Episode 2

2268 Words
Chapter 2 JENNIFER Malalim ang tingin ko sa malayo habang nilalamon ng katahimikan ang loob ng tren. Ramdam ko ang init ng luhang muli na namuo sa mga mata ko. Hindi pa rin ito tumitigil mula pa kahapon—tulad ng hindi pagtigil ng takot na bumabalot sa buo kong pagkatao. Hindi para sa sarili ko ang takot na ‘to… kundi para sa kapatid kong si Katrina, at kay Zeun. Nakapatong ang ulo ni Katrina sa dibdib ko habang kami ay nakaupo. Tulog na siya. Tahimik ang paghinga niya, pero alam kong hindi niya iyon tunay na kapahingahan. Pareho kaming sugatan ang puso, parehong pagod. Ako, pilit kong ipinapakita sa kanya na kaya ko, na matatag ako. Pero sa loob-loob ko… gustung-gusto ko na ring gumuho. Hindi maalis sa isip ko ang nangyari kahapon. Ang hayop kong si Tito Ramon—muntik na niyang maisakatuparan ang masama niyang balak sa amin. Kung hindi lang dumating si Zeun... baka hindi na kami nakaupo ngayon dito sa loob ng tren. Nakapikit na pala ako. Hindi ko namalayan na unti-unti na akong hinihila ng antok—pero hindi ito panatag na tulog. Sariwa pa rin sa isipan ko ang huling pag-uusap namin ni William. “Ano ang dahilan bakit gusto mo akong hiwalayan? Jennifer, mahal kita. Huwag mo namang gawin ito sa akin,” halos nagmamakaawa si William noon. “Ayaw ko na nga sa relasyon nating ito, William. Masyado pa tayong bata. Kailangan ko munang mag-concentrate sa pag-aaral ko. Isa pa… hindi na rin kita gusto.” Sinubukan kong gawing kalmado ang tono ng boses ko, pero sa loob ko, wasak ako. Sobrang sakit sabihin ang mga bagay na iyon lalo na kung kabaligtaran ng totoo. Si William... siya ang unang lalaking nagpangiti sa akin. Sa kaniya ko unang naramdaman na may halaga ako. Sa bahay? Laging kulang. Lagi akong mali. Pero sa kaniya, sapat ako. “May iba ka na ba? O may nagawa akong mali? Sabihin mo sa akin, Jennifer... para mabago ko ang sarili ko. Para ayusin ko lahat,” halos wala nang boses si William sa pakiusap niya. Ang hirap. Ang hirap magsinungaling para lang protektahan ang taong mahal mo. “Marami akong hindi gusto sa’yo,” bulong ko, pilit pinapakatatag ang loob. “Nawala na rin ang pagmamahal ko. Una, hindi ka nababagay sa akin. Pangalawa, mahirap ka lang. Pangatlo, babaero ka.” Alam kong kasinungalingan lahat ‘yon. Pero kailangan kong saktan siya para layuan niya ako. Para mailigtas ko siya. “Hindi ako naniniwala sa’yo,” sagot niya. “Sinabi mo noon na hindi mo kailangan ng pera. Sinabi mo na kahit mahirap ako, mamahalin mo ako. At wala akong babae alam iyan!" Humigpit ang hawak ko sa sarili kong braso para hindi ako bumigay. Ayokong makita niya na umiiyak ako. “Bahala ka kung maniwala ka man o hindi,” sagot ko, saka ako tumalikod. Patakbo akong lumayo habang hawak-hawak ang puso kong parang pinipilas. Nang malayo na ako, sumandal ako sa puno ng kahoy sa park. Doon ako tuluyang bumigay. Umiyak ako hanggang sa mawalan ako ng lakas. Nakita ako ni Zeun. Nilapitan niya ako, halatang nag-aalala. “Jennifer? Anong ginagawa mo rito? Bakit ka umiiyak?” Pinunasan ko agad ang luha ko. Ayokong makita niya akong mahina. “Break na kami ni William. Ikaw na ang bahala sa kanya,” mabilis kong sabi bago ako tumalikod. Ayokong marinig pa ang boses niya. Ayokong bumalik sa desisyong ginawa ko na. --- Nagising ako nang huminto ang tren sa susunod na istasyon. Naalimpungatan na rin si Katrina. “Ate, malayo pa ba tayo?” tanong niya, habang pinupunasan ang mata niya. “Medyo pa, pero tingnan mo mamaya ang mga view. Ang ganda. Baka kahit papano, mawala ang takot mo,” ngiti ko sa kanya habang hinahaplos ko ang buhok niya. “Opo, Ate…” Hinagkan ko ang noo niya. Alam kong takot na takot siya—kagaya ko. Mahal na mahal ko si Katrina. Hindi man kami magkadugo, pero siya lang ang tanging pamilya na meron ako. Ampon lang ako ng mga kinikilala kong magulang. Pero sa kabila ng lahat, patuloy akong nangarap na mahalin ako ng taong itinuring kong ama—si Mario. Lahat ng utos niya, sinunod ko. Kahit paulit-ulit niyang saktan ang katawan ko, tiniis ko. Ang gusto ko lang ay maramdaman na mahalaga ako sa kaniya. Pagkaraan ng ilang oras, nakarating na kami sa Holand station. Sumakay kami agad ng taxi at nagtuloy sa condo unit na pansamantala naming tinutuluyan. “Katrina, iligpit mo ang gamit mo. Bukas kukuhanan kita ng ticket. Doon ka muna sa San Fernando. Walang mananakit sa’yo roon,” sabi ko habang inaalis ang takong sa paa. “Ate, paano ka? Magpapaiwan ka rito?” “Mas lalong magagalit si Papa kung wala siyang makita ni isa sa atin. Lalo na ngayong... patay na si Tito Ramon. Alam ko, hindi siya maniniwala sa mga sasabihin natin. Ayaw kitang mapahamak.” “Ano kaya kung sumama na lang ako kay Lorenzo? Babalik na lang ako sa Amerika?” “Gusto mong mapahamak siya?” halos pabulong pero matigas ang boses ko. “Kilala mo si Papa. Hindi siya nagdadalawang-isip na pumatay. Lalo na kung nasangkot sa atin. Kung mahal mo pa si Lorenzo, layuan mo na siya.” Umiyak na lang si Katrina. Awang-awa ako sa kanya, pero mas mahirap kung pareho kaming manatili sa panganib. Kailangang isa sa amin ang ligtas. Kinagabihan, mahimbing na ang tulog ni Katrina. Ako naman, nakaupo sa sofa habang nakatitig sa calling card ni Zeun. Pinag-iisipan ko kung tatawagan ko siya. Ramdam ko ang kaba. Pero kailangan niyang malaman. Kaya dinial ko ang number niya. “Hello? Sino ‘to?” tanong niya sa kabilang linya. “Si Jennifer ‘to. Nasa Holand ako. Gusto sana kitang makausap.” Nagkatahimikan ng ilang segundo. “Nasa Holand din ako ngayon. Saan tayo magkikita?” tanong niya agad. Sinabi ko ang lugar. Hindi na ako nagdalawang-isip. Kailangang malaman ni Zeun ang totoo. Kailangang mailigtas ko siya… bago pa siya abutan ng ama ko. *** Panay ang kagat ko sa ibabang bahagi ng labi ko habang kinakabahan akong naghihintay kay Zeun. Ilang ulit na akong napatingin sa orasan ng restaurant, at sa bawat segundo ng paghihintay ay parang may bumibigat sa dibdib ko. Hindi ko alam kung tama bang tinawagan ko siya. Pero kailangan niyang malaman ang totoo—bago pa mahuli ang lahat. Ilang sandali pa'y pumasok na si Zeun. Palinga-linga siya habang hinahanap ako. Nang magtama ang mga mata namin, agad akong kumaway. Nasa sulok ako ng restaurant, malapit sa bintana. Lumapit siya agad. "Kumusta ka, Jen? Anong nangyari?" bati niya habang umuupo sa harap ko. “Mabuti pa, mag-order muna tayo—” alok pa niya, pero agad ko siyang pinigilan. “Huwag na, Zeun. Hindi ako magtatagal. Iniwan ko lang si Katrina sa condo. Kailangan mong makinig sa akin.” Huminga ako nang malalim bago tuluyang nagsalita. “Patay na si Tito Ramon. Pero bago siya binawian ng buhay... nasabi niya kay Papa na ikaw ang pumatay sa kaniya.” Namilog ang mga mata ni Zeun. “Ano?” “Delikado ang buhay mo, Zeun. At pati ang mga mahal mo sa buhay, nanganganib. Hindi ka titigilan ni Papa hangga’t hindi ka niya nakikita na lumuluhod sa harap niya... duguan, wasak, at durog na durog.” Nanigas ang panga ni Zeun. Kumuyom ang mga kamao niya, kita ko ang tensyon sa katawan niya. “Hindi ako natatakot sa ama mo.” “Hindi mo siya kilala.” Napalunok ako. “Hindi mo pa nasusukat ang kademonyohan niya. Oo, kaya mong lumaban. Pero hindi lang ikaw ang maaaring masaktan. Gusto mo bang madamay ang mga mahal mo?” Tumitig siya sa akin, matagal. Malalim. Ramdam ko ang panginginig ng damdamin niya. “Paano kayo ni Katrina?” tanong niya. “Kaya ko kaming protektahan. Ilalayo ko muna si Katrina. Ako na ang bahala sa amin.” “Alam mo bang... bumalik si William? Nasa Holand na siya ngayon. Doctor na siya.” Parang binugbog ang puso ko nang marinig ko ang pangalan ni William. Ngumiti lang ako ng tipid, pero hindi ko kinayang sagutin. Pinili kong manahimik. Mas okay na ‘yong walang balita kaysa malagay siya sa peligro dahil sa’kin. Nagkaroon ako ng nobyong si Liam Henderson. Minahal ko rin siya, oo. Pero ibang klaseng sugat ang iniwan ni William. At noong nawala si Liam at inakala naming patay na siya… ibang bangungot din ang iniwan niya. Hindi na nagtanong si Zeun pa. Napansin niya sigurong ayaw ko nang pag-usapan pa si William. “Hindi ako magtatagal, Zeun. Mag-ingat ka palagi. Pagsabihan mo rin ang mga mahal mo sa buhay na mag-iingat. Gagawa ng paraan si Papa para makita ka. Maniwala ka.” Tumango siya. “Salamat sa paalala. Ihahatid na lang kita.” “Huwag na, Zeun. Salamat.” Tumayo ako. Mabilis ang hakbang ko paalis ng restaurant. Pero bago pa ako makalabas, may nakabangga akong ginang. “Naku, sorry po! Hindi ko po sinasadya.” Agad akong yumuko at humingi ng paumanhin. Napakunot ang noo ng ginang. “Miss, sa susunod, tingnan mo ang dinaraanan mo. Paano kung nadapa ako?” “Pasensya na po talaga,” sabi ko muli. “Mrs. Carters, si Sir Daniel po tumatawag,” sabi ng bodyguard niya. Narinig ko pa ang ginang, malambing na nagsabi ng, “Hello, my son…” Biglang may humaplos sa puso ko. Hindi ko alam kung bakit, pero may kung anong kirot sa narinig kong tinig niya. Para akong batang naiwan sa labas ng isang tahanan kung saan may tunay na pagmamahalan. Ang sarap siguro sa pakiramdam na mahal ka ng mga magulang mo. Matagal kong pinangarap na maramdaman iyon kay Papa. Pero parang napakabigat sa kanya gawin iyon. Kahit hindi ko na siya tunay nakadugo subalit nagtatanaw pa rin ako ng utang na loob. Siya ang nagpalaki sa akin. Siya ang nagbigay ng pagkain. Siya ang nagpaaral sa akin. Siya ang pumipili ng mga gamit ko. Oo, lahat iyong ginagawa niya bilang magulang. Subalit malupit din si papa sa amin ni Katrina. Kapag may nagawa kaming mali- ilang hampas ng sinturon ang matitikman namin. Napapuntong hininga ako ng malalim na haba nakatingin ako sa ginang na nakabangga ko. Ang swerte ng anak niya dahil sa tono pa lang ng boses niya habang kinakausap ang anak niya sa kabilang linya ay napakalambing niya. Sumakay na lang ako ng taxi at nagpahatid pauwi bago pa ako lamunin ng inggit. Habang nasa biyahe, tumunog ang cellphone ko. Pagtingin ko… si Papa. “Hello, Pa…” Nanginginig ang boses ko. “Kumusta po ang burol ni Tito Ramon?” “Nasaan kayo ni Katrina?” galit agad ang boses niya. “Nasa Holand na po kami. Pa, pakinggan mo kami. Si Tito Ramon—sinubukan niya pong gahasain si Katrina. Kaya—” “Punyeta!” sigaw niya. “Patay na nga ang Tito n’yo, gusto n’yo pang siraan! Humanda kayong dalawa pag nailibing na siya!” “Pa! Kami na nga ang biktima! Bakit hindi mo kami marinig kahit minsan lang?” “Tumigil ka na, Jennifer! Lumalandi ka sa Raynier na ‘yan tapos gusto mong iligpit ang Tito mo? Gusto mong ipapahirap sa’kin ang buhay mo? Iharap mo sa’kin ang lalaking ‘yon, babalatan ko siya ng buhay!” Napapikit ako sa sakit. Lahat ng ginawa ko para matuwa siya. Lahat. Pero sa kanya, ako pa rin ang problema. Ako pa rin ang sira. “Bakit, Pa? Bakit ang tigas ng puso mo?” tuluyan na akong naiyak. “Hindi kasalanan ni Zeun, na napatay niya si Tito Ramon. Alam ko hindi niya rin iyon sinasadya. Kung hindi dahil kay rpZeun, baka nagtagumpay si tito sa binabalak niya sa akin! At kung ako man may pagkakataon na patayin siya dahil sa ginawa niya sa amin ni Katrina, hindi ko pagsisisihan iyon. Kung hindi siya napatay ni Raynier Zeun, baka ako mismo ang pumatay sa kaniya! At kung nabuhay pa siya… uulitin ko pa rin na patayin siya!” walang takot kong sabi kay Papa. Hindi ko alam kung bakit bigla na lang akong tumapang. Pero totoo ang sinabi ko. Hindi ako magsisisi na patayin si Tito Ramon. Sa isang katulad niyang hayop wala siyang karapatan na mabuhay. “Jennifer!” sigaw ni Papa sa kabilang linya, pero ako’y puno na ng galit at sakit. Hindi siya makapaniwala sa mga sinabi ko. “Pasensya na, Pa… pero totoo ang sinabi ko. Hindi ako natatakot sa galit mo. Ang mali ay mali, kahit sino pa ang gumawa. At kung ako ang pinili mong saktan, ayos lang. Basta mailigtas ko si Katrina… at ang mga taong mahalaga sa’kin.” Wala na akong pakialam sa galit niya. Kung kailangang lumaban para sa sarili at sa kapatid ko, lalaban ako. Hindi na ako ‘yong Jennifer na tatahimik na lang habang inuulan ng latigo. Ngayon, ako na ang sandata ng sarili kong buhay. "Napakawalang utang na loob mo!" galit niyang sabi sa akin. "Malaki rin ang naitulong sa'yo nag Tito ramon mo!" Kumibot ang labi ko. Ano ba ang naitulong sa akin ni Tito Ramon? Yung bibigyan niya ako ng pera kapag galit sa akin si Papa? Para lang may pambaon ako at may mabili ng mga proyekto ko noong nag-aaral pa ako? "Oo, pa. Wala akong utang na loob. Pero ang kaligtasan namin ni Katrina, naisip mo ba? At kung nabubuhay si Tito Ramon. Paulit-ulit ko siyang papatayin!" Mariin kong sabi kay Papa. Nagiging manhid na ako. Kung latiguhin niya ako tanggapin ko iyon. Punong-puno na ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD