JETT
“Walang hiya ka!!” sampal ang inabot ko mula kay Mommy pagkarating na pagkarating pa lang nila sa hospital. “Anong ginawa mo kay Carcel?! Anong ginawa mo sa kanya, Jett?!” Hinawakan niya ako sa magkabilang braso at binaon ang mababa niyang kuko.
“M-Mommy!” mas lalo akong napahagulgol ng iyak. Kanina pa namamaga ang mga mga mata ko at kanina pa ako pinanghihinaan ng katawan. Simula nang sugurin si Carcel dito sa hospital hanggang ngayon ay hindi ko parin nagagawang tumahan.
Nagkalat parin sa puti kong damit at itim kong jacket ang mga dugo ni Carcel matapos siyang saklolohan kanina pagkatapos niyang mabangga ng truck. Marami sa mga nakakita ang agad ding sumaklolo. At dahil abot-kamay lang ang hospital ay kaagad siyang naisugod. Ngayon ay hindi parin lumalabas ang mga doktor at nurses mula sa operating room.
Lumuhod ako sa harapan ni Mommy sa labis na panlalambot ng aking mga tuhod. “S-Si Carcel… M-Mommy…. H-Hindi ko gustong mawala si Carcel… aahhh!! A-Ayaw ko, hindi ko matatanggap!!”
“Kasalanan mo kung bakit siya nandoon ngayon!! Dahil sa pagiging desperada mo, ganito ang nangyari! Palabas lang pala na tinanggap mo ang divorce! Dahil kung hindi, paano nangyari ang lahat ng ito, Jett?!!” pinagsasapok ni Mommy ang ulo ko. Ramdam ko ang galit niya.
“H-Hindi! Hindi gano’n ang nangyari!!” sinalag ko siya sa pamamagitan ng pagtago ng aking ulo sa aking mga braso. Napasalampak ako sa sahig dahil sa pananakit niya. “S-Sapat na sa akin ang divorce… tinanggap kong na kay Gia na si Carcel! S-Sa inyo na siya, kakayanin ko pa… p-pero hindi ko kakayanin kung tuluyan siyang mawawala!! M-Mommy… pleaseeee! Iligtas niyo siya Mommy!!” yumakap ako sa mga binti niya. “A-Ayoko ng ganito, mommy… pakiusap, iligtas niyo siya… pakiusap!!”
“Bwisit kang bata ka!” napasabunot si Mommy sa kanyang buhok. Namumula ang mukha niya na puno ng emosyon. “Bwisit! Bakit ba nangyari ‘to!!”
“Carcel!!! N-Nasaan si Carcel?!” Boses ni Gianna ang sunod na nangibabaw sa hallway. “Ate Jett!!! Anong ginawa mo kay Carcel, ha?!! Anong ginawa mo sa mapapangasawa ko?!!”
Sunod-sunod akong pinagtatadiyakan ni Gianna. “Aaahh!” sa kabila ng paninikip ng aking dibdib ay mabilis akong bumangon mula sa sahig para maproteksyunan ang aking tiyan. Niyakap ko ang sarili ko. May nanlalabong paningin akong humarap kay Gia. “A-Aksidente ang nangyari, Gia! A-Ako, ako dapat ‘yung mabubunggo ng truck, pero niligtas ni Carcel ang buhay ko—-”
“Hayop ka!! Kasalanan mo pala!!” bigla niya akong sinugod at mabilis na hinila ang buhok ko. Umikot ang paningin ko sa malalakas niyang pagsabunot sa akin. “Gusto mong patayin si Carcel, ha?!! Demonyo ka, Ate!! Napakasama mo!! Nananahimik na kaming dalawa at malapit na kaming ikasal!! P-Pero sobra ka! Gusto mong tanggalan ng ama si Gigi!! Napakasama mo, Ate Jett!!”
“T-Tama na! Tama na!!” malakas akong sumigaw sa pag-iyak nang ihambalos niya ang likod sa pader. Hindi ko pinakawalan ang aking tiyan sa pagkakayakap sa takot na mapuruhan iyon. “A-Ahhh… h-hindi ko gustong mangyari sa kanya ‘yon… m-maniwala kayo… hindi ko siya gustong mawala!! M-Mommy, pleaaseee… ayaw ko naman ng ganito eh!!”
Dinuro ako ni Gia. “Hinding-hindi kita mapapatawad, Ate Jett! Simula sa araw na ito, pinuputol ko na ang koneksyon ko sa iyo! Hinding-hindi na kita kapatid! Wala akong kapatid na mamamatay tao!! Napakasama mo!!”
“G-Gia! Aksidente ‘yon—”
“Sige nga?! Bakit kayo magkasama ni Carcel, ha?! Hindi mo ba ito palabas, Ate Jett?! Tinawagan mo ba siya para puntahan ka niya at gawin ito sa kanya?!”
“H-Hindi ko alam ang sinabi mo!”
“Huwag ka nang mag-maangmaangan, Jett!” Si Mommy ang nagsalita. “Siguro, may pinaplano kang gawin, ano? Kaya nauwi sa ganito! Magkakadugo tayo kaya imposibleng hindi ko makukuha iyang nasa isipan mo!”
Napaiyak ako sa aking palad. Sa bato na parang nakabara sa aking lalamunan ay hindi ko magawang maipagtanggol ang sarili ko sa pakikipagtalastasan sa kanila. Para paring pinipiga ang puso ko. Wala akong ibang ginawa kundi ang magluksa sa nangyari.
Nakita ko kung gaano karami ang dugong lumabas mula sa katawan ni Carcel. Nakita ko rin ang malaking basag sa kanyang ulo. Natatakot ako. Natatakot ako na ikamatay niya iyon. Natatakot ako na sa oras na lumabas ang mga doktor sa operating room ay isang masamang balita ang maririnig ko.
Oo sinusumpa ko si Carcel sa ginawa niya sa akin. Ilang beses ko siyang gustong saktan sa isipan at damdamin ko. Pero hindi sa puntong ikamamatay niya. Hindi baleng wala na siya sa piling ko. Ayos na iyon sa akin. Huwag lang ang isipan na tuluyan na siyang mawawala sa mundo!
Ang lalaking minahal ko ng ilang taon… naging buhay ko… paano ko matatanggap ito?
Hindi… hindi ko ‘to matatanggap!!
______
A WEEK LATER…
“Itinatakwil ka na ng pamilya, Jett.” wika ni Daddy nang tangkain kong pumasok sa hospital room kung nasaan naka-confine si Carcel.
“Daddy naman,” nagsusumamo ko siyang tiningala.
“Kung ako sa iyo ay huwag ka nang magpapakita rito. Malaki ang galit sa iyo ni Grace at Gia. Isa pa, kapag naabutan ka ni Malou rito ay paniguradong aabutin ka ng pananakit niya. Tingnan mo, hindi pa nga gumagaling iyang pasa at kalmot sa mukha mo. Gusto mo pa bang dagdagan?”
May nanunuyo na lalamunan akong tumugon. “G-Gusto ko lang namang makita si Carcel at tingnan kung maayos na ba ang lagay niya.”
“Maayos?” marahas siyang nagpakawala ng hininga. “Comatose si Carcel at potentially at risk ang brain dead ng kondisyon niya.”
Natakpan ko ang aking bibig at tahimik na umiyak. “W-Wala na ba talagang ibang balita, Daddy?”
“Jett, anak.” may mabigat na kalooban niyang pinatong ang magkabila niyang kamay sa aking balikat. Kapagkuwan ay pinunasan niya ang mga luha ko gamit ang dalawang hinalalaki niyang daliri.
“D-Daddy…” nanginig ang mga labi ko at mas lalong napaluha. “A-Ayaw mo na rin ba sa akin, daddy? Galit ka rin ba sa akin kaya tinatakwil mo na ako?”
“Ikaw ang panganay ko, kaya hindi madali sa aking paalisin ka sa pamilya, anak.” seryoso niyang saad. “Pero sana maunawaan mo, na pinapaalis na kita ngayon para na rin sa ikabubuti mo. Masyado ka nang bugbog sarado kina Gia at Grace. Hindi rin kita maprotektahan mula kay Malou. Mas mabuti pang sa Lola mo na lang ikaw magtago, naiintindihan mo? Gusto ko ring ihanda mo ang sarili mo sa kung ano man ang mangyari kay Carcel. Walang katiyakan kung hanggang kailan na lang siya mabubuhay. Lalo na ngayong nakadepende na lang ang bawat paghinga niya sa mga makina.”
Nalunod ako sa pagluha sa kanyang harapan. “M-Mahal na mahal ko si Carcel, daddy… sobrang sakit ng dibdib ko… h-hindi ko yata kakayanin kung mawawala siya… a-ayaw ko, daddy…”
Hinawakan ni Daddy ang aking tiyan na nakatago mula sa malaki kong jacket. “Kayanin mo. Para sa kanya.”
“D-Dad…” natigilan ako.
Ngumiti siya at hinalikan ako sa aking noo. “Sana makilala ko balang araw ang apo ko sa iyo. At sana mapatawad niya din ako dahil nasaktan ko ang magiging Mommy niya sa pagtago ng relasyon nila Carcel at Gia.”
Parang bata, malakas akong ngumawa sa sinabi niya. Kung kaya’t mabilis niya akong niyakap nang mahigpit. “Wala akong pagsasabihan, anak… that’s the least I could do as your father. I’m sorry sa lahat, Jett.”
“Daddyyy…”