Episode 11

2469 Words
Chapter 11 Jennifer Unang araw ko ngayon sa RCA Holding Inc. Maaga pa lang ay gising na ako. Alas-singko y medya pa lang ng umaga, nakaupo na ako sa gilid ng kama habang nakatitig sa uniform kong puting blouse at itim na slacks. Simple lang, pero disente. Gusto kong maging presentable sa unang araw ko bilang Administrative Assistant—isang entry-level position pero malaking hakbang para sa direksyong gusto kong tahakin. Unang hakbang ko ito sa mundo kung saan hindi na kontrolado ng ama ko ang halos lahat ng sulok. Gagamitin ko ang trabaho kung ito upang ipakita sa kanya na hindi niya pagsisihan ang pagbigay niya ng shares niya sa akin sa kompanyang ito. Ano man ang kanyang plano malalaman ko rin. Huminga ako nang malalim habang tinititigan ang sarili sa salamin. "Kaya mo 'to, Jen. Hindi ito para sa kanya. Ginagawa mo 'to para sa sarili mo." Ang ibig kong sabihin si Papa. Pagdating ko sa RCA Building, sinalubong agad ako ng corporate ambiance. Ang lobby ay malawak, may polished marble flooring, at mga LED display na nagpapakita ng services ng RCA Holding Inc.—logistics warehousing, trade compliance consultation, at mga international subsidiaries nito. Sa loob ng building, ramdam mo ang istriktong daloy ng negosyo—mga empleyadong abala, mga dokumentong dinadala sa iba’t ibang opisina, at mga monitor na nagpapakita ng cargo routes, customs reports, at international partner hubs. "Miss Morales?" tawag ng isang HR personnel sa lobby. "Yes po," sagot ko agad. "Welcome to RCA Holding Inc. You're assigned under the Corporate Admin Division. First floor, right wing. May orientation muna kayo kasama si Sir Castillo. Ito po ang ID, onboarding documents, at company manual." "Salamat po," sagot ko, sabay kuha ng envelope. Habang naglalakad ako papunta sa opisina, pinagmamasdan ko ang paligid. Ang hallway ay moderno at malinis. Glass walls, eleganteng design, at malamig ang aircon. Sa bawat hakbang ko, pakiramdam ko'y may bagong simula talaga para sa akin. Hindi bilang anak ng isang dating may-ari ng kumpanyang ito. Kundi bilang ako—si Jennifer Morales, isang bagong empleyado na gustong patunayan ang sarili. Pagpasok ko sa Admin Department, sinalubong ako ng isang babae. Maiksi ang buhok, naka-blazer, at mukhang strikta. "Ikaw si Jennifer Morales?" "Opo," sagot ko, medyo kinakabahan. "Ako si Ms. Letty, Admin Supervisor. Ako ang magiging immediate head mo. Dito ka muna sa orientation room, andiyan na rin si Sir Noel Castillo, HR manager. Pagkatapos nito, may briefing ka sa cubicle mo." "Noted po," tumango ako. Pagpasok ko sa maliit na conference room, may ilang bagong empleyado na rin doon. Mga kapwa entry-level, mukhang fresh grad o kaya'y unang corporate job din. Naupo ako sa may bandang gilid. Habang pinapakilala ni Sir Noel ang company history, hindi ko maiwasang magtanong sa isipan ko: ilang bahagi sa mga ito ang pinlano? Ilan ang ginawang posible ng mga taong nasa likod ng RCA ngayon—Reynold Johnson, Daniel Carters, at Lorenzo Anderson? May dating mga tsismis na sinadyang bilhin ng tatlong bagong executives ang kumpanya para "linisin" ito mula sa dati nitong pamumuno. At ngayon, sila na ang nagpapalakad sa RCA. Pero ngayon, wala na akong pakialam sa mga intriga. Ang mahalaga—ako mismo ang magsisimulang bumuo ng sarili kong pangalan. Matapos ang orientation, inihatid ako ni Ms. Letty sa cubicle ko. Maayos at simple—isang L-shaped desk, company-issued laptop, at drawers na puno ng form templates, filing guides, at reference binders. May sticky note sa monitor: “Welcome to RCA! Let’s build together. – Admin Team” Napangiti ako. Ilang minuto pa lang, agad na akong sinabakan sa task—pag-eencode ng internal memos, pag-check ng logistics schedule forms, at pagtanggap ng courier reports. Madali kong nasabayan ang sistema. Kahit maraming bagong terms sa logistics at compliance, sinikap kong intindihin at matutunan. Mag-aalas-onse na nang biglang lumapit si Ms. Letty. "Jennifer, ihatid mo itong compliance reports kay Mr. Daniel Carters sa executive floor. Fifth floor, Operations and Compliance Cluster." "Noted po." Bitbit ko ang brown envelope habang sumakay ng elevator. Sa bawat palapag, iba’t ibang departments ang bumubukas—Accounting, IT, Legal, Procurement. Pagdating sa fifth floor, mas tahimik. Mas pormal. Mas eksklusibo ang aura. Pagbukas ng elevator, tinuro ng isang assistant ang opisina ni Mr. Daniel Carters, ang Vice President for Operations and Trade Compliance. Habang papalapit ako sa opisina, bumukas ang pinto ng conference room sa kabilang dulo. Isang matangkad na lalaki ang lumabas. Naka-blue button-down, dark trousers, Rolex, may hawak na tablet. Diretso ang lakad. Puno ng authority ang presensya. Lahat ng dumaraan, kusa siyang binibigyan ng daan. At doon... nagtama ang mga mata namin. Parang huminto ang lahat. Hindi ko siya kilala—hindi sa aktwal na memorya. Pero may parte sa loob ko na biglang tumibok ng kakaiba. Hindi kilig. Hindi kaba. Kundi koneksyon. Isang koneksyong hindi ko maipaliwanag. "Excuse me," sabi niya, magalang pero diretso. Ngumiti ako, pilit na hinahabol ang hininga. "Ikaw siguro si Miss Morales? Ikaw ba ang bagong admin assistant?" "Uh… opo," sagot ko, medyo nauutal. Iniabot niya ang kamay niya. “Daniel Carters, VP for Operations and Trade Compliance.” Maingat ko iyong tinanggap. At nang mag-abot ang palad namin, para bang may dumaan na alon sa kalamnan ko. Hindi romantic. Hindi tension. Kundi parang... pamilyar. "Jennifer Morales po." “Welcome sa RCA, Jennifer. Magaan dito, pero mabilis ang takbo ng trabaho. Hope you enjoy the ride.” "Salamat po." Tumango siya at muling naglakad palayo. Nanatili akong nakatayo doon ng ilang segundo, hawak pa rin ang envelope. Hindi ko na nagawa ang ibigay ito sa kanya. Hindi ko alam kung anong eksaktong naramdaman ko. Pero isa lang ang malinaw: Iba ang nararamdaman ko tuwing nakikita ko si Daniel Carters. Hindi ito simpleng paghanga. Hindi rin ito hiya. Ito ay parang... pagbalik ng isang bahagi ng sarili ko na matagal ko nang hindi mahawakan. At habang papalayo siya, ramdam ko ang patak ng pawis sa palad ko. Hindi ko pa siya lubos na kilala. Pero pakiramdam ko ang tagal ko na siyang kilala. Alam mo yung pakiramdam na kahit ngayon lang kayo nagkita, eh parang matagal na kayong magkakilala. Matapos ang biglaang encounter kay Mr. Daniel Carters, nanatili akong nakatayo ng ilang sandali sa hallway. Pilit kong kinakalma ang puso kong tila nalilito—hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. Pero kailangan kong bumalik sa realidad. Huminga ako nang malalim at muling inayos ang sarili. Inilapit ko ang envelope sa executive assistant sa labas ng opisina ni Mr. Carters. "Para kay Sir Daniel Carters. Compliance reports po," sabi ko, iniabot ang brown envelope. "Thank you, Miss Morales. Ako na pong bahala," magalang niyang tugon. Tumango ako at agad na tumalikod. Mabilis ang lakad ko pabalik sa elevator, parang gusto ko na lang munang iwanan ang bigat sa dibdib na hindi ko maipaliwanag. Pagbalik ko sa first floor, uminom muna ako ng tubig mula sa maliit na water dispenser sa admin area. Nakaupo na ako sa desk ko, sinusubukang bumalik sa momentum ng trabaho, nang biglang lumapit si Ms. Letty. "Jennifer, pasensya na, pero pakiakyat ulit sa fifth floor," sabi niya, habang may hawak na isa pang dokumento. Napatingin ako sa kanya, bahagyang nagulat pero agad na tumayo. "Opo, ma'am." "Kakapasok lang ni Mr. Reynold Johnson. Dito ang copy ng signed vendor contract na kailangan niya ngayong umaga. Siya na ang bagong Chief Executive Officer, so make sure maayos ang pagbigay. Diretso sa opisina niya, dulo ng right wing." Napalunok ako nang marinig ang pangalan. Reynold Johnson—isa sa mga bagong may-ari ng RCA, isang kilalang negosyante na binabansagan nilang The secret billionaire ng Maharlika. "Opo, noted po," sagot ko. Bitbit ang bagong envelope, muli akong sumakay ng elevator. Habang papunta sa taas, iniisip ko pa rin ang mga nangyayari. Ang kakaibang nararamdaman ko kay Daniel Carters. At ngayon, makakaharap ko na rin ang CEO mismo. Kahit kahapon nakita ko siya, pero hindi naman ako nakalapit. Pagdating ko sa fifth floor, mas naramdaman ko ang katahimikan. May klase ng respeto at distansya ang bumabalot sa espasyo ng mga executive. Hindi ito katulad ng admin floor kung saan may tawanan, kulitan, at medyo magaan ang paligid. Dito—disiplinado ang bawat galaw. Ang sabi nila dalawang beses lang sa isang linggo pumupunta rito ang CEO. Marami itong inaasikasong mga negosyo, kaya biya hira lang ito pumunta sa RCA. Hindi na ako magtataka kung nais ni papa naakitin ko si Reynold. Marahil gusto niyang mapalapit dito o magkaroon ng koneksyon sa pamilya ng mga Johnson. Pagtapat ko sa opisina ni Mr. Johnson, isang assistant ang agad na lumapit. "Yes, may kailangan ka?" "Para kay Mr. Reynold Johnson po. Dokumento mula sa Admin," maayos kong sagot. "Pakihintay sandali," sagot ng assistant, saka siya pumasok sa loob ng opisina. Sa labas, pinilit kong ayusin ang sarili ko. Ayaw kong makitaan ng kaba. Ilang saglit lang, lumabas muli ang assistant at ngumiti. "You may go in." Pumasok ako sa opisina. Malamig ang loob. Modernong design, dark wood accents, at malalaking bintanang tanaw ang city. Sa gitna ng opisina ay isang lalaking nakaupo—nakasuot ng black tailored suit, may hawak na tablet habang may kausap sa phone sa earpiece. Siya si Reynold Johnson. Nang makita niya ako, saglit siyang tumango at tinapos ang tawag. "Yes?" tanong niya, direkta ngunit hindi bastos. "Good morning po, Sir. Jennifer Morales, from Admin Department. Hatid ko lang po ang vendor contract document para sa inyo," mahinahon kong sagot. Tumayo siya mula sa pagkakaupo, lumapit sa akin at tinanggap ang envelope. Saglit niyang tiningnan ang pangalan ko sa ID ko, saka tumango. "Salamat, Ms. Morales." "Welcome po, Sir." Tumalikod na ako para lumabas pero hindi ko maiwasang mapansin ang paraan ng pagtitig niya. Hindi intimidating, pero parang may tinatantiya. Parang may gustong basahin mula sa akin. Paglabas ko ng opisina, nakahinga ako nang maluwag. Pakiramdam ko, sunod-sunod na lang ang mga taong hindi ko inaasahang makakasalamuha ngayong araw. Una si Daniel Carters. Ngayon si Reynold Johnson. At habang bumababa ako sa elevator, hindi ko maiwasang mapaisip: Anong papel ko talaga sa mundong ito? Hindi ko alam kung anong misteryo pa ang dadating, pero sigurado ako—hindi ito magiging ordinaryong trabaho lang. Pagkatapos ng nakakapagod na unang araw ko sa RCA, halos hindi ko na namalayan ang biyahe pauwi. Tahimik lang akong nagda-drive ng lumang sasakyan. Dahan-dahang tinatabunan ng gabi ang mga gusali ng Holand City. Sa loob ng katawan ko, parang may umuugong na tensyon na hindi ko maipaliwanag. Pagdating ko sa bandang El Jardin underpass, biglang kumabig pakaliwa ang manibela. Sumabay ang kakaibang tunog sa ilalim ng kotse. Parang may nabunot, at kasunod nito’y pag-andar na parang hinihingal. “Oh, no… huwag ngayon, please,” bulong ko, binagalan ang apak sa gas. Ilang metro pa, at tuluyang huminto ang sasakyan sa tabi ng kalsada. Pinatay ko ang makina at sinubukang i-start ulit. Wala. Isang sunod-sunod na tik-tik-tik lang ang sagot ng engine. “Great,” bulong ko, sabay hampas sa manibela. Napatingin ako sa paligid—madilim, halos walang dumadaan. Kumakabog ang dibdib ko. Hindi dahil sa takot, kundi sa pangambang baka may masundan pang problema. Kinuha ko ang cellphone ko. Low batt. Hindi na ako makakatawag ng towing o kahit kanino. Bumaba ako ng sasakyan, sinilip ang ilalim. Hindi naman ako mekaniko pero kitang-kita kong may tumulo mula sa may makina. “Miss morales!" Napalingon ako. Isang itim na sport car ang dahan-dahang huminto sa tabi ko. Bumaba ang driver—isang lalaki, matangkad, naka-white polo shirt na bahagyang nakalilis ang manggas, may suot na relo at maayos ang pagkakagupit ng buhok. Sa unang iglap, hindi ko agad siya nakilala. Pero nang lumapit siya sa ilalim ng streetlight at nakita ko ang mukha niya. Reynold Johnson. Ang isa sa may-ari ng RCA Holdings. Isa rin sa mga pinaka-pinag-uusapang pangalan sa corporate world ng Holand. Tahimik. Matalino. Mapanganib, ayon sa tsismis. “Sir Reynold?” Ngumiti siya, bahagyang nakakunot ang noo habang tinatantiya ang lagay ng sasakyan ko. “Mukhang nasiraan ka.” Tumango ako. “Oo, to nga po. Ayaw na mag-start. Wala na rin akong battery sa phone.” “May tools ka ba sa likod?” tanong niya, kalmado ang boses, parang sanay sa ganitong sitwasyon. “A-a meron po ata…” sagot ko habang nililibot ng mata ang trunk ng kotse. Kinabahan ako, pero hindi dahil sa takot. Kundi dahil sa presensiya niyang tahimik pero mabigat. Kinuha niya ang toolbox sa likod at sinimulang silipin ang ilalim ng hood. “Loose yung battery terminal. Try ko lang i-secure ha,” aniya habang abala sa pagkumpuni. Napasandal ako sa gilid ng kotse habang pinagmamasdan siya. Hindi mo aakalaing ang isang tulad niya—bilyonaryo at CEO—ay marunong ding mag-ayos ng sasakyan. Ilang minuto lang, sinubukan niyang i-start. Vroooom. Umandar. Parang nakahinga ako ng maluwag. “Oh my God, thank you!” Ngumiti siya at isinara ang hood. “Sa susunod, ipa-check mo agad. Delikado kang masiraan lalo na sa ganitong oras.” Tumango ako. “Oo nga po. Hindi ko po alam kung paano ko kayo mapapasalamatan.” “Walang anuman,” sagot niya, pero may kakaibang kislap sa mga mata. “Hindi mo naman kailangan magpasalamat. Magkakilala naman tayo sa trabaho. At... Jennifer, 'di ba?” Nagulat ako. “Opo. Kilala niyo po ako?” “Bagong hire sa admin. Na-assign kanina sa logistics cluster. I keep track of my team,” sagot niya, diretso ang tingin. “You handled yourself well sa orientation. Tahimik, pero malinaw magsalita.” Namula ang pisngi ko. Hindi ko alam kung dahil sa papuri o sa atensyon na hindi ko inasahang manggagaling sa isang tulad niya. “Salamat po.” Nagbuntong-hininga siya, saka tinapik ang trunk ng kotse ko. “Safe ka na? I can drive behind you para sure na makakarating ka nang maayos.” Bago pa ako makasagot, may dumaan na sasakyan sa kabilang lane. Isang dark gray sedan—hindi ko muna pinansin. Pero nang lumingon ako, nandoon siya. Si William. Nakahinto ang sasakyan niya ilang metro lang ang layo. Bukas ang bintana, nakasandal siya at nakatingin sa akin. Masakit ang mga mata niya. Para bang... alam niya ang lahat. Para bang may tanong siyang hindi masabi. Para bang... may hinihintay siyang paliwanag. Nagtagal ang tinginan namin. Hindi siya ngumiti. Hindi rin umalis. Mula sa gilid ng mata ko, naramdaman kong tiningnan din siya ni Reynold. “Kaibigan mo ba siya?” mahinang tanong ni Reynold. Hindi ako nakasagot agad. Napalunok ako. “Hindi ko po sigurado.” Napatingin ulit ako sa sasakyan ni William, pero nakaandar na ito paatras. Dahan-dahan siyang umalis, hindi na muling lumingon. At ako, naiwan doon—hawak ang susi ng sasakyan, may kumakalabog sa dibdib, at may pakiramdam na may bagong simula… na hindi ko pa alam kung dapat kong yakapin o takbuhan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD