Episode 4

2242 Words
Chapter 4 William Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko nang makita ko siyang muli doon sa bar. Lasing, halos hindi na makatayo, at tila hindi na siya ang babaeng minsang minahal ko noon. Pero kahit pa magulo ang isip ko, iisa lang ang ginawa ng katawan ko: nilapitan siya, inalalayan, at dinala palayo sa lugar na ‘yon. Hindi ko siya dinala sa condo niya. Sa totoo lang, hindi ko alam kung saan na siya nakatira ngayon. Matagal na siyang nawala sa mundo ko, at sa walong taon na lumipas, wala akong balita tungkol sa kanya. Kaya sa kabila ng lahat, dinala ko siya sa unit ko. Sa lugar kung saan, kahit ilang beses ko nang sinubukang kalimutan siya, ay nanatili pa rin ang mga bakas niya. Tahimik ang biyahe. Tahimik din ako. Hindi ko siya ginising. Hindi ko siya kinausap. Pero ang totoo niyan, ang ingay sa loob ng puso ko parang putok ng libo-libong tanong na matagal ko nang piniling ibaon sa limot. Bakit mo ako iniwan? Bakit mo ako binitiwan nang walang paliwanag? At bakit, sa dami ng taong dumaan, ikaw pa rin ang hindi ko kayang kalimutan? Pagkarating sa unit, inalalayan ko siya papasok. Mahina pa rin siya, kaya pinaupo ko sa sofa. Kumuha ako ng tubig mula sa kusina. Nang bumalik ako, nakapikit pa rin siya. Maputla, malungkot, tahimik. Tinakpan ko siya ng kumot. Naupo ako sa tapat niya, pinagmasdan siya. Walong taon. Walong taon mula nang sabihin mong “Break na tayo, William.” High school pa lang kami noon. First love. Walang masyadong alam sa mundo kundi ang t***k ng pusong umaasa. Ako’y isang binatilyong puno ng pangarap, at siya? Isang babaeng tila kay liit ng mundo ko kapag siya ang kaharap. Pero isang araw, bigla na lang- sa gitna ng tawanan, sa ilalim ng punong paborito naming tambayan, hinawakan niya ang kamay ko. Pero sa isang iglap nakipaghiwalay siya sa akin. Wala siyang binanggit na dahilan. Wala akong nalaman kung may mali ba sa akin. Iniwan niya akong puno ng tanong, habang siya, parang kay dali lang lumakad palayo. Naghabol ako. Ilang beses. Pilit kong tinanong kung bakit. Anong nangyari. Pero tanging katahimikan lang ang naging tugon niya. Akala ko lilipas ‘yon. Akala ko lilipas ang sakit. Pero hindi. Ang totoo, habang lumalaki ako, habang sinusubukan kong buuin ang sarili kong landas, siya pa rin ang laging tanong sa gabi. Siya pa rin ang laman ng mga kantang hindi ko na kayang pakinggan. Siya pa rin ang dahilan kung bakit hindi ko kayang sumeryoso sa iba. Dahil walang kayang pumuno sa puwang na iniwan niya. Tumayo ako mula sa upuan. Naglakad papuntang shelf kung saan nandoon ang mga lumang litrato. Hindi ko tinapon kahit isa. Ewan. Siguro dahil ayaw kong kalimutan na minahal ako ng babaeng ‘yon kahit sandali lang. Isa sa mga litratong hawak ko, kami sa perya. May cotton candy siya sa kamay. Nakatawa siya, ako naman mukhang tanga habang nakatitig sa kanya. Noon ko talaga alam—ibang klaseng saya ang naramdaman ko sa piling niya. Gumalaw siya sa sofa. Napalingon ako. Nagmulat siya ng mata. Medyo hilo pa, pero agad niyang nakita ang mukha ko. “William…” mahinang sambit niya. Walang emosyon sa tono niya. Parang hindi niya alam kung matutuwa ba siya o matatakot. Siguro pareho. “Uminom ka ng tubig,” mahina kong sabi, iniaabot ang baso. Tahimik niya ‘yong tinanggap. Uminom siya. Nagbaba ng baso sa mesa. Walang imik. “Bakit mo ako dinala rito?” tanong niya sa wakas. “Dahil lasing ka. At wala akong ideya kung saan ka dapat ihatid. Sa panahon ngayon, hindi kita pwedeng pabayaan sa gano’ng kalagayan.” Tumango lang siya. Umiling. Hindi ko alam kung pagod lang siya, o nasasaktan. Tahimik ulit. “May kasama ka bang lalaki sa bahay mo?” tanong ko. Umangat ang kilay niya. “Wala.” “May karelasyon ka ba ngayon?” Umiling siya. “Wala.” “Bakit ka nakipag-break noon?” diretso kong tanong. Natahimik siya. Hindi niya agad ako tiningnan. “Sabi mo lang ayaw mo na. Pero hindi mo sinabi kung bakit? Anong mali, Jen? Ako ba? May ginawa ba akong hindi mo nagustuhan?” Napapikit siya. Kita kong nanginginig ang kamay niya. “Hindi ikaw ang may mali, William,” mahina niyang sagot habang mapupungay ang kanyang mga mata. “Eh sino? Ikaw?” Tahimik ulit. At sa katahimikan niya, napuno ang silid ng mga alaala kong pilit kong sinakal. 'Yong mga gabing umiiyak ako sa kwarto. 'Yong araw na hindi ako makakain sa sakit. 'Yong graduation na hindi niya sinipot, kahit wala siyang sinabi na sisipot siya o hindi. Kahit alam ko naman na malabo na makadalo siya noon. Pero palagi pa rin akong umaasa noon darating siya. “Hindi mo man lang ako kinausap noon,” sabi ko. “Hindi mo ako pinakinggan. Tinapos mo ang lahat nang walang paliwanag.” “Dahil mas madali ‘yon kaysa sabihin sa’yo ang totoo.” “Anong totoo?” Napatingin siya sa akin. Diretso sa mata. “Na mahal kita pero kailangan kong lumayo.” “Bakit? Bakit kailangan mo akong saktan?” “Dahil alam kong sa dami ng dadating sa buhay mo, ako ang magiging pabigat.” “Hindi mo ‘yon alam.” “Alam ko, William. At ngayon, mas lalo kong alam.” Hinintak ko ang buhok ko, naiinis. “Walong taon akong nagtatanong. Sa lahat ng naging relasyon ko pagkatapos mo, hindi ko naibigay nang buo ang sarili ko. Dahil kahit anong pilit kong mahalin ang iba… ikaw pa rin ang tanong. Ikaw pa rin ang sugat.” “Patawad…” maluha-luha niyang sabi sa akin. Hindi ko alam kung dahil sa kalasingan o sa masasaktan siya. “Hindi sapat ang salitang patawad," tiim bagang kong wika sa kaniya. Tumayo ako. Lumakad palayo sa kanya. Dumiretso ako sa bintana at minasdan ang katahimikan ng gabi. Gustong-gusto kong sumigaw. Gusto kong kalimutan siya sa isang iglap. Pero paano mo kalilimutan ang taong minahal mong higit sa sarili mo? Bumalik ako at tumayo sa tapat niya. “Kung may dahilan ka, sabihin mo. Kung ayaw mong magsalita ngayon, ayos lang. Pero huwag mo akong paikutin. Hindi ako ‘yong batang minahal mo noon. Hindi na ako ‘yong simpleng William na puwedeng iwan basta-basta.” Tumango siya. Hindi na nagsalita. Tumulo na lang ang luha. “Matulog ka na lang muna. Bukas, ayusin natin ‘to,” dagdag ko. “Sana.” Iniwan ko siyang mag-isa sa sala. Ako ang tumalikod ngayon. Ako ang lumayo. Pero kahit ako na ang lumalayo, dala-dala ko pa rin ang bigat ng mga tanong. Hindi ko alam kung anong mas mahirap: ang pagkikita naming muli, o ang pagtanggap na kahit ilang taon na ang lumipas, hindi pa rin nawawala ang bigat ng pag-iwan niya sa akin. Lumipas ang buong gabi. Bumangon ako. Gising na rin siya. Hindi ko siya binati magandang umaga. Hindi ko man siya tinanong kung kumusta ang tulog niya. Tahimik din siya. Walang imik. Mula kagabi, tuliro ang isip ko. Hanggang ngayong umaga, hindi pa rin ako makapaniwalang si Jennifer—ang babaeng unang nagpatibok ng puso ko, ang babaeng unang nanakit ay nasa mismong sala ko, nakaupo at parang wala ring patutunguhan sa buhay. Tahimik siyang nakatingin sa sahig. Hindi ko alam kung nasaan ang isip niya, pero ako? Puno ng tanong. Puno ng galit. Puno ng damdaming hindi ko alam kung sisigaw ko ba o ililibing na lang muli. Nagtungo ako sa coffee nook. Nagtimpla ng kape. Pagkatapos nagtungo ako sa kinaroroonan niya. Nilapag ko ang tasa ng kape sa harap niya. "Mainit pa ‘yan. Baka makatulong sa hilo mo." Tiningnan lang niya ang tasa. Wala pa ring imik. Umupo ako sa tapat niya. "Mag-uusap ba tayo, o lalabas ka na lang nang parang wala tayong pinagsamahan?" tanong ko. Umangat ang tingin niya. Kita ko agad ang takot at pag-aalinlangan sa mga mata niya. Pero wala akong balak magpalambot ngayon. Walo. Taon. Walo. "William…" aniya, mahinang-mahina. "Alam mo ba kung gaano kasakit ang ginawa mo noon?" bulalas ko, wala nang preno. "Isang araw, bigla ka na lang nawala. Walang babala. Walang paliwanag. Parang walang kahit anong nangyari sa pagitan natin." "Alam ko," sagot niya, halos pabulong. "At araw-araw kong dala ang bigat niyon." Napailing ako. "Ang dali para sa’yo, ano? Sabihing alam mo. Pero habang ako, wasak—ikaw, anong ginagawa mo? Namumuhay na parang walang iniwang sugat? At ano matapos mo akong iwanan nakipagrelasyon ka kay Liam? Isinuko mo sa kaniya ang sarili mo dahil marami siyang pera!" Napaatras siya, pero hindi ako tumigil. "Alam mo bang ilang taon akong naghintay ng paliwanag? Ilang gabi akong hindi makatulog sa kaiisip kung may mali ba sa’kin? Kung may nasabi ba akong hindi mo nagustuhan? O may nagawa akong hindi ko alam?" "William, hindi ikaw ang may kasalanan." "Eh bakit?!" sigaw ko. "Bakit mo ako iniwan nang gano’n lang? Bakit wala kang sinabi? Jennifer?" Naluha ang mga mata niya, pero hindi pa rin siya nagsalita. Kaya ako na ang bumasag ng katahimikan. "Ano? Wala ka pa ring sagot? Ilang taon na ang lumipas, Jen. Hindi mo na ba kayang tumayo at sabihin ang totoo?" Napatayo siya bigla. "Hindi mo naiintindihan, William!" "Eh, ipaintindi mo!" "Umalis ako dahil… dahil natakot ako! Dahil naramdaman kong unti-unti na akong nawawala sa sarili ko. Dahil sa murang edad, hindi ko alam kung anong klaseng buhay ang hinaharap natin!" Hindi pa rin ako kumbinsido sa sagot niya. "At ako? Hindi mo ba naisip na pwede nating harapin ‘yon nang magkasama?" Mahina ang boses ko. "Nag-panic ako! I felt like I was drowning! Sinasakal ako ng mga expectations! Tapos ikaw… ikaw pa, sobrang buo ka. Sobrang alam mo ang gusto mo. Samantalang ako, hindi ko alam kung sino ako!" Garalgal niyang sabi sa akin. "At naging solusyon mo ang layuan ako? Saktan ako? Isang text sana, Jennifer! Kahit isang ipaliwanag kung bakit? 'Yong totoo!!" Humagulhol siya. "Sorry… sorry kung mahina ako. Sorry kung hindi ako naging katulad mo." Hinampas ko ang lamesa. "Hindi mo kailangang maging katulad ko! Ang kailangan ko lang noon… ikaw." Tahimik. Pareho kaming hinihingal sa emosyon. Lumapit siya, nanginginig pa rin. "William… alam kong hindi sapat ang sorry. Pero totoo ang lahat ng pinadama ko sa’yo noon. Hindi ko ‘yon pinaglaruan. Mahal kita. Mahal pa rin kita." Tumawa ako, mapait. "Gano'n ba? Mahal mo pa rin ako. At anong gusto mong gawin ko sa damdaming ‘yan? Yakapin kita at kalimutan ang lahat?" "Hindi! Gusto ko lang… gusto ko lang sabihin sa’yo ‘yon. Kasi ayaw ko nang magtago." Tumingin ako sa kanya. Basang-basa na ng luha ang mukha niya. Pero hindi ako agad nagsalita. "Jennifer… minsan, kahit gaano pa natin kamahal ang isang tao, hindi ‘yan sapat para hilumin ang sugat na iniwan nila." "Patawad…" muli niyang sabi. "Alam mo ba kung bakit galit ako?" Tumango siya. "Dahil iniwan kita." "Hindi lang ‘yon," mariin kong sabi. "Galit ako dahil gabi-gabi hindi ko pa rin makalimutan 'yong araw na makipaghiwalay ka sa akin. 'Yong Araw na iniwan mo ako na parang tanga. Napaluha ulit siya. Ako naman, naglakad papunta sa gilid ng bintana. "Sa totoo lang hindi ko alam kung kailan kita mapapatawad. Hindi pa. Hindi ko alam kung kailan. Hindi ko alam kung kaya pa," masakit na katotohanan kong sabi sa kanya mula sa puso ko. "Hindi ko mamadalian ang pagpapatawad mo. Pero umaasa pa rin ako na darating ang araw umaunawaan mo ako kung bakit ko ginawa iyon. Hindi ako nagmamadali na patawarin mo." Tumango ako. "Ayusin mo ang sarili mo, Jen. Kasi hindi ko kayang mahalin ang multo ng nakaraan. Kung babalik ka sa buhay ko, siguraduhin mong buo ka." "Hindi ako umaasa na babalik pa ang dati. Sira na ako sa'yo. Malabo na rin na maibalik iyon. Ang gusto ko lang mapatawad mo," sabi niya habang umaagos ang mga luha niya. "Good." Tumingin ako sa kanya. "Pero huwag mong asahan na mapatawad kita kaagad." Tumango siya sa sinabi ko. "Alam ko. Hindi ko akalain makikita tayo at nakakaharap kita ngayon." Tahimik. Hindi pa rin mawala ang galit ko. Hindi rin katahimikan ng pangungutya. Kundi katahimikan ng dalawang pusong sinubok ng panahon, at ngayon, sumusubok muling mabuhay. Tumingin ako sa kanya nang matagal. "Umuwi ka na." Nagtataka siyang tumayo. "Ha?" "Gusto ko lang mag-isa. Hindi ito pagtataboy. Gusto ko lang huminga," wika. Hindi para tabuyin siya, kung hindi ba ka hindi ko mapigilan ang sarili ko at mayakap po siya. Tumango siya, bagamat bakas ang lungkot sa mukha niya. "Naiintindihan ko." Naglakad siya patungong pinto, pero bago siya lumabas, tumingin siya sa akin. "Salama, sa isang gabi na pinatulog ba ako rito. Pasensya ka na agad ko na bahala kita." Ngumiti ako, kahit pilit. "Walang anuman. At sana hindi na tayo magkita pa." Pero ang totoo nasasaktan pa rin ako. Nang isara niya ang pinto, napaupo ako sa sofa. Sa walong taon na lumipas wala pa ring malinaw na sagot. Walang malinaw na sagot kung bakit niya ako iniwan. At sana sa muli namin pagkikita ngayon. Maghilom na sana ang sugat na ginawa niya. Hindi ako magtatagal dito sa Holand. Aalis ako ng bansa. May mahalaga akong gagawin, o mahalagang misyon kasama ang kaibigan ko si Raynier Zeun Harris. At hindi ko alam kung magtatagumpay kami sa binabalak niya. Mahirap man subalit kailangan kong tulungan ang isang kaibigan na nangangailangan ng tulong ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD