“EUNICE!” Malakas ang tinig ni Limuel habang sinasalubong niya ako sa pasilyo ng aking opisina, “saan ka galing? Pumunta ako sa bahay niyo kanina, sabi ng katulong, hindi ka daw doon natulog!”
Medyo nainis ako. Siya pa talaga ang may karapatang tanungin ako ng ganito, gayung siya ang nakalimot sa anniversary namin kagabi?
Kung hindi dahil sa myday ng isa niyang kaibigan, hindi ko malalaman kung nasaan siya.
Ayoko muna sana siyang makausap, kaya sinubukan ko siyang lagpasan. Subalit hinarangan niya ako. Hinawakan niya ang aking pulso, saka niya ako hinila.
“Wag mo akong balewalain, kinakausap kita!” Gigil niyang sabi sa akin.
Iwinaksi ko ang kanyang kamay, saka tinitigan ko siya sa mata.
“Bakit mo naman ako naisipang puntahan?”
“Anong bakit? Malamang, nobya kita, at nais kitang sunduin!” Sagot niya.
Napangisi ako, saka napahawak ako sa aking baywang. Inilagay ko ang aking dila sa ilalim ng pang ibaba kong labi, saka ako huminga ng malalim at pilit na nagtitimpi.
“Nasaan ka kagabi?” Balik tanong ko sa kanya.
Hindi agad siya nakapagsalita. Nakatingin lang siya sa akin, na tila ba nagulat. Marahil, hindi niya akalaing tatanungin ko siya. Masyado na siyang nasanay, na kahit saan siya magtungo ay wala siyang naririnig mula sa akin.
“Na-nasa bahay lang ako!” Nauutal niyang sagot, subalit naging malikot ang kanyang mga mata, at hindi siya makatingin sa akin.
“Talaga ba? Talaga bang nasa bahay ka lang?” Napangiti ako ng mapait. Talagang nakuha pa niya akong pagsinungalingan.
Magsasalita pa sana siya, ng may isang matinis na tinig ang nagsalita sa hindi kalayuan.
“Limuel. Bakit iniwan mo naman ako sa kotse!” reklamo ni Elys, ang BFF/secretary ni Limuel. Agad siyang humawak sa braso ng lalaki, “Oh, hi there.. Eunice!”
Napaismid ako. Halatang halata sa kanya ang kaplastikan. Nakakainis tingnan ang mapagkunwaring babaeng ito.
“Eunice, saa–” bago pa magsalita si Limuel, naunahan na siya ni Elys.
“Limuel, may meeting ka ngayon sa Global International di ba? Baka ma-late tayo!”
“Maaga pa,” sagot ni Limuel, “mag uusap muna kami–”
“Nope!” Hinilang pilit ni Elys si Limuel, “halika na, mauunawaan ka naman ni Eunice. Right, Eunice?”
Ngumisi lang ako. Hindi ako nagsalita. Kitang kita ko kung paano kaladkarin ni Elys si Limuel. Akala mo, aagawan ng lalaki.
Sa nakalipas na taon, pinagpasensiyahan ko ang bagay na ito. Subalit ngayon, hindi na ito pwede sa akin.
Biglang bumalik sa akin ang alaala isang taon na ang nakakaraan.
“SIYA nga pala si Elys Divina, best friend ko siya, at napagpasyahan kong siya ang kunin kong secretary.”
Walang pagpapaalam sa akin, walang pagtatanong. Straight to the point agad.
Ngumiti ako sa kanila, kahit nabigla ako. Pero wala naman akong magagawa, kung ito ang nais ni Limuel.
May utang na loob ako kay Limuel. Noong maaksidente kami ng pamilya ko, na namatay ang aking mga magulang at ang aking kuya, si Limuel ang nagdonate sa akin ng organ, kaya ako nabuhay. Kaya ipinangako ko sa aking sarili, na mamahalin ko siya, aalagaan at poprotektahan sa lahat.
Inispoiled ko siya, at lahat ibinigay ko.. maliban na lang sa isang bagay.. ang aking katawan.
Para sa akin, sagrado ang katawan ng babae, at nararapat lang ibigay sa lalaki kapag kasal na.
Kaya ang nais na ito ni Limuel ay pagbibigyan niya.
Subalit..
Hindi ko akalain na pagmumulan ito madalas ng aming away.
Minsang nakita ko si Elys, ngumiti ako, saka lumapit sa kanya.
“Kumain ka na ba?” Aayain ko sana siya kung hindi pa.
“Oo, kumain na kami ni Limuel. Isinama niya ako sa restaurant na paborito niyang kainan.”
Ang pahayag na iyon ay parang sumaksak sa aking puso. Ang tinutukoy bang restaurant ng babaeng ito ay..
“Sa BELL PEPPER restaurant.” Siya na ang sumagot sa bagay na iniisip ko.
Ang lugar na iyon ay mahalaga sa akin, dahil doon ako nagtapat ng pag ibig kay Limuel, at dun siya pumayag na maging nobyo ko. Pangako noon namin sa isa’t isa, na ako at siya lang ang pupunta ng magkasama sa tagong lugar na iyon.
Agad namula ang aking mukha. Inis ako sa aking nalaman, subalit wala akong lakas ng loob na magsalita.
“Limuel!” Narinig kong sabi ni Elys, saka umalis siya sa aking harapan.
Sinundan ko kung saan siya pupunta. Kay Limuel. Agad siyang humawak sa braso nito.
Nakangiti si Limuel habang hinahawakan ang ulo ni Elys. Pagharap niya, nakita niya ako. Nawala ang kanyang ngiti at nagmamadaling lumapit sa akin. Subalit nanatiling nakahawak pa rin ang babae sa kanyang braso.
“Anong ginagawa mo sa department na 'to?” Tanong niya sa akin.
Agad kong inalis ang tingin sa mga kamay ni Elys na nakahawak sa kanyang braso, saka pilit akong ngumiti.
“Aayain ko sana kumain si Elys, pero kumain na pala siya.”
Bahagyang napatda si Limuel, saka napilitang ngumiti, “oo, kanina, may client kaming tinagpo. Kaya idinaan ko na rin siya sa restaurant. Doon sa paborito nating kainan.”
“Bakit nagsama ka ng iba doon? Usapan natin, tayo lang dalawa ang makakaalam ng lugar na yun?” May halong pagtatampo ang aking tinig.
“Wag kang masyadong petty. Hindi naman iba si Elys, best friend ko siya. Isa pa, restaurant lang yun, lahat naman, pwedeng kumain dun.” Tugon niya sa akin.
BUMALIK ako sa kasalukuyang pag iisip, saka mapait akong napangiti. Marahil, hindi naman talaga genuine ang pagmamahal niya sa akin. Baka ako na lang talaga ang kumakapit sa kanya.
Napaisip ako. Paano kaya kung hindi siya ang nagligtas sa buhay ko noon, ganito kaya ako ka-obsess sa kanya? Magiging ganito kaya ako kalapit?
Ang nangyaring aksidente sa amin ng aking buong pamilya, ang nagsilbing pundasyon ko, para isiping maiksi lang ang buhay, at tulungan ang mga taong nakatulong sa akin ng malaki. Bilang pasasalamat sa kabutihang nagawa sa akin ni Limuel noong nasa kritikal akong kondisyon, ipinangako ko sa aking sarili, na dahil utang ko sa kanya ang aking buhay, mamahalin ko siya at pagsisilbihan.
Pero bakit ganito? Simula noong maging established ang kumpanyang itinatag namin, unti unti siyang nagbago, at parang hangin na lang ako sa kanya?
Mas madalas pa niyang kasama ang ibang tao, lalo na ang BESTFRIEND daw niyang si Elys. Minsan, sa loob ng dalawang linggo, isang beses na lang kami magkita.
Lagi siyang nasa client, may meeting, conference, out of towns.
Ngayon, mas napatunayan ko, na sinasayang ko na lang ang buhay ko sa kanya. Lalo na ng mahuli ko silang naghahalikan sa private room na iyon, kasama ang mga kaibigan niyang kunsintidor.
Mas napatunayan kong hanggang dito na lang talaga ang lahat..