Episode 7

2090 Words
Chapter 7 Jennifer Umaga ng libing ni Tito Ramon. Madilim ang langit, parang nakikisama sa bigat na dala ko sa dibdib. Tahimik ang buong paligid habang nakaupo ako sa loob ng sasakyan, naka-park ilang metro mula sa memorial chapel kung saan gaganapin ang misa. Pinapanood ko lang ang mga taong isa-isang naglalakad papasok, suot ang itim na damit, dala ang lungkot o pakitang lungkot. Hindi ko kasama si Katrina. Nasa San Fernando pa rin siya. Hindi ko siya pinayagang sumama. Bakit ko padadaluhin ang kapatid ko sa libing ng isang tao na pinagtangkaan siya ng masama? hJndi lang siya pati ako. Bata pa siya para makaharap ang multo ng lalaking muntik nang sirain ang buhay naming magkapatid. Hindi niya kailangang marinig ang mga bulong, ang pang-uusig sa mata ng mga kamag-anak, o ang paulit-ulit na kwento ng isang bangkay na ginagawang santo kahit malinaw kung anong uri siya ng tao habang buhay. Ako na lang ang humarap. Pagbaba ko ng sasakyan, agad kong naramdaman ang bigat ng bawat hakbang. Maingat akong humakbang papasok ng chapel, ramdam ang mga matang nakatitig sa akin. Yung iba, nagulat. Yung iba, ngumiti nang pilit. At karamihan, tila nagtataka kung bakit ako narito. Sa unahan, nandoon si Papa — si Mario Morales. Nakatayo, kausap ang ilang bisitang mukhang pulitiko at negosyante. Maayos ang postura niya, suot ang itim na amerikana na tila isinukat para sa okasyong ito. Nang magtagpo ang mga mata namin, tumango siya — isang uri ng pagtanggap pero may halong babala. Wala akong sinabing kahit ano. Dire-diretso akong naupo sa likod, malapit sa gilid, kung saan hindi ako masyadong kita. Ayaw kong mapagkwentuhan. Ayaw kong maging sentro ng atensyon sa isang libing na hindi ko naman ginusto. Ilang minuto pa, nagsimula na ang misa. Tumayo ang pari, binigkas ang mga dasal, at nagsimulang magbigay ng sermon tungkol sa kapatawaran, sa buhay at kamatayan, at sa kung paano raw tayo lahat ay pantay sa harap ng Diyos. Hindi ko alam kung paano ako magre-react sa mga salitang 'yon. Pantay? Patawad? Paano mo patatawarin ang taong halos hindi mo na makilala dahil sa takot na idinulot niya sa'yo? Paano mo patatawarin ang taong binura mo sa alaala mo, hindi para kalimutan kundi para mabuhay ka pa? Nakatitig lang ako sa kabaong sa harap. Puting-puti. Maraming bulaklak—mga puting rosas, lilies, at orchids—parang pinilit nilang gawing banal ang isang bagay na hindi kailanman naging malinis. Isang lalaki sa likod ko ang nag-umpisang humikbi. Narinig ko ang tunog ng paghikbi niyang pilit pinipigil pero wala akong naramdaman. Ni awa, ni sakit, ni galit. Wala. Parang bangkay na rin ako. Pagkatapos ng misa, nagsimula nang magsilabas ang mga tao. Isa-isa silang lumapit sa kabaong, nag-aalay ng huling dasal, huling halik, huling tingin. Nanatili ako sa kinauupuan ko hanggang sa unti-unti nang kumonti ang mga tao. Nakita ko si Papa. Nakatingin sa akin. Naglakad siya palapit. Mabagal, parang sinisigurado niyang walang ibang makakarinig. Tumayo siya sa tabi ko. Hindi siya umupo. “Bakit ngayon ka lang dumating? Dapat makipaglamay ka man lang kagabi sa huling lamay ng Tito mo!” Malamig ang tanong ni Papa, pero hindi iyon tulad ng dati—ngayon, para siyang naninita, hindi dahil galit siya, kundi dahil may gusto siyang tiyakin. “Ang mahalaga nakilibing ako, Pa. Kahit ayaw ko. Kanina pa ako dumating. Umupo lang ako saglit sa sasakyan. Ayaw kong dumiretso agad.” Hindi ako tumingin sa kanya. Nakatingin lang ako sa harap kung saan nakalagak ang kabaong ni Tito Ramon. Tahimik siyang tumayo sa tabi ko ng ilang sandali. Tapos, tinanong niya: “Asan si Katrina?” Napalingon ako. “Hindi siya sumama.” “Bakit?” “Dahil siya ang dahilan kung bakit tayo narito. Gusto mong ipakita sa lahat na maayos ang pamilya natin, na parang wala tayong bahid. Pero siya—masyado pa siyang bata para humarap sa kasinungalingan.” “Jennifer,” mahinang bulong niya, pero may bigat sa tono, “hindi ako ang nagdesisyong mapunta tayo sa ganitong sitwasyon. Ginawa ko lang kung anong kailangan para—” “Para iligtas ang pangalan mo?” putol ko sa kanya. “Hindi mo kailangang ipaliwanag. Wala na akong hinihingi sa’yo, Pa.” Napayuko siya, pero hindi ako sigurado kung may pag-amin iyon o pag-iwas lang. “Hindi mo kailangang ipamukha sa lahat na may atraso siya sa’yo,” aniya. Napangiti ako, mapait. “Hindi ko kailangang ipamukha. Gusto ko nga sana ipagsigawan kung gaano kasama ang kapatid mo.” Tahimik siya. Subalit tiim bagang na nakatingin sa akin. Ilang sandali. Tapos, bago siya tuluyang lumayo, bumulong siya: “Tumigil ka na, Jennifer. May mga taong hindi mo kayang talunin. Hindi mo alam kung sino ang mga kausap ko. Hindi mo alam kung anong laban ang pinapasok mo. Huwag mo akong lapastanganin lalo na sa harap ng maraming tao. Hindi mo pa ba ako kilala?” Nagtagisan ang mga ngipin ko at nagpipigil ng aking sarili. Hindi na ako sumagot sa kanya. Pagkatapos ng libing, hindi agad ako umuwi. Kasama ko si Papa sa sasakyan. Tahimik kami habang binabaybay ang daan papunta sa dating bahay ni Tito Ramon. Iyon na rin ang huling lugar na ayaw ko na sanang balikan pa. Hindi lang dahil sa alaala, kundi dahil sa bigat na iniwan nito sa amin ni Katrina. Pagdating namin doon, tila walang nagbago. Maayos ang hardin, malinis ang veranda. Wala nang bakas ng gabi ng bangungot, pero ako lang ang may alam kung anong multo ang nananatili sa loob ng mga pader nito. Pumasok kami sa sala. Naupo ako sa luma pero mamahaling sofa. Si Papa naman ay dumiretso sa study room ni Tito Ramon, at pagbalik niya, may hawak siyang envelope. Inilapag niya ito sa mesa. Tahimik. “Ano ‘to?” tanong ko. “Dokumento. Kailangan mong basahin.” Napatingin ako sa envelope sa mesa. Naka-emboss ang logo ng RCA Company. Tahimik siyang tumingin. Ang klase ng katahimikan na mas maingay pa sa sigawan. At doon ko na naintindihan. “Ginawan mo ng paraan,” ako na ang ang bumasag sa katahimikan niya. “Ginamit mo ang pangalan ko para ilipat ang shares mo sa RCA.” Wala siyang imik. Pero hindi ko kailangan ng kumpirmasyon. Kita na sa mga mata niya ‘yong malamig at matigas na tingin na hindi kailanman naging ama. “Bakit ako?” tanong ko. “Bakit hindi sarili mong pangalan?” “Dahil hindi puwede ako. Masyado akong visible sa board. May mga mata sa galaw ko ngayon. Pero ikaw—wala ka sa kumpanya, wala kang koneksyon. Ikaw ang pinakamalinis.” “Hindi ‘yan pagiging malinis, Pa. Pinakamadaling gamitin—iyon ang totoo.” “Hindi kita ginagamit, Jennifer,” mariin niyang sagot. “Pinoprotektahan kita. At ang pangalan ng pamilya natin.” Napatawa ako. Walang tuwa sa tawa ko. “Ngayon mo lang ako tinawag na parte ng pamilya, tapos bigla na lang ganito? Business pawn? Pangharap sa shareholders? Taga-salo ng mga desisyong ayaw mong direktang akuin?” “Hindi mo naiintindihan ang kabuuan ng sitwasyon,” aniya, mababa ang tono. “May mga investors na gustong durugin ang RCA, hati-hatiin ang kumpanya. Gusto kong manatili ang kontrol sa kamay ng mga Morales. At ikaw ang susi.” “Susi?” pabulong kong ulit. “O sakripisyo?” Nanatili siyang tahimik. At sa katahimikan na ‘yon, mas luminaw pa ang sagot kaysa sa kahit anong paliwanag niya. Tumayo ako mula sa sofa. Lumapit sa bintana kung saan tanaw pa rin ang mga ilaw ng lungsod—parang mapayapa, pero peke ang katahimikan. “Tatanungin kita ulit, Papa,” mahina kong sabi. “Bakit mo ako pinapapunta sa libing ni Tito Ramon? Dahil ba kailangan mong ayusin ang imahe natin sa publiko? Gusto mong makunan ng litrato habang magkasama tayong nagdadalamhati sa 'pagkawala' ng isang miyembro ng pamilya?” Hindi siya sumagot. Ni hindi man lang gumalaw. “Wala namang nakakaalam ng totoo, ‘di ba?” patuloy ko. “Na hindi siya basta basta 'namatay'. Na bago siya barilin, muntik niyang wasakin ang buhay ko. At ni Katrina. Pero sa mata ng mundo, ‘pamilya’ pa rin siya. Dahil ‘yon ang narrative na kailangan mo para maipasa ang boto.” Huminga siya nang malalim. “Hindi ito panahon para balikan ang nakaraan, Jennifer.” Alam kong pinabalak niyang tumakbo sa pulitiko. Kaya kailangan malinis ang kanyang pangalan. Kailangan sa harap ng maraming tao mabuti siyang ama. Pero hindi alam ng lahat kung gaano siya kalupit. “Pero panahon para gamitin ako?” tinitigan ko siya, diretso. “Para gawing lehitimo ang plano mong kunin ang kompanya, agawin, at ako ang gagamitin mo?” Lalapit sana siya, pero umatras ako. Hindi ko na kaya. Hindi ko na kayang tumayo bilang anak kapag lahat ng galaw ko ay sinasakal. “Hindi mo talaga ako tinuruan kung paano maging malaya, Papa. Ang tinuro mo, kung paano maging tahimik. Kung paano magsinungaling. Kung paano yumuko para lang makaligtas.” Muling natahimik ang silid. “Wala kang magagawa ng Jennifer! Hindi man tayo magkabigo pero ako pa rin ang nagpalaki sa'yo! Ako pa rin ang nagbihis sa'yo! Ako pa rin ang nagpaaral sa'yo. At ako pa rin ang ama mo. Alalahanin mo ipinamigay ka lang ng mga magulang mo para i-barter. Itinuring kitang anak kahit matigas ang ulo mo! Kaya makinig ka sa akin. May usapan sa board,” wika niya. “Ipepresenta ka bilang shareholder. Kailangan mong magsalita, kahit kaunti lang. Ang detalye, ako na ang bahala. Sasamahan kita sa meeting.” Napailing ako bakit man ang katotohanan naipininta ako o ipinamigay ng tunay kong mga magulang. Mas masahod pa sila kay Mario. “Hindi ba ako dapat tanungin muna kung gusto kong maging bahagi ng lahat ng ito?” “Jennifer—” “Tanungin mo ako, Pa,” putol ko. “Ano ba talaga ang binabalak mo?” Nagtagpo ang mga mata namin. Hindi siya umiwas. Hindi rin ako. At sa pagkakatitig na ‘yon, naintindihan kong hindi na siya naghahanap ng anak. Naghahanap siya ng tagasalo. “Pinoprotektahan ko ang interes natin.” “Hindi natin. Ikaw. Interes mo. Business mo. Reputation mo.” Hindi ko napigilan ang sarili ko. “Mas madali kung hindi mo lalaliman, Jennifer. Tingnan mo na lang ‘to bilang oportunidad. Ilang tao ang binibigyan ng shares na ganyan? Wala kang ginawa. Pero narito ka. May kapangyarihan. Isang boto na puwedeng bumago ng direksyon ng kumpanya.” “Wala akong ginawa. At ‘yon ang problema,” sagot ko. “Pinilit mong maging sunud-sunuran ako, tapos ngayong may pakinabang na, bigla akong may value?” Tumigas ang panga niya. Hindi siya sanay sa ganitong tono ko. Pero hindi na ako ‘yong batang umiiyak sa sulok. Lumapit siya. Dahan-dahan. Parang uod na umuusad sa bulok na prutas. “Kung hindi ka susunod, baka hindi lang negosyo ang mawala.” At doon ko siya nakita. Ang totoo niyang anyo. Hindi bilang ama, kundi bilang kalaban. Bigla akong natahimik. Hindi dahil takot ako—dahil galit ako. Galit sa lahat ng taon na pinaniwala niya akong may halaga ako dahil anak niya ako. Ngayon, malinaw na. May halaga lang ako kapag kapaki-pakinabang. “Alam mo kung anong masama?” marahan kong wika. “Binigyan mo ako ng shares hindi dahil mahal mo ako… kundi dahil hindi mo kayang kunin ang boto mo gamit ang pangalan mo.” Tahimik siyang tumingin. Pero ramdam ko ang galit sa likod ng malamig niyang anyo. “Kung pupunta man ako sa board meeting na ‘yon,” dagdag ko, “hindi para sa ‘interes natin’. Pupunta ako para makita kung gaano kalalim ang gusto mong kalusin ang buhay ko. Para malaman ko kung ilang taon mo na akong ginagamit.” “Jennifer…” Hindi ko na siya pinatapos. “Sige, Pa. Susundin ko pa rin ang gusto mo. Dadalo ako sa meeting. Ipapakita ko sa'yo na karapat-dapat ako na maging anak mo!" Kinuha ko ang envelope mula sa mesa. Ang shareholder documents na galing sa RCA. Ang ebidensyang may niluto siyang pagmamaniobra. “Salamat sa shares,” malamig kong wika. “Pero kung magpupunta man ako sa RCA boardroom, hindi bilang anak mo.” “Anong ibig mong sabihin?” “Bilang shareholder,” sagot ko. “Bilang si Jennifer Morales.” At sa pagkakataong ito, umalis ako ng hindi lumilingon. Hinintay ko lang ako ni Papa at sampalin, pero nanatili siya sa kinapatayuan niya. Gagamitin ko ang opportunidad na ito, para maging karapat-dapat. Makakasalamuha ko ang mga kilalang negosyante sa Holand.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD