat po, ate." "Huwag mo na akong i-po, bagets. Ang lakas makatanda ng po, eh." "Sige.." Sabi ko na lang. Inutusan na ni Ate Chin ang hairstylist na ayusan na ako ng buhok. Ang ibang pinsan ko naman na abay din sa kasal ang inayusan ni Ate Chin. Pero maging ang hairstylist ay panay din ang puri sa akin. Tinatanong pa nga ako kung nag pa-pageant ako. Sabi ko naman ay hindi. Kung maisipan ko raw sumali sa pageant ay sabihin ko raw sya at may kakilala daw syang magaling humawak ng nga kontesera sa pageant. Ngumiti lang ako at tumango. Pero wala naman talaga akong interest sa mga ganung bagay. Messy bun ang ginawa ng hairstylist sa buhok ko at naglagay ng dalawang nakalawit na buhok na kinulot sa magkabilang gilid ng mukha ko. Nilagyan din nya ng maliliit na bulaklak na dekorasyon ang buhok ko. Pagkatapos akong ayusan ng buhok ng hairstylist ay sinuot ko na ang dress ko. Pine green ang kulay ng dress na hanggang talampakan. Pa-halter ang neckline ng dress at hakab sa katawan ko ang madulas na telang yun hanggang sa aking balakang. Ang kulay ng dress ay bumagay sa morenang balat ko. Brown skin kasi ako pero hindi naman masyadong dark na pagka-brown. Yung tama lang na pagka brown. At pantay ang kulay ko mula ulo hanggang paa. Matapos kong magbihis ay sinuot ko na ang silver stiletto na 3 inches ang taas ng takong at lumabas ng kwarto para puntahan ang iba kong pinsan na inaayusan pa. Ngayong araw na ang kasal ni Kuya Bryce at Ate Stacey. Kaya naman abalang abala na ang lahat. Dito na kami sa bahay inayusang mag pipinsan ng make up artist at hairstylist na dala ng wedding organizer. Bigla ngang sumikip ang bahay namin eh. Habang pababa ako sa hagdan ay halos sabay sabay na tumingin sa akin ang mga pinsan kong inaayusan pa. Pati ang mga make up artist at hairstylist ay napatingin din sa akin. "Ang lakas talaga makalatina ng batang ito o! Mag pageant ka, beh. May future ka. O kaya mag artista ka. May kilala akong talent manager." Wika pa ni Ate Chin na ang inaayusan na ngayon ay si Ate Badet. Ngumiwi ako. "Wala akong talent, Ate Chin." "Ayos lang yan. Madadaan naman sa ganda. Ano? Gusto mo bang mag artista? Ilalakad kita sa talent manager na kilala ko." Hikayat pa nya sa akin. Umiling naman ako. "Hindi, ate. Wala po akong interest." Ngumuso si Ate Chin. "Naku, sayang naman.." Habang hindi pa tapos ayusan ang mga pinsan ko ay pinuntahan ko naman si mama sa kwarto nila ni papa. Naabutan ko syang nagbibihis na ng damit. Tapos na syang ayusan at ang ganda ng mama ko. *****
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD